4

2083 Words
"ANDITO na tayo." nagising na lang ako nang sundutin ni Ling iyong pisngi ko. Kaagad kong pinunasan iyong gilid ng labi ko baka may panis na laway ako, nakakahiya naman sa makakakita. Nag-unat na rin ako dahil ramdam ko iyong ngalay sa buong katawan ko lalo na sa leeg. Grabe, buti naman at nakarating na kami. Nanghihina na kasi talaga ako. Bukod sa wala pa akong kain simula kahapon, ubos na ang tubig sa buong katawan ko! Tama kayo ng naiisip, sumuka nga ako. "Nahihilo pa ako.." halos pabulong ko nang sabi. Natatawang tinignan ako ni Ling. "Ano buhay kapa?" Nang-asar pa talaga. "Baka next mo nang isuka mga lamang loob mo na." "Baka nga." Tumayo na ako at kinuha na ang mga gamit ko, konti na lang kasi kaming mga pasaherong andito sa loob. Halata sa mukha ni Ling ang excitement. Sana all talaga nag-enjoy sa biyahe. Excited din naman ako, curious nga akong malaman kung anong actual itsura ng Manila kumpara sa mga naririnig at napapanuod ko. Nang makababa ng bus, bumungad sa amin ang mga nagtataasang building. Mga tunog ng sasakyan at mga usok na galing dito. Sobrang dami rin ng tao, mas lalo akong nahilo. Tumambay muna kami sa waiting shed ng terminal. Inaantay namin 'yong tita ni Ling na susundo sa amin, sa kaniya rin kami titira habang andito kami sa Manila. "Ganito pala rito 'no? Excited na ako gumala! Gala tayo, ha!" kulang na lang tumalon si Ling sa saya, niyakap pa talaga ako. At dahil nanghihina pa ako, hinayaan ko na lang siyang magsaya sa tabi ko. Pagkatapos ng ilang ang minutong pag-aantay ay nilingon ko na siya. "Ling, ano balita? Matagal pa ba tita mo?" Gusto ko na kasi makarating kung saan kami titira. Bukod sa gusto ko ng magpahinga, hindi ko na gusto iyong amoy ng hininga ko. Walang halong biro, ligong-ligo na ako! Mabilis naman namang kinuha ni Ling 'yong cellphone ko mula sa bulsa niya. Oo, cellphone ko na ang gamit niya. Pinasahan kasi ako ng load ni tita dahil lowbat na ang cellphone ng babaeng 'to. Chat pa more kay Shan? Shanun? Ano pa pangalan ng lalaking 'yon? Tama! Shanbu, parang shabu lang. "Andito na raw siya," tugon ni Ling. Tumingin ako sa paligid, bakit ko ba hinahanap 'yon? Hindi ko naman alam itsura ng tita niya. "Analie!" sigaw ng kung sino, agad kong hinanap 'yong pinaggalingan ng boses. Isang babaeng kasing-edad ni tita ang papalapit sa puwesto namin. Kulot ang mahaba nitong buhok at medyo may katabaan. Mukhang pamilyar siya sa akin na hindi. Gulo ko 'no? Sigurado na akong ito na ang tita ni Ling. "Tita Linda!" Sinalubong niya pa ito ng yakap. Nagyakapan silang dalawa habang ako nanunuod lang sa kanila at naiilang. Wala pa kasi akong nakikilalang ibang kamag-anak ni lola, konti lang kasi ang pamilya nila at ang iba pa ay dito sa Manila nakatira. Hindi ko namalayan na nasa harap ko na pala silang dalawa. Tinignan ako nito mula ulo hanggang paa, para bang inuusisa ako. "Ikaw na ba si Debbie?" tanong nito sa akin. Tumango naman ako, "O-opo, kumusta po." nahihiyang bati ko. Hindi ko alam kung anong itatawag ko sa kaniya. Halata sa mukha nito ang gulat. "Dalaga na pala ang batang inalagaan ni tiya at ang gandang bata pa," puri nito sa akin. " Napayuko naman ako sa hiya. "Salamat po." "Tita na lang ang Itawag mo sa akin," sambit nito. At dahil wala akong masabi tanging pag ngiti na lang ang naging sagot ko. Natatawa naman akong tinignan ni Ling, kaya mas lalo akong nahiya. Pinulupot niya 'yong braso niya sa akin. "Wag kana mahiya kay tita.." Napatingin ako sa tita niyang nagtatawag ng masasakyan namin. "Parang si mama rin 'yan, madaldal." "Halata nga," pabulong kong sagot. Nakahanap naman kaagad si tita Linda ng masasakyan namin. Isang puting taxi ang huminto sa harap namin. Kinuha ng driver 'yong mga gamit namin at nilagay sa likod. Hinatak naman ako ni Ling papasok sa taxi. Umupo 'yong tita ni Ling sa tabi ng driver, kami naman ang andito sa likod. Parang babaliktad naman ang sikmura ko dahil sa amoy ng aircon. Parang mas malalala pa 'to sa bus, nahihilo na naman ako, shet! Tumingin na lang sa ako sa bintana para labanan ang hilo ko. Buti