"GIRL, HINDI mo pa ba kakausapin ang asawa mo? Ilang araw na kayong ganyan?" tanong sa kanya ni Madi.
Hindi siya kumibo. Ipinagpatuloy niya ang pag-aayos sa mga bagong dating na items sa kanyang boutique. Simula nang manggulo si Laurie at natuklasan niya ang pagsisinungaling ng asawa ay hindi na niya kinausap ito. Sa katunayan, ito na ang ikaapat na araw na hindi niya kinakausap ito. Hindi rin siya sa mansiyon umuuwi. Doon muna siya sa bahay niya kasama ang kapatid at si Myca na doon din tumuloy matapos niyang tanggapin bilang taga-bantay sa boutique niya.
"Parang ayoko nang marinig pa ang kahit na ano. Mads. Hindi ko na alam ang paniniwalaan ko. Naguguluhan ako." Aniya sa nahihirapang tinig.
Hindi niya maiwasan maiyak at makaramdam na parang may humihiwa sa puso niya. Kapag naiisip niya na posibleng may nangyari nga sa asawa niya at kay Laurie.
Umakbay sa kanya ang kaibigan. "Chacha, mag-asawa na kayo. Hindi puwedeng hindi kayo mag-uusap. Paano n'yo mase-settle ang lahat kung ganyan ayaw mo siyang makausap?" anito.
"Alam ko naman 'yon. It's just that. I'm scared. Natatakot akong malaman na baka totoo nga na may nangyari sa kanila. Hindi ko kakayanin 'yon." Aniya habang namumuong muli ang mga luha sa mata niya.
Bumuntong-hininga si Madi. "Ikaw ang bahala. Pero kung talagang mas matimbang ang pagmamahal mo sa kanya. Makikinig ka sa kanya." payo nito.
Napaisip siya sa sinabi nito.
"Miss Chacha, alas-otso na po. Magsasara na ba tayo?" tanong ni Myca.
"Ha? Ah... oo, sige. Napapagod na rin ako. At nang makauwi tayo." Sagot niya. Hindi niya namalayan ang oras, gabi na pala.
Inayos nito ang kaha at inabot sa kanya ang kinita nila sa maghapon na iyon. Pagkasilid niya ng pera sa bag ay iniwan na niya kay Myca ang pagsasara ng boutique. Paglabas niya ay nakasabay niya si Panyang.
"Best, sad ka pa rin?" tanong nito.
Tumango siya bilang sagot.
"Pareho kayo ni Dingdong, usap na kasi kayo."
Hindi siya kumibo. Bigla ay iniba niya ang usapan. "Una na ako, best. Magpapahinga na ako." Aniya.
"Doon ka na sa bahay umuwi. Miss ka na namin doon."
Isang malungkot na ngiti ang tinugon niya dito. Pagkatapos ay naglakad siya palayo. Malayo pa lang ay natatanaw na niya na nakatambay sa tapat ng tindahan ni Olay ang Tanangco Boys. Kumpleto ang mga ito. Ibig sabihin noon ay naroon din ang asawa niya. Kasama ng mga ito sina Allie at Olay. Naroon din si Abby.
Nang tumapat siya sa mga ito ay nginitian lang niya ang mga ito at hindi nag-abala pang tumigil.
"Miss Chacha, saglit lang." tawag sa kanya ni Abby.
Napapikit siya. Kung puwede lang niyang hindi pansinin ito. Kaso ay kabastusan naman iyon.
"Yes?" aniya sa mahinhin na tinig.
"Dito ka muna. Hindi ka na namin nakakasama eh. Nami-miss ka na namin." Anito.
"Abby, hindi puwede—"
"Please..."
"Kausapin mo naman ako." Bigla ay singit ng isang pamilyar na tinig. Siya namang alis ni Abby.
Bigla ay kumabog ang dibdib niya.
"Para ano pa?" mahinang usal niya. Naramdaman niya nang humakbang ito palapit sa kanya.
"I missed you." bulong nito mula sa kanyang likuran.
Nahigit niya ang hininga saka napapikit. Kahit siya man ay ganoon din ang nararamdaman. She missed being with him. Pero mas madalas ay natatalo siya ng galit dito.
"Bumalik ka na sa bahay." Anito.
Hindi siya kumibo. Hindi dahil sa ayaw niyang kausapin ito. Wala lang siyang maapuhap na sabihin. Blangko ang isip niya. Hindi niya alam kung saan magsisimula.
"Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin ang lahat?" sa wakas ay may nahagilap na salita ang utak niya.
"I know. Pero hindi ko sinasadya ang lahat na magkaganito. I was scared to tell you. Dahil baka hindi mo maintindihan. Baka hindi ka maniwala sa akin."
