NAKATINGIN lang ako kay tita Analyn at Linggu na kanina pa nag-iiyakan. Ito kasi ang unang beses na mapapahiwalay sila sa isat-isa. Kahit na nagbabangayan sila minsan, sobrang close nilang mag nanay.
Ganun din naman ako, nakakalungkot pero ganun talaga siguro. Hindi naman kasi forever magkakasama kami, kailangan namin ni Linggu matutong tumayo sa sarili naming mga paa. Lalo na ngayon at college na kami.
Nakaupo lang ako nang lumapit si lola sa akin, hinawakan niya ang mga kamay ko.
"Apo, mag-iingat kayo roon, ha? Lagi kayong tumawag sa amin..." nakangiting paalala ni lola. "At ikaw, wag ka munang magbo-boyfriend doon. Hindi natin alam kung anong klase ng mga lalaki mayroon sa Maynila," dagdag pa nito.
Sabi na, eh. Papaalala sa akin ni lola 'yan.
Nakangiti akong tumango. "Opo, lola alam ko po 'yon,"
"Debbie, walang masama sa pagkakaroon ng boyfriend. Nagiging masama lamang ito kung minamadali natin. Ito kasi ang nagiging dahilan kung bakit minsan nagiging mapusok tayo. Kaya kahit na ilang lalaki pa ang maging karelasyon mo kung hindi siya ang para sa'yo, paulit-ulit ka lang masasaktan..." nakikinig lang ako kay lola. "Kaya matutong mag-antay wag puro puso ang paganahin, dahil ang tunay na pag-ibig darating 'yan sa tamang oras sa hindi mo inaasahang pagkakataon."
Hindi ko alam pero napangiti ako sa mga sinabi ni lola. Simple lang ang sinabi niya pero ang laki ng epekto sa akin.
"Salamat po, lola. Tatandaan ko po lahat ng sinabi niyo," tugon ko.
"Malay mo kung sino pa ‘yong hindi mo iniisip na magugustuhan mo, siya na pala ang lalaking para sa’yo. Ganun manggulat ang tadhana."
Napakamot ako sa ulo. "Parang ang gulo naman po ‘la."
Natawa naman si lola. "Wag mo na nga muna isipin 'yan. Tara na at andiyan na maghahatid sa inyo sa terminal." Bumaling si lola kay tita at Linggu. "Tama na 'yan Analyn, baka mahuli na ang mga bata sa alis ng bus."
Niyakap naman ulit ni tita si Linggu. “Mag-ingat kayo, ha? Magtetext ka sa akin lagi." Sunod na lumapit si tita sa akin. "Kayo na bahala sa isat-isa, ha? Mamimiss ko kayo, wala ng maingay dito sa bahay ni nanay."
Napangiti naman ako sa huling sinabi ni tita. Niyakap niya ako at ganun din ako.
"Opo naman 'ta. Ingat po kayo ni lola rito, mamimiss ko rin po kayo," feeling ko maiiyak na ako.
"Tama na ang drama." Si lola.
Alam kong malungkot din siya pero hindi niya lang pinapahalata sa amin ni Linggu.
Nasa labas na 'yong motor na sasakyan namin papuntang terminal ng bus.
Kinuha ko na ang mga gamit ko at ganun din si Linggu, nagyakapan muna kaming apat hanggang sa sumenyas na si lola na sumakay na kami.
Naunang sumakay si Linggu, sumunod naman ako. Konti lang kasi ang dala kong gamit kumpara sa kaniya, kaya pinauna ko na siya at ako ang nasa dulo.
Nang umandar ang motor hindi na ako lumingon pa, baka tuluyan na akong maiyak.
Hindi na sumama sila lola sa terminal baka raw kasi pigilan ni tita ang pag-alis namin.
Mayamaya lang ay nakarating na rin kami terminal. Hinanap namin agad 'yong bus na Philtranco ang pangalan.
Ito ang unang beses na babiyahe kami ni Linggu ng malayo. Kaya kahit na medyo sanay siya pag biyahe dahil may experience na siya, kinakabahan pa rin ako.
"Tara na," anyaya niya sa akin nang makita 'yong bus na sasakyan namin.
Isang backpack lang at travel bag ang dala ko, mga mahahalaga at kailangan lang kasi ang dinala kong gamit.
Samantalang si Linggu, isang backpack, travel bag at may sako bag pa na ang laman ay mga pabaon sa amin ni tita.
Nilagay ko sa overhead ng upuan namin 'yong travel bag namin ni Linggu at 'yong sako bag. Hindi naman kalakihan kaya kasya lang. Nasa mga ilalim naman ang mga backpack namin.
"Nakaupo rin sa wakas." Nakahinga ako ng maluwag, sa may tabi ng bintana ako umupo.
Hindi pa umaandar ang bus pero nasusuka na ako, hindi talaga ako sanay sa biyahe.
Non-aircon ang bus na sinakyan namin, ako ang nagsabi kay tita. Mabilis kasi akong mahilo. Habang si Linggu chill lang sa tabi ko na busy pa sa cellphone niya.
Speaking of cellphone, kinuha ko 'to sa bulsa ng backpack ko.
Simula ng mag break kami ni Guian hindi na ako gumagamit ng cellphone, wala rin naman akong katext.
Umayos ako ng upo nang nagsimula ng umandar ang bus.
So ito na, wala ng atrasan! Maging maayos sana ang biyahe namin.
—-
"DEB?" nagising ako sa boses ng pinsan ko.
Nakatulog pala ako, tumingin ako sa binatana sa gilid ko.
"Bakit nakatigil tayo?" tanong ko.
"Stop over muna 'yong bus natin para sa mga gustong kumain," sagot niya.
Hapon na pala, "Anong oras na?" tanong ko kay Linggu na kumakain ng biscuit ngayon.
"Four na ng hapon. Haba ng tulog mo."
Ginalaw-galaw ko muna 'yong leeg ko, parang nangalay kasi.
"Malapit na ba tayo?"
Natawa naman si Linggu. “Malayo pa, wala pa nga tayo sa kalahati, eh."
"Paano mo nasabi?"
"Sabi ng kachat ko," nakatingin sa cellphone niya si Linggu nang sumagot siya sa akin.
Nilihis ko 'yong ulo ko para silipin kong sino ang kachat niya. Nanlaki naman ang mata ko. "Anong baby," tanong ko ng mabasa 'yong pangalan na nakalagay.
Nagulat naman siya. "Debbie!" nahihiyang sabi pa nito.
Tinignan ko naman siya ng nakakaloko, "Ikaw, ha! Lumalantong kana."
Natawa naman siya. "Wala 'to tangeks, sinasakyan lang namin ang trip ng isat-isa..." talaga ba? "At saka hindi ko naman alam kung sino 'to at hindi niya rin alam kung sino ako," proud pa siya.
Hindi kilala pero baby ang tawagan?
Tinaasan ko siya ng kilay, "P'wede ba 'yon? Tinatawag mong baby 'yong taong hindi mo kilala. Wag ako!"
"Opkors, role play lang naman kasi 'to," nagsimula na akong maguluhan. "May nagsali kasi sa akin sa group page ng RPW, lahat ng account sa page na 'yon mga dummy account. P'wede ka kasing gumamamit ng identity ng kahit sinong gusto mo, basta bawal mo lang i-reveal kung sino ka. Angas diba?" explain niya.
Ano raw? Ang gulo naman.
"Dami mong alam," nasabi ko na lang.
Lalo kasi akong nahilo sa mga sinabi niya.
"Sali kana lang," at niyaya pa ako.
"Ayoko nga, wala nga akong pera tapos magsasayang pa ako ng load."
"Ikaw din. Ang saya kaya!" parang batang sabi nito.
Inismiran ko na lang siya. "Halata nga, kanina ka pa sa cellphone mo. Buti hindi kap a nalolowbat."
Nakatingin lang siya sa cellphone niya.
"Malapit na nga, eh."
Natawa naman ako. "Sige, lagot ka kay tita pag hindi tayo nakapag-update. Wala pa naman akong load."
Mukhang nadala naman siya sa pananakot ko. Tumigil kasi siya sa pagpindot at tinago 'yong cellphone sa bulsa ng backpack niya.
Umayos siya ng upo at tinuloy ang pagkain ng biscuit. "Ang saya pa naman niya kausap," narinig ko pang bulong niya.
Nacurious naman ako. Ngayon lang kasi siya naging ganiyan sa kachat niya.
"Ano palang name niya?" tanong ko.
Ngumiti naman ang loka. "Shamoon."
Natawa naman ako. "Anong name 'yan? Baka naman arabo 'yang kausap mo."
Sumimangot siya. "Grabe ka naman. Fake name niya lang 'yan syempre. Bawal gumamit ng real name at real picture sa role play world 'no."
Medyo gets ko na, "Ikaw ano name mo?"
"Ling Ahn," diretsong sagot niya.
"Akala ko ba bawal real name?"
Parang nickname niya pa rin kasi.
"Hindi ko naman real name 'yan, eh."
Tumango na lang ako. "Ano lang pala alam niyo sa isat-isa?"
Nalilibang akong magtanong, HAHAHA.
"Ang sabi niya sa Manila siya nakatira."
"Kaya naman pala bigla mong gustong pumunta sa Manila." Ngumiti pa ako ng nakakaloko.
"Baliw, wala naman akong balak kitain 'yan. Gusto mo ba bugbugin ako ni mama?"
Tuluyan na akong natawa, napipikon na kasi siya. "Pag ikaw nahulog diyan sinasabi ko sa'yo."
"Ano ako ikaw?" Tinawanan ko lang siya. "Tigilan mo na nga ako, trip mo ako Debbie, ha!"
Gusto ko pa sana siyang asarin kaya lang nagsimula ng umandar ulit 'yong bus.
Inangat ko 'yong bintana, gusto ko kasi ng sariwang hangin.
"May candy ka?" tanong ko.
May kinuha naman siya sa bulsa ng jacket na suot niya. "Ito, oh." Bigla naman siyang tumawa na parang nang-aasar. "Nasusuka ka 'no?"
Tumango ako. "Oo, penge plastic." Kunwaring nasusuka na ako.
Sarap pagtripan ni Linggu ngayon.
Nataranta naman siya at tumingin pa sa mga kasama namin sa bus.
"Siraulo ka Deb, wala akong plastic."
"Joke lang." Tuluyan na akong natawa.
Inirapan niya naman ako. "Ewan ko sa'yo! Tutulog muna ako. May pagkain sa bag ko, kumuha ka na lang pag nagugutom kana."
Hindi ko lang alam kung makakain ako sa biyahe. Baka isuka ko lang ‘yan. Tumango na lang ako.
Sumandal na siya sa upuan niya at pumikit na. Tumingin na lang ako sa bintana, sana makarating na kami agad.
Baka hindi ko na mapigilan at masuka na ako, goodluck to me!