Pagkatapos kumain ay tinulungan ni Ashleigh si Tonya at si Jake sa pagliligpit ng mga pinagkainan nila. Pero sinaway siya ni Mang Gener sa pagkilos niya.
"Ija, hayaan mo na lang sila ang kumilos dyan."
"Oo nga po, ate. Kaya na po namin 'to," sabi pa ng batang si Jake sa kanya.
"P-Pero—"
"Ang mabuti pa ay maupo ka na lamang doon at magpahinga. Hindi pa magaling ang mga sugat mo kaya mas mabuting huwag mong biglain ang sarili mo sa pagkilos," putol pa ni Gener sa nais niyang sabihin.
Sa huli ay wala na nga siyang nagawa pa kung 'di ang sumunod na lamang sa gusto nito. Naupo siya sa upuang kahoy sa sala ng kanilang bahay.
Habang abala sa pagkilos ang tatlo ay marahan niyang iginala ang kanyang mga mata, upang mapagmasdan ng malaya ang bawat sulok ng bahay na kinaroroonan niya ngayon. Gawa sa kahoy ang bahay at hindi iyon kalakihan. Mayroon iyong dalawang kwarto at ang isa nga doon ay ang tinutulugan niya.
Nang matapos sa pagkilos sina Tonya at Jake ay dali-dali namang gumawa ng mga homework ang mga ito. Isa-isang inilabas ni Tonya ang mga gamit niya hanggang sa makita niya ang isang story book nito.
"Beauty And The Beast..." marahang pagbasa niya sa title ng story book nito.
"Gusto niyo po bang basahin, ate?" nakangiting tanong ni Tonya sa kanya.
"Huh?"
"Maganda po ang kwentong ito. Isa po ito sa mga paborito ko," masayang sabi sa kanya ni Tonya.
Maliit siyang ngumiti kay Tonya saka niya marahang inabot ang story book. Kaagad niya tuloy naalala ang kanyang kabataan at ang kanyang ina. Dahil ang kwentong ito ang paborito niyang ipabasa sa noon sa kanyang ina.
Binuklat niya ang unang pahina hanggang sa mabasa niya ang pangalan doon. "Belle..."
"Opo, si Belle po ang bida r'yan. Tapos si Beast," sabi muli ni Tonya sa kanya at pagkuwan ay... "Alam ko na, ate!" biglang sabi pa nito sa kanya na bahagyang ikinagulat niya.
"Huh?"
"Dahil hindi niyo pa po natatandaan ang pangalan ninyo, gusto niyo po bang... Belle na lang po muna ang itawag namin sa iyo?" nakangiting sabi ni Tonya sa kanya na nagbigay ng kagalakan sa puso niya.
"Belle?"
"Opo, ate. Belle po. Maganda naman po, 'di ba?"
Ngumiti siya sa bata saka marahan na tumango. "Oo.. Maganda nga," sagot niya.
"Ayan. Habang hindi niyo pa po naaalala ang pangalan ninyo, Ate Belle na lang po muna ang itatawag namin sa iyo."
"Wow, ang ganda naman pong pangalan no'n, Ate Belle!" singit ni Jake sa kanila na ikinangiti niya rin dito.
Ilang sandali lang nang bigla namang lumabas mula sa isang kwarto si Gelo. Muli silang nagkatinginang dalawa pero nauna siyang magbawi ng tingin dahil sa kakaibang pag-iingay ng dibdib niya. Mukhang ang puso niya ang kinakailangan niyang unang ipatingin sa doctor kung magpupunta siya ng hospital.
"Kuya, may pangalan na po siya," masayang balin ni Jake kay Gelo.
"Opo, kuya. Ako po ang nakaisip ng itatawag po muna natin sa kanya habang hindi niya pa po naaalala ang tunay niyang pangalan," sabi naman ni Tonya kay Gelo. Dahil doon ay muling dumapo ang tingin ni Gelo sa kanya na hindi niya alam kung bakit tila ikinainit iyon ng magkabilang pisngi niya.
"Talaga? Ano namang pangalan iyon?" singit na nakangiting tanong ni Mang Gener sa kanila.
"Belle po, lolo," masayang tugon ni Tonya sa matanda.
"Aba'y kay gandang pangalan ah. Bagay na bagay sa iyo, ija," masayang sabi ni Mang Gener sa kanya.
Maliit siyang ngumiti rito. "S-Salamat po..."
Nag-angat siya ng tingin kay Gelo na ngayon ay umiwas na ng tingin sa kanya. Nagpatikhim pa ito saka ito dumeretsyo sa kusina.
"Siya nga pala, Ate Belle, gusto mo po bang sumama sa amin mamaya?" pagkuwan ay biglang tanong ni Tonya sa kanya.
"Huh?"
"May pupuntahan po kasi kaming birthday-an, malapit lang naman. Dyan lang sa pang-apat na bahay," tugon nito sa kanya.
"Ay, aalis ba kayo?" singit na tanong ulit ni Mang Gener sa kanila.
"Opo, lolo. Birthday po ni Ate Rowena. Invited po si Kuya Gelo tapos pinapasama rin kami ni Ate Rowena," si Jake ang sumagot sa matanda.
Binalingan ng tingin ni Mang Gener ang apo nitong si Gelo nang lumabas na ito galing sa kusina. "Ay hindi ba at may pasok ka?"
"Opo, lo. Pero nagpa-change sched po ako sa boss ko. Mamaya pa pong 10 ang pasok ko. Dadaan lang po ako kina Rowena bago ako pumasok," sagot ni Gelo sa lolo nito.
"Ah ganoon ba? Eh paano iyan at paalis din ako."
"Po? Saan po kayo pupunta?" tanong ni Gelo.
"May usapan kasi kami ni Pareng Monchito. Pupunta ako sa kanila. Eh sasabay nga sana ako sa iyo palabas hanggang sa bayan."
"Kung ganoon ay ihahatid ko na lang po kayo—"
"Hindi na, apo. Kaya ko naman. Kaya lang eh..." Huminto sa pagsasalita ang matanda at marahan itong bumalin ng tingin sa kanya.
Kaagad naman niyang nakuha ang ibig sabihin ng tingin na iyon ni Mang Gener sa kanya. "A-Ayos lang po ako rito. Huwag niyo po akong alalahanin," mabilis na sabi niya sa matanda. Alam niyang iniisip ng mga ito ngayon kung paano siya gayong aalis pala ang mga ito at maiiwanan siyang mag-isa.
"Ate Belle, sama ka na lang po sa amin," pagkuwan ay pangyayaya ulit ni Tonya sa kanya.
"H-Huh?"
"Hindi pwede, apo. Hindi siya pwedeng lumabas ng bahay natin," sabi ni Mang Gener kay Tonya.
"Pero po..."
"Okay lang naman po ako rito. Huwag niyo na akong isipin. Magpapahinga na lang po ako sa kwarto," saad niya sa mga ito saka siya maliit na ngumiti.
"Sigurado ka ba, ija?" tanong ni Mang Gener sa kanya.
"Opo," simpleng sagot naman niya.
"Lo, ang mabuti pa ay ihatid ko na lamang po kayo," pagkuwan ay sabi ni Gelo sa lolo nito.
"Hindi na apo, kaya ko naman nang lumakad mag-isa—"
"Kukunin ko lang po ang susi ng motor," mabilis na putol ni Gelo sa lolo nito saka ito pumasok ng kwarto nito.
"Ay, ganyan talaga ang apo kong iyan. Ipipilit kung ano ang maisipan," komento at balin ni Mang Gener sa kanya habang napapailing-iling pa ito.
Ilang sandali lang nang lumabas na ngang muli si Gelo na nakasuot na ng itim na jacker at dala na ang susi ng motor nito.
"Tara na po, lo," yaya nito kay Mang Gener.
"Teka, apo. Hindi mo naman ako ihahatid kina Pareng Monchito para lang masilayan mo roon si Yannie, 'di ba?" pagbibiro ng matanda sa apo nito na bahagyang ikinatitig niya sa mga ito.
Kanina ay Rowena, ngayon naman ay Yannie. Mukhang marami yata siyang kaagaw sa binata.
"Hindi po, lo. Saka isa pa ay wala na sila rito. Nakabalik na sila ng pamilya niya sa Laguna," tugon ni Gelo sa lolo nito.
"Aba'y updated ka pala," ani Mang Gener saka ito nagpaalam sa amin. "O siya aalis na ako. Tonya, Jake, kayo na munang bahala sa bisita natin. Pagkatapos ninyo sa birthday-an ay umuwi na kayo kaagad dito," bilin pa nito sa dalawang bata.
"Opo, lo. Kami na po bahala. Huwag na po kayo mag-alala," sagot ni Tonya.
"Hindi ko naman kasi maintindihan kung bakit pupunta pa kayo roon, gayong tapos naman na tayong maghapunan," sabi muli ni Mang Gener.
"May hotdog at fried chicken po doon, lolo. Puro gulay naman po kasi ulam natin eh," si Jake ang sumagot sa matanda.
"O siya, sige na nga. Aalis na ako."
"Ingat ka po, lo!" sabay na sabi ng dalawang bata.
"Ingat po kayo," sabi naman niya rito.
"Salamat, ija. Magpahinga ka na sa kwarto at magpalakas," anito at sa huli ay tuluyan na nga itong umalis kasama si Gelo.
Pero sa halip na pumasok na sa kwarto ay nanatili muna siya sa sala kasama ang dalawang bata. Tinulungan niya ang mga ito sa paggawa ng mga homeworks.
"Ang galing mo naman po, Ate Belle!" masayang sabi ni Jake sa kanya. "Noong tinuturo sa akin 'yan ng teacher ko hindi ko talaga maintindihan. Pero noong ikaw na ang magturo ay mas naintindihan ko na po ngayon," puri pa nito sa kanya.
"Oo nga po, Ate Belle. Ang galing niyo po. Mabuti na lang at nandito ka. Si Kuya Gelo kasi hindi kami tinutulungan sa mga assignments namin eh," sabi naman ni Tonya sa kanya.
Nagpatikhim siya saka niya naisip na ito ang tamang tyempo para makapagtanong sa dalawa tungkol kay Gelo. "Uhm... pwede ba akong magtanong sa inyo?"
"Opo naman po, ate. Ano po iyon?"
"Huwag lang pong math, ate, huh," biro ni Jake sa kanya.
"Gusto ko lang itanong kung... ilang taon na ang Kuya Gelo niyo?" Malakas ang pagkabog ng dibdib niya sa kaba dahil sa tinanong niya sa dalawang bata. Napakurap-kurap pa siya nang mapatitig lamang sa kanya ang mga ito na tila iniisip ng mga ito kung bakit ganoon ang naging tanong niya. "Uhm... gusto ko lang kasing malaman kung... mas matanda ba siya sa akin para tawagin ko rin siyang kuya," palusot niya pa.
"Pero 'di ba po... wala po kayong maalala?" huli ni Tonya sa kanya na nagpabilog sa mga mata niya. "Kaya... paano niyo po malalaman kung... mas matanda po si Kuya Gelo sa inyo?"
"Oo nga po, ate. Bakit po? Tanda niyo po ba kung ilang taon na po kayo?" tanong naman ni Jake sa kanya.
Patay na! Mukhang mahuhuli pa siya ng dalawang bata.
"Uhm..." Hirap siyang napalunok. "W-Wala nga akong maalala. Gusto ko lang... malaman ang edad niya kasi... sa tingin ko... hindi pa naman ako ganoong katanda." Hindi niya alam kung may sense pa ba ang mga sinabi niyang palusot sa dalawang bata. Basta bahala na kung kakagat ang mga ito sa palusot niyang iyon.
