“ISAY?” Ilang beses ko ring hinaplos ang pisngi ni Isay bago s’ya nagising mula sa malalim na pagkakahimbing. At nang magtama ang aming paningin ay isang malungkot na ngiti ang ibinati ko sa kan’ya.
“Hey…”
“Bakit ngayon ka lang?” Tanong n’ya. Bakas sa kan’yang boses ang sakit at pait na kaakibat nito.
“Ano kasi…” Agad kong iniiwas ang aking mga mata. Akma akong lalakad palayo nang hawakan n’ya ang aking kamay upang ako’y pigilan.
Nandito kami ngayon sa kusina kung saan naabutan kong natutulog si Isay habang nakasubsob ang kan’yang ulo sa mesa.
Sa totoo lang, hindi ko na inaasahang maabutan ko pa s’ya ngayong umaga matapos namin magkaroon ng mainit na pagtatalo kagabi dahilan kaya umalis ako sa apartment ko at naiwan s’yang nag-iisa. Kaya aaminin kong bahagya akong nasorpresa dahil nandito pa s’ya.
“Yung totoo, Liway? Sa kan’ya ka ba pumunta kagabi? Magkasama kayo?” Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi habang pinipigilan ang luha ko na umalpas sa ‘king mga mata. Tapos naramdaman kong humigpit ang hawak ni Isay sa kamay ko at tumayo s’ya.
“Sabihin mo na kasi ang totoo!” Galit at naiinip n’yang saad.
“Bakit hindi ka makatingin sa ‘kin? Kasi ayaw mo ‘kong masaktan ‘pag sinabi mong tama ako? Sapalagay mo...” Naiyak na si Isay kaya naiyak na rin ako.
"Ayaw kitang masaktan."
“Sapalagay mo, hindi pa ba ako nasasaktan sa ginawa mo? Niloko mo ‘ko. Pinagmukha mo ‘kong tanga! Sabi mo ako lang ang mahal mo pero bakit may iba ka?!” Agad kong binawi ang kamay ko na hawak n’ya saka naglakad papunta sa sala. Narinig ko ang mga yabag ni Isay kasunod ko.
Naupo ako sa sofa saka sinapo ng dalawa kong kamay ang aking mukha. Bumuntong-hininga ako ng malalim na para bang pasan ko ang daigdig dahil hirap na hirap na ako sa sitwasyon namin.
“Isay, I’m sorry, okay? Hindi ko sinasadya.”
“Hindi mo sinasadyang ano? Na maabutan ko kayo ng babae mo habang naglalampungan sa parehong kama kung saan may nangyayari rin sa ‘tin?!” Bakas sa bawat salitang binitiwan n’ya ang tinding galit at hinanakit dulot ng pagtataksil ko sa ‘ming relasyon. Pero ano’ng magagawa ko? Hindi ko na puedeng bawiin ang nangyari na. Hindi ko na puedeng linisin ang pangalan ko dahil nahuli n’ya ako sa akto.
Sa kabila ng lahat, tama lang na nakita ‘yun ng mga mata n’ya para mapagtanto n’ya na hindi na kami babalik sa dati katulad ng gusto n’yang mangyari.
“Liway, bakit? Minahal naman kita, ‘di ba? Pero bakit sinaktan mo pa rin ako? Ano’ng kasalanan ko sa ‘yo?” Nagmamakaawa n’yang tanong. Hindi na ako makatiis kaya naglakas-loob na akong salubungin ang mga tingin n’ya. Kitang-kita ko ang pagpatak ng sunod-sunod na luha sa kan’yang mga mata.
“Wala kang kasalanan sa ‘kin pero ganu’n talaga.”
“Ano’ng ganu’n talaga?!”
“Ganu’n talaga kasi nagbabago ang nararamdaman ng tao at hindi ‘yun kasalanan!” Sabi ko sabay tayo.
Plano kong maglakad palabas ng apartment ko kasi hindi na ako makahinga sa tinding tensyon sa pagitan namin ni Isay ngunit muli n’yang hinawakan ang kamay ko para ako pigilang makalayo.
“Wag kang umalis kasi kinakausap pa kita!” Mariin n’yang sabi.
“Isay, please, wag na natin pahirapan ang mga sarili natin. Nagkamali ako. Hindi pa ba sapat ‘yun para hiwalayan mo na ako?” Natawa si Isay matapos kong sabihin ang kabaliwang ‘yun. Alam kong masakit pero hindi ko ‘yun planong bawiin.
“Yan ba ang gusto mo? Ang maghiwalay tayo?” Hindi ako sumagot kaya nagpatuloy si Isay sa pagsasalita.
“Ganu’n na lang ba kadaling itapon sa ‘yo ang ilang taon natin?!”
“Oo!” Sigaw ko.
Binawi ko sa kan’ya ang kamay ko saka mariing kinuyom ang aking kamao. Napaatras naman si Isay matapos kong sabihin ‘yun at muling nangilid ang luha sa kan’yang mga mata. Hindi ba talaga s’ya nakakaintindi? Bakit gustong-gusto n’yang masaktan pa?!
“Hindi na kita mahal. Ewan ko pero bigla na lang ako nagising isang araw na nawala na lahat-lahat ng pagmamahal ko sa ‘yo. Hindi ko na rin nakikita ang hinaharap na kasama kaya pasensya ka na kung sa ganito lang tayo natapos. Intindihin mo naman sana ang pinanggagalingan ko. Wag na nating pahirapan ang mga sarili natin kung puede naman tayong maghiwalay na lang.”
“Ang sabihin mo meron ka ng iba! Kunwari ka pa pero ganu’n lang ‘yun ka-simple!” Pagdidiinan n’ya. Hindi na ako nakatiis kaya pinakawalan ko na ang mga katagang gusto n’yang marinig kahit kapalit nito ay grabeng sakit.
“Oo, meron na nga. Ano naman sa ‘yo ngayon?” Magsasalita pa sana ako pero hindi ko na naituloy matapos akong sampalin ni Isay. Sinundan ‘yun ng nakakadurog puso n’yang paghagulgol. Sa sobrang sakit ay bumigay na ang kan’yang mga tuhod kaya napaupo na s’ya sa sahig.
“Liway, ang sama-sama mo! Ang sama-sama mo!” Anya habang umiiyak.
Gusto ko s’yang yakapin pero alam kong hindi na ako ang tamang tao na gagawa nu’n kaya kahit masakit sa kalooban ay hinayaan ko lang na umiyak nang umiyak si Isay. Alam ko rin naman sa sarili ko na hinding-hindi ko na mababawi ang mga sinabi ko sa kan’ya kaya kailangan ko iyong panindigan.
“I’m really really sorry, Isay. Minahal kita, oo, pero nawala na ‘yun. May iba na akong gusto at hindi na ikaw ‘yun. Kaya nakikiusap ako. Bilang may pinagsamahan ng ilang taon eh wag na natin ‘tong patagalin. Tutal, tapos na rin naman tayo, panahon na para mag-move on tayo sa isa’t isa.” Mahinahon kong saad.
Tiningala ako ni Isay habang umiiyak. Galit na galit ang reaksyon ng mukha n’ya pero ‘kita ko sa kan’yang mga mata ang labis na sakit, kalungkutan at pagkasawi.
“Pero mahal pa kita, Liway. ” Mahina n’yang saad. Sinundan ko ng tingin ang pagtayo n’ya at pag-libel sa ‘kin.
“Paano ako magmo-move on sa relasyon natin kung may nararamdaman pa ako sa ‘yo? At kahit pilitin ko mang kamuhian ka, isumpa, o magalit sa ‘yo ng husto dahil sa ginawa mo, hindi ko pa rin kaya kasi mahal pa rin kita!”
“Akala mo lang mahal mo ‘ko pero ‘pag tumagal mapapalitan din ng galit ang sinasabi mong pag-ibig.” Saad ko. Nakita kong napailing si Isay bago s’ya nagpunas ng luha at inayos ang kan’yang sarili.
“Sana hindi mo pagsisihan ang desisyon mo.” Aaminin kong nagsimulang madurog ang puso ko nang sabihin n’ya ang mga katagang ‘yun. Pinagmasdan ko lang s’ya na damputin sa sahig ang nakakalat n’yang gamit bago s’ya naglakad.
“Sana pangatawanan mo ang mga sinabi mo kasi hindi ko alam kung kaya pa kitang tingnan sa mga mata kapag nagmakaawa ka sa ‘kin na patawarin ka.” Narinig kong binuksan niya ang pintuan kaya napalingon ako sa kinaroroonan n’ya.
“Ang sakit mong mahalin, Liway.”
Huli n’yang wika bago lumabas sa pinto at isarado ‘yun sa pagmumukha ko. Nang mga sandaling ‘yun, humagulgol na ako.
Patawarin mo ‘ko, Isay.
Patawarin mo ‘ko, mahal ko.