"Then, you don't trust me enough. Hindi ka nagtiwala sa akin na maaari kitang mainitindihan kung talagang wala kang ginagawang masama."
Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat saka pinihit paharap dito.
"I swear to God, wala akong ginagawang masama. Ikaw lang ang mahal ko. At hinding hindi ako magpapatukso sa kahit na sinong babae."
"Tama na, Archie." Naiiyak niyang sabi. "Let's stop this. Hayaan mo muna akong mag-isa."
Pilit siyang kumawala sa pagkakahawak nito sa balikat niya. Saka niya ito tinalikuran. Pero hinarang siya nila Victor, Ken at Jared.
"You're not going anywhere." Ani Jared.
"Yes. Unlesss you're done talking to my friend." Dagdag ni Victor.
"Our friend, Pare. At hindi ka makakaalis dito hangga't hindi ninyo naaayos 'yan." Dugtong ni Ken.
"Guys please, problema namin 'to. Huwag kayong makialam." Pakiusap niya.
"Pareho namin kayong kaibigan, Charease. And soon, magiging isang pamilya na tayo. Kaya may pakialam kami." Ani Roy.
"Let her go," narinig niyang malungkot na wika ng asawa.
Tila ba nagpo-protesta ang puso niya matapos niyang marinig ang mga katagang 'Let her go'. Dahil ang katotohanan, ayaw niyang pakawalan siya nito. Gusto niyang tsinelasin ang sarili. Ang gulo yata niyang mag-isip ngayon. Nagtatalo ang sama ng loob at pagmamahal niya para sa asawa.
"Kung talagang galit ka sa akin at hindi mo na ako mapapatawad pa. You can go. I'll set you free tomorrow morning." Anito.
Ganoon na lang ba 'yon? Bibitawan mo ako ng ganoon kadali! Protesta niya sa isip.
"At kung wala ka nang nararamdaman para sa akin. Kung mas matimbang ang galit mo kaysa sa pagmamahal mo sa 'kin. You're free to go." Dagdag nito.
Gusto niyang ihakbang ang mga paa palayo. Pero malakas ang sigaw ng puso niya na isang malaking pagkakamali kapag ginawa niya iyon.
"Mahal na mahal kita, Charease. Alam mo 'yon. Kaya nga kasal agad ang naisip kong paraan para huwag ka lang mailayo sa akin ng mga magulang mo. Dahil noong nawala ka sa buhay ko. Parang nabalot sa yelo ang puso ko. Namanhid at hindi na muli pang tumibok. I'd dated other women. Pero wala ni isa man sa kanila ang nagparamdam sa akin gaya ng pag-ibig na ipinaramdam mo simula nang makilala kita."
Nagtuloy-tuloy ang pagdaloy ng mga luha niya. Saglit na nabaling ang atensiyon niya sa iba nang kuhanin ni Leo ang bag niya.
"Istorbo 'tong bag mo sa drama n'yong mag-asawa." Seryosong wika nito. "Sige na Pare, ituloy mo na ang pagmo-monologue mo." Anito kay Dingdong.
"Naks! Joke na ba 'yon Leo?" pang-aasar ni Ken.
"Iyon ang joke ng mga seryoso." Ani naman ni Panyang.
"Hoy! Ang iingay n'yo. May nagsasalita pa oh!" saway ni Victor. "Sige Dude, ipagpatuloy mo."
Sa pagkakataong ito. Hinarap na niya ang asawa.
"Kahit kailan ay hindi kita niloko. Ikaw lang ang babae para sa akin. At ikaw ang mamahalin ko habang-buhay. I'm sorry kung naglihim ako. I didn't mean to lie to you. At pinagsisisihan ko 'yon. Pero walang nangyari sa amin ni Laurie. Oo, sinundan niya ako. Sinubukan niya akong akitin. Pero hindi ko pinayagan iyon. Dahil ayokong masaktan ka. Dahil mahal kita."
"Please, forgive me. Come back to me." Halos naiiyak nang wika nito.
"Archie,"
Humakbang ito palapit sa kanya.
"Kung sakaling bigyan ako ng Diyos ng panibagong buhay at papiliin ako ng babaeng mamahalin. Ikaw pa rin 'yon. Ikaw lang ang gusto kong mahalin. Na-adik na nga yata ang puso ko sa'yo. Wala nang ibang hinanap kundi ikaw."
Muli itong humakbang palapit sa kanya. Sa pagkakataong ito, halos isang dangkal na lamang ang layo nila sa isa't isa. He held her face. And wipe away her tears with his fingers.
"I'm sorry kung naging matigas ang puso ko. Kung hindi kita pinakinggan agad. Natakot ako sa mga puwede ko pang malaman. Dahil baka hindi ko kayanin. I'm so scared that I might lose you. At kahit na ilang Laurie pa ang dumating. Hindi ko hahayaan na maagaw ka ng iba sa akin."
Pagkasabi noon ay bigla siyang niyakap nito.
"I love you, Charease." Bulong nito.
"I love you too," sagot niya.
"Umuwi ka na sa bahay. Miss na miss na kita."
Tumango siya. Bahagya siyang nilayo nito saka siya hinalikan nito. Wala nang dahilan pa para hindi rin siya gumanti ng halik. At wala rin silang pakialam kung may nakakakita sa kanila. Ang mahalaga at ipinagmamalaki niya sa lahat ng tao, na mahal niya ang asawa niya kahit na ano ang mangyari.
"Paano kung ayaw pa rin sa akin ng mga magulang mo kahit na kasal na tayo?" tanong nito nang maghiwalay sila.
"Then, I'll runaway with you. Kahit saan mo pa ako dalhin, sasama ako. Ang importante sa akin ay magkasama tayo. Hindi ako liligaya kung hindi rin lang ikaw ang kasama ko sa pagtanda ko." Sagot niya.
Ngumiti ito. "Mabuti na lang pala at marami ako ng pera. Kahit magtanan tayo hindi ka pa rin mahihirapan." Anito.
Kinurot niya ito sa tagiliran, napasinghap ito. "Aray ko!"
"Ang yabang mo kasi," natatawang wika niya.
"Ayun naman! Sa wakas ay magkasundo na rin ang dalawa." Biglang singit ni Panyang sabay inat ng katawan nito. "Nakakapagod din palang manood ng live show, ano?"
Paglingon nila ay nasa kanya-kanyang puwesto ito. "Olay, naubos 'yung isang malaking bote ng softdrinks." Sagot ni Darrel.
"O? Pare? Nandiyan ka pala?" biro ni Ken dito.
"Kanina pa nga eh."
"Phrey oh!" si Victor sabay pasa ng hawak nitong videocam kay Humphrey.
"Ikaw ang kumuha ng video? Hala ka! susunod ka na!" pananakot dito ni Olay.
"Eh ano! Hindi naman totoo 'yan eh." Balewalang sabi nito.
"Weh? Hindi daw? Totoo kaya!"
"Malay mo kayo ni Abby ang magkatuluyan." Singit ni Justin.
"Oo nga!" sang-ayon naman ni Humphrey.
Biglang humagalpak ng tawa si Victor. "Si Abby? Nagpapatawa ba kayo! Alam n'yo naman na pusong lalaki 'yan eh!"
Nagulat silang lahat ng tumayo si Abby at sinampal ng malakas si Victor. Tumigil sa pagtawa ng wala sa oras ang huli.
"Walang tomboy na nananampal ng lalaki!" sigaw nito sabay takbo palayo.
"Lagot ka!" pananakot ng mga ito.
Napailing silang mag-asawa. Mukhang may susunod na sa mga yapak nila.
"Let's go home," bulong nito sa kanya.
"Maaga pa. besides, nandito pa sila." Sagot niya.
"Hindi na. Hayaan mo na 'yang mga 'yan. Malalaki na 'yan. May mas importante tayong gagawin."
Kunot-noo siyang napatitig dito. "Ano ba 'yon?"
Napakamot ito sa pisngi. "Kailangan ko pa ba talagang sabihin."
"Eh ano nga iyon?"
"Gagawa tayo ng Archie Dhing Santos Jr."
Natawa siya sa sinabi nito. "Ah okay."
"So? Let's go?"
Nakangiting tumango siya. Magkahawak kamay na naglakad sila pauwi sa mansiyon ng mga Santos.
Walang pagsidlan ng kaligayahan sa puso niya. Alam niyang hindi lang iyon ang haharapin nilang mag-asawa. Marami pa. Sa katunayan, nag-uumpisa pa lamang ang panibagong buhay para sa kanila. Pero ang mahalaga, kahit na ano mang problema ang kaharapin nila. Alam niyang kakayanin nila iyon basta magkasama silang dalawa. At kahit na ilan pa ang humadlang sa pagmamahalan nila. Kahit na ilang Laurie pa ang pilit na pumagitna sa kanila. Ang sasabihin lang niya...
Eh ano? Huwag kayong Pengkum!
"Mahal kita," bulong niya sa asawa.
"Mahal na mahal din kita," sagot nito.
Habang naglalakad ay kinintalan siya nito ng halik sa labi.
I'll never stop falling in love with you...
**THE END/WAKAS**