Shattered Heir — Kairo’s POV)

988 Words
“Hindi ka dapat nandito.” Hindi ko alam kung sinabi ko ’yon para sa kanya, o para sa sarili ko. Narinig ko ang mahinang pagsara ng pinto sa likod ko, ang halos hindi marinig na hakbang ng paa niya sa marble floor ng penthouse. Gabi na naman. Laging gabi kapag ang mga multo ang mas maingay kaysa sa katotohanan. “Hindi ako nandito para manghimasok,” sagot ni Yanna, mababa ang boses. Hindi takot. Hindi rin galit. Parang… nag-aalangan. “Narinig lang kita.” Humigpit ang hawak ko sa baso ng whiskey. Napatawa ako...isang tawang walang saya. “At ano’ng narinig mo? Isang baliw na kausap ang sarili?” Tahimik siya. Mas masakit ang katahimikang ’yon kaysa sa kahit anong sagot. “Akala ko sanay ka na,” dagdag ko, hindi ko pa rin siya nililingon. “Ito ang mundo ko. Mga lihim. Mga kasinungalingan. Mga taong nakangiti sa harap mo pero tinutusok ka sa likod.” “Kairo…” Mahina. Maingat. Parang tinatapakan niya ang bubog. “Kanina ka pa umuungol ng pangalan niya.” Napapikit ako. Ang pangalan na ayokong marinig kahit kanino. “Father,” bulong ko, parang sumpa. Sa wakas, humarap ako sa kanya. Nandoon siya sa gitna ng sala, suot pa rin ang oversized sweater na ibinigay ko...hindi ko alam kung bakit ko ’yon ginawa. Hindi bagay sa mundo ko ang isang tulad niya. Masyadong totoo. Masyadong malinaw. “Lahat ng meron ako,” sabi ko, masyadong mabilis ang mga salita, parang kung titigil ako’y mawawasak ako, “itinayo sa dugo at kasinungalingan ng lalaking ’yon.” “Kairo...” “Hindi,” putol ko. “Hayaan mo akong tapusin. Isang beses lang. Kasi kapag tumahimik ako ulit, babalik na naman ako sa pagiging… ito.” Itinuro ko ang sarili ko. Ang maskara. Ang pangalan. Ang reputasyon. Lumapit siya ng isang hakbang. Tumigil. “Sige.” Huminga ako nang malalim. “Alam ng lahat na si Valentin Valencia ang simbolo ng integridad. Philanthropist. Visionary.” Napangisi ako. “Pero alam mo ba kung ilang pamilya ang gumuho para lang umangat ang Valencia Group?” Hindi siya umimik. Nakatingin lang. Nakikinig. “Bata pa lang ako,” pagpapatuloy ko, “alam ko na. Naririnig ko ang mga tawag sa gabi. Nakikita ko ang mga dokumentong biglang nawawala. Mga taong biglang ‘nag-resign’ o ‘lumipat ng bansa.’” Nilagok ko ang alak. Mapait. Kulang. “May isang lalaki,” sabi ko, at naramdaman kong nanginginig ang kamay ko, “na tinuring kong tiyuhin. Siya ang nagturo sa’kin kung paano maglaro ng chess. Isang umaga, sinabi nilang naaksidente siya.” Lumapit si Yanna. Hindi na siya tumigil. “At hindi ’yon aksidente.” Tumango ako. “Tumanggi siyang pumirma.” Tahimik ang buong penthouse, maliban sa t***k ng dibdib ko. “Lahat ng iniwasan kong maging,” sabi ko, “nanggaling sa kanya. Lahat ng sinumpa kong hindi uulitin...ginagawa ko na rin.” “Kairo,” sabi niya, mas matatag ngayon, “hindi ka siya.” Napatawa ako ulit. “Ganyan din ang sabi ko sa sarili ko araw-araw.” Lumapit siya hanggang isang hakbang na lang ang pagitan namin. Naamoy ko ang kape sa hininga niya. Kanina pa pala siyang gising. “Kung hindi ka siya,” tanong niya, “bakit mo hinahayaan na patuloy ka niyang sirain?” Sumikip ang dibdib ko. Iyon ang tanong na ayokong sagutin. “Dahil kung titigil ako,” sagot ko sa wakas, “may mas masahol pang mangyayari.” “Mas masahol kaysa sa ginagawa mo sa sarili mo?” balik niya. Matalim. Totoo. Nakakagalit. “Hindi mo alam ang presyo ng digmaan na ’to,” sabi ko, humakbang palayo. “At ayokong madamay ka.” “Pero nandito na ako,” sabi niya. “Matagal na.” Napatingin ako sa kanya. Sa mga mata niyang walang takot kahit alam niyang may apoy sa pagitan namin. “Bakit?” tanong ko, halos pabulong. “Bakit hindi ka umalis?” Ngumiti siya nang kaunti. Hindi masaya. “Kasi may nakita ako kanina.” “At ano ’yon?” “Isang lalaking pagod na pagod na magpanggap.” Parang may bumagsak sa loob ko. “’Wag mo akong kaawaan,” sabi ko agad, bumalik ang talim sa boses ko. “Hindi ko kailangan ’yon.” “Hindi ito awa,” sagot niya. “Pagkilala.” Mas masahol pa. “Tigilan mo,” sabi ko. “Huwag mong subukang intindihin ako.” “Bakit?” tanong niya. “Dahil baka magustuhan kita?” Nanlaki ang mata ko. Tumigil ang mundo. “Hindi,” mariin kong sabi. “Dahil sisirain kita.” Tahimik siya sandali. Pagkatapos, marahan niyang sinabi, “O baka ikaw ang sisira sa sarili mo, at ayaw mo lang na may makakita.” Lumayo ako. Masyadong malapit. Masyadong delikado. “Umalis ka,” sabi ko, mababa pero malinaw. “Kairo... ” “Umalis ka,” inulit ko. “Bago ko masabi ang mga bagay na hindi ko na mababawi.” Hindi siya agad gumalaw. “At pagkatapos?” “Pagkatapos,” sabi ko, pilit na bumabalik ang maskara, “babalik tayo sa kung ano tayo dapat.” “Na ano?” Nagtagpo ang mga mata namin. Alam naming pareho ang sagot. “Isang kasunduan,” sabi ko. “Isang palabas.” May kung anong kumurap sa mata niya....sakit, galit, at isang bagay na mas delikado. “Kung palabas lang,” sabi niya, “bakit parang totoo ang galit mo?” Hindi ako sumagot. Huminga siya nang malalim. “Sige,” sabi niya sa wakas. “Pero tandaan mo ’to.” “Ano?” Huminto siya sa pinto, hindi lumilingon. “Hindi kita kinakaawaan, Kairo Valencia.” Bumukas ang pinto. “Pinipili kitang makita.” At bago pa ako makasagot...nawala siya. “Huwag mo akong piliin,” bulong ko sa sarili ko, habang ang katahimikan ay muling bumabalot, “dahil kapag ginawa mo… hindi na kita pakakawalan.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD