Kabanata 2

1795 Words
Hindi man kasing init ng hapon kahapon, ramdam ko pa rin ang lagkit ng hangin sa San Felipe. Pero dito sa mansyon, iba ang dating. Sa bawat sulok ng lupaing ito, parang may sariling kuwento. Mula sa koi pond na laging parang payapa, hanggang sa mga kalachuchi na namumunga ng dilaw-puti, at mga rosal na paborito kong alagaan. Nasa gilid ako ng greenhouse, nakaluhod sa lupa habang hawak ang maliit na tabo ng tubig. Sa harap ko ay nakatanim ang rosal na itinanim namin ni Tatay isang taon na ang nakalipas. Lumaki na siya at mas marami ng mga bulaklak ngayong summer. Mas mabango at mas mukhang buhay na buhay. “Hello ulit,” bulong ko habang dinidiligan 'yon. “Ang ganda mo. Sana tumagal ka pa hanggang sa lumaki rin ako.” Binuksan ko ang sketchpad ko at sinimulang iguhit ang kurba ng mga dahon at bulaklak nito. Kahit simple lang, gusto kong makuha ang bawat detalye. Hindi lang halaman ang rosal para sa akin. Para rin siyang kaibigan. “Aya, mabubutas na ang papel mo sa kaguguhit mo riyan,” biro ni Tatay mula sa dulo ng greenhouse habang abala sa pagtatanim ng mga bagong punla. “Pero maganda. Nakukuha mo talaga ang itsura.” Ngumiti ako. “Practice lang naman po, Tay.” Maya-maya ay dumating si Jun, anak ni Aling Berta. Bitbit ang dalawang tabo ng tubig. Halos hingal pa nang lumapit sa'min. “Sabi ni Nanay, tulungan ko raw po muna kayo,” masiglang bungad niya kay Tatay. “Sakto.” Si Tatay habang nagpunas ng kamay. “Pakidiligan na lang ang mga bagong tanim sa dulo.” Saka tinuro ang dulong bahagi ng greenhouse. “Opo.” Tahimik akong nanood habang kumikilos si Jun. Pareho lang kaming sanay sa trabahong baryo. Pero natawa ako nang makita kung gaano siya ka-focus. “Jun, dahan-dahan. Baka malunod naman ang halaman n'yan.” Nag-angat siya ng tingin sa'kin. “Alam ko na ’yan, Aya.” Pero mas nag-ingat siya pagkatapos, at bago bumalik sa trabaho ay pasimpleng kumindat pa. Saka ako tuluyan nang natawa. Umikot ang maghapon sa ganoong kwentuhan namin, hanggang sa dahan-dahang lumabo ang sinag ng araw. Habang dinidiligan ko ang rosal, napansin ko ang huling liwanag na bahagyang tumatama sa mga dahon niyon. Para silang kumikinang dahil do'n. Pagkatapos naming magtrabaho ay nagpaalam na si Jun. “Aya, bukas ulit ha. Baka tawagin ulit ako ni Nanay.” “Oo, salamat.” balik sagot ko. Naiwan akong nakaupo sa tabi ng rosal. Pinagpatuloy ko ang sketch ko kahit pa medyo madilim na. Naka-on ang maliit na desk lamp na laging nasa tabi ko kapag nagdo-drawing. Sinaksak ko pa sa extension cord galing quarters. Maliit lang, pero sapat na para makita ko ang mga anino ng dahon. Magaan ang kamay ko kapag may lapis at papel. Madali akong makakuha ng detalye kahit mabilis lang ang tingin. Lagi ang sabi ni Tatay, may mata raw ako para sa bagay na hindi napapansin ng iba. Biglang may naalala ako at napatingin ako sa paborito kong puno—ang mangga sa dulo ng bakuran. Malaki, matanda na, at hitik sa bunga. Laging may nalalaglag, pero sayang ang mga nasa tuktok na walang pumipitas. “Bukas, ikaw naman,” bulong ko rito. Kaya naman kinabukasan, tinuloy ko ang plano. “’Nak, huwag kang aakyat diyan ha?” sigaw ni Tatay mula sa greenhouse, hindi inaalis ang tingin sa punla. “Opo, Tay,” sagot ko. Pero sa isip ko, desidido na. Hindi naman ako pasaway pero sayang kasi ang mga hinog na mangga na masasayang lang kung hindi kukunin. Summer break naman, at araw-araw akong tumutulong kina Nanay at Tatay. Gusto ko ang ginagawa nila, pero minsan gusto ko rin ng sariling trip. At ngayong araw, mango-picking ang misyon ko. Habang papunta ako sa puno, nasalubong ko si Mang Tonyo. May hawak siyang walis at nakasuot ng sumbero. “Aya, saan ka pupunta? Huwag kang lalayo, at baka hanapin ka ng nanay mo.” paalala pa niya. “Diyan lang po sa likod, Mang Tonyo!” sigaw ko pabalik sabay ngiti. Tahimik ang paligid. Wala masyadong tao. Kinuha ko ang maliit na lubid na tinatago ko sa gilid ng puno, panghila ng mga mababang sanga. Pero mas exciting pa rin ang umakyat. “Okay, Aya… ninja mode,” bulong ko sa sarili ko habang nagsimula ng umakyat. Sanay na ako sa ganito. Mula bata ay umaakyat na ako ng puno sa baryo. Pagdating ko sa itaas ay bumungad agad ang ginto’t berdeng balat ng mga mangga. Amoy na amoy ko na ang matamis na amoy ng mga 'yon. Bahagya pa akong napapikit. Kumuha ako ng isa. Tapos isa pa. Inilagay ko 'yon sa laylayan ng t-shirt ko. Perfect. Pero bago ko maabot ang isa pang hinog sa tuktok—crack! May lumuwag na sanga na nagpahinto sa'kin “You’re going to fall.” Nanlaki ang mga mata ko. May boses. Malalim. Hindi ko inaasahan. Paglingon ko sa baba, nakita ko siya. Matangkad. Naka-white polo, maayos ang gupit, may relo sa pulso na siguradong mas mahal pa kaysa buong buwan na sweldo ni Tatay. Nakatingala siya at diretso ang titig kung nasaan ako. Hindi galit. Hindi rin impressed. Pero may kakaibang pagkamangha sa mata. Sir Zedrick Madriaga. Mabilis ang t***k ng puso ko kaya halos mahulog ako sa kaba. “H-hindi po... sir,” bulong ko na halos hindi na lumalabas ang boses. “Bababa na po ako.” Umiling siya. “You’re on the wrong branch. That one’s old. It won’t hold you.” Tumuro siya sa isang mas makapal na sanga. “Doon ka.” Sandali akong natigilan. Hindi siya sumigaw. Hindi niya ako pinagalitan. Concern lang. Dahan-dahan kong inilipat ang bigat ng katawan ko saka kumapit nang mahigpit, at bumaba. Pakiramdam ko ang tagal bago ako nakalapag. Pagdating ko pa sa lupa ay nanginginig ang tuhod ko. “Salamat po,” nahihiyang sabi ko at hindi makatingin ng diretso sa kanya. Malagkit ang kamay ko sa dagta, at may mga dahon pa sa buhok. Siguradong mukha akong pugad sa oras na 'yon. “Why are you picking mangoes?” tanong niya. Walang galit pero waring may lihim na ngiti na pilit tinatago. Tumingin ako sa mga hawak kong prutas. “Masarap po kasi.” Diretso ang tingin niya kaya natitigan ko siya ng bahagya. Dark brown ang mga mata, pero may lalim na parang gusto mong basahin. “My sister Sofia loves mangoes, too. She always asks for some from our staff.” Ilang segunda akong tulala bago nakapagsalita, “Ah… opo. Madalas ko po siyang makita. Minsan nakakasama ko siya sa kusina.” “I see.” Saglit siyang tumingin sa mga mangga. “You know which ones to pick. I watched you. You have a knack.” Nahiya ako. “Sa... a-amoy po kasi. Kapag mabango, matamis.” “Hmm. A good strategy.” Tumingala siya ulit sa puno, bago bumalik ang tingin sa akin. “I’m Zed, by the way.” Parang may dumaan na kuryente sa balat ko nang ulitin niya. Siyempre kilala ko siya, pero ngumiti lang ako. “Amaraiah po... Aya na lang.” “Aya,” ulit niya. Simple lang, pero parang sinanay niya sa sariling dila. “It’s nice to finally meet you.” Bago siya tuluyang umalis ay napansin kong tinapik niya ang alikabok sa isang manggang nahulog. Maliit na kilos, pero hindi ko inasahang gagawin niya. Bumalik ang tingin niya sa akin. “Make sure you wash those. And don’t climb like that again. Your parents would be worried.” Hindi ko pa nasabi ang “opo.” ay umalis na siya. Naglakad papunta sa pathway at hindi na lumingon. At ako? Naiwan ng nakatayo at may dalawang manggang hawak, kasama ang kakaibang init na gumuhit sa dibdib ko. Hindi ko alam kung hiya, kaba, o curiosity ba 'yon. Pag-uwi ko ay hawak ko pa rin ang mangga. Mainit ang palad ko pero malamig ang pawis sa batok. Hindi ko alam kung dahil sa pag-akyat ko o dahil sa kanya. Pagpasok sa kusina, itinago ko agad ang mga mangga sa ilalim ng basket. Kapag nalaman ni Nanay ay siguradong sermon ang abot ko. “Aya?” tawag niya mula sa laundry area. “Kanina pa kita hinahanap.” “Uh… kay Tatay po. Tinulungan ko lang.” pagdadahilan ko. Lumabas siya na hawak ang basang labada. Marahan na sinipat ako. “Mag-ingat ka palagi. Huwag kang kung saan-saan at baka mapagalitan tayo rito.” Tumango na lang ako. “Opo, Nay.” Pero kahit pilitin kong magmukhang normal, ramdam ko pa rin ang alon sa dibdib ko. Hindi na 'yon bigat. Mas parang... kilig na hindi ko kayang aminin. Sa hapunan ay nakaupo kami nina Nanay at Tatay. Amoy adobo at bagong saing na kanin. Dapat masarap 'yon dahil paborito ko. Pero wala sa pagkain ang isip ko. “Aya, ubusin mo ’yan.” Putol ni Tatay sa isipin ko saka naglagay ng isang pirasong karne sa plato ko. “Opo,” wala sa sariling sagot ko. Napansin agad ni Nanay. “Tahimik ka. May iniisip?” Mabilis na umiling ako. “Wala po. Pagod lang.” Nagpalitan sila ng tingin. Ako naman, pilit na ngumunguya. Pero habang ngumunguya ako ng adobo, ay iniisip ko kung paano naging mas memorable ang isang simpleng pangalan kaysa lahat ng pagkain sa mesa. Pagkatapos ng hapunan ay lumabas ako saglit. Nakasalubong ko si Jun na may dalang batya ng tubig. Basang-basa ang t-shirt. “O, Aya,” bati niyang may halong pang-aasar. “Parang lutang ka ah.” Napakunot ako. “Lutang? Hindi ah.” Ngumisi siya. “Kanina ka pa hindi mapakali. May nakita ka bang multo?” “Ewan ko sa ’yo.” Tumalikod ako, pero narinig ko pa ang tawa niya. Kinagabihan habang nakahiga ako. Tahimik ang paligid, kuliglig lang ang kasama. Sa ilalim ng kumot ay nakatago pa rin ang mangga. Pinipilit kong matulog pero paulit-ulit bumabalik ang mukha ni Sir Zed. 'Yung paraan ng pagturo niya sa tamang sanga, yung simpleng pagpapakilala, at higit sa lahat, yung tono niya nang banggitin ang pangalan ko. Hindi siya ngumiti. Pero may kakaiba. Hindi bigat ang iniwan niya. Mas parang kiliting hindi ko maipaliwanag. Napabuntong-hininga ako. Lagi ang paalala ni Nanay. Aya, mag-aaral ka lang. Huwag kang padadala sa kung anu-ano. Pero ngayong gabi ay hindi ko maiwasang isipin 'yon. Paano kung hindi lang simpleng concern at pagkamangha ang nakita ko sa mga mata niya? Siguro wala lang. Siguro imagination ko. Bata pa ako. Siya, ibang mundo. Pero bago ako tuluyang nakatulog, huli kong naisip ang tinig niya at ang pangalan ko sa labi niya. At gaya ng manggang pinilit kong abutin, alam kong delikado, pero ang tamis ng alaala ay mahirap tanggihan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD