MAY mga pakiramdam sa mundo na mahirap ipaliwanag. Tulad na lang ng kung paanong ligtas ka at panatag sa isang tao.
At kung paano’ng pakiwari mo ay may invisible na sinulid na nagkukunekta sa inyong mga puso kaya kahit saan kayo magtungo, magkalayo man kayo saglit, ay sa piling ng isa’t isa pa rin kayo babalik.
Yan ang eksaktong pakiramdam ko kay Liway na s’yang girlfriend ko. Alam ko sa iba corny ito pakinggan pero sa kaibuturan ng aking puso ay sigurado akong s’ya na ang babaeng nakatadhana upang makasama ko habang-buhay. At batid ko na ganu’n din ang nararamdaman ni Liway dahil ‘yun mismo ang pinapakita n’ya sa ‘kin.
“Liway, nasa’n ka na ba?” Frustrated kong saad.
Nandito kami ngayon sa concert venue ng isang Kpop girl group kung saan um-attend kami ni Liway. It was fun until mag-uwian at nagsimulang lumabas ang mga audience tapos nagkahiwalay kami ng mahal ko.
Nabitiwan ko kasi ang kamay n’ya at natangay ako ng mga taong papalabas sa naturang stadium. Tapos another dilemma kasi nasa kan’ya ang phone ko kaya wala akong magawa kundi tanaw-tanawin ang girlfriend ko sa paligid habang naghihintay dito sa gilid.
Sa totoo lang, nagsisimula na rin akong makaramdam ng pagkabagabag dahil hindi ako sanay na nag-iisa sa mataong lugar. Madalas, kasama ko si Liway ‘pag nagpupunta kami sa mga event na ganito. Hindi n’yo ‘ko masisisi, unfamiliar ako sa lugar at medyo malala rin akong mag-advance thinking na baka may mangyari sa ‘king masama kung hindi pa ‘ko makikita ng girlfriend ko sa lalong madaling panahon.
Kaya kahit kabado, muli kong iginala ang aking paningin sa paligid kaso negative dahil hindi ko talaga matanaw si Liway.
“Gosh…” Usal ko sa sarili. Du’n na ako nag-decide na maglakad-lakad at umaasa ako na baka sakaling masalubong ko si Liway along the way.
“Nasa’n ka na ba, Love?” Sabi ko. Pabaling-baling sa kung saan-saang direksyon ang aking ulo. Umaasa ako na masisipat ko ang pamilyar na damit n’ya pero nakakailang minuto na akong palakad-lakad ngunit bigo pa rin akong makita si Liway.
Du’n na ako nag-overthink ng malala like pa’no ako uuwi kung nasa kan’ya ang pamasahe namin? Hindi pala kami nag-kotse kasi nasa talyer ang sasakyan n’ya for checkup kaya nag-bus lang kami papunta rito. Wala namang kaso dahil sanay naman kaming bumyahe ng bebe ko. Favorite spot namin ‘yung dulo ng bus tapos du’n kami naglalandian, char.
Anyway, balik tayo sa aligaga moment ko.
Dumagdag pa sa alalahanin ko ang kumakalam kong sikmura kaya naman lalo akong sumimangot. Muli akong naglakad habang sinisipat ang pamilyar na mukha ni Liway nang bigla akong banggain sa likod ng isang babae dahilan para madapa ako.
Anak ng teteng!
Nang lingunin ko ang babae ay hindi man lang apologetic ang tingin n’ya sa ‘kin. Natawa pa ang gaga na parang kasalanan ko pa kung ba’t n’ya ako nadapa! Pero dahil mas nanaig sa ‘kin ang kagustuhan kong makita na kaagad si Liway ay hindi ko na pinatulan ang impakta, tumayo ako agad saka pinagpagan ang aking tuhod bago nagpatuloy sa paglalakad at paghahanap sa girlfriend ko.
Sinubukan kong ipanatag ang aking isipan at alalahanin ang mga sinabi ni Liway sa ‘kin tuwing nakakaramdam ako ng frustration dala ng mga hindi ko kontroladong sitwasyon.
Aaminin ko na magaling s’ya sa mga ganu’ng klase ng assurance kaya naman agad-agad ay napapakalma n’ya ang nagririgodon kong puso at napapaalis ako sa pamamalagi sa ‘king isip. At ‘yun ang eksaktong pakiramdam na naramdaman ko matapos kong isipin na hindi magtatagal ay makikita ko rin sa mataong lugar na ‘to ang babaeng mahal ko.
Nang mapagod ako sa paglalakad ay may napag-desisyunan kong huminto saglit para huminga ng malalim. Tapos may kung ano’ng puwersa ang nagtulak sa ‘kin para hawakan ko ang aking dibdib at pakiramdaman du’n ang tumitibok kong puso.
Muli kong iginala ang paningin ko sa karamihan ng mga tao at ganu’n na lamang ang pagtataka ko nang unti-unti silang kumakaunti. Hanggang sa tuluyan na silang naglaho sa paningin ko at nabigyang daan ang imahe ni Liway na may sa ilang dipa ang layo sa kinaroroonan ko. Kitang-kita ko na aligaga rin s’ya sa paghahanap sa ‘kin kaya hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa’t agad akong naglakad ng mabilis tungo sa kinaroroonan n’ya.
Syempre, nakakailang hakbang pa lang ako nang muli akong mabangga ng taong kasalubong ko. Du’n ako naalimpungatan sa tila pananaginip ko ng gising pero hindi ko na ‘yun inisip pa dahil alam kong nakita ko si Liway sa banda roon kaya kailangan ko s’yang puntahan.
Isinantabi ko ang takot na nararamdaman ko habang nagpapatuloy sa paglalakad.
Sa gitna ng maraming tao, muling nagliwanag ang sinulid na nakakunekta sa ‘min ni Liway papunta sa kinaroroonan n’ya kaya walang pasubali ko na ‘yung sinundan. Habang daan, hindi maalis ang ngiti ko sa labi kasi alam kong anomang sandali ay makikita ko na s’ya at makakasama.
Pero bigla na lang nawala ang sinulid sa ‘king paningin kaya napahinto ako sa paglalakad.
“Liway, nasa’n ka na ba?” Nagsimula akong mataranta. Namumuo na rin ang mga luha sa gilid ng aking mga mata.
Nakakatakot mag-isa. Ayokong mag-isa.
“Gotcha!” Sabi ng isang pamilyar na boses na galing sa likod ko. At nang lingunin ko si Liway ay isang malungkot at nag-aalalang ngiti ang isinalubong n’ya sa ‘kin.
Hindi na ako nagsalita, sa halip, niyakap ko s’ya ng mahigpit at isinubsob ko ang aking mukha sa kan’yang dibdib. Hindi na rin ako nagtimping pakawalan ang mga luhang kanina pa nag-uumalpas sa ‘king mga mata bunga ng labis na pag-aalala. Inalo lang ako ni Liway, hinayaang umiyak habang masuyong hinahaplos ang aking buhok.
“Natakot ako na baka hindi na kita makita, Love. Sorry kung ang iyakin ko.” Sabi ko matapos kumalma. Ngumiti naman si Liway bago pinahid ang mga luha ko sa mata.
“Shhhh, hindi mangyayari ‘yun kasi hinahanap din kita. At ngayon na nakita na kita, hindi ka na mawawala sa ‘kin. Ligtas ka na, mahal ko, sa ‘king piling.” Buong puso n’yang saad bago ako niyakap ng mahigpit dahilan para makaramdam ako ng kapayapaan sa puso.
Saglit kong ipinikit ang aking mga mata at nang idilat ko ito’y nakita ko ang mahiwagang sinulid na ang hangganan ay nasa puso ni Liway na s’yang nagkukunekta sa ‘ming dalawa upang pagbuklurin at hindi na paghiwalayin.