Pagkatapos nilang maligo sa dagat ay agad silang pinaligo ng maayos ni Yaya Choleng. Pinagmamadali sila dahil inabot na sila ng takip-silim at maaaring lamigin na si Rafa. Pinauna na sila ni Brix at dumaan muna ito sa restaurant. Paglabas nila sa banyong mag-ina, sinabihan siya ng ina na galing doon si Brix. "Susunduin tayo na alas syete y medya para kumain ng hapunan," sabi ng kanyang ina. Sinulyapan ang apo na tila inaantok na. "Eh anong gagawin natin diyan?" "Kaya nga po eh. Kailangang makakain muna ito," pinunasan niya ng tuwalya ang anak na mapungay na ang mga mata. "Sige na, magbihis ka na at katukin ang kaibigan mo. Itanong mo kung puwedeng mas maaga tayo para bago man lang makatulog yan nang tuluyan ay makakain na muna kung hindi ay mamayang hatinggabi iyan gigising.

