CHAPTER 05
Leo Berlin Corales
“Alam mo ba na hindi nakakatuwa ang pagmumukha mo? Sa tuwing nakikita kita, naaasar ako!” Agad akong napayuko nang ambahan niya ‘ko ng batok. Hindi tumama sa mukha ko ang kamay niya kaya nagtawanan sila sa ginawa kong pag-ilag.
“Oh! Saglit lang, wala pa nga, eh! Excited ka naman!” Ang mga tawa nila. . . para silang sinaniban ng mga d*monyo at tuwang-tuwa sila sa ginagawa.
“Aalis na ‘ko,” malamig kong sabi sabay hila sa traps ng backpack.
“Ha? Aalis ka na?” Nagtawanan ulit sila, para bang isang kahibangan ang sinabi kong ‘yon. “Hindi pa nga tayo nakakapag-bonding, eh!” sarkastikong ani Jette. Kaklase ko siya, matagal na. Siya itong leader ng grupo nila at hindi ko alam kung bakit ako lagi ang biktima nila sa pambubuyo.
“Uy! Oras na mga, Pre! Sibat na ‘ko,” ani Jette pagkatapos pasadahan ang kanyang relo. . . hindi, hindi niya relo ‘yon. Akin ‘yon at kinuha niya lang.
“Uy, Jette! Saan ka? Hindi pa tayo tapos rito!” sigaw ng naiwan niyang barkada.
“Kayo na d’yan!” sigaw niya habang kumakaway nang hindi lumilingon. Lahat sila ay nagsinghapan. Kung masahol na si Jette, mas lalo naman ang mga barkada niya.
“Uy, Leo! Alam mo ba ang kapalaran ko ngayon? Sabi sa horoscope ko, may magbibigay raw sa ‘kin ng pera. Feel ko talaga galing sa ‘yo ‘yon. Magkano baon mo today?”
“W-wala.” Umiwas ako ng tingin. Tinulak ako ng isa nilang kasama kaya agad na tumama ang likuran ko sa pader.
“Ha! Ikaw pa, mawawalan ng baon. Balita ko sobrang laki ng bahay n’yo?” My eyes widened, huwag nilang sabihin na pati bahay ko ay alam na nila?
Inayos ko ang suot na salamin at umayos ng tayo. Nagpalinga-linga ako sa paligid ngunit gaya ng inaaaahan ay walang may balak na tumulong sa ‘kin sa kaunting tao na dumadaan. I sighed. Malamig ang mga mata na pinasadahan ko sila at kinuha ang pitaka sa bulsa ng itim kong slacks. I gave them money, enough for them to shut up. Mabuti na lang at pinakawalan na nila ako pagkatapos.
“Ayos! Kung ganito ka kadaling kausap, hindi ka na masasaktan gaya noon,” bulong sa ‘kin ni Caster bago hinila ang iba pa niyang mga barkada paalis. Malamang ay sa computer shop na ang punta ng mga nun, susunod sa leader nila na ginawa na yatang bahay ang computer shop. Ang magbabarkadang ‘yon, sila na yata ang nagbubukas at nagsasarado ng computer shop malapit sa campus.
May natira pa ‘kong pera, sapat pamasahi pauwi.
Laglag ang mga balikat ko nang makaalis silang lahat. Napapikit ako nang mariin, humigpit din ang hawak ko sa straps ng bag. Nagpasya na lang akong pumunta sa rooftop at saglit na magpahangin.
Kahit bawal at hindi pinapapuntahan sa mga students ay sinusuway ko. Tinahak ko ang marupok na stairs paakyat sa rooftop. Kahit ang pinto ay sira-sira na rin. Walang pumunta rito dahil madalas na kinakatakutan. Mabuti na rin ‘yon, dahil pakiramdam ko ay ito lang ang nag-iisang lugar sa campus kung saan nakakahinga ako nang maluwag. I felt suffocated all the time.
Inayos ko ang suot na salamin bago binuksan ang pinto. Agad na bumungad sa ‘kin ang panghapong hangin. Lumulubog na ang araw at hindi magtatagal, magkukulay kahel na ang langit.
Nilapag ko ang dalang bag at tahimik na umupo sa gilid. Inihilig ko ang likod sa dingding at pinagmasdan ang ulap. Kinuha ko ang headphones sa ‘king bag at tahimik na nakinig sa musika. Ipinikit ko ang mata, nagpapahinga sa nakakapagod na araw habang nagpapakalunod sa ritmo.
Pinapakinggan ko ang kantang “Welcome To My Life” ng Simple Plan. Ito na yata ang theme song ng buhay ko. Nakakatawa.
Sinasabayan ko ang lyrics habang nakapikit, dinadama ang bawat salita na naroon sa kanta. Tama. Walang makakaintindi sa ‘kin dahil nag-iisa ako. Kahit saang lugar, sa paaralan man o sa bahay. Nag-iisa ako. Wala akong matatawag na tahanan at uwian dahil nag-iisa ako.
Nang mapansin kong gumagabi na ay nagpasya na ‘kong bumaba. Wala na ring ibang tao sa campus bukod sa mga nagtitinda sa labas. Dumeritso na lang ako sa sakayan ng jeep at nakipag siksikan sa mga kapwa pasahero.
Habang nasa jeep ay bumabagabag pa rin sa ‘kin ang pambubuyo ng grupo nina Jette. Taon na ang lumipas pero hindi pa rin nila ako tinatantanan. Hindi ba sila nagsasawa? Hindi ba sila napapagod? Ano’ng nakakatuwa sa ginagawa nila?
Nandito pa rin ang takot sa ‘kin pero nasanay na yata ako kaya bahagya nang namanhid. Iniisip ko na lang na mas maswerte ako sa ibang aspeto ng buhay kaya maswerte pa rin ako, hindi gaya nila na malamang ay may problema sa pera o pamilya kaya pambubuyo ang nakikitang solusyon. Pero syempre, alam kong mali iyon. . . hindi ko nga lang alam paano sasabihin at paano ipapaintindi sa kanila. Halata namang sarado ang kanilang mga isipan.
Bumaba lang ako sa gate ng subdivision namin, nilakad ko na lang ang ilang block papuntang bahay.
“Leo, nandito ka na pala. Medyo late ka yata ngayon?” bungad sa ‘kin ni Mama pagdating ko sa bahay. Hinalikan niya ‘ko sa pisngi at tahimik na sinuri ang kabuoan ko. Ngumiti siya pagkatapos nang makita niyang walang mali sa ‘kin.
“Ma, mano po,” tipid kong ani. Kakaharap ko pa lang sa kanya pero gusto ko nang magkulong sa kwarto. Mukhang wala naman siyang napapansin na kakaiba sa ‘kin pero natatakot ako na baka meron. Pero syempre, alam ko naman talaga na wala siyang pake.
“Oh, kamusta ang araw sa school?” she always asked me that. At pareho lang din ang sagot ko.
“Ayos lang po.” Tumango siya, hindi ko alam kung tinatanggap niya ba ang sagot kong ‘yon.
“May project ba kayo? May natira pa ba sa allowance mo?” Napalunok ako sa tanong niya, nag-iwas ako ng tingin at inayos ang suot na salamin. Wala na ‘kong pera dahil sa mga bullies.
“M-may ambagan po ‘kong binayaran sa school kaya wala na ‘kong pera,” pagsisinungaling ko. Hindi roon napunta ang pera ko.
“Ganuna ba? Sige ito, dagdagan ko na lang ang allowance mo,” aniya pagkatapos ay hindi nag-atubiling bigyan ako ng malaking halaga ng pera. Noong una sy nagdalawang isip akong tanggapin, tinitigan ko iyon at kalaunan ay tinanggap na. Nakaka-guilty.
“Mama!” tawag sa kanya ng kapatid kong si Aries. Pareho namin itong binalingan at mukhang nangangailangan ito ng tulong niya.
“Salamat, Ma.”
“Leo, next week pupunta kaming London ng daddy mo. Gusto ka sana naming isama kaya lang ay may pasok ka. Si, Aries na lang.” Si Aries ay ang nakababata kong kapatid.
“Okay lang po sa ‘kin.” Tumango ako bago nagpaalam na papasok na sa kwarto. Inabala ko lang ang sarili sa pag-aaral hanggang sa mag-dinner na kami.
“Leo, next week ay iiwan ka namin dito,” ulit ng step dad ko sa hapag. Tipid akong tumango at nginuya ang pagkain. Wala na ‘kong salita na binitiwan.
“Kuya won’t come with us?” Bumaling ako kay Aries na katapat ko at nasa tabi ni Mama. Punong-puno pa ng pagkain ang bibig niya.
“He’s busy Aries, tayo muna okay?” nakangiting ani Mama sa eight years old kong kapatid.
“But Kuya never came with us abroad! Hindi pa siya nakakapunta sa ibang bansa.” I sighed, umiling lang ako sa kapatid.
“Aries, may gagawin pa si, Kuya sa school.” Sumimangot lang ang kapatid ko. Pagkatapos kumain ay dumeritso na ulit ako sa kwarto upang ipagpatuloy ang pag-aaral. Nang matapos ay nagligpit na ‘ko ng gamit at natulog.
Panibagong umaga, panibagong araw na naman ng pakikipagbakbakan sa ‘kin. Minsan nga ay gusto ko na lang mag-drop sa school dahil sa mga pambu-bully sa ‘kin— na hindi alam ng mga magulang ko. Ngunit alam kong ikagagalit nila ‘yon. Kailangan kong mag-aral nang mabuti para masuklian sila sa ginagawang pagpapa-aral sa ‘kin.
“Ihahatid ka ng Daddy mo sa school Leo,” ani Mama nang makitang handa na ‘ko sa pagpasok. Agad akong umiling sa kanya.
“Huwag na Ma, okay lang sa ‘kin mag-jeep,” ani ko bago inayos ang sintas ng itim kong sapatos.
“Sige,” aniya. Hindi na nagpumilit.
Maaga akong dumating sa school kaya naman wala pang tao sa room. Tahimik lang akong naupo roon hanggang sa naramdaman kong may pumasok.
Napatingin ako sa kaklase kong si Freya, basa pa ang buhok niya at medyo gusto at naninilaw ang puting uniform. Nang magtama ang mata naming dalawa ay agad siyang umiwas, kita ko rin ang pamumula ng mga mata niya.
Hindi ko na lang pinansin at binaling na lang sa harap ang paningin. Naramdaman ko rin ang pag-upo niya sa kanyang upuan.
Madalas siyang akusahan na magnanakaw, totoo ‘yon dahil may mga ebidensya. Anila ay muntik na nga raw ‘yang makulong dahil sa pagnanakaw sa isang convenience store. Kaya lang, sa tuwing tinitingnan ko siya ay ayaw kong maniwala, masyadong inosenti ang mukha niya para gumawa ng gano’ng klaseng bagay. Pero sabi nga nila, don’t judge a book by its cover.
“Uy! Pareng, Leo! Nandito ka na pala! At kasama mo pa ‘yung magnanakaw?” Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ko nang marinig ang boses ni Jette. Panibagong araw na naman para mga bullies na ‘to.