"22 na po si Kuya Gelo," pagkuwan ay sagot ni Tonya sa kanya. Mabuti na lang at kumagat ito sa walang kwentang palusot niya.
Marahan siyang tumango-tango sa bata. "Okay. Tapos kayo? Ilang taon na kayo?" tanong niya pa sa dalawa para makalimutan ng mga ito ang pagdududa nila sa kanya.
"11 years old po ako. Tapos 9 years old naman po si Jake," sagot muli ni Tonya sa kanya.
"Ikaw po, ate?" pagkuwan ay biglang tanong ni Jake sa kanya na ikinatigil niya.
"Huh?"
"Sa tingin niyo po ilang taon na po kayo?"
"Ah... uhm siguro... nasa—" Natigilan siya sa pagsasalita nang biglang may sunod-sunod na kumatok mula sa pintuan.
"Ako na po ang magbubukas!" excited na sabi ni Jake saka ito tumakbo patungo sa pintuan upang buksan iyon. Pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ni Ashleigh ay awtomatiko siyang napatago. Kumabog sa kaba ang dibdib niya dahil sa tila takot na baka kung sino na ang nandyan. Naiisip niya kasi ang lalaking muntik nang pumatay sa kanya.
"Ate..." alalang tawag ni Tonya sa kanya.
"Hi, Jake!"
"Ate Rowena..."
"Nasaan na ang Kuya Gelo mo?" Narinig ni Ashleigh ang isang hindi pamilyar na tinig ng babae na kausap ni Jake.
"Ate, okay ka lang po? Bakit po? May problema po ba?" pagkuwan ay sunod-sunod na tanong naman ni Tonya pagkalapit nito sa kanya.
"Uhm... wala naman, Tonya. Ayos lang ako. Akala ko lang kasi kung sino ang dumating," sagot niya rito.
"Umalis po si Kuya Gelo, hinatid lang po sandali si Lolo Gener sa bayan," narinig nilang tugon ni Jake sa kung sino mang kausap nito.
"Ah ganoon ba? Kung ganoon ay tayo na sa bahay. Sigurado naman na susunod din doon ang Kuya Gelo niyo. Nasaan na pala ang Ate Tonya mo?"
Binalingan niya ng tingin si Tonya saka siya mahinang nagsalita rito. "Sige na, Tonya. Umalis na kayo ni Jake."
"Pero, ate. Okay ka lang po ba talaga na maiwanan dito?"
"Oo naman. Magpapahinga na rin ako sa kwarto pagkaalis ninyo. At isa pa ay malapit lang naman ang pupuntahan ninyo, 'di ba?"
"Opo, ate. Uuwi rin po kami kaagad."
Maliit siyang ngumiti rito. "Kaya sige na. Umalis na kayo ni Jake at sumama sa kanya."
"Sige po, ate." Kaagad nang tumalikod sa kanya ang batang si Tonya saka ito lumapit kina Jake. "Ate Rowena!"
"Oh, Tonya! Halika na sa bahay. Marami akong nilutong hotdog at fried chicken para sa inyo," masayang sabi no'ng babae.
Marahan siyang sumilip patago mula sa kinaroroonan niya, hanggang sa nakita niya ang isang matangkad at sexy na morenang babae na kumakausap kina Tonya at Jake.
"Okay po, Ate Rowena," tugon ni Tonya sa babae.
"Icha-chat ko na lang ang Kuya Gelo niyo at sasabihin kong nasa bahay na kayo. Para doon na rin siya dumeretsyo mamaya pagkahatid niya sa lolo niyo," sabi pa ng babae at sa huli ay tuluyan na ngang umalis ang mga ito.
Katahimikan ang bumalot sa buong bahay nang maiwanan siyang mag-isa roon. Napahigit siya ng malalim na paghinga. Sanay naman siyang mag-isa palagi noon pa man. Pero hindi niya alam kung bakit palagi pa ring may kirot sa puso niya ang lungkot sa tuwing wala na siyang kasama.
Sa huli ay isinantabi na lamang niya ang mga isipin na iyon at isa-isa niyang niligpit ang mga nagkalat na gamit ng mga bata. Sa huli ay muli niyang dinampot ang story book na Beauty And The Beast. Mapait siyang napangiti dahil naalala na naman niya ang kanyang namayapang ina at ang maayos na relasyon niya sa kanyang ama noon.
Naupo siya sa mahabang upuan na kahoy ng sala ng bahay, saka niya sinimulang basahin ang librong hawak niya. Hanggang sa kalagitnaan ng pagbabasa niya ay hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya.
"SALAMAT sa paghatid, apo! Ingat ka pag-uwi at sa pagpasok mo sa trabaho," nakangiting sabi ni Mang Gener sa apo nitong si Gelo pagkababa nito ng motor.
"Uhm... lo, ibig sabihin ba niyan ay bukas na kayo uuwi?" pagkuwan ay tila nababahalang tanong ni Angelo sa lolo nito.
"Oo, apo. Ganoon na nga. Wala rin kasing kasama si Pareng Monchito rito sa kanila."
"Pero, lo. Paano po ang mga bata?"
"Hindi naman sila mapapaano roon. Walang gagalaw sa kanila roon saka isa pa, hindi ba at naiiwanan naman natin silang dalawa sa bahay?"
"Pero, lo..." Bakas pa rin sa mukha ni Angelo ang pagkabahala.
Tama naman ang lolo niya na matagal na nilang naiiwanan ang dalawang bata sa bahay kung kinakailangan nilang umalis na dalawa. Pero hindi niya maunawaan ang kanyang sarili kung bakit nag-aalala pa rin siya.
"Bakit, apo? Ang iniisip mo ba ay ang bisita natin?" pagkuwan ay deretsyong tanong sa kanya ng lolo niya. Hindi siya nakasagot sa matanda sapagkat pinakiramdaman niya ang sarili kung natumpok nga ba ng matanda ang ikinababahala niya.
Gumalaw ang lalamunan niya saka siya marahang tumugon sa matanda. "Hindi ba't ang sabi niyo po kasi ay... may nagtatangka sa buhay niya."
"Ganoon na nga, apo."
"Kung ganoon ay... hindi po natin siya pwedeng... iwan ng mag-isa."
Naputol ang pakikipag-usap niya sa kanyang lolo nang mag-ingay ang cellphone niya dahil sa message na natanggap niya.
Kinuha niya ang cellphone niya sa bulsa niya saka niya iyon tiningnan.
Rowena: Hi, Gelo! Saan ka na? Dito na ang dalawang bata sa bahay. Sinundo ko na sila.
"Sige po, lo. Aalis na po ako. Ingat po kayo," pagkuwan ay mabilis na paalam niya sa kanyang lolo pagkabasa niya sa mensahe sa kanya ni Rowena, saka siya tuluyan nang umalis.
Pasado als otso na ng gabi nang makabalik siya sa kanilang lugar. Kailangan na niyang dumaan sandali kina Rowena saka siya papasok sa trabaho. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang pagkabahala niya.
"Kung ang dalawang bata lang ang maiiwan ay wala namang problema. Kaya lang, may ibang tao sa bahay. Hindi ko pwedeng ipagkatiwala ang mga bata sa kanya. Lalo pa at hindi naman namin siya lubusang kilala," pagkausap niya sa kanyang sarili.
Tama! Iyon ang tumumpok sa ikinababahala niya. Hindi naman nila kilala ng lubusan ang babaeng nawalan ng alaala. Kaya hindi niya pwedeng ipagkatiwala ang dalawang bata rito. Isa pa'y, kung totoong nanganganib ang buhay nito, eh 'di mas delikado rin ang lagay nila dahil nasa kanila ito. Kung mahahanap man ito ng mga taong gustong manakit dito, ay tiyak na madadamay sila. Ang kanyang lolo at ang dalawang bata. Kaya naman sa huli ay napagpasyahan na niyang dumeretsyo na ng uwi sa bahay at huwag na lang dumaan kina Rowena.
Pagkarating niya sa bahay nila ay kaagad siyang pumasok sa loob. Hindi naka-lock ang pinto kaya hindi na niya kinailangan pang kumatok. Pero natigilan siya nang bumungad sa kanya ang natutulog na dalaga.
Payapa at mahimbing itong nakahiga sa mahabang upuang kahoy nila na nasa sala, habang may hawak-hawak itong isang libro.
Lumapit siya rito at pinagmasdan nang mabuti ang dalaga. Pagkuwan ay muli na naman niyang naramdaman ang kakaibang pagkabog ng kanyang dibdib. Hirap siyang napalunok at nang akmang lalayo na siya ay kaagad na nagmulat ng mga mata ang dalaga. Tuloy ay deretsyo niyang nasalo ang mga tingin nito.
Halatang nagulat ang dalaga na makita siya sa harapan nito. Kaya naman mabilis itong napabalikwas ng bangon.
"I-Ikaw..." Napatikhim siya at mabilis na nag-iwas ng tingin sa dalaga. "K-Kanina ka pa ba dumating?" tanong pa nito sa kanya.
"Ngayon lang," sagot niya rito. Kahit na kinakabahan siyang kausap ito ay pinilit niyang maging normal ang kanyang pananalita.
"Uhm... siya nga pala. Umalis na sina Tonya at Jake. Sinundo sila rito ng... isang magandang babae," pagkausap sa kanya ng dalaga.
"Alam ko," simpleng tugon naman niya rito na kahit hindi niya gusto ay nagmukha lamang siyang masungit. Muli siyang nagpatikhim saka nagsalita. "Bakit ka nga pala rito natutulog? Hindi ba at may kwarto naman?" Gusto lang sana niyang magtanong pero hindi niya alam kung bakit nagmukhang masungit pa rin ang dating niyang iyon.
"Uhm... s-sorry. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako habang... binabasa ko ito," sagot ng babae sa kanya, tinutukoy ang story book na hawak nito.
Kumunot ang noo niya. "Nakakabasa ka?" takang tanong niya sa dalaga.
"H-Huh?" gulat na tugon naman nito sa kanya.
Sandaling katahimikan ang bumalot sa kanilang dalawa habang nakatingin lamang sa isa't isa. Pero naputol iyon nang magambala sila ng pagdating ng kung sinoman.
"Gelo! Gelo, nandyan ka na pala," biglang dating ni Rowena. Kapwa napatingin sina Angelo at Ashleigh sa babae. Nagulat naman si Rowena nang makita si Ashleigh sa loob ng bahay nina Angelo. "Sino ka?" deretsyong tanong ni Rowena kay Ashleigh.
Nakaramdam ng kaunting kaba si Ashleigh nang tila mataray siyang tanungin ni Rowena. Hindi niya alam kung anong isasagot niya rito o kung paano niya maipaliliwanag dito kung sino siya at kung anong ginagawa niya sa bahay nina Angelo. Kaya naman ilang segundo siyang natahimik at napatulala lamang dito.
"Hindi mo ba ako narinig, miss? Sabi ko sino ka? Anong ginagawa mo nang ganitong oras dito sa bahay nina Gelo?" muling tanong ni Rowena sa kanya.
Napalunok siya at nang akmang sasagot na sana siya ay...
"Siya si Belle," mabilis na sagot ni Angelo kay Rowena.
"Belle?" kunot-noong tanong ni Rowena.
"Oo. Siya si Belle at... kinakapatid ko siya," pakilala ni Angelo sa kanya kay Rowena.