na lang at effective dahil medyo nalibang ako, hindi ko kasi mapigilang mamangha sa mga nadadaanan namin. Maganda nga talaga ang Manila. Mayamaya lang ay huminto na 'yong taxi, mukhang andito na kami. Bumaba na kami at ganun din ang driver, kinuha niya 'yong mga gamit namin sa likod at inabot sa amin. Nasa tapat kami ng isang bahay, hindi naman siya maliit at hindi rin kalakihan. Binuksan muna ni tita Linda 'yong pinto pagkatapos ay pumasok na sa loob. Bumungad sa akin ang maaliwalas na bahay. Maliit nga lang kumpara sa bahay namin sa probinsya. Simple lang ang itsura sa loob, may dalawang pintuan sa gilid. May mahabang monoblock na upuan naman sa kabilang gilid, may estante kung saan nakalagay 'yong maliit na flatscreen na tv at kung ano pang anik-anik. Pinaupo muna kami ni tita Linda. Mula sa sala ay tanaw ko iyong kusina, may probinsya vibes 'tong bahay. "Sa unang kuwarto kayo matutulog. May double deck naman diyan kaya tama lang sa inyong dalawa..." Binuksan ni tita Linda iyong pinto ng kuwarto na tinutukoy niya. "Buti na nga lang at kakaalis lang ng dalawang estudyanteng nangupahan sa kuwarto na 'yan," dagdag pa nito. Tumayo ako mula sa pagkakaupo at sumilip sa kuwarto na tutulugan namin. Malawak naman iyong loob, okay na okay sa amin ni Ling. Pumunta muna si tita Linda sa kusina at may kinuha sa ref. Bumalik siya kaagad na may dalang isang pitsel na tubig at dalawang baso. At dahil nanunuyot na ako, I mean ang lalamunan ko, uminom ako ng tubig. Napangiwi naman dahil nalasahan ko iyong sinuka ko kanina. Kadiri! "Tita may malapit bang mall dito?" biglang tanong ni Ling kaya napatingin ako sa kaniya. Nilingon naman siya nito. "Meron naman... At bakit? Pag-aaral ang pinunta mo rito Analie, baka gusto mong pareho tayong malagot sa lola mo." Pinipigilan ko namang wag matawa. Madaldal nga talaga, parang si tita rin. Sumimangot naman si Ling. "Nagtatanong lang naman." "Alam ko kung saan papunta 'yang mga tanong mo. Iba ang mga lalaki sa Manila, mga mapupusok ang kabataan dito kaya umayos kayo! Magagandang babae pa naman kayo." Bigla ko tuloy naalala si lola, ganiyan din kasi iyong sinabi niya sa akin bago kami umalis. "Oo na po," maiksing sagot ni Ling. Tanong-tanong pa kasi, gusto ko tuloy matawa sa reaksyon ng mukha niya. "Oo nga pala, maiwan ko muna kayo rito, ha? May trabaho pa ako at baka mamayang gabi pa ang balik ko. May pagkain sa kusina, kumain na lang kayo kapag nagutom kayo," sambit ni tita. Parang kinabahan naman ako. Kami lang maiiwan dito? "Paano kapag may dumating at hinanap ka tita? O kaya may bigla na lang pumasok?" sunod-sunod na tanong ni Ling. "Tumawag kayo sa akin kapag ganun ang nangyari. May lock naman diyan, basta wag kayong lumabas ng bahay, ha? Lalo kana Analie." Tumingin pa ito kay Ling na parang nagbabanta bago pumasok sa isa pang kuwarto. Humarap si Ling sa akin. "Mukha bang matigas ang ulo ko? Nagtanong lang naman." "Gusto mo sagutin ko 'yan?" Inismiran na lang niya ako bago hatakin sa kamay papasok ng kuwarto. "Tara na nga lang, para makapagligpit na tayo," pag-iiba niya sa usapan. Kinuha ko muna 'yong mga gamit namin at sumunod sa kaniya papasok sa loob ng kuwarto. Meron nga double deck nga at study table katapat ng bintana. Ilang kabinet din na alam kong lagayan ng mga damit. "Saan ka? Baba o taas?" tanong ni Ling sa akin. "Baba na lang ako." Nilapag ko 'yong backpack ko sa higaan sa baba. Nagsimula na rin si Ling na mag-ayos ng mga gamit niya. "Saan kaya 'yong saksakan ng charger?" Napalingon ako kay Ling na parang tangang naghahanap ng masasaksakan ng charger niya. "Excited ka na naman sa kachat mo?" pagpaparinig ko. "Baliw, i-tetext ko sila mama. Lowbat kana rin kaya," mabilis na sagot nito. Hindi rin siya obvious. Kinuha ko 'yong charger ko at inabot sa kaniya. Nasa kaniya naman kasi 'yong cellphone ko, kaya siya na magcharge. Bigla ko namang naalala ang probinsya. "Nakakamiss kaagad sila lola." Napabuntong hininga na lang ako. Tumabi si Ling sa akin. "True. Miss ko na rin ang bunganga ni mama. Ganun talaga siguro, kailangan na nating matutong tumayo sa sariling mga paa natin." Napatingin naman sa kaniya dahil sa pinagsasabi niya. "Talaga ba? Kaya pala sinama mo ako rito kasi ayaw mong mag-isa." Siniksik niya yong sarili niya sa akin na parang pusa. "Alam mo namang hindi ako sanay ng wala ka sa tabi ko." Ngumiti pa talaga ang loka. "Ano namang gagawin ko rito pag nag-aral kana? Nganga ganun?" "Mag-aaral ka rin syempre, sasamah--" Hindi ko na siya pinatapos. "Ayoko muna mag-aral, masyadong magastos mag-aral dito. Sumama lang talaga ako para hindi ka mag-isa." Nagpout naman siya. "Sweet mo naman pinsan." "Baka mabaliw ka kasi o kaya gumawa ka ng kalokohan." Mabilis na nagbago reaksyon ng mukha niya. "Salbahe naman, matutuwa na sana ako." Natawa na lang kami pareho. "Teka, iyong sinabi mong hindi ka mag-aaral baka gusto mong magalit si lola sa'yo." "Wala akong sinabing hindi ako mag-aaral. Balak ko kasi na maghanap ng work dito para makapag-ipon tapos mag-aaral na ako." "Bahala kana nga. Alam ko namang alam mo iyong ginagawa mo, basta support lang ako sa mga desisyon mo." "Korni mo," biro ko. "Totoo iyong tangeks." Pinulupot niya na naman sa akin iyong braso niya. "Atsaka half day lang naman siguro pasok ko, huwag ka mag-alala makakasama mo ako kaagad," dagdag pa nito. "Pinagsasabi mo?" "Alam ko kasing mamimiss mo ako kaagad." "Sino nagsabi sa'yo?" pang-aasar ko. Bumitaw naman siya sa akin na parang nagtatampo. "Ang sama." Hinatak ko naman siya pero mahina lang. "Joke lang. Syempre mamimiss kita, ikaw kaya ang favorite kong pinsan." Kinindatan ko pa siya. "Para namang may iba kapang pinsan." "Aarte pa? Tara kiss kita." Ngumuso pa ako. Naiiling naman siyang lumayo. "Kadiri ka naman Debs." Natawa na lang ako sa reaksyon niya. "Porket may shanbu kana, gumaganiyan kana," pang-aasar ko pa. Kumunot naman 'yong noo niya. "Anong shanbu? Baka shamoon?" pagtatama niya sa sinabi ko. Inismiran ko lang siya. "Parehas lang 'yon." "Baliw, hanggang chat lang kami 'no." Tinignan ko naman siya ng nakakaloko. "Don't me, Ling." "Oo nga, hindi ko nga alam kung sino siya." "Edi wow," maiksing sagot ko, pero ang totoo wala na akong masabi. Bigla naman siyang yumakap sa akin, ang hyper ng babaeng 'to. "Samahan mo na lang ako bukas, para matuwa ako sa'yo?" "Saan?" Gagala siguro 'to. "Sa university na papasukan ko, sa Intern University," nakangiti niyang tugon. "Gagawin mo roon? Next week pa pasukan niyo 'di ba?" Tumango siya. "Magpapasa lang ako ng requirements." Bigla naman akong na-excite. Sabagay gusto ko rin namang makita 'yong papasukan niyang school, balita ko kasi school 'yon para sa mga mayayamang estudyante. Suwerte naman ni Ling kung ganun, kaya lang nag-aalala rin ako ng konti kasi baka i-bully siya. Karamihan pa naman sa mayayaman, masasama ugali. Bumalik ako sa reyalidad ng pisilin niya 'yong pisngi ko. "Aray, Ling!" reklamo ko habang hinihimas iyong pisngi ko. "Ano na naman iniisip mo?" "Naisip ko lang baka kasi i-bully ka ng mga estudyante roon. Ikaw na nagsabi kabogera iyong school niyo." "Hindi naman siguro. Atsaka subukan lang nila..." naging seryoso iyong mukha niya. "Andiyan ka naman para resbakan sila," pagpapatuloy niya. At dinamay pa talaga ako ng loka. "Opkors. Sumbong ka lang sa akin." Lumaki iyong mata niya. "Wow, tapang natin, ha." "Syempre naman." Ngumiti pa ako. Hindi ko naman inaasahan na bigla niya akong dadaganan kaya napahiga kami pareho. "Sweet mo talaga," sambit pa nito habang kinikiliti ako sa tagiliran. Hindi ko naman mapigilang matawa. "Umalis ka nga, ang bigat mo!" pero ang totoo sobrang nakikiliti ako, baka maihi ako nito. Tumigil na lang siya sa ginagawa niya nang tawagin kami ni tita Linda mula sa kusina. Mabilis pa sa mabilis na nawala si Ling sa harap ko, alam niya kasing gaganti ako. Mas malakas kaya kiliti niya lalo na sa paa. Hindi ko naman mapigilang mapangiti. Narealize ko ang swerte ko lang sa pamilya na meron ako. Bago pa ako magdrama tumayo na ako, naririnig ko na ang boses tita Linda. Mukhang nasermunan na naman si Ling, kawawang bata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD