Kabanata 02

2177 Words
 Tandang tanda pa niya ang lahat;   Masakit gunitain subalit parang agos ng tubig na dumalayday sa kanyang gunita ang nakaraan. Katatapos pa lamang niya sa kolehiyo. Kasalukuyan silang magkakasabay na kumakain sa hapag-kainan ng mansyon ng mga Angeles.   “Irene Maeee!” mabalasik na sigaw ng kanyang Lolo ng malaman nito na luluwas siya ng Maynila.   “Susunod ka sa kagustuhan ko, alam ko ang tama para sa inyo. Ayaw ko ng suwail na apo. Lahat ng luho at kailangan n’yo sa buhay ay ibinibigay ko. Hindi mo ba naiisip na lahat ng kayamanang ito ay sa inyong tatlong magkakapatid lang mapupunta? Hindi ako papayag sa gusto mong mangyari pinagbigyan na kita tama na iyon,” matigas na pahayag ng kanilang Lolo.    “Eh Lolo, babalik din po ako agad, sayang naman ang modeling career ko. Sa Europa na po ang susunod naming fashion show,” pangungumbinsi niya sa matanda kahit wala pang kasiguruhan kung mangyayari nga ang plano ng kanilang manager. Sa lahat ng mga taong nakakaharap ng matanda, siya lang ang may lakas ng loob na baliin ang kagustuhan nito. Nakuha niya marahil ang lakas ng loob na makipag katuwiranan sa kaniyang Lolo, dahil noong maliit pa siya ay halos kasa-kasama siya ng mga ito sa anumang lakaran at madalas kahit sa pagtulog ay nakapagitan siya sa dalawang matanda, dahil siya ang kasiyahan ng mga ito. Sa biglang tingin tila siya ang spoiled brat sa kanilang tatlong magkakapatid kahit hindi siya ang bunso.   “Wala akong pakialam sa fashion show na yan! Kailangan ka na dito. Naghihintay na ang posisyong nakalaan sayo. Pinag-aral ka namin dahil kayo ng kuya mo ang nakatalagang humawak ng ilang sensitibong posisyon,” dagdag pa ng matanda.   “Lolo naman, hindi ko naman po gusto iyong kursong pinakuha ninyo sa akin. Pasensya na po hindi ko po kayang sundin ang utos nyo.” animo’y nagmamaktol na sagot niya sa tinuran ng matanda.   Nanlaki ang mata ng matanda sa tinuran ng apo pakiramdam niya nilapastangan siya nito.  ”Ah ganon! P’wes lumayas ka! Hindi ka nababagay sa aking angkan.” Pasigaw na wika ng kaniyang Lolo sa hapag kainan habang iwinasiwas ang kamay  papalayo.   Bumulwak na ang pinipigilang galit ng matanda sa dalagang apo. Halata sa mabalasik na anyo nito at sa matalim na tinging walang kakurap-kurap sa dalaga habang nagtatagisan ang mga bagang.  Walang gustong mamagitan sa palitan ng usapan ng mag-Lolo. Ang kanyang Lola ay ipinagpatuloy lang ang pagkain. Pati ang kanyang Ina at Ama ay tahimik na lang na nakikinig sa kanilang usapan, ang kanyang Kuya naman ay parang pinitpit na luya.   Ganito ang eksena kapag nagsasalita na ang kanilang Lolo walang pwedeng bumali, kahit ang kanyang ina na sariling anak nito ay hindi na lang kumikibo, lalo na ang kanyang Ama na itinuturing na sampid lang, dahil dating empleyado lamang ng mga Angeles ang kanyang Ama. Subalit dahil sa angking husay nito sa negosyo ay humanga ang kanilang Lolo dito, kaya’t ng malaman nito na nagkakamabutihan na ang kanyang Ama at Ina ay ito pa ang nagtakda ng kasal ng kanyang mga magulang, kahit hindi pa handa ang mga ito sa kani-kanilang mga damdamin. Naaalala pa nga ng dalaga na minsan nagkwento ang kanilang Ina na magkaibigan lang daw talaga sila ng kanyang Ama. Subalit ng mag-usap ang kanilang mga magulang tungkol sa kasal nila ay hindi na sila nakatotol pa.   Bagama’t may kaya din naman sa buhay ang kanyang Ama, dahil anak ito ng dating alkalde ng kanilang bayan ay wala sa kalingkingan ang yaman ng mga ito sa yaman ng mga Angeles na namana pa ng lolo nila sa mga magulang na sina Don Roman Angeles at Doña Graciana na nabiyayaan ng dalawang anak na lalaki. Panganay na anak ang kanyang Lolo na isang haciendero.   Patakbo siyang umalis ng komedor kahit hindi pa tapos ang pagkain. Naabutan siya ng Ama  na umiiyak sa kanyang silid habang nakadapa sa kama.   “Anak pagpasensyahan mo na ang Lolo mo. Dapat hindi mo na lang siya sinagot pa,” wika ng Ama habang hinahaplos haplos siya sa likod.   “Hija alam mo namang tutol ang Lolo mo dati pa na sumali ka sa mga fashion show na yan, hindi ka yayaman d’yan asikasuhin mo na lang ang negosyo para walang gulo,” dagdag pangungumbinsi pa nito sa kaniya.   “Yon ang hirap sa inyo eh, wala kayong karapatang gawin ang gusto nyo tumanda na kayo sa pagsunod sa mga gusto nila.” Humihikbing sagot niya sa Ama.   Naramdaman niya na napayuko na lang ang Ama dahil alam nito na nagsasabi siya ng totoo. “Pasensya na po Pa, Hindi ko po gustong sagutin si Lolo kanina, pero hindi na po magbabago ang gusto ko doon po ako masaya, pabayaan nyo nalang po ako.”   “Anak hindi mo naiintindihan ang sinasabi mo, para din naman sa inyo ang lahat ng ito,” narinig niyang wika ngIina na kanina pa nakatayo at nakikiramdam lang.   “Ma! Alam ko po, pero hindi lang naman kayamanan ang makakapag paligaya sa tao. Wag nyo sanang isiping matigas ang ulo ko, pero kahit itakwil nyo pa ako hindi nyo na ako mapipigilan dahil iyon ang buhay ko. Gaya ng sinabi ko doon po ako masaya,” matigas na pahayag ng dalaga na ipinaglalaban ang kanyang prinsipyo.   Bumangon siya at inumpisahan ng mag-impake ng kanyang mga damit. “Aalis ako bukas na bukas din total naman pinapalayas na niya ako eh. Ipapakita ko kay Lolo na hindi ko kailangan ang pera ninyo. Si Kuya na lang ang tulungan nyo siya naman lagi ang mabait dahil sunod sunuran lang sa inyo.”   Malakas ang loob niya na sabihin iyon dahil alam niya na hindi rin nasunod ang pangarap ng kanyang Kuya na maging piloto. Isinuko rin nito ang pangarap sa kagustuhan ng matanda na kumuha ng kursong may kinalaman sa pagnenegosyo.   Napabuntong hininga na lang ang kanyang mga magulang. At magkasunod itong lumabas ng kaniyang kwarto. Iniisip marahil ng mga ito na hindi na siya kayang pigilan sa gusto niyang gawin sa buhay niya.   ====   Kinaumagahan bago pa lang ngumingiti ang araw sa silangan nagpasya na siyang lumuwas ng Maynila. Hindi na niya nagawa pa na magpaalam sa kanyang mga magulang at kapatid. Babalik siya sa bahay ng kanyang Manager na si Art Valentin sa Maynila (Ang sikat na baklang designer na siyang tumatayong manager nila.)   Nadaanan niya ang kanyang Lola na gising na. Naglalakad-lakad ito sa bakuran. Bagamat lampas 60 years old na ito subalit malakas pa dahil ma-alaga sa pagkain ang matatanda at mahilig pang mag-jogging.   Hila-hila niya ang de-gulong na maleta, nilapitan niya ang matanda, “Lola! good morning po, magpapaalam na po ako.”   Walang reaksiyong sinulyapan lang siya ng matandang babae, walang salita na kahit anuman na itinugon ito sa kaniya. Nahulaan niya na marahil ay nagdamdam din ito sa naging desisyon niya. Iniwan na niya ito at nagpahatid na siya sa kabayanan sa isa sa mga driver nila.   Habang binabagtas nila ang daan ng mansyon na napapalibutan ng mga nakahilerang pinyahan, biglang huminto ang sasakyan ng makasalubong nila ang matandang lalaki na nakasakay sa kabayo.   “Berto! bakit ka tumigil? ihatid mo na ang walang utang na loob na babaeng yan kung saan niya gustong pumunta,” matigas na utos nito sa driver.   Sa sulok ng kanyang mata ramdam niya ang matalim na tingin sa kanya ng matanda.  “Mula ngayon dalawa na lang ang itinuturing kong apo,” huling wika nito na narinig niya bago nito muling pinatakbo ang sinasakyang kabayo.   Masakit ang salitang narinig niya mula sa kanyang Lolo na umaalingawngaw sa kanyang malungkot na kaisipan habang binabagtas nila ang maalikabok na kalsada patungo sa bayan. Habang daan tumutulo ang kaniyang luha. Hindi siya nanghihinayang sa kaniyang naging pasiya kahit ramdam niya na mag-isa na lamang siya sa kanyang lakad mula sa mga oras na iyon. Babaunin niya ang huling katagang iyon ng kanyang Lolo upang maging hamon para makamit ang tagumpay sa pinapangarap na propesyon.   Isang mahinang anas na lamang ang nasambit niya ng magpaalam sa matandang driver ng Highlander. “Mang Bert, balang araw ipagmamalaki din po nila ako. Patutunayan ko sa kanila na kaya kong mabuhay ng mag-isa at hindi lang kayaman ang nakakapagpasaya sa tao,” luhaan subalit matigas ang anyong wika niya sa matandang driver.   Napansin niyang mangiyak-ngiyak din ang matanda pakiwari niya ay ramdam din nito ang bigat ng kaniyang kalooban. “Nalulungkot ako dahil para na rin kitang anak. Mag-iingat ka saan ka man dalhin ng iyong kapalaran. Magpapakabait ka ha,” ma-emosyong tagubilin ng matanda na parang paalala ng isang ama sa anak. Kilala nito ang kanyang pagkatao dahil nasubaybayan siya nito mula pagkabata hanggang sa magdalaga. Buong buhay ng matanda ay halos nagugol na nito sa pagsisilbi sa kanila.   “Akala ko dukha lang ang nagkakaproblema sa tatahakin nilang landas pati pala mayayaman.” Naulinigan pa niyang anas ng matanda na napailing na lamang habang minamasdan siyang papalayo.    Paano nga ba siya nakapasok sa kakaiba at hinahangaang propesyong iyon na bihirang-bihira lang ang nagiging matagumpay?    Nag-umpisa noong napilitan siya sa pagsali sa paligsahan sa eskwelahan sa patimpalak-kagandahan, dahil sa udyok at suporta na rin ng kanyang mga kaklase during high school. Nasa ikatlong grado siya ng mataas na paaralan ng una siyang sumabak at pinalad na tanghaling Grand winner.  Hanggang sa magkolehiyo ay nakahiligan na niya, dahil halos dominante niya ang mga ganitong patimpalak. Kumbaga angat siya sa laban dahil sa pambihira niyang katangiang pisikal. Siguro dahil iyon sa namumukod tanging ganda na taglay niya na namana sa magkahalong dugong kastila ng angkan ng mga Florendo mula sa kaniyang Ama at ilang porsyento ng chinese mestisa mula sa mga Angeles na kanyang Ina, dahil ang kanyang Lola ay half pinay, half chinese.   Sa mga dugong ito marahil niya nakuha ang pambihirang kinis at kaputian ng mamula-mula niyang balat na bumagay sa maliit na biluhabang mukha na may matangos na ilong at malamlam na malalaking mata. Kahit anong gawin niyang pagpapa-unat ng kanyang mamula-mulang buhok ay bumabalik din ito sa bahagyang pagiging alon-alon   Habang nag-aaral nahumaling siya sa kanyang ginagawa at nag-e-enjoy siya sa pagsali sa mga patimpalak, dahil pagmomodelo ang unang prayoridad sa listahan ng kanyang mga pangarap.   Bago matapos ng kolehiyo may isang modeling agency na nag-alok sa kaniya upang maging isa siya sa mga talent ng mga ito na agad naman niyang tinanggap. Naging mapalad siya na mapabilang sa grupo ng mga buhay na manikin na wala ginawa kundi ang magtanghal sa iba’t-ibang bansa. Naglalakad sa ibabaw ng entablado(Catwalk) at humaharap sa napakaraming  lente na may nagkikislapang ilaw na sout-sout ang mga; damit, sapatos, sumbrero na gawa ng kung sino-sinong sikat na Fashion designer sa mundo. Minsan may kilik o bitbit pa na bag na wala namang laman.    Hinubog ng mga nakakapagod at nakakabagot na karanasan sa ibang mga bansa ang pagkatao niya bilang mahusay na modelo.  Noong baguhan pa siya nasubok kung gaano siya ka-dedicated sa kanyang propesyon sa isang Midnight Lingerie show nila sa labas ng bansa.  Sa mga paligsahan normal na sa kaniya ang maglakad sa entablado na pang ilalim lang ang saplot dahil bahagi ito ng swimsuit competition, subalit sa pagkakataong iyon bilang baguhang modelo, hindi niya mawari ang kanyang pakiramdam. Giniginaw siya pero pawisan, dahil silag at napakanipis na damit pantulog ang kanyang kasuotan na kung tawagin ay See through Night Dress lingerie, at wala rin siyang undergarment na suot. Mabuti na lamang at malamlam ang mga ilaw sa paligid at hindi masyadong ipinupokos sa kanya ang camera na ipinapalabas ng live sa television. Marami ang humanga dahil matagumpay niyang naipakita sa publiko ang kagandahan ng kasuotang iyon. Dahil doon  kalaunan ay naging normal na lamang sa kanya ang mga ganong pagganap at napabilang na rin siya sa hanay ng mga Professional Fashion Model na ang katawan ay nakabalandra palagi sa mga imported na magazine.   Dahil sikat na Ramp Model naging madali sa kanya na maging Commercial Model. Mayroon siyang mga ilang maikling panoorin na isinisingit bilang patlang ng mga palabas sa telebisyon maging sa Pilipinas o sa labas ng bansa. Halimbawa na lang nito ay ang  ipinakita na ini-ispray niya sa katawan ang likido mula sa bubog na botelya na mapapanood sa mga palabas sa bansa ng mga Arabo. Sa maikling patalastas na ito ay nagkukunwari siyang gustong-gusto niya ang kahali-halinang aroma batay sa masayang ekspresyon ng mukha habang nakapikit na animo’y umaamoy ng singaw ng masarap na luto. Subalit sa realidad ay may matapang at nakakasulasok na amoy.    Napakarami niyang inindorsong produkto na karamihan ay mga pampaganda ng kutis na kung tutuusin ay kalabisan na lamang ang pag-gamit sa tunay na kahulugan ng maganda. Mukha pa niya ang nakatatak sa etiketa ng botelya o mga plastik na lalagyan nito subalit karamihan ay hindi naman niya ginagamit.   Naging matagumpay man siya sa napiling propesyon subalit naging dahilan naman ito upang unti-unting kumapal ang pader na humaharang sa pagitan niya at ng kanyang pamilya na naging sanhi rin upang halos mawalan na sila ng komunikasyon.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD