Natapos ang first day of school na puro introduction lang ng sarili at ng mga subject. Mas mabuti na ‘to kaysa sa mga susunod na araw, alam ko kasing magiging mahirap bawat subject pero kakayanin!
Kasalukuyang umuulan at nandito ako sa labas ng school, panandaliang sumisilong sa maliit na espasyo. Wala pa kasing dumadaan na tricycle at hindi naman ako pwedeng maglakad kahit malapit lang yung bahay namin. Mababasa ako panigurado.
Nakita ko si Yael na kakalabas lang ng school. Malayo ata bahay nito eh. Tsaka hula ko mayaman ‘to, linibre ba naman ako ng lunch kahit madami inorder ko.
Pero nagtaka ako no’ng unti-unti siyang naglakad patungo sa direksyon ko. Ano na naman kayang trip nito? Kumurap-kurap ako nung nasa harapan ko na siya.
“Don‘t you have umbrella?” May bahid na pag-aalalang tanong niya. Dahil sa tanong na ‘yon mas lalo akong nagtaka.
“Ha? Sisilong pa ba ako kung may payong ako?” Sarkastiko kong tanong.
Natawa siya kaya natawa na rin ako sa katangahan niya.
“Come, I'll go with you.” Seryoso niyang sabi.
“Hala, sigurado ka ba?” Kunwari nahihiya tayo pero deep inside gusto na nating makauwi. “Baka mabasa ka.”
“No, I won't get wet.” Hindi niya na ako hinayaang magsalita dahil hinila niya na ako paalis sa sinisilungan ko. “Let’s go.”
Deep inside masasabi kong kinilig ako. Syempre once in a lifetime lang ang experience na ‘to. Ang payungan ka ng isang poging nilalang. Pero hindi naman magiging once ‘to kung willing siyang payungan ako till death do us apart.
“Is your house far?” Tanong niya.
“Hindi naman.” Nakayuko kong sagot. Tinitignan ang mga sapatos namin na unti-unting nababasa ng ulan.
Habang naglalakad pauwi ay hindi ko maiwasang tumingin sa kaniya dahil nag-aalala akong baka mabasa siya. Siya na nga yung nagpresintang ihatid ako sa bahay tapos siya pa yung mababasa. Again Aya, asan ang hustisya?
Napag-usapan namin ang mga subjects namin na siyang magpapahirap sa‘min sa mga susunod na buwan. Pinag-usapan namin yung Practical Research, Philippine Politics, Reading and Writing, at iba pa. Nasali rin sa topic yung mga posibleng ipagawa sa‘ming mga activities and projects.
At syempre good student ako kaya sinakyan ko yung topic.
“So why did you choose GAS?” Tanong niya.
Nag-isip-isip muna ako. “Hmm, siguro dahil undecided pa rin ako sa magiging course ko sa college. Kahit gusto kong kunin yung Tourism wala naman kaming pera para sa gastusin ng course na ‘yan.” Malungkot kong saad. “Eh ikaw?”
“We‘re the same actually.”
Wow gaya-gaya naman pala ‘to eh.
Hindi na nasundan ang topic. Nahihiya naman akong tanungin siya kung ano pa mga reasons niya bakit kinuha niya ang GA Strand. Baka sabihin nito chismosa ako, bawas ganda points ‘yon.
“Konting tiis nalang Yael, malapit na bahay namin.” Tumawa ako. Nakita ko kasi yung kanang bahagi ng uniform niya na basang-basa na. Ako naman kasi yung pinapayungan niya ng husto, yung sarili niya hinahayaan niya lang mabasa.
“I’m fine, as long as you're fine.”
Napangiti ako nang tumapat na kami sa bahay namin. Pagkatapos ay humarap ako sa kaniya.
“Salamat bff.” Nginitian ko siya.
“Bff? Really?” Tumawa na naman siya. Happy pill talaga ako nito eh.
“Joke lang. Babye, ingat ka.” Saka ako nagwave.
“Bye, see you tomorrow, Aya.”
At pumasok nga ako ng bahay na nakangiti. Pero agad na nawala ang ngiti ko nang may narinig akong sigawan sa kusina. May mga tunog pa ng mga nabasag na gamit.
Kaya dali-dali akong pumunta sa kusina at nadatnan si Mama at Papa na nagsisigawan at matalim ang titig sa isa‘t-isa.
“Ma, Pa, ano na naman ‘to?” Nanghihina na ako nang sabihin ‘yon. Madali akong manghina sa mga ganitong eksena. Nawawala yung normal na Aya.
“Huwag kang mangialam dito, Aya. Umakyat ka sa kwarto mo at i-impake mo ang mga gamit mo. Aalis na tayo sa buysit na pamamahay na ‘to.” Seryosong saad ni Mama na hindi manlang ako nagawang tignan.
Kay Papa lang siya nakatingin at halatang galit na galit siya. Ano na naman kayang nagawa niya at bakit galit na galit ‘tong si Mama na umabot pa sa puntong aalis na kami ng bahay.
Tumingin muna ako kay papa at isang tingin ko palang alam ko nang mabigat ang kasalanan niya. Gulo-gulo ang buhok niya at namumula ang kanang pisngi galing siguro sa sampal. Yung tingin niya sa‘kin parang nagmamakaawa at humihingi ng tawad.
“Ano pang hinihintay mo?! Mag-impake ka na!” Malakas na sigaw ni Mama kaya napaigtad ako.
Halos takbuhin ko ang kwarto ko at marahas na binuksan ang pinto. Hindi ko na napigilan ang mga luhang sunod-sunod na tumulo. Nagmamadali akong kunin ang mga damit ko saka ito sinilid sa isang malaking bag.
Kung ano man ang rason kung bakit kami aalis ni Mama, paniguradong magiging sanhi rin ‘to ng paghihiwalay nila.