THIRD POV
“She’s okay now.”
Napabuntong hininga si Nyx sa sinabi ng doctor. Nagpaliwanag pa ito ng ilang paalala bago ito umalis. Nang makaalis ito ay napatingin na lamang siya sa dalagang nakahiga sa hospital bed. Nakakunot ang noo nito na animo’y dirng diri sa hinihigaan. Napailing na lamang siya at laglag balikat na lumapit dito.
“Pwede ka nang umuwi maya-maya. Aayusin ko lang ang mga papel mo,” walang emosyong sabi niya sa dalaga.
“Seriously? Dito mo talaga ako dinala sa ganitong ospital?” maarteng tanong pa sa kaniya ng dalaga.
“Callie, ito na ang pinakamalapit na ospital sa inyo. At isa pa, wala kang malubhang sakit. Ang sabi ng doctor ay nagpalipas ka lang ng gutom kaya ka nahilo at nawalan ng malay,” walang emosyong sabi niya.
Si Callie Salvador ang current girlfriend niya ngunit nakipaghiwalay na siya dito kahapon. Tinawagan lamang siya ng isa sa mga katulong nito at sinabi na nawalan ito ng malay. Wala siyang nagawa kundi ang puntahan ang dalaga sa bahay nito at itakbo sa pinakamalapit na ospital.
“Mr. Nyx Brandon Mallari, gan’yan ka na ba talaga kawalang pakialam sa akin? Paano kung hindi lang talaga marunong ang mga doctor dito at hindi nila kayang alamin ang sakit ko?” naiiyak na sambit pa ni Callie.
Marahang napailing si Nyx. Alam na alam na niya ang mga paganito ni Callie. Alam niyang nagpapaawa lamang ito sa kaniya upang hindi niya tuluyang hiwalayan ito.
“Tinawagan ko na ang kuya mo. Siya na ang susundo sa ‘yo dahil may mga kailangan pa akong asikasuhin. Kung duda ka sa mga doctor dito, magpasama ka na lang kay Gael doctor na gusto mo,” seryosong sabi niya.
Mapait na napangiti naman si Callie. “Alam mong nagkakaganito ako dahil sa ‘yo. Wala ka bang konsensya? Nasasaktan ako sa mga ginagawa mo, and yet, wala ka man lang pakialam.”
Napahawak sa kaniyang noo si Nyx. “Callie, tanggapin mo na lang na wala na tayo. Just move on.”
Hindi na niya hinintay pa na makapagsalita ang dalaga dahil mabilis siyang humakbang palabas ng room nito. Matagal na niyang gustong makipaghiwalay sa dalaga ngunit lagi itong nagbabanta na magpapakamatay sa tuwing nagsasabi siya dito. Hindi na lang talaga niya kinaya ang ugali nito kahapon kaya tuluyan na siyang nakipaghiwalay.
Dahil sa malalim na pag-iisip ay hindi na niya napansin ang babaeng kasalubong niya. Nagammadali rin ito kaya marahil ay hindi rin siya nito napansin. Dahil sa lakas ng pagkakabunggo ay pareho silang napaupo sa sahig.
“Sorry po. Sorry po,” natatarantang sabi ng babae nang makatayo sila pareho.
Nang magtagpo ang mga tingin nila ay kapwa sila natigilan. Kusang naalala ng isip niya ang babaeng nakaengkwentro niya kanina nang papunta siya sa bahay nina Callie.
“Ikaw na naman!” sambit ng babae nang makabawi rin ito sa pagkabigla.
Napangiti naman siya. “Sabi ko naman sa ‘yo, magkikita pa rin tayo.”
Mabilis na napailing naman ang babae. “Kainis.”
Umalis ito sa harap niya at wala naman siyang nagawa kundi ang sundan ng tingin ang babae. Muli siyang napangiti bago nagpasyang maglakad na muli.
Hindi nakatakas sa paningin ni Callie ang pangyayaring iyon. Naningkit ang mga mata niya habang nakatingin kay Nyx na nakangiti. Nang mawala ito sa kaniyang paningin ay napagpasyahan niyang sundan ang babaeng nakabanggaan ng binata na sa tingin niya ay pamilyar sa kaniya.
BRIELLA’S POV
Hindi ko akalain na ang lalaking nakakainis kanina ay makikita ko na naman dito sa ospital. Pasalamat na lamang siya dahil nagmamadali ako kaya hindi ko na siya pinag-aksayahan pa ng oras. Nagmadali na lamang ako sa pagpunta sa room kung nasaan si Nanay.
Pagdating ko doon ay saktong nasa may labas ng kwarto si Ate Angel at Ate Mina. Parehong hindi maipinta ang mga mukha nila na lalong ikinabilis ng t***k ng puso ko.
“Mga Ate, kumusta si Nanay?” mahinang tanong ko sa dalawa.
“Nagpapahinga siya kaya hindi siya pwedeng istorbohin,” walang emosyong sagot sa akin ni Ate Mina.
“Bakit hindi niyo man lang ako tinawagan?” hindi ko napigilang itanong sa dalawang kapatid ko.
Simula nang magkaisip ako ay ramdam kong hindi ako gusto ng dalawa kong kapatid. Laging mainit ang ulo nila sa akin at lagi akong pinapagalitan. Ngunit gayunpaman ay mataas pa rin ang respeto ko sa mga nakakatandang kapatid ko. Iyon kasi ang turo sa akin ni Nanay, ang maging magalang at marespeto sa mga ate ko.
“Ayaw naming maabala ka sa trabaho dahil kailangan natin ng malaking pera. Kaya kung maaari ay humiling ka sa mga amo mo na dagdagan ang trabaho mo upang madagdagan din ang sahod mo,” sagot sa akin ni Ate Angel.
Pare-pareho na kaming nagtatrabaho ngunit mas maliit ang sinasahod nina Ate kumpara sa akin. Si Ate Angel ay tagatinda sa palengke ng mga gulay habang si Ate Mina naman ay tumatanggap ng mga labada sa mga kapitbahay namin. Hindi na rin kasi sila nakapagkolehiyo at ang sahod nila ay sumasakto lamang sa mga pansarili nilang pangangailangan. Habang kami naman ni Nanay ang nagtutulong para sa gastos sa bahay. Si Nanay naman ay nagtitinda ng sampaguita sa labas ng simbahan.
“Ano po bang sakit ni Nanay?” tanong ko sa mga Ate.
“Kailangan daw siyang operahan dahil may appendicitis siya. Naka-schedule na siyang operahan bukas kaya kailangan natin ng malaking halaga. Sa ating tatlo, ikaw ang may malaking sahod kaya gawan mo ng paraan,” sagot sa akin ni Ate Angel.
Ayokong magreklamo dahil paniguradong papagalitan lang ako nina Ate. Kaya wala na akong nagawa kundi ang tumango na lamang bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Ate Angel. Kahit naman hindi nila sabihin ay gagawa talaga ako ng paraan para masolusyunan ang problema naming ito. Ang mahalaga sa akin ngayon ay ang paggaling ni Nanay.
“May pera ka ba diyan? Kailangan na may mai-bayad tayo bilang pauna sa ospital para ituloy nila ang opera ni Nanay,” sabi naman ni Ate Mina.
Napahigpit ang hawak ko sa bag ko. Mabuti na lamang na sahod ko ngayon kaya may hawak akong pera. Dapat pa nga ay ikakain ko sila sa labas kasama si Nanay ngunit hindi na iyon matutuloy. Kaya naman kinuha ko ang tatlong libo sa bag ko at iniabot iyon kay Ate Mina. Nagtira ako ng isang libo para sa akin dahil ayokong mawalan ako ng hawak na pera.
“Dalawang libo ang ihuhulog ko sa ospital. Itong isang libo ay panggastos namin dito sa pagbabantay kay Nanay. Umuwi ka na at magpahinga para makatrabaho ka bukas. Kami na ang bahala kay Nanay,” sabi pa ni Ate Mina.
Hindi na ako nag-apela pa. Hindi na ako naglakas loob na magtanong tungkol sa mga sarili nilang pera dahil paniguradong magagalit lamang sila sa akin. Saglit lang akong sumilip kay Nanay dahil pinapauwi na ako nina Ate. Wala rin daw kasing tao sa bahay kaya kailangan ko nang umuwi.
Iniwan ko na sila doon at naglakad na ako palabas ng ospital. Ngunit pagdating ko sa may entrance ng ospital ay natigilan ako. Nakita ko kasi si Ma’am Callie na nakatayo doon at waring may hinihintay. Hindi ako sigurado kung kilala ba niya ako kaya tumungo na lamang ako at ipinagpatuloy ang paglalakad ko.
“Hey, you!”
Napatigil ako nang biglang magsalita si Ma’am Callie. Hindi ko alam kung ako ba ang tinatawag niya ngunit nang makita ko siya sa harapan ko ay bigla akong kinabahan.
“You look familiar. Have we met before?” tanong pa niya sa akin.
“Ma’am Callie, ako po si Ella, isa po sa mga katulong niyo,” pagpapakilala ko.
“Oh, that makes sense. Sinong pinuntahan mo d’yan?” tanong pa niya sa akin na bahagyang ipinagtaka ko. Sa pagkakakilala ko kasi sa kaniya ay hindi siya gaanong nakikipag-usap sa mga katulad ko.
“Si Nanay po, kailangan niyang operahan bukas,” tipid na sagot ko.
“So, you need a huge sum of money,” sabi pa niya.
Napatango na lamang ako dahil hindi ko na alam kung anong sasabihin pa sa kaniya. Ngumiti naman siya sa akin na lalong ikinakaba ko.
“May trabaho akong ibibigay sa ‘yo, at kapalit no’n ay ang hospital bill ng nanay mo,” sabi pa niya.
Literal na nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko kasi akalain na si Ma’am Callie ang magiging sagot sa problema ko.
“Just make him fall in love, then leave him afterward. That’s the job I am offering. So, are you willing to accept it?”
A-ano raw?