"Ako si Jenina Ibarra," pag-amin niya sa tunay niyang pangalan. Pagkatapos ay kagat ang pang-ibabang labi na iniwas niya ang mga mata sa lalaki. Humigpit ang paghawak niya sa barandilya at humugot ng malalim na hininga para hindi maagaw ng kaba at takot ang pagsasabi niya ng katotohanan kay Enzo. "At tama ka, nagpapanggap lang ako na nawalan ng memorya. Akala kasi ng doctor na tumingin sa akin, na may amnesia ako kaya sinakyan ko na lang din iyon. N-Nagsinungaling ako kay Lola Estrella.” Bahagya pang pumiyok ang boses niya. "So, you remember everything—" "Pero may dahilan naman po ako," sabat kaagad niya ikinatigil naman nito. "Naalala ko ang lahat. Naalala ko ang pangalan ko, iyong lola ko na walang pakialam sa 'kin at sinasaktan ako, i-iyong dalawang beses na kamuntikan na akong maga

