Chapter 1

1100 Words
Luna Kanina pa tila may naghahabulang daga at pusa sa dibdib ko, habang panay ang paypay para hindi ako humulas. Ninenerbiyos ako dahil dalawang babae na lamang at ako na ang susunod na kakapanayamin ng nag-i-interview. Mas lalo akong kinakabahan sa klase ng bulungan ng mga nauuna sa akin. Malapot na rin ang mga pawis nila habang palapit ng palapit. Samantalang ako ay hindi malaman kung naiihi ako o ano. Gusto ko muna sana na mag-banyo pero hindi na ako pwedeng umalis sa pwesto. Baka tawagin ang pangalan ko'y sayang ang itinayo ko rito ng matagal kung malalampasan ako. Maya-maya ay tinawag na ang isang babae sa harap ko. Sunud-sunod na ang naging paglunok ko dahil pakiramdam ko ay nanunuyot ang aking lalamunan dahil sa nerbiyos. Napasuklay ako sa buhok nang tawagin na ang huling babae bago ako. Sa isip ay pinilit kong alalahanin lahat ng kinabisa kong isasagot sa oras ng interview kong ito. Maya-maya pa ay narinig ko na ang pangalan ko. Sinenyasan ako ng taga-call up na pumasok sa maliit na kwartong nasa gawing kanan ko. Hindi ako magkandatuto sa pagsunod.  "Ano kamo ang alam mong trabaho?" nakataas ang kilay na tanong sa akin ng interviewer matapos pasadahan ng tingin ang resume ko. Mga nasa kwarenta siguro ang edad at mukhang matandang dalaga sa aura. Noon ay kasalukuyan akong nakasalang at tinatanong ng mahahalagang bagay. "L-lahat ho ng trabaho ay kaya ko, Ma'am. Masipag po ako at wala kayong aalalahanin," kinakabahang sabi ko. Tila naman kasi nang-uuri ang paraan ng pagkakatingin nito. Akala mo branch manager ang in-a-apply-an ko. Gayunman ay sinikap kong diretsong tumingin sa mata niya gaya ng bilin ni Papa---mas may posibilidad daw kasi na matanggap kapag may eye contact. Maya-maya ay isinara nito ang folder na naglalaman ng files ko at muli akong inuri ng tingin. Mas lumalim ang kaba ko. Naisip kong hindi siguro siya nasiyahan sa mga isinagot ko. "Bumalik ka bukas para sa orientation," anito saka nag-iba ng ekspresyon. Ang kaninang mataray na aura nito ay naging mabait ngayon. Biglang nawala ang kaba ko. Marahil ay front lamang nito ang pagtataray para subukan kung dedikado ang nag-a-apply. "T-talaga po? Ang ibig sabihin po ba tanggap na ako?" naluluhang tanong ko habang unti-unting napatayo. "Congratulations, Elunamira!" may tipid na ngiting sabi nito at inilahad  ang palad sa akin na mabilis ko namang tinanggap.     Hindi halos rumehistro sa utak ko ang mga naganap. Ni hindi ko nga matandaan kung nakapag-pasalamat ako sa nag-interview sa akin. Sino ba naman kasi ang mag-aakala na sa unang beses kong maghanap ng trabaho ay papalarin ako kaagad? Kaya naman lakad takbo ang ginawa ko para lisanin agad ang lugar na iyon. Sobrang saya ko at excited na akong makauwi para ibida kay Papa na may trabaho na ako. Natanggap ako bilang sales clerck sa Divi Mart---isang bagong bukas na shopping center sa bayan. Gusto ko nga sanang kahera ang pasukan. Pero hindi naman pala kwalipikado ang katulad kong hindi naka-graduate. Pero suwerte na rin at nakapasok ako. Nakakatuwa dahil may posibilidad daw na ma-regular ako dahil pioneer ang batch namin. Nakaka-excite rin dahil may balita na napaka-yaman ng may-ari at taktakan daw ng hot at yummy. 'Yun siguro ang isa pang dahilan kung bakit santambak kami roon kanina---umaasa siguro ang iba na makakaharap si Reagan De Alba. "ABA, e, magandang balita nga 'yan, anak! Biro mo ay inabisuhan ka lang ni Mayang tapos ngayon ay pareho na kayong magtatrabaho roon." Napatayo si Papa sa kinukumpuning kulungan ng itik ng ibalita ko ang nangyari. Pinuntahan ko siya kaagad sa likod bahay pagdating ko dahil hindi na ako makapaghintay sabihin sa kanya ang magandang balita. "Siyang tunay, Papa. Alam n'yo ba na mahigit isandaan kami roon kanina? Maswerte po at nakuha ako," todo ang ngiting sabi ko. "Masaya ako para sa'yo, Luna. Pagbutihan mo lang,  anak, para magtagal ka roon," ani Papa sabay yakap sa akin. "Gagawin ko talaga 'yan, Papa. Teka ho, pupunta muna ako kina Mayang at isasauli ko itong hiniram kong damit, baka madumihan ko pa ho ay nakakahiya," sabi ko habang kumakawala kay Papa. Nang sabihan kasi ako ni Mayang na mag-apply doon at sinabi kong wala akong damit ay nagprisinta siyang pahiramin ako. Kaedad ko siya at kaibigan rin. Maganda, maputi at makinis. "Sige, pero bumalik ka kaagad, ha? Malapit ng umulan baka abutan ka sa daan." "Oho." MAKALIPAS ang isang linggo ay pormal na kaming namamasukan ni Mayang. Nakakatuwa dahil kahit ang oras ng pasok namin ay sabay. Feel na feel nito ang uniporme naming slocks at yellow green shirt. Pero para sa akin ay mas okay sana kung palda at blusa ang damit namin. Para kahit hindi sa opisina, atleast ma-experience ko naman magsuot ng gano'n. Pero okay na rin. Mamimili pa ba ako? Kung maka-imagine ako, todo. Samantalang ipinangutang nga lang ulit ni Papa ang pambili ng uniporme ko. "Kailan kaya matutuloy bumisita rito si sir Reagan, 'no? Kung bakit naman kasi hindi pa natuloy noong isang linggo," ani Mayang habang kasalukuyang naglalagay ng blush on sa magkabilang pisngi. Break time namin noon at kagaya ng nakagawian ay sabay kami. "Ano naman kung bumisita siya rito? As if naman na bababain pa niya tayo sa pwesto natin para ipaalam ang pagdating niya," walang ganang sagot ko habang nakaharap sa maliit na salamin sa loob ng locker ko. "Ikaw naman! 'Yun bang makita man lang natin kung sino ang nagpapasahod sa atin, e. Ayaw mo ba 'nun?" nakangusong sabi nito.  "Naku! Tigilan mo ko, Mayang. Siguro'y isa ka rin sa mga nagpadala sa tsismis ano? Gusto mong makita si sir Reagan dahil sa mga kwento nilang gwapo ito ano?" naniniguradong tanong ko rito. Kung sabagay, sa aming dalawa ay mas may karapatang magpantasya si Mayang. "Hayaan mo na ako, friend. Alam mo namang masakit pa rin ang puso ko ngayon. Baka sakaling kapag nakita ko si sir Reagan ay maka-move on ako bigla," anito na ang tinutukoy ay ang paghihiwalay nito at ng nobyo. Napangiwi ako dahil isang buwan lang naman ang relasyon ng dalawa. Mas naniniwala pa nga akong ang necking at petting ng mga ito ang namimiss ni Mayang. May pagka-liberated kasi ito. "Ku! Bahala ka na nga! Dalian mo na diyan. 'Yung blush on mo hindi pantay. Ayusin mo na at patapos na ang break natin." Isinasara ko ang pinto ng locker ng mapansin kong tila nagkukumahog ang mga kasamahan namin. Bawat isa ay kanya-kanyang pulasan at halos magkabanggaan pero walang pakialam. Narinig kong nagtanong sa isa si Mayang. "Sis, ano'ng meron ba't nagmamadali kayo?" "Nandiyan daw si sir Reagan!" nagniningning ang matang sagot ng babae kay Mayang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD