Nang sapitin nila ang lugar pinakiramdaman muna nila ang kapaligiran.
”Mukhang tahimik nga dito sistah ayos itong napili mo ah."palinga lingang anas ni Irene.
“Oo basta ako ang nag-suggest siguradong maayos.”
“D’yan ka magaling, Suggestion mo nga pero ako naman lagi ang gumagastos." apela ni Irene sa kaibigan.
“Aba natural! Ikaw itong mapera eh."
“Tama na nga yan iparada mo na tong kotse.”
“Yes po ma’am”
Ito ang mahirap kapag may pangalan kang iningatan hindi ka pwedeng pumunta na lamang sa basta bastang lugar. Unang-unang kailangan ang privacy na malayo sa karamihan. Minsan pwede silang pagkaguluhan at lalong iniiwasan nila ay ang mabastos ng kung sinumang lalaki na lumalabas ang kagaspangan ng ugali kapag nasa ilalim na ng espiritu ng alak.
Nang nasa harap na sila ng gusali kapwa sila napatingala bago akyatin ang roofdeck kung nasaan ang Resto Bar ng isang bagong gawang commercial building na ito sa pusod ng D-fort na sakop ng siyudad ng Taguig.
Labing apat na palapag ang taas nito, Sa ibabang bahagi napansin nila ang mga commercial establishment na kinabibilangan ng mga Car Showroom at display ng ilang imported Office Equipment. Nahulaan nila na ang mga susunod na palapag ay mga Business Offices ayon sa mga nakapaskil na mga pangalan ng iba’t ibang kumpanya sa malaking signage nito sa Gilid.
Kabilang sa signage ang pangalan ng Bar and Restaurant sa roofdeck na kanilang pakay na isinunod sa apelyido ng may-ari ng gusali.
Mayaman na ang negosyante na may ari ng building na ito na dati ring Ramp Model na kaibigan ng kanilang manager na si Art.
“Kailan kaya tayo magkakaroon ng ganitong building?” Anas na tanong ni Irene sa kaibigan ng aktong papasok na sila sa gusali.
“Depende kung kailan mo gusto. Hindi yon imposible sa isang gaya mong Milyonarya,” Seryosong sagot ni Nouer.
“Ayan na naman tayo nagsisimula ka na namang mang-asar.” Hindi sang-ayong balik ni Irene kay Nouer na nakasimangot habang pinipindot ang illuminated na arrow-up sa harap ng Elevator.
Napangiti na lang ng bahagya si Nouer sa inaasal ng kaibigan na animo’y kinikilabutan kapag sinasabihan niya ito na isa itong Milyonarya.
Nang iluwa sila ng elevator sa lugar namangha sila sa hitsura nito. Napakatahimik lalo na at bihira pa lamang ang nakikita nilang tao sa loob.
Binati sila ng lalaki sa may pinto na nakadamit ng makalumang kasuotan na tila ba isang guardia Civil sa panahon ng mga kastila.
Weird kung iisipin ang naging set-up nang club na ito dahil sa makalumang disenyo nito na tila ba bumabalik ka sa mga panahong hindi pa masyadong mataas ang paglago ng teknolohiya. Magkagayon pa man napaka-disente ng lugar at hindi nakakabulahaw ang malamyos na tunog na nagmumula sa High fidelity Audio Sound System ng Main bar sa ibabang palapag ng roofdeck dahil Airtight at Soundproof ang mga salaming dingding nito.
Sa unang malas ay masasabing hindi para sa publiko ang lugar na ito dahil hindi lahat ay pwedeng makarating dito kundi iyon lamang may sapat na pera. Sapagkat napansin nila ang halaga ng mga inumin at pagkain dito na nakasulat sa menu signage na nakadisplay sa mga gilid. Halos limang ulit ang taas kaysa ordinaryong presyo na kabaliktaran sa makalumang ambience ng lugar na animoy dadalhin ka pansamantala sa kakaibang dimension ng pamumuhay.
“Magandang gabi po mga binibini” Salubong ng isang lalaki.
“Hmmm mukhang masarap ngang magrelaks dito sis tara sa itaas.” Pagyaya ni Nouer.
Umakyat sila sa Spiral na staircase papunta sa itaas habang ginigiyahan ng lalaking sumalubong sa kanila.
“Wow! ang sarap dito napakatahimik” Buong paghangang wika ni Irene habang iginagala ang paningin sa paligid. Napansin niya na sila pa lamang ang kauna unahang customer na nandoon.
Kaaya-ayang pagmasdan ang lugar, may pagka-romantic dahil sa malamlam ang mga ilaw sa palibot. Masarap rin sa balat ang dapyo ng malamig na simoy ng hangin dahil open area ito. Mga grills lamang ang nagsisilbing barandilya o harang at sa tabi ay may mga iba’t ibang klase ng halaman.
Malalaking tila payong lamang ang nagsisilbing bubong sa ilang pabilog na mesa na nakakalat sa kabuuan ng rooftop na ito. Sa isang gilid ay may maliit na bahay kubo na para bang napakasarap pagpahingahan subalit mas pinili nila ang ibang lugar.
“Sis sakto doon tayo oh, Bakante iyong dulong mesa sa corner,” Wika ni Nouer habang inginunguso ng sinasabing niyang ispasyo.
Pagkaupo nila tinawag ni Nouer ang isang lalaking nakadamit ng kamesa de tsino na nakatayo sa gilid.
“Waiter.”
Lumapit ito at inabutan sila ng Menu book.
“Manong wala po ba ditong Lambanog?” Pagbibiro ni Irene sa lalaki habang pinapasadahan ng tingin ang Menu Book.
Napangiti na lang ang lalaking taga silbi at napakonot noo na lamang si Nouer sa tinuran ng kaibigan.
“Two Double Margarita Mexican Martini cocktails.”
“Sis malalasing tayo ayoko niyan Plain Brandy na lang ako.” Totol ni Irene sa order ni Nouer.
“Huh! Gaga, alam mo ba ang inoorder mo?” Tanong ni Nouer sa kaibigan habang nakataas ang kilay nito.
“Walang basagan ng trip”
“Bahala ka nga, Isang Cocktail at isang Brandy." Iiling-iling na lang si Nouer sa inaasal ng kaibigan na mas matapang pa pala ang gustong alak pero ayaw daw malasing, mukhang may naamoy siyang hindi maganda sa gawi nito na parang nahihiwatigan na niya na nahihiya lang itong sabihin sa kanya. Dahil alam nitong katakot takot na pang-aasar lang ang gagawin niya dito sa halip na payuhan.
“Maroon pa po ba Ma’am?” Tanong ng waiter matapos ilista ang kanilang order.
“That’s It, Thanks.”
Pagtalikod ng waiter binalingan ni Nouer ang kaibigan, “May problema ka ba? Pwede naman nating pag-usapan yan ah wag kang humiram ng tapang sa alak.”
Napangiti ito ng bahagya“ Magtigil ka nga, trip ko lang uminom, Okey lang na malasing ako ikaw naman ang magmamaneho eh, at saka kapag hindi na natin kayang mag-drive lakarin na lang natin pauwi."
“Haler! wala tayo sa Paris nasa Pilipinas tayo kahit na kalahating kilometro lang ang layo ng bahay mo dito ay maraming pwedeng mangyari satin bago pa tayo makarating ng bahay mo. Ayaw kong mapariwara ang dangal ko girl exclusive lang ito sa magiging hubby ko,” Nakataas ang kilay na litanya ni Nouer.
“Hmm ang arte mo girl, nangarap na naman ang walang BF.” Muling patutsada ni Irene.
“Yon ang alam mo, ikaw lang naman ang wala, may reserve ata ako.” Nagmamalaking wika ni Nouer habang inaayos ang pagkakaupo.
“Sino! Iyong probinsyanong kababayan mo na naman? Tiyaga niya talagang mag-antay girl, pakilala mo nga sakin yan at nang makilatis ko kahit sa video call lang.”
“Saka na! pag kami na.” Matigas na totol ni Nouer.
“Ayon, hindi pa nakainom umamin na, pantasya lang pala. Hindi kaya iyon mainip nang kakahintay sayo at maghanap na ng iba?” Pambubuska ni Irene na may kasamang halakhak.
“Eh di maghanap siya sa ganda kong ito matatakot ako? Sigurado kahit pedicab driver may papatol naman sakin” Supladang sagot ni Nouer sa kantiyaw ng kaibigan.
“Ang kaso nga imposible kang ligawan ng pedicab driver, dapat ikaw ang manligaw sa kaniya para hindi siya mag-alangan. Iyon nga lang wag ka sana niyang mapagkamalang baliw,” dagdag pambubuska pa ni Irene sa kaibigan habang patuloy na pinagtatawanan niya ito.
“Gaga!” Singhal ni Nouer kay Irene.
Inilapag ng pangiti-ngiting waiter ang order nila dahil kanina pa ito nakakaulinig sa usapan ng magkaibigan.
“Single ka pa ba Manong?” biglang naitanong ni Irene dito.
“Sorry mam married na po”
“Sayang type ka pa naman nitong friends ko.” dagdag pa niya.
“Ouchhh!"biglang nasambitla ni Irene, Naramdaman kasi niya ang pasimpleng pagtapak ni Nouer sa bubong ng kaniyang paa.
“Manong biro lang ha.” Bawi ni Irene sa kanyang pagbibiro.
“Okey lang po ma’am sanay na po ako, Nakakatuwa nga kayong mag-usap walang ka arte-arte sa katawan. Idol nga po kayo nong asawa ko kaya pwede po bang..." Naputol ang sasabihin sana ng waiter ng mapansin niyang kinakawayan siya ng mga bagong dating na guest sa kabilang gilid.
“Excuse po maiwan ko muna kayo” Magalang na pamaalam ng waiter sa kanila. Yumukod pa ito ng bahagya bago ito nagmamadaling umalis.
“Manong salamat po tatawagin ka na lang namin kapag bitin pa kami sa toma.” Pahabol na wika ni Irene sa papalayong waiter.
“Mga disenting babae pero nakakatuwang magkwentuhan parang mga tambay lang sa kanto hindi sila gaya ng ibang Sosyalera na Suplada na hindi mo malapitan dahil akala mo kung sinong sikat na celebrity.” Bulong ng waiter sa sarili patungkol sa dalawa, Gusto sana niyang makipag selfie para ipagmalaki sa kanyang asawa na nakita niya ng personal ang mga modelong hinahangaan nito. Pero naisip niyang mamaya na kapag nakakuha siya ng tyempo.
“Ipapahamak na naman ako nito buti na lang may asawa na pala si Manong,” Konot noong anas ni Nouer sa kaibigan.
“Una unahan lang yan girl, sorry ka! naunahan kita.” Dagdag pang aasar pa ni Irene sa naiinis na kaibigan.
Naging katuwaan na nila na kapag gumigimik sila ang i-goodtime ang isa’t isa. Kahit noong nasa ibang bansa pa sila lalo na kapag kasama nila ang iba pa nilang kapwa model. Minsan pati Security guard ookrayin nila, pati mga waiter o room attendant sa Hotel, kahit nga taxi driver damay din. Kaya pag naunahan ka obligado kang sumakay sa biruan.
“Uminom na nga lang tayo para kung mag-usap man tayo na parang mga baliw eh may dahilan.” Mungkahi ni Nouer na aktong iinom ng alak pagkatapos niyang paikot ikutin sa loob ng matangkad na baso ang panghalo.
“Ah! sarap mag trip” Wika ni Irene pagkatapos sumimsim ng malamig na brandy dahil sa ilang clear cube ice na kahalo nito.
“Behave ka nga Girl nasa public place tayo wala tayo sa loob ng bahay mo Baka may makakilala sa atin dito sabihin pa na napaka balahura pala nating mga modelo.”seryosong tagubilin ni Nouer sa kaibigan.
“Ito naman napaka KJ. Kaya nga tayo lumabas para magwalwal diba?” Nakangiting saad ni Irene.
Natahimik na lang si Nouer habang manaka nakang tumatanaw sa malawak na kapaligiran sa labas. Alam na alam na niya ang ugali ng kaibigan, may dahilan kaya gusto nitong maglasing. May gusto itong iwaglit pansamantala sa isipan dinadaan lang nito sa pagbibiro ang lahat.
Habang parehong tinatanaw ang magandang tanawin sa labas napag-usapan nila kung ano-anong lugar ang natatanaw nila at anong mga pangalan ng mga natatanaw nilang gusali.
Nakakadalawang order na sila. Medyo kumakagat na ang ispiritu ng alak kay Irene at halos nagsawa na ito sa katatanaw sa labas ng mapansing ni Nouer ang biglang pananahimik ni Irene. Naging seryoso ang mukha nito at tila may malalim na iniisip habang nakatitig sa hinahalong laman ng baso. Atubili siya kung paano sasabihin kay Nouer ang kanyang katangahang pagsisinungaling. Alam niyang katakot-takot na sermon at pang-aasar ang maririnig niya sa kaibigan. Baka nga mabatukan pa siya nito kapag nalaman ang kanyang kagagahan.
Pero wala siyang pamimilian kundi ipagtapat sa kaibigan ang lahat.
“Sis kailangan ko ng tulong mo” Seryosong at mahinang sambit nito na hindi tumitingin sa kaharap.
“Bakit? pupunta ka ba ng ladies room at hindi mo na kayang tumayo, Brandy, brandy ka pa kasi eh, akala mo naman manginginom ka talaga, kung nag-gin na lang kaya tayo sa bahay mo gusto mo lang palang malasing.” Sarkastikong reaksyon ni Nouer sa tinuran ng kaibigan.
“Umayos ka naman seryoso na ako,” Putol ni Irene sa litanya ni Nouer.
“Gusto mong tumawag ako ng Ambulansya, Ganun?” Dagdag pang-iinis pa nito.
“Hmmp ang gulo mo namang kausap seryoso na nga ‘yong tao e puro ka pa kalokohan diyan.” Waring natatampong wika ni Irene. Nagkunwang tinatawag nito ang atensyon ng lalaking nagsilbi sa kanila kanina, “Waiter! ihanap mo nga ako ng matinong kausap diyan.”
“Asar na nga ang ale, hindi nga? Seryoso ka ba o lasing ka na?” Urirat ni Nouer na napapataas ang kilay.
“Ano sa tingin mo?”
“Ang gulo mo kasi kaninang wala pa tayong inom ikaw tong saksakan ng kulit kaya sinakyan lang kita,” paliwanag ng kaibigan.
“Tulungan mo naman ako oh, pleasee!," Pagmamakaawa ng dalaga.
Tinitigan ni Nouer sa mukha ang kaibigan nabasa niya sa mga namumungay na mata nito na seryoso na nga.
“Tungkol ba saan? Sige sabihin mo at makikinig ako.”
Tumunga muna ng alak si Irene at humugot ng malalim na hininga
“Sabihin mo na wag kang pabitin,” untag ni Nouer.
“Sis, kanina kasi kwan, ah nakatanggap ako ng Invitation galing sa sister ko mag-aasawa na daw siya,” wika ni Irene na halos hindi makatingin sa mata ng kaibigan.
“Oh e anong problema doon, Inggit ka ganon?”
“Heeh! kainis naman ito akala ko ba seryoso na ang usapan, wala munang biruan please.”
“Sige ituloy mo lang ang kwento patalastas lang iyon kumabaga sa TV,” nakangiting utos ni Nouer.
“Pinapa-uwi ako samin.”
“Huh? Patay! Hala ka! Hindi kaya ipa-asassin ka nila sa daan pa lang?”
“Ayoko na nga, Nakakainis ka naman sa ibang araw na lang tayo mag-usap,” Padabog na wika ni Irene sa kaibigan at dinampot ang baso sa harap bago tumagilid ng pwesto sa pagkakaupo upang ibaling ang tingin sa malayo.
“Ituloy mo nga lang wag mo akong intindihin.”
“Alam mong sabik rin naman ako na makita sila, imagine halos limang taon na akong hindi umuuwi samin. Dalagita pa lang ang kapatid ko nang umalis ako, Ngayon mag-aasawa na siya . Siya na nga lang ang kakampi ko pasasamain ko pa ba ang loob niya?” Tila nagtatampong paglalahad ni Irene ng muling balingan ng tingin ang kausap.
“Eh paano mga Abuelo mo?” Nag-alalang tanong ni Nouer.
“Sabi naman ni Mama napatawad na raw ako ni Lolo at naiintindihan na niya ang gusto kong mangyari sa buhay ko.”
“Yon naman pala eh anong problema doon.”
“Malaki, hindi ko alam kung papaano ko gagawan ng paraan, sabihin mo na ang lahat na; tanga ako, ma-pride, gaga, sinungaling at ilusyunada Okey lang basta tulungan mo lang ako.”
“Matagal ko ng alam iyon sis dont worry. Oh eh ano nga ang problema pabitin pa to?” Napapangiting muling tanong ni Nouer habang himihigop ng inumin.
“Nagkausap kasi kami kanina sabi ko may asawa na ako este BF pala.” saad ni Irene na nakayuko ang ulo.
“Ano!” Nanlalaki ang matang reaksyon ni Nouer na muntik ng masamid sa iniinom.
Malamlam ang matang tila naguguluhang tinapunan lang ng tingin ni Irene ang kaibigan na para bang umaamot ng pang-unawa.
“Gaga ka nga, ilusyonada, maharot, sinungaling, taksil paano mo nagawang ilihim sakin ang lahat, Paano na ako ngayon?" Umaarting kunwang naluluhang reaksyon ni Nouer.
“Batukan kaya kita dyan! model ka hindi ka artista wag ka ng mag-emote,” Balik ni Irene sa kaibigan.
“Praktis lang,” Saad ni Nouer na nakangiti.
“Doon ako nagka-problema sino ang ipapakilala kong BF wala naman ako,” Muling seryosong wika ni Irene.
“Parang gusto ko ng maniwala sa kasabihan na basta maganda tanga.” Palatak ni Nouer habang hinahalo ang laman ng baso.
“Tulungan mo naman ako oh.” Parang batang pagsusumamo ni Irene.
“Teka, diba may nasabi ka dati na patay na patay sayo noong college at high school day nyo. Ano nga ba name noon?” Tanong ni Nouer na ikinukumpas pa sa hangin ang kamay.
Naninigkit ang matang napatingin si Irene sa kaibigan,“Sino? Si francis, Iyong kababata ko?”
“Sabi mo eh, malamang iyon na nga iyon. Nasaan na ba siya? Sagutin mo na at bukas na bukas solve na ang problema mo.” Tila nakakalukong advise ni Nouer bago muling uminom.
“Tungek! matagal na kaming walang kumunikasyon baka nag-asawa na rin iyon. At saka isa pa siya ang isa sa dahilan kaya siguro ako biglang nakapag-sinungaling. Kapag umuwi ako sa amin at wala pang-asawa ang tarantadong iyon baka pilitin pa nila akong ipakasal doon, Gustong-gusto pa naman ng Lolo ko iyon para sakin.” Seryosong wika ni Irene.
“Ayaw mo noon hindi ka na mahihirapang magpaligaw?” Muling pang-aasar na wika ni Nouer
“Nakakainis naman eh! Puro ka talaga kalokohan umayos ka naman.” naniningkit ang matang reaksyon ng dalaga.
“Isa pang problema ko eh kung malaman nila na ganito pala ang buhay ko dito sa Maynila laging nagsosolo eh kung hindi na nila ako pabalikin pa eh di nawalan ka ng BFF,” dagdag pa nito.
Napatitig si Nouer sa kaibigan at seryosong nagwika, “Oo nga ano.”
“Atleast kung may asawa na ako hindi na nila ako pakikialaman sa buhay ko mababawasan na ang pag-aalala nila sakin.” Dagdag pang dahilan ni Irene.
“Yon ba talaga ang totoong dahilan mo? Madali lang yan pagtulungan nating solusyunan. Hmm teka. Isip-isip.” Napapatingala pang saad ni Nouer na biglang nasapo ang baba.
“Ah alam ko na! si Teddy pagkunwariin mong syota mo gwapo siya diba bagay kayo noon sa height pa lang katalo na, 5”8 ka at 5”10 siya,” Nagpapalatak na suhestiyon ni Nouer.
“Sinong Teddy, iyong assistant ba ni Ruby sa Designing?” Konot noong tanong ni Irene sa kaibigan.
“Mismo”
“Gaga! Eh mas makinding pa ang balakang noon na maglakad kaysa sakin, gusto mo bang ilibing ako ng buhay samin?”
“Kunwari lang naman eh, para hindi ka mapagsabihang sinungaling.”
“Kaya ba noong magkunwaring lalaki?” Napakamot sa ulong sambit ni Irene.
Sandaling nag isip ni Nouer sa tanong ng kaibigan.
“Hmmpp ano kaya kong maghanap na lang tayo ng Escort Service?" Muling mungkahi ni Nouer.
“Sigurado ba tayo na hindi ako pagnanasaan noon? Halerrr! babae ang kaibigan mo at hindi lang basta babae, katakam takam pa.” Naguguluhang balik ng dalaga sa suhestyon ng kaibigan.
“May kontrata naman iyon diba? Ilagay mo sa kontrata na No touch.”
“BF no touch, pwede ba iyon?”
“Magdahilan kang gentlemen ang Bf mo at hindi ka niya sinasaling hanggang hindi pa kayo nakakasal,” mungkahi ni Nouer.
“Hmmp pwede, Kaso hanggang kailan kami magkukunwari? Kailangang magaling din siyang umarte.” Nag-aalang tanong naman ni Irene.
“Patulong na lang tayo kay Mariel maghanap tayo ng matinong Escort Service.”
“Seryoso ka ba? meron pa bang matinong lalaki ngayon?”
“Meron pa naman siguro wag mo lang landiin,” natatawang tugon ni Nouer.
“Sira! Escort service hmmmp, alam ko lalaki lang ang nagbabayad ng ganon at saka balita ko humahantong daw sa s*x, yukss! .Makikipag s*x ka sa hindi mo mahal?” Protesta ni Irene
“Bakit balak mo ba?”
“Gaga, patulan ba naman sinabi ko kainis to.” Sumimsim sandali ng alak si Irene
“Teka sistah wala ka bang kaibigang lalaki?”
“Marami”
“Yon naman pala eh di pumili ka sa kanila”
“Maraming may pagnanasa.”
“Gulo mong kausap para kang bulbol”
“Ganun ba ang sayo?”
“Ah ewan seryoso ang usapan ikaw naman ang nagpapagulo.” Protesta ni Nouer.
“Pasensya na tao lang, Bahala na nga basta tulungan mo akong ma-solve to ha.”
“Oo naman sige bukas wala naman tayong pasok eh, maghahanap tayo ng lalaking magiging asawa mo kunwari, kelan ba ang balak mong umuwi?” Paniniguro ni Nouer.
“10 days pa naman before ng kasal ng sis ko, So, May mahigit isang linggo pa tayo para maghanap.”
Nang medyo maghating gabi na nagpasya na ang magkaibigan na umuwi na ng bahay. Bukod sa medyo tipsy na si Irene ay dumarami na ang mga parokyano sa club umiiwas silang pagkaguluhan pa ng mga lalaking customer. Natapos ang usapan nila na ay halos wala pa rin silang nabubuong plano talaga.
Kinabukasan dahil weekend at wala naman silang pasok sa opisina halos buong maghapon na pinagplanuhang mabuti at seneryoso nila ang paghahanap ng lalaki.
Marami silang tinawagan at kinausap sa telepono na mga kakilala at kaibigan
Ang iba’y mga lalaking kapwa nila modelo, o kaya ay mga staff na kasama nila sa trabaho noong rumarampa pa sila.
Sa una payag naman ang mga ito na samahan si Irene subalit kapag nalaman na magpapangap sila sa harap ng pamilya ng dalaga na magkasintahan sa loob ng tatlong araw o higit pa ay nagdadalawang isip na at bigla na lamang umaatras lalo na at ipinagtatapat nila kung ano at sino sa Davao ang Lolo ni Irene.
Sa mga kaibigan naman nilang babae na kapwa model ay takot ding magre-komenda ng mga kaibigan nilang lalaki dahil ayaw din nilang masabit sa gulo kung saka-sakali.
Napag-isip-isip ng dalawa na napaka-delikado nga pala ng gagawin nila kung sakali na pwedeng maglagay sa dalaga sa kapahamakan na pwedeng samantalahin ng sino mang lalaki.
Bukod sa katakam-takam na kagandahang mayroon ang dalaga na pwedeng pagnasaan ng sinumang lalaki ay ang estado nito sa buhay na galing sa napakayamang pamilya ang isa sa mabigat na dahilan.
Kailangan talaga nilang makahanap ng perpektong lalaki na hindi magnanasa sa alindog at kayamanan ng dalaga.
Bukod doon dapat ay isang lalaking hindi tatanga-tanga kundi intelihente na kayang makipag-usap na may confidence sa harap ng makapangyarihang lolo ni Irene.
Higit sa lahat isang lalaking magaling magpanggap.