JANE’S POV
“Sir, ligwak na ba ako sa trabaho? Bakit hindi ako magdu-duty ngayon?” Alalang-alala ako pagkagising ko tapos ang nabasa ko ay hindi ako magre-report ng tatlong araw. Kaya tinawagan ko agad si Sir Ali. “Sir, sorry na po. Kailangan ko po ba gumawa ng sorry letter? Medyo badtrip kasi si Ma`am Regina sa akin e.”
“Maghunosdili ka Custodio. Mayroong biglaang out of the country sina Miss Regina at Rudolf kaya mga superiors ninyo muna ang kasama nila.”
Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko talaga jobless na naman ako. Na-imagine ko na ang mga motor at kotse na aayusin ko para makadiskarte ng pera.
“Kumusta si Miss Regina sa`yo?”
At wala na nga akong naitago kay Sir Ali. Kinwento ko na lahat ng kinainisan ni Ma`am. Ewan sa kanya bakit tatawa-tawa pa siya e, naiiyak na ako dahil malapit-lapit na akong mawalan ng trabaho sa mga tingin ni Ma`am.
“Kaya pala mainit ang ulo e. Kaya mo pa ba ang ugali ni Ma`am?”
“Siguro po. Balitaan ko na lang po kayo kung malapit na akong mabaliw.”
Tinawanan lamang niya ako. “Oh siya. Magpahinga ka na muna. Siguradong pagbalik ng magkapatid ay hindi ka na naman magkakaroon ng day off. Usually, maraming backlogs sa trabaho si Ma`am Regina.”
“Copy po!”
Binabaan na ako ni Sir Ali ng tawag pero hindi pa rin natatanggal ang image caller niya sa screen.
“Jane, kain na.” Tawag sa akin ni Lola.
Ni-restart ko ang selpon ko pagkadulog ko sa mesa. Angtagal! Inalog ko ito ulit.
“Ano ba `yang ginagawa mo? shake-shake to win ba `yan?”
“Si Lola, kakanood mo ng tv `yan.” Biro ko sa kanya. “Nagha-hang na kasi itong selpon ko. Naku alam niyo ba, kahapon, hindi ito makapag-rush ng trabaho. Haha! Stuck e kailangan ko ng screenshot ng trending.”
Yan. Okay na. Nag-flash na ang picture namin ni Lola kasama si Fifi.
“Lola dearest! Jane! Yohoooh!!!”
“Sumasakto talaga lagi sa almusal si Brian.” Natawang sabi ni Lola.
Dumungaw ako sa bintana para kawayan na siya. “Pasok! Wala ka namang hiya! Hahaha!”
May dala siyang mainit na pandesal. Pasalubong daw niya kay Lola.
“Sakto talaga ako lagi. Para kasing naamoy ko itong tocino sa bahay e.”
“Anglayo ng bahay niyo dito, hoy. Mauubos na ang amoy ng tocino sa mga madadaanang bahay bago pa makarating sa inyo. Ang sabihin mo, na-late ka na naman ng gising at wala nang tirang almusal para sa`yo.” Pang-aalaska ko dito.
Kapal ng mukha! Kumuha na ng sariling plato at kutsara. Nagsalin na rin siya ng mainit na tubig.
“Kumusta ba ang trabaho ninyong dalawa?” tanong ng lola. “Parang angsaya mo, Brian. Itong si Jane e parang pinagbagsakan ng langit ng lupa.”
“Cool kasi ang boss ko, La. E si Jane? Lampas langit ang kamalditahan.”
“Inaapi ka ba, Apo?”
Umiling ako. “Hindi po, Lola. Huwag niyong paniwalaan `yan si Brian. Mabait naman si Ma`am. Hindi ko pa lang nahuhuli ang kiliti.”
“Imbitahan mo dito minsan. Nang matulungan kita.”
Natawa itong si Brian. “Lola naman. Paanong tulong naman? Hindi nga `yon nakakausap nang maayos. Laging galit, laging nag-aabot ang kilay. Sa mga kapatid lang siya mabait.”
“Naku, minsan e ipagdalhan mo ng kakanin. Lagyan mo ng gayuma para umamo nang konti.”
Seryoso ba si Lola? Ginawa naman niya akong desperada.
“La, ano naman bang pinapanood mong palabas sa tv? Kakaiba ang imahinasyon mo ha. Itigil mo na `yang kung ano man `yan.”
Naiiling na lang siya. “Ayoko lang na inaapi ka. Aba, at huwag kang magpapaapi.”
---
At dahil day off ko, ililibre ko si lola ng pakulot, manicure at pedicure! Siyempre hindi lang sa bahay `yan! Sa bayan pa! Doon sa kanyang for life na beautician. Sinamahan kami ni Brian. If I know, gusto lang nito makalibre ng pedicure. Ma-murder sana ang kuko niya.
“Tingnan mo `to, Nano. Ganda ni Ma`am Regina oh. Send ko sa`yo.”
Link ng Bookfame account ni Ma`am Regina ang sinend niya. Angtindi n`ong 2 million followers! Parang kulto! Diyos ko!
“Ganda `no?” ulit na naman niya.
“Crush mo? Gusto mo palit tayo ng boss?”
“Baliw ka ba? Alangan lalaki ang boss mo. Hindi din ako papayag `no. Mamaya hindi mo namalayang minamanyak na pala.”
“Matatats na ako niyan? Hahaha!”
Nag-scroll na nga ako ng mga pictures at videos sa profile ni Ma`am. Ingat na ingat ako baka may ma-like ako bigla! Maganda nga. Masungit naman. Oh, bagong palit ng profile picture. Bagay itong buhok niya parang iyong may kulay na parte e mabubuhay tapos pupulupot sa leeg ng kinamumuhian niya! Haha. Dagsa agad ang comments! Check ko nga.
“Hoy!” tapik ni Brian sa braso ko. “Titig na titig ka diyan!”
Tangina! Nahulog ko ang selpon ko! Bueset kasi tong lalaking `to! Buti hindi nawarak. Oh s**t! Naka-haha react ako sa profile pic ni Ma`am! s**t s**t! Ayaw gumana ng touch screen! Lord naman!
“Tangina ka kasi!” pinalo ko nang pagkalakas-lakas si Brian.
“Ano ba kayo. Para kayong mga batang nag-aaway.” Saway sa amin ni Lola.
“E ito kasing gagong `to. Nanggugulat. Na-haha react ko tuloy ang picture ni Ma`am Regina. Tapos nag-lag pa ang selpon ko.” Mangiyak-ngiyak kong paliwanag. Ni-restart ko na nga. “Pag-log in ako, hoy. Kailangan kong bawiin `yong react.”
Ubos na ang data ko e. Teka papa-load lang ako.
“Huwag na! Hayaan mo na lang akong mapahiya sa buong mundo! Sana hindi mapansin ni Ma`am `yon. Kung hindi ibibitin kita nang patiwarik. Bueset ka kasi.”
---
Sumama pa hanggang sa bahay si Brian. Angtindi ng lalaking `to. Bumili ng tatlong phones. Para sa siguro sa tatay niya. E nasa talyer pa `yon sa ganitong oras. Magtatakip-silim pa lang e. Minsan hanggang gabi e mayroon pa silang customer.
“La, mag-unboxing na tayo.” Yaya niya kay Lola. Nagtaka ako nang nilagay niya sa mesa ang isang box ng phone.
“Weh, pati si Lola binilhan mo ng phone? Galante ah. Nag-cash advance ka ba?”
“Nano ka talaga. Cash advance ka diyan. May pang-gas pa ako `no.”
Dinampot ni Lola iyong phone saka inabot sa akin. “Oh, pamasko ko sa`yo, para hindi ka na mamroblema sa selpon mo. Alam mo e malaki-laki ang pension ng lola. Nakaipon ng pambili.”
Hindi ko na nga napigil ang luha ko. Imbes na ako ang magregalo kay Lola e siya pa ang bumili ng phone ko.
“Lola naman. Para sa`yo `yon e.”
“Naku. Hindi naman ako nagugutuman dito. Saka para hindi na kayo mag-away nitong si Brian. Nakakarindi kayo kapag naghaharutan e. Hindi na kayo nagbago.”
“Buy one, get one `yan.” Sabi nitong si Brian. “Pareho tayo ng phone. Naka-discount pa si Lola Dearest.”
“Salamat, La. Iingatan ko talaga `to. Pramis!”
“Oh siya. Ako e magluluto ng hapunan natin. Dito ka ba maghahapunan, Brian?”
“Hindi po, La. Isu-surprise ko din si Tatay e. Mauna na po ako.”
---
Ready to sleep na ako. Tinulungan ko pa si Lola sa mga gawaing bahay kaya ngayon ko lang mai-explore itong bagong selphone. Nailipat ko na rin ang simcard at memory card. Goods na!
Kaka-log in ko lang ng bookfame message box, sunod-sunod na ang dating ng mga chat. Holy s**t! May request message si Ma`am Regina. Dali-dali ko itong binuksan. Tangina talaga! Screepshot ng notification niya kanina! Angmalas!
“May nakakatawa ba sa picture ko, Custodio?”
At naimagine ko ang pag-aabot ng kilay, paghalukipkip ni Ma`am at ang pagtingin niya sa akin mula ulo hanggang paa. Utang na loob! Wala bang araw na hindi ako mapapahamak?