CHAPTER 5

1407 Words
BRIELLA'S POV "Mabuti naman at dumating ka na. Ikaw na ang bumili ng gamot ni Nanay." Ito agad ang bungad sa akin ni Ate Mina nang makauwi ako sa bahay. Kasalukuyan siyang nagsasampay ng mga damit na ipinalaba sa kaniya ng kapitbahay. "Wala pa po ba si Ate Angel? Pwede naman tayong magpabili sa kaniya dahil nasa palengke naman siya," seryosong sagot ko naman. "Aba naman! Ella, mahiya ka kay Angel. Pagod 'yon sa pagtitinda sa palengke at saka gagabihin siya ng uwi dahil mag-eextend siya sa tindahan, uutusan mo pa?" pagalit na sabi naman sa akin ni Ate Mina. Lihim akong napabuntong hininga. Wala naman kaming ipinagkaiba ni Ate Angel dahil pareho naman kaming nagtatrabaho. Mas convenient lang kung siya ang bibili dahil nasa palengke naman na siya mismo. May mga botika naman kasing mabibilihan malapit sa tindahang pinagtatrabahuhan niya. "Kung ayaw mong bumili ng gamot, edi hayaan na'ng hindi makainom si Nanay ngayong gabi. Ang dami mo pang sinasabi d'yan," dugtong na sabi pa ni Ate Mina at saka padabog siyang pumasok sa loob ng bahay. Marahan akong napailing. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit mainit ang dugo sa akin ng dalawa kong kapatid. Lagi naman akong pinapaalalahanan ni Nanay na huwag na lamang silang patulan. Ako raw ang bunso kaya dapat daw ay ako ang umintindi. Kaya nga kahit masasakit na ang sinasabi sa akin nina Ate ay tinitiis ko na lamang. At isa pa, ginaganito lang naman nila ako kapag hindi namin kaharap si Nanay. Pumasok na lamang din ako sa loob ng bahay. Nakahiga na si Ate Mina sa upuan naming mahaba na gawa sa kawayan. Bakas sa kaniya ang pagod sa paglalaba kaya hindi ko na lamang siya pinansin. Tambak pa ang mga hugasin sa lababong gawa rin sa kawayan. Wala ring imbak na tubig kaya kailangan pang umigib sa may kabilang bahay. Gustuhin ko mang maglinis muna ng bahay ay mas mahalaga ang gamot ni Nanay. Ngunit bago ako umalis ay sinilip ko muna si Nanay sa kwarto namin. Mahimbing itong natutulog kaya hindi ko na siya inabala pa. Hindi ko na rin inabala pa si Ate Mina na nagpapahinga na rin. Ako ang pinapabili niya ng gamot kaya ibig sabihin no'n ay pera ko rin ang ipambibili nito. Medyo malayo ang palengke sa amin ngunit mas pinili ko na lamang na maglakad upang makatipid sa pamasahe. Kaya naman iyong lakarin at isa pa, medyo maliwanag pa naman kaya safe pa naman. Habang naglalakad ay nakita ko pa si Rico na natumba sa gilid ng kalsada. Napailing na lamang ako dahil isa iyon sa mga modus niya. Nagkukunwari siyang nasasagi ng mga magagandang kotse upang bayaran siya ng pera. Hindi na dapat ako makikialam ngunit nang lumabas ang driver ng kotse ay nakilala ko agad kung sino siya. "Pare, hindi mo ba ako nakita? Nakagilid na ako pero binangga mo pa rin ako," narinig kong sabi pa ni Rico. Naglalakad kasi ako palapit sa kanila dahil doon din ang daan ko papunta sa palengke. "It's not my fault," walang emosyong sabi ng lalaki. Muli akong napailing. Wala talaga dapat akong pakialam sa kanilang dalawa. Ngunit dahil madadaanan ko sila ay hindi ko alam kung makakatiis ba ako. "Aba't ini-English mo pa ako? Don't.. Don't.. Huwag kang mayabang ha!" singhal pa ni Rico. Napalingon ako sa paligid at nakita ko ang mga tropa ni Rico na nakaabang lang. Ang ilan ay may mga hawak pang mga kahoy at baseball bat. Matagal ko nang sinasabihan sina Rico na tigilan na ang ganitong gawain ngunit ginagawa pa rin nila. Sasakay na sana muli ang lalaki sa sasakyan niya ngunit nagsilabasan na ang mga tropa ni Rico. "Pare, tatakbuhan ka ba nito?" maangas na tanong ni Timog habang marahang hinahampas hampas sa kamay ang kahoy na hawak. Hindi na ako nakatiis at agad na lumapit sa kanila. "Anong nangyayari dito?" malakas kong tanong kina Rico. "Ella, anong ginagawa mo dito?" kinakabahang tanong naman ni Rico. Sinamaan ko naman siya ng tingin. "Ako ang unang nagtanong," mataray kong sambit. Napakamot naman sa ulo niya si Rico. "Wala naman. Napadaan lang kami ng tropa dito," nahihiyang sabi pa niya. Inilipat ko ang tingin ko sa mga tropa niya na nakatago na sa mga likuran nila ang hawak nilang mga pamalo. "Magsiuwi na nga kayo," sabi ko pa. "Kilala mo ba siya?" tanong pa ni Rico na ang tinutukoy ay ang lalaking may-ari ng sasakyan na bubudulin sana nila. "Oo. Kaya umayos kayo ha. Sabi ko naman sa inyo, tigilan niyo na ang mga kalokohan niyo," masungit kong sabi. "Sige na. Mauna na kami, Ella." Hindi na ako hinayaan pang magsalita ni Rico dahil nagmadali na siyang naglakad palayo sa akin. Pati ang mga tropa niya ay mabilis na sumunod sa kaniya. Napahinga naman ako ng malalim dahil kahit papaano ay nakikinig sa akin ang mga lalaking iyon. "Finally, you know me," nakangising sabi sa akin ng lalaking nandito pa pala. Napairap naman ako. Hindi ko alam kung maliit ba talaga ang mundo dahil kahit dito sa lugar ko ay nagkita kami. Siya lang naman kasi ang lalaking nakaengkwentro ko sa may subdivision at sa ospital. "Hindi kita kilala. Niligtas lang kita sa mga ulupong na 'yon," masungit kong sambit sa kaniya. "Should I thank you then?" tanong pa niya. "No need! Umalis ka na lang dito dahil baka balikan ka pa nina Rico. At huwag na huwag ka nang dadaan sa kalsadang ito," seryosong sabi ko pa. Akmang lalakad na sana ako ngunit mabilis niyang hinawakan ang braso ko. Sinamaan ko naman siya ng tingin kaya mabilis siyang napabitaw sa akin. "Wala ka ba talagang balak kilalanin kung sino ako?" nagtatakang tanong niya sa akin. Napaismid naman ako. "Wala! Wala na akong panahon sa mga kagaya mo. Hmp! D'yan ka na nga!" Naglakad na ako palayo sa kaniya dahil kailangan ko pang bumili ng gamot sa palengke. Kailangan ko pa ring maglinis ng bahay at magluto ng hapunan namin. "See you around, Miss Ella!" sigaw pa ng lalaki ngunit hindi ko na siya pinansin pa. Nagmadali na ako sa paglalakad dahil dumidilim na. Bumili ako ng gamot ni Nanay na halos umabot ng isang libo. Mabuti na lamang na nakapag-advance ako kanina kaya may pera pa ako. Sinabi ko kasi kay Manang ang nangyari kay Nanay. Bumili na rin ako ng kalahating kilong tilapia na lalagain ko na lang upang may sabaw si Nanay. Bawal pa kasi siyang kumain ng marami dahil sa pagkakaopera niya. Pauwi na sana ako nang mapadaan ako sa isang kainan. Hindi sinasadyang nakita ko si Ate Angel na nandoon at may kasamang lalaki. Masaya silang nagkukwentuhan habang kumakain. Akala ko ba ay overtime siya sa tindahan? Hindi ko kilala ang kasama niya ngunit sigurado akong boyfriend niya ito. Napailing na lamang ako. Hindi ko na talaga alam kung anong dapat maramdaman sa mga kapatid ko. Pero ayoko namang magkagulo gulo pa kami sa bahay. Si Nanay lamang ang mahihirapan kapag nagkataon. Sumakay na lamang ako ng tricycle pauwi dahil gabi na. Pagkarating ko sa bahay ay tulog pa rin si Nanay habang si Ate Mina naman ay nanonood ng tv. "Napakatagal mo, Ella. Gutom na ako. Magluto ka na nga doon!" paasik na sabi niya sa akin. Hindi ako sumagot. Nagderetso na lamang ako sa kusina upang kumuha ng timba. Iigib pa kasi ako ng tubig na pangluto at panghugas na rin ng mga pinggan. Pagkarating ko sa may poso ay saktong nandoon din si Rico. Nang makita niya ako ay agad niyang kinuha sa kamay ko ang timbang hawak ko. "Ipag-iigib na kita, Ella." "Hindi na. Kaya ko na." "Ella, pasensya ka na ha. Nakita mo pa ang gawain namin kanina," seryosong sabi pa niya sa akin. "Naku, sinasabi ko naman sa 'yo. Itigil mo na ang gan'yan. Maghanap ka ng matinong trabaho," sermon ko pa. "Pasensya ka na talaga ha. Nang makita ko kasi ang kotseng iyon ay hindi ko napigilan ang sarili ko. Napakayaman kasi ng taong 'yon," paliwanag pa niya. Marahan naman akong napailing. "Kahit na. Masama pa rin ang manloko ng tao." "Mallari kasi ang lalaking iyon. Nag-iisang tagapagmana. Literal na humihiga na lang sa pera." Mallari? Parang narinig ko na ang apelyidong iyon ngunit hindi ko maalala kung saan. Kaya siguro ipinagyayabang ng lalaking iyon na kung kilala ko ba siya. Malamang ay napakayaman talaga nila at maipluwensyang pamilya. Bigla tuloy akong naging curious sa lalaking iyon. Ano kayang pangalan niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD