"Saan ka galing? Bakit ngayon ka lang umuwi?"
Nagitla si Ashleigh nang marinig ang tinig ng kanyang galit na ama. Dahil doon, pinilit niya ang sarili na tumayo ng tuwid kahit pa hilong-hilo siya dahil sa epekto ng alak na ininom niya mula sa kasiyahan na pinanggalingan niya.
Humigit siya ng malalim na paghinga saka siya marahan na lumingon sa kanyang ama.
"Answer me, Ashleigh," muling wika ng kanyang ama.
Nagpatikhim siya saka niya ibinuka ang kanyang mga labi upang magdahilan at magsinungaling. "I'm with my friends—"
"You're with your friends? What kind of friends they are? Mga kasama mo sa pag-cu-cutting class mo?" galit na putol nito sa kanya.
"What?" kunot-noong tanong niya sa kanyang ama.
"Akala mo ba ay hindi nakakarating sa akin ang mga pinaggagagawa mo? Wala ka na raw ibang ginawa kung 'di ang mag-skip sa mga klase mo. Pinapasukan mo lang kung ano ang gusto mong pasukan na klase."
"Wow. Kailan ka pa nagkaroon ng pakialam sa bawat ginagawa ko?" hindi niya napigilan ang sarili at napasagot siya sa kanyang ama.
"What?" Kitang-kita niya ang galit sa mga mata ng kanyang ama.
"Totoo naman, dad, 'di ba? Wala ka naman talagang pakialam sa akin eh. Wala ka namang pakialam sa bawat ginagawa ko. Anong mayroon ngayon at pinapabantayan mo na ako? Dahil ba sa girlfriend mo? Ayaw mong mapahiya sa kanya na ganito mo napalaki ang anak mo?"
"Ashleigh! Kailan ka pa natutong sumagot sa akin ng ganyan?!"
"Sinasabi ko lang naman 'yong totoo—"
"Hindi ko alam kung anong nangyayari sa iyo at nagiging bastos ka na! Palibhasa'y lumaki kang walang gabay ng isang ina!" sigaw nito sa kanya, dahilan upang matigilan siya sa pagsasalita.
"W-What?"
"Lumaki ka ng ganyan dahil maaga kang iniwan ng ina mo!"
Kaagad na nag-init ang magkabilang sulok ng mga mata niya dahil sa mga salitang iyon na binitiwan ng sarili niyang ama.
"Sinisisi mo ba si mommy rito?" mapait na tanong niya. "Eh 'di ba kung mayroon mang dapat na sisihin sa pagkawala niya, walang iba kung 'di ikaw iyon."
"Anong sabi mo?" galit na bulalas ng kanyang ama sa kanya.
"Totoo naman, 'di ba, dad?" Tumakas ang isang butil ng luha mula sa kanyang kaliwang mata. "Nawala si mommy... nang dahil sa iyo—"
Kaagad na dumapo ang palad ng ama ni Ashleigh sa kanyang kanang pisngi, dahilan upang muli siyang matigilan sa pagsasalita at dahilan upang tila halos mabingi siya.
Sunod-sunod na lumabas ang mga luha niya dahil doon, saka niya marahan na inangat ang mga tingin sa galit na galit niyang ama.
Walang salita na siyang sinabi pa at sa halip ay mabilis na niyang nilisan ang lugar na iyon. Lumabas siya ng bahay nila at kahit na hindi niya alam kung saan siya patungo ay wala na siyang pakialam pa. Ang mahalaga lang sa kanya nang mga sandaling iyon ay ang makalayo siya sa kanyang sariling ama. Sapagkat walang mapaglagyan ang sakit sa puso niya dahil muli na namang naungkat ang tungkol sa kanyang pinakamamahal na ina. Bagay na kahit na kailan, ay mukhang hindi niya matatanggap.
Dinala si Ashleigh ng kanyang mga paa sa puntod ng kanyang yumaong ina at doon niya napagpasyahang magpalipas muna ng gabi.
"Mommy, I miss you so much. I wish you were here with me right now," naluluhang pagkausap niya sa harapan ng puntod nito. "Bakit naman kasi ang daya-daya mo? Bakit naman kasi iniwan mo agad ako?" Sa huli ay tuluyan na ngang muling tumakas ang mga luha niya mula sa kanyang mga mata. "I miss you so much, mom. Mula nang mawala ka sa akin, nawala na rin ang pagmamahal ni daddy para sa akin. At mula no'n, pakiramdam ko palagi na lang akong mag-isa. And I hate it, mom. I hate this feeling so much! Ayaw ko naman pong maramdaman palagi ang ganitong klaseng lungkot." Patuloy sa paglalandas ang mga luha niya nang mga sandaling iyon, