"ANO naniniwala kana?" siguro panglimang beses na niyang tanong 'yan.
Natatawa ko siyang inirapan. "Oo na, malay ko bang may girlfriend pala siya."
"Una, malay mo ba na playboy siya. Pangalawa, malay mo ba na barbecue lang pala gusto niya. Tapos ngayon malay mo ba na may girlfriend pala siya. Ano next?"
Umupo ako sa monobloc naming upuan.
"Edi ako na malas sa pag-ibig," labas sa ilong kong sagot.
Hindi ko naman siguro kasalanan 'di ba?
Nagmahal lang naman ako, malay ko ba na playboy pala 'yong una kong naging boyfriend. Tapos 'yong pangalawa naman, barbecue lang pala ang habol sa akin!
Ginawa akong girlfriend para makalibre. Ako kasi ang nagbabantay sa tindang barbecue ng tita ko na mama ni Linggu tuwing hapon.
Lumabas si lola mula sa kusina, may dala siyang lagayan ng ice cream, pero mga first aid kit laman niyan.
"Gamutin mo sugat ng pinsan mo bago pa ma-infection." Inabot ni lola 'yong lagayan ng ice cream kay Linggu.
Kumuha naman siya ng bulak at nilagyan ng betadine.
"Masakit?" tanong nito.
Umiling lang ako. "Sanay na akong masaktan," hugot ko.
Char lang syempre, slight lang ganun.
Hindi naman ako masyadong nasaktan sa nalaman ko kanina, pero sa kalmot at sambunot? Aba, oo! Napahiya pa ako.
"Debbie! Sino 'yong babaeng 'yon ng masugod ko," bulalas ni tita Analyn nang makapasok sa bahay namin.
Si tita Analyn ang mama ni Linggu, siya ang nag-iisang anak ni lola. Para ko na rin siyang nanay, ganun.
"Wala 'yon 'ta," natatawang sagot ko.
Pumunta siya sa harap namin at tinignan ako mula ulo hanggang paa, para bang chini-check niya kung may sugat ba ako.
Napatingin naman siya sa pisngi kong ginagamot ni Linggu.
"Aba! Tignan mo, oh! Ganda-ganda ng kutis mo tapos susugatan lang ng babaeng 'yon. Pinagkalat pang kabit ka sa mga kapitbahay!" parang armalite na sabi nito. Ingay ni tita 'no?
Buti na lang hindi ganiyan si Linggu , mga medyo lang. Minsan, ganun.
"Analyn, hinaan mo nga ang boses mo, nangyari na. Hayaan niyo na," sita ni lola.
Natahimik naman si tita, natawa tuloy kami ni Linggu. Si lola talaga ang boss dito.
"Ma, anong ulam?" pag-iiba ni Linggu.
Umupo muna si tita sa pahabang kahoy na upuan namin. Mukha siyang pagod na pagod dahil hinihingal pa.
"Kung anong ulam natin kaninang tanghali."
"Laing na naman...Dito na lang ako kakain, ma."
Hindi naman siya pinansin ni tita, tumayo lang ito at pumunta sa kusina. "Anong ulam niyo 'nay?" tanong nito kay lola, sumunod naman si lola sa kaniya.
Naiwan kami ni Linggu sa sala. "Linggu, kamusta pala 'yong scholar mo? Nag-apply ka na ba?" bigla ko kasing naalala, curious din ako.
Nilagyan niya muna ng kung anong cream 'yong sugat ko pagkatapos ay tumingin sa akin. "Oo, nakaraan pa. Bukas ko malalaman kung nakapasa ako."
"Bakit parang hindi ka masaya?"
Parang napipilitan lang kasi siya.
"Ayoko naman kasing mag-aral sa Maynila, si mama lang may gusto."
"Tangeks, oks na 'yon. Malay mo naman mas magandang opportunity ang nag-aantay sayo roon."
Sumimangot siya. "Mas gusto ko pa rin dito, "
"Arte mo naman."
Bigla namang nag-ring 'yong cellphone niya. Mabilis niyang kinuha ito mula sa bulsa ng short niya.
Tinaasan ko naman siya ng kilay at tinignan ng nakakaloko.
Napansin niya naman ako. "Bakit?" parang kinikilig pa siya sa boses niya.
"Hoy, ano 'yan?" ma-intriga kong tanong.
Umiling lang siya. "Wala 'to."
Nagtaas naman ako ng kilay. "Talaga ba?"
Tumango lang siya at bumalik sa cellphone niya, mukhang pumapag-ibig na'to, ha.
— KINABUKASAN
"DEB, bantayan mo nga muna ang niluluto ko at may bibilhin lang ako sa tindahan," bungad sa akin ni lola pagdating ko sa kusina.
Kagigising ko lang kasi, medyo okay na rin naman ang sugat ko sa pisngi.
"Ako na po bibili 'la," prisinta ko.
Nag-aalalang tumingin si lola sa akin. "Ako na, bantayan mo lang 'yan."
"Lola ako na po." Ngumiti pa ako. "May bibilhin din kasi ako."
Inabot niya sa akin 'yong pera. "Magic sarap at mantika."
Tumango na lang ako at umalis na.
Marami ng tao sa kalsada ng malakabas ako. Ala- syete na rin kasi ng umaga kaya may mga nagwawalis na sa tapat ng mga bahay nila, may mga naglalako ng tinapay at syempre mga nagchichismisan.
Habang naglalakad napansin kong pinagtitinginan ako ng iba sa kapitbahay namin tapos magbubulungan.
Hindi ko na lang sila pinansin at dumiretso na sa tindahan ni ate Bebang.
"Mantika nga at magic sarap," sabi ko.
Nagulat pa si ate Bebang ng makita ako. Binigay niya sa akin 'yong binili ko at inabot ko naman ang bayad, iba rin ang tingin nito sa akin.
Dumating naman sa tindahan 'yong dalawa pa naming chismosang kapitbahay. Sina aling Louisa at aling Linda.
Umupo sila sa bakanteng upuan sa tapat ng tindahan.
"Mga kabataan nga naman ngayon, mapupusok!" pagpaparinig ni aling Louisa.
"Oo nga, eh. Ang bata-bata pa nagiging kabit na. Nako, kung anak ko 'yan? Papalayasin ko talaga sa bahay," pagsang-ayon naman ni aling Linda.
At hindi ako tanga para hindi malaman na ako ang pinag-uusapan nila.
Kaya pala parang ayaw akong utusan ni lola na lumabas, kasi laman ako ng chismis ngayon dahil sa nangyari kahapon.
Ang tagal pang i-abot ni ate Bebang 'yong sukli ko, parang nanadya.
Nakita ko namang tumingin si aling Louisa sa akin, nang tumingin ako sa kaniya mabilis siyang humarap kay aling Linda. "Totoo nga ang kasabihan, kahit ang tahimik may tinatagong kalandian."
Parang gusto kong pumatol sa matanda ngayon. Kahit isang beses lang!
Magsasalita na sana ako ng may umakbay sa akin, si Linggu. "Sabi ni lola sundan daw kita, eh. Wag mo ng pansinin 'yong mga mosang na 'yan, wala namang mga ambag sa buhay mo 'yan," alam kong sinadya niyang lakasan para marinig nila aling Louisa.
Hindi nga ako nagkamali. "Aba't kami ba ang pinaparinggan niyo?"
Napalingon kami, "Tinamaan po kayo? Kayo talaga aling Linda ang aga-aga chismis agad inaatupag. Kausapin niyo po anak niyo, nakita ko po kasi isang araw sa bayan may kayakap na lalaki," kuwento ni Linggu.
Nagulat naman si aling Linda at masama ang tingin kay Linggu.
Bago pa magkasagutan, "Sukli ko po!" malakas na sabi ko kay ate Bebang.
Inabot naman nito 'yong sukli ko at 'agad na hinatak si Linggu palayo sa tindahan. Palaban pa naman 'to!
"Grabe, mga chismosa hindi naman alam kung anong totoong nangyari," bulalas ni Linggu nang makarating kami sa bahay.
Binigay ko muna kay lola 'yong mga inutos niya sa akin at mabilis na bumalik sa sala kung saan nakaupo si Linggu.
"Kalma, aga-aga highblood ka." Siniko ko pa siya pero mahina lang.
"Hindi ka ba naiinis kasi pinag-uusapan ka sa labas?"
Natatawang umiling naman ako. "Bakit ako masasaktan? Eh, hindi naman totoo," sagot ko.
Totoo naman, char. Slight lang ganun.
"Si Debbie ka nga pala." Natawa na lang kami pareho. "May good news pala ako!"
Tumaas naman 'yong kilay ko. "Ano?"
"Nakapasa ako!" parang nanalo sa loto ang reaksyon niya.
Kumunot naman 'yong noo ko. "Himala, parang kahapon lang ayaw mong makapasa ka tapos ngayon saya-saya mo," sambit ko.
Niyakap niya ako. "Syempre, narealize ko na gusto ko palang pumunta sa Manila at isasama kita."
Kaya naman pala, isasama niy—-
"A-ano? Anong kasama ako?"
Ngumiti siya ng malapad. "Naisip kong isama kana lang para hindi naman ako mag-isa roon. Sinabi ko na kay mama kanina, sabi niya tanungin muna kita."
Grabe 'to, dinamay pa ako!
"Ano namang gagawin ko sa Manila? At saka nag-aaral ako rito 'no."
"Doon kana raw mag-aral sabi ni lola, para na rin hindi kana ma-stress sa mga chismosa nating kapitbahay."
Mukha ba akong stress?
Napabuntong-hininga ako. "Paano si lola?"
"Ano ka ba Deb, andito naman si mama. At saka si lola rin naman may gustong isama kita."
Napaisip naman ako. Parang gusto kong sumama na hindi, naguguluhan ako.
"So sasama ka o sasama?"
Tumingin ako sa kaniya, "P'wedeng pag-isipan?" tanong ko.
Umling naman siya. "Hindi," ang bilis ng sagot grabe.
May choice pa ba ako? Ayoko rin naman mahiwalay sa babaeng 'to.
Hindi ko lang basta pinsan 'to, siya rin ang nag-iisang best friend ko.