CHAPTER 1
BRIELLA’S POV
Nag-unat ako ng katawan ko dahil sa wakas ay maaga kong natapos ang nakatokang trabaho ko sa mansion ng mga Salvador. Halos isang taon na akong nagtatrabaho sa kanila at maganda naman ang pasahod nila, at isa pa ay stay out ako kaya tumagal ako dito kahit na minsan ay may kabigatan ang trabaho ko. Mababait din naman ang mga amo ko maliban na lang sa bunsong anak ng mga Salvador na si Ms. Callie. Kalimitan kasi ay mainit ang ulo niya at kaming mga katulong ang pinagbubuntungan niya ng galit. Kaya nga kapag alam kong nasa mansion siya ay ginagawa ko ang lahat para makaiwas sa kaniya.
“Ella, tapos ka na ba sa trabaho mo?” tanong sa akin ni Manang Baday, ang mayordoma ng mansion.
“Opo, Manang,” nakangiting sabi ko naman.
“Mabuti naman kung ganoon. Makakauwi ka ng maaga ngayon. At heto ang sweldo mo.”
Iniabot sa akin ni Manang ang isang puting envelop na naglalaman ng sweldo ko sa nakaraang dalawang linggo. Masaya ko itong tinanggap dahil balak kong ikain sa labas sina Nanay ngayon kaya maaga ko talagang tinapos ang trabaho ko.
“Salamat po, Manang. Maaari na po ba akong umuwi?” excited kong tanong.
“Hala, sige. Bukas ay agahan mo dahil marami kang trabaho bukas,” masungit niyang sagot sa akin.
“Sige po, Manang. Maraming salamat po.”
May kaedadan na si Manang Baday kaya naman may kasungitan na rin ito. Ang sabi pa ng ibang katrabaho ko ay hindi na raw ito nakapag-asawa pa dahil sa pagtatrabaho sa mga Salvador. Halos 30 years na rin kasing nagtatrabaho dito si Manang kaya siya na ang pinagkakatiwalaan ng mag-asawang Salvador pagdating sa mga gawaing bahay.
Halos lahat nga rin ay ilang sa kaniya dahil masungit si Manang. Ngunit gayunpaman ay ramdam ko ang kabaitan ni Manang. Kaya nga kahit hindi siya ngumingiti ay magiliw pa rin ako sa kaniya. Kahit na minsan ay hindi niya ako pinapansin ay nginingitian ko pa rin siya.
Pumunta na ako sa maid’s quarter upang magpalit ng damit ko. Ako pa lang ang nandito sapagkat ang iba kong katrabaho ay hindi pa tapos sa mga ginagawa nila. Nagsabi naman na ako sa kanila na hindi ko na sila mahihintay dahil balak kong ilabas sina Nanay at mga kapatid ko.
“Pauwi ka na?”
Napatalon ako sa gulat sapagkat paglabas ko ng maid’s quarter ay nandoon na si Sir Gael, ang panganay ng mga Salvador. Nang makita niya ang reaksyon ko ay napatawa siya.
“Sorry, nagulat yata kita,” nakangiting sabi niya.
Inilibot ko ang paningin ko sa paligid at nang masiguro kong walang ibang tao ay saka ko siya inirapan. “Lagi mo naman akong ginugulat. Wala nang bago doon,” masungit kong sambit.
Si Gael Salvador ay kaklase ko noong high school ako, at kaibigan ko rin siya kaya ganito kami mag-usap kapag walang tao sa paligid. Siya rin ang nagpasok sa akin dito sa mansion kaya malaki ang utang na loob ko sa kaniya. Nang maka-graduate kasi kami ng high school ay hindi na ako nagpatuloy sa pag-aaral dahil hindi kakayanin ni Nanay na paaralin ako sa college. Kaya nang inalok ako ni Gael ng trabaho ay hindi ko na siya tinanggihan pa.
“Pauwi ka na nga? Ihatid na kita,” nakangiti pa niyang sabi.
Mabilis naman akong umiling. “Naku, Gael, alam mo namang hindi pwede, hindi ba? Naku, ikaw talaga,” sabi ko pa.
Walang nakakaalam na close kami ni Gael dahil ayaw niyang ma-issue ako sa loob ng mansion. Pabor din naman sa akin iyon dahil ayoko ng mga issue issue. Malaki ang naitulong sa akin ng trabaho kong ito kaya pinakaiingatan ko talaga ito.
“Joke lang. Sige na, umuwi ka na,” pagtataboy niya sa akin.
Napatawa naman ako. “Sa Linggo, makakapunta ka ba?”
Ang tinutukoy ko ay ang birthday celebration ng kaibigan naming si Freya. Apat kasi kaming magkakabarkada noong high school, ako, si Gael, si Freya at si Jayden. Kaming tatlo ay mga kapwa scholar noon sa High End School habang si Gael naman, bilang isang mayaman ay kayang kayang pumasok doon. Hanggang ngayon nga ay hindi namin alam nina Freya kung bakit sa amin nakipagkaibigan ang isang mayaman na Gael Salvador. Iyon nga lang ay lihim iyon sa mga magulang niya dahil natatakot si Gael na pagbawalan siyang makipagkaibigan sa amin.
“Gagawan ko ng paraan,” maiksing sagot niya.
Napatango na lamang ako. Kapag kasi sinabi niyang gagawan niya ng paraan ay ibig sabihin ay pupunta siya kina Freya kahit na anong mangyari at kahit na saglit lang siya. Busy na rin kasing tao si Gael dahil bukod sa nag-aaral siya ay nagtatrabaho na rin siya sa kumpanya ng kaniyang ama.
“Sige na, mauna na ako. Kita na lang tayo kina Freya,” nakangiting sabi ko.
“Sige. Mag-iingat ka, may pagka-clumsy ka pa naman,” nakangising sabi naman niya.
Inirapan ko siya at mabilis na sinabunutan bago ako tumakbo palabas ng mansion. Kampante akong hindi na niya ako hahabulin dito dahil paniguradong may makakakita sa amin. Kaya napangiti na lamang ako dahil nasa akin na naman ang huling halakhak.
Habang naglalakad palabas ng exclusive subdivision ay hindi ko mapigilan ang pagmasdan ang bawat bahay na nadadaanan ko. Hindi ko maiwasan ang mapahanga dahil napakalaki ng mga bahay dito, indikasyon na pinagpala ng lubos ang mga tao dito. Minsan na akong nangarap na iangat ang buhay namin nina Nanay ngunit sa reyalidad ng mundo, mahirap maabot ang pangarap na iyon. Sadyang may mga mapapalad talagang tao na ipinanganak nang mayaman. At may mga katulad naming ipinanganak nang mahirap.
Dahil sa pagmumuni-muni ko habang naglalakad ay hindi ko namalayan ang isang sasakyan na mabilis na dumaan sa gilid ko. Hindi naman ako nahagip nito ngunit dahil sa pagkabigla ay napaupo ako at napangiwi dahil tumama ang pang-upo ko sa isang malaking bato.
Huminto naman ang sasakyan at bumaba doon ang isang matangkad na lalaki. Nakakunot ang noo niya at matamang nakatingin sa akin. Dahil sa dilim ng aura niya ay hindi ko magawang makatayo sa pagkakaupo ko hanggang sa makalapit siya ng tuluyan.
“Ayos ka lang ba?” walang emosyong tanong niya.
Napatango na lamang ako dahil biglang naumid ang dila ko. Mas nakakatakot kasi ang aura niya sa malapitan. Mainit sa Pilipinas ngunit dahil sa lamig na dala niya ay nanigas na ako sa pwesto ko.
“Ano ba kasing ginagawa mo at halos gumitna ka na sa kalsada?”
Ang walang emosyong boses niya kanina ay napalitan na ng inis. Biglang nawala rin ang pagkatakot ko sa kaniya at napalitan din iyon ng inis. Sa pagkakaalala ko kasi ay nasa gilid lang ako ng kalsada.
“Excuse me! Nakagilid ako. Ikaw itong mabilis magpatakbo ng sasakyan mo na akala mo ay nasa karera ka. For your information, nasa subdivision ka, wala ka sa highway,” galit na sambit ko.
“Hindi mo ba ako nakikilala?” hindi makapaniwalang tanong niya sa akin.
Napangisi naman ako dahil alam na alam ko na ang mga ganitong linyahan ng mga mayayaman. Sa school ng mayayaman ako nagtapos ng high school kaya gamay ko na ang mga paganito nila. Nasanay na rin ako sa pagiging mean ng mga kaklase ko dati kaya kung sino man ang lalaking ito ay hindi na ako natatakot.
“Wala akong pakialam kung sino ka man. Sinasayang mo lang ang oras ko,” masungit kong sagot dito at saka ako lakas loob na talikuran siya.
Paghakbang ko palayo ay narinig ko ang mahina niya pagtawa. Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon para lingunin siya dahil pakiramdam ko ay nauubusan na ako ng lakas ng loob para makipagtalo pa sa binatang mayaman na iyon.
“Sisiguraduhin kong magkikita pa tayo, Miss.”
Hindi ko alam kung tinatakot ba niya ako ngunit wala na akong pakialam pa. Binilisan ko na lamang ang paglalakad ko upang tuluyang makalayo sa aroganteng lalaki na iyon. Nakakasiguro naman ako na hindi siya residente ng subdivision dahil ngayon ko lang nakita ang sasakyan niya. Sisiguraduhin kong hindi magkakatotoo ang sinabi niya. Dahil ayoko na siyang makita pa.
Makalipas ang halos kalahating oras ay nakarating na ako sa lugar namin. Nakakapagtaka lang sapagkat wala yatang mga nakatambay sa tindahan ni Aling Nena. Wala rin ang mga tsismosa naming kapitbahay na lagi na lamang nag-uumpukan sa may kalsada upang pag-usapan ang mga buhay buhay ng iba.
“Ella, anong ginagawa mo dito? Hindi ba dapat ay nasa ospital ka?” tanong sa akin ni Rico, isa sa mga tambay at kapitbahay namin.
“Ospital? Bakit?” kinakabahan kong tanong.
“Hindi ka man lang ba tinawagan ng mga kapatid mo? Dinala sa ospital ang iyong ina.”
Halos mapaupo na ako sa kalsada dahil sa narinig. Mabuti na lamang na nahawakan ako ni Rico upang hindi tuluyang bumagsak. Huminga ako ng malalim at saka muling nagsalita.
“Saang ospital daw dinala si Inay?” nanginginig na tanong ko.
“Sa Public Hospital, gusto mo bang samahan na kita?”
Tipid akong napangiti. Kahit magulo ang lugar namin at salat kami sa kayamanan, mababait naman ang mga tao sa lugar namin at isa na dito si Rico. Maaasahan siya at ang mga kaibigan niya kaya nga wala ni isang tao ang nanggulo sa akin o sa pamilya ko.
“Salamat, Rico, pero ayoko nang abalahin ka pa. Sige, mauna na ako.”
“Mag-iingat ka, Ella.”