Chapter 1

2356 Words
TULALA habang nakatitig si Jenina sa malayong parte ng bahay ng kanyang kaibigang si Amaiah Gabrielle. Sinaktan at pinalayas na naman kasi siya ng kanyang Lola Guada sa maliit nilang kubo. Hindi rin naman ito bago sa kanya dahil araw-araw naman nito iyong ginagawa sa kaniya. Mula pa noong bata pa siya ay ganito na talaga ang trato nito sa kanya. At sobrang nasasaktan siya. Nasasaktan siya dahil ang kaisa-isang taong dapat ang siyang nagpoprotekta sa kanya at itinuring niyang pamilya ay siya pang walang pakialam at sinasaktan siya. "Ina, ayos ka lang ba?" Napapitlag siya at napatingin sa kaibigan niyang si Amaiah Gabrielle. Inabot nito sa kanya ang isang basong puno ng tubig na kaagad naman niyang tinanggap. Tipid at walang buhay ang mga matang napangiti siya sa babae. “S-Salamat,” aniya at umusog para makaupo ang kaibigan sa tabi niya. Nang dumating siya kanina rito ay hindi siya nito makausap dahil iyak lang siya nang iyak. Mabuti na lang din at wala ang Nanay nito---si Aling Lupe. Napabuntonghininga siya at tumungo matapos niyang masaid ang laman ng baso. "S-Salamat ulit," paos ang boses na wika niya at inilagay sa tabi niya ang baso. "Alam mo, punung-puno na talaga ako d'yan sa matandang iyon, huh!” Nanggagalaiting himutok nito. “Kung hindi lang talaga iyon matanda, naku! Kakalbuhin ko na talaga iyon.” Umiling lang siya habang nakatungo pa rin ang kanyang ulo. Nag-iinit na naman ang sulok ng kanyang mga mata. Nasanay na rin naman siya sa Lola Guada niya dahil gaya ng sabi niya, hindi ito ang unang beses na pinalayas siya nito. Kapag nagagalit ito o di kaya ay natatalo ito sa sugal ay lagi siya nitong pinagbubuhatan ng kamay at pinapalayas. At walang araw na hindi ito galit sa kanya dahil lagi itong natatalo sa sugalan. Hindi nga niya alam kung saan ito kumukuha ng pera para isugal. Wala kasi itong trabaho, at magkakapera lang ito kapag nakasahod na siya mula kay Aling Indang, ang may-ari ng malaking karenderya sa kabilang bayan kung saan siya nagtratrabaho at tuwing Sabado lang ito nagpapasahod. Ayaw rin ng may-ari na uutang silang mga serbedora nito dahil malas daw iyon sa negosyo. Hindi nga niya alam kung totoo ba o sadyang kuripot at ayaw lang talaga nitong paistorbo. Kaya talagang pinagkakasya niya ang sahod niya sa pang-araw-araw nilang pangangailangan hanggang sa magkasahod siya ulit. "Hayaan mo na, Gabby," aniya sa kaibigan. Wala naman talaga siyang magagawa pa kung hindi ang hayaan na lang ang Lola Guada niya. Marahas itong napatayo at kunot ang noong nakapamaywang sa harap niya. "Hayaan? Naku, ha! Kaya lagi kang inaapi nang kung sinu-sino d’yan dahil sa 'hayaan' mo na iyan." Namumula na ang mukha nito sa sobrang inis. Si Amaiah Gabrielle kasi ang tipo ng babaeng hindi magpapaapi. Maliban na lang kung ang Nanay Lupe na nito ang kalaban nito. Napabuntonghininga na lang siya ulit. Tama ito dahil hindi lang ang Lola Guada niya ang umaapi sa kanya dahil pati mga kamag-anak ng Tatay Arnaldo niya ay inaapi at kinukutya siya. Minsan ang mga kapit-bahay rin nila. Kinukutya siya at minamata pero hindi siya umiimik at hinahayaan lang niya ang mga ito. Wala rin naman siyang mapapala kung papatulan niya ang mga ito. Hindi naman sa manhid siya, ayaw lang talaga niya ng gulo. Limang taon pa lang siya nang mamatay ang Nanay Jesusa niya at mula nang mamatay ang Nanay niya ay napabayaan na rin siya ng Tatay Arnaldo niya. Dahil sa labis na pagkalungkot nito ng iwan sila ng kanyang ina. Walang araw na hindi ito lasing kung umuwi sa maliit nilang tahanan hanggang sa isang araw nasaksak ito at napatay ng mga kasamahan nitong nag-iinuman sa may kanto. Kinuha siya ng kanyang Lola Coring, ang nag-iisang kapatid ng kanyang Lola Guada at dinala siya sa maliit na kubo ng mga ito. Magkasama kasi ang dalawa sa isang maliit at lumang kubo dahil pareho na ang mga itong walang pamilya. Si Lola Coring ay hindi nakapag-asawa at si Lola Guada naman ay biyuda na at may tatlong mga anak. Pero walang mga anak na gustong kupkupin ito dahil sa pagiging sugarol daw nito. Ang kanyang Tatay Naldo ang siyang bunsong anak nito, mahal nito ang Tatay Naldo niya at saksi siya noon, na kahit ayaw ng matanda ang Nanay Jesusa niya para sa anak pero pilit nitong pinakikisamahan ang Nanay niya para sa anak nito. Pero siya ay talagang hindi siya tanggap ng matanda dahil ang sabi nito hindi naman daw siya tunay na apo nito. Anak daw siya ng Nanay niya sa ibang lalaki at ginawa lang daw na Salvador del Mundo ang Tatay Naldo niya ng kanyang ina. Ayaw nga nito sa naging desisyon ni Lola Coring na patirahin siya sa kubo ng mga ito pero wala naman itong magagawa dahil pinal na ang desisyon ni Lola Coring. Pero namatay ang kanyang Lola Coring nang magsampung taon siya kaya naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang Lola Guada. Gustuhin man niyang malaman ang totoo pero wala naman na siyang ibang mapagtanungan pa dahil wala na ang Tatay niya at hindi rin niya alam kung may mga magulang o kamag-anak pa ang Nanay Jesusa niya. Ang alam niya lang kasi ay dayuhan lang ang Nanay niya rito sa Cebu kaya nagkita ito at ang Tatay Naldo niya. "B*lsh*t ka talagang boba ka! Wala ka talagang kwenta lumabas ka d’yan!" Napapitlag siya at kaagad napatayo nang marinig nila ang sigaw ng kanyang Lola Guada mula sa labas ng bahay nina Amaiah. "H'wag kang lalabas," tutol na sabi ni Amaiah sa kanya at kaagad nitong hinawakan ang kanang siko niya. Natatakot na tiningnan niya ang kaibigan. "Pero—" hindi na niya naituloy ang sasabihin nang marinig nila ang lagabog ng pinto. "Tang *na, alam kong nandiyan ka sa loob!” Patuloy nitong sigaw habang kinakalampag nito ang nakasaradong pinto ng bahay nina Amaiah. “Lalabas ka o susunugin ko itong bahay ng kaibigan mo.” banta pa ng matanda na mas lalong ikinabahala niya. “H’wag, Ina…” ani Amaiah sa nababahalang boses. Umiling-iling siya at sunud-sunod ng tumulo ang mga luha niya. Nagmamakaawang tiningnan niya si Amaiah. Nakita rin niya sa mga mata nito ang sobrang pag-aalala at pagkatakot sa posibleng gawin ng kanyang Lola Guada. "H-Hayaan mo na ako, Gabby. " aniya sa kaibigan sa nagmamakaawang boses. Binawi niya ang kanyang kanang kamay na hawak pa rin nito. Walang nagawa ay unti-unti nitong binitawan ang braso niya. Agad naman siyang tumakbo sa may pintuan para pagbuksan ang lola niya. "Lola—ahhh!" hiyaw niya at kaagad napahawak sa braso ng kanyang lola Guada, nang sa pagbukas niya ng pinto ay hinablot kaagad nito ang buhok niya at halos namanhid ang pisngi niya nang pagsasampal-sampalin siya nito. Hindi pa ito nakuntento at kinaladkad pa siya nito palayo sa harap ng pintuan. "Tama na po, Aling Guada..." nagmamakaawang sabi ni Amaiah sa lola niya. Nasa labas na rin ito ng bahay. "Tatawag ako ng pulis, Aling Guada, kapag hindi niyo bibitiwan si Ina." matigas ang boses na sabi pa ni Gabby. Pero parang walang narinig ang lola niya at patuloy pa rin siya nitong sinasaktan. Marami na ring mga kapitbahay nila ni Amaiah ang nakasungaw ang mga ulo sa mga bintana ng mga bahay ng mga ito. Akmang susugod na sana si Gabby para tulungan siya nang marinig nila ang galit na sigaw ni Aling Lupe. "Amaiah Gabrielle, pumasok ka sa loob!" Agad na natigil si Gabby at napatingin sa kararating lang na si Aling Lupe. Kita naman niya sa mukha ni Amaiah ang pag-aalangan sa utos ng Nanay nito. "At kayong mag-lola umalis na nga kayo rito. Kung mag-away kayo h'wag dito sa pamamahay ko!" Napasinghap siya nang napasubsob siya nang itulak siya ng kanyang Lola Guada para harapin si Aling Lupe. "Hoy! Impaktita ka wala kang pakialam kung patayin ko ang babaeng 'to!" sigaw ng Lola Guada niya sabay duro ng hintuturo nito kay Aling Lupe. Dali-dali naman siyang tumayo at kaagad nilapitan ang lola niya para awatin ito. "Lola, tama na po." Awat niya sa matanda. Hinawakan niya ito sa braso kahit natatakot siyang baka itulak na naman siya nito. Habang si Aling Lupe ay inaawat na rin ni Amaiah. "Nay, tama na, ano ba?!" Pigil nito kay Aling Lupe at hinila ito papasok sa loob ng bahay. "Aba't wala naman talaga akong pakialam kung patayin mo iyang bobita mong apo, Guada!” walang galang na sikmat ni Aling Lupe sa lola niya. “Ang akin lang, kung papatayin mo iyan, h'wag dito sa pamamahay ko. Mga tang *na kayo!" patuloy na sigaw ni Aling Lupe kahit naipasok na ito ni Amaiah sa loob ng bahay ng mga ito. Siya naman ay pilit niyang hinihila ang lola niya pauwi sa kanilang kubo. Pero talak pa rin ito nang talak at hindi tumitinag sa kinatatayuan. Kung hindi lang niya ito mahigpit na hinawakan ay baka sinugod na nito si Aling Lupe. Kahit hindi naman katangkaran ang kanyang Lola Guada pero malaking bulas naman ito. Kabaliktaran ni Aling Lupe na matangkad pero payat. "Ikaw Gabrielle, ha! H'wag ka ng lalapit d’yan sa walang kwenta't mangmang na Jenina na iyan! Hindi kita pinapaaral para magiging bobo lang din." "Nay naman, kaibigan ko po si Ina." Narinig niyang katwiran ng kaibigan. "Aba! Wala akong pakialam kung kaibigan mo siya." Narinig niyang tugon naman ni Aling Lupe sa anak bago pa man sila nakalayo sa bahay ng mga ito. Nasasaktan siya na pati kaibigan niya ay nadadamay na sa kanyang problema. Kung susundin ni Gabby ang Nanay nito ay maiintindihan niya ito. Ayaw niyang malayo rito dahil ito lang ang kaibigan niya pero kung ganito lang din naman ang mangyayari ay mas mabuti na nga siguro na hindi na ito lalapit pa sa kanya. "Umuwi ka ng salot ka." galit na sabi ng kanyang Lola Guada. Napasinghap siya nang bigla na lang siya nitong itinulak. Muntik pa siyang matumba kung hindi niya agad naibalanse ang katawan niya. Napabuntonghininga na lang siya nang makita niya itong naglakad patungo sa kumpulan ng mga taong naglalaro ng baraha. Sa mga barkada nitong mga matatanda na pero mga sugarol pa rin. Ilang beses na nga rin na pinuntahan ng mga pulis ang lugar nila para hulihin ang mga ito pero nakakatakas naman ang mga ito at palipasain lang ang isang araw ng mga ito, at heto balik na naman sa pagsusugal. "Aling Guada, mukhang pinapainit na naman ng mangmang mong apo ang ulo mo, ah!" sabi ng isang matabang babae kay Lola Guada. Isa ito sa mga kasamahan ni lola sa sugalan at lagi ring nanlalait sa kanya. "H'wag mo ngang mabanggit ang salitang apo na iyan Basilya, dahil hindi ko naman iyan totoong apo!" Bulyaw ni lola sa matanda. Umismid pa ito at padarag na hinila ang isang bakanteng silya at naupo ito roon. Napayuko na lang siya sa narinig niya mula sa kanyang Lola Guada. Kasunod niyon ang pagdaloy ng masaganang luha sa kanyang mga mata. Natutop pa niya ang dibdib sa sobrang sakit sa pagpipigil niyang hindi mapahagulgol. “Ano pang tinayo-tayo mo d'yan? Alis!” Sigaw ng kanyang Lola Guada sa kanya. Nanlalaki naman ang mga matang dali-dali siyang tumalikod. "Bigyan mo nga ako ng yosi, Mily. Kaltas mo na lang sa akin mamaya.” Narinig niyang sabi ng kanyang lola sa isa sa mga kasama nito. “Aba! Guada, iyan ay kung mananalo ka—” “Ako ba’y minamaliit mo, Mily?” Maangas na sabat kaagad ng kanyang lola kahit hindi pa man tapos magsalita iyong tinawag nitong Mily. “Aba’y bakit? Kailan ka ba nananalo sa amin? Ang laki-laki na nga ng utang mo sa amin.” Huling narinig niya mula kay Aling Mily bago siya tuluyang umalis at naglakad palayo sa mga ito. Hanggang kailan ba siya magdusa? Kailan ba magbabago ang lola niya? Lord, bakit po ganito? Puwede bang kunin Niyo na lang din po ako? Piping pakiusap niya sa may Likha. Kasabay naman niyon ang nakakabinging busina ng malaking truck at siyang nagpatigil sa kanya sa paglalakad. "Hoy! Magpapakamatay ka ba?!" Narinig niyang sigaw nang drayber ng malaking truck sa kanya at saka lang niya napagtanto na nasa gitna na pala siya ng kalsada. Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niyang nakasungaw ang ulo ng lalaki sa may bintana ng truck habang nanlilisik ang mga matang nakatingin sa kanya. Hindi rin maipinta ang mukha nito sa galit. Dali-dali siyang tumabi. "P-Pasensiya na p-po." hingi niya ng depensa sa drayber at bahagya pang yumuko bago ipinagpatuloy ang paglalakad. "Inang mangmang, kung magpapakamatay ka, h'wag kang mandamay ng ibang tao, ha?” sabi ng isang kapit-bahay niya na nakakita pala sa nangyaring muntikan na niyang pagkabunggo sa malaking truck. “Kung ikaw walang kwenta, tiyak sila mayroon pa. Isipin mo iyon, bobo!" dugtong pa nito na mas lalong nagpasakit ng kanyang kalooban. “Pasensiya na po," nahihiyang sabi niya. Dumiretso siya sa kubo nila at kaagad nagsaing. Tiyak na gugulpihin na naman siya ng lola niya kapag dumating ito na wala pang pagkaing nakahain sa kanilang maliit na mesa. Ganito ang naging buhay niya araw-araw sa piling ng kanyang abuela. Sa umaga ay sermon at tadyak ang almusal niya, sa hapon naman ay sabunot at sampal naman plus kutya ng ibang tao sa kanya na mangmang siya at walang pinag-aralan kaya nasanay na rin siya. Wala naman siyang karapatang lumaban dahil lahat ng mga sinasabi ng mga tao sa kanya ay totoo naman lahat. Gustuhin man niyang mag-aral pero wala naman siyang pera para sa mga gastusin. Oo at may trabaho siya pero kulang pa naman iyon sa pang-araw-araw nilang gastusin at sa bisyo ng lola niya. Mas malaki kasi ang natatalo nitong pera kaysa ang manalo ito. Pero kahit na gano’n ay mahal na mahal pa rin niya ang Lola Guada niya. Ito na lang ang kaniyang pamilya. Kung hindi naman siya nito pinapakain noong maliit pa lang siya, tiyak na namamatay na siya dahil sa gutom. At nagpapasalamat pa rin siya na kahit lagi siya nitong pinapalayas pero pinapabalik din naman. Kaya naman niyang magtiis. "Kaya kong magtiis," mahinang sabi niya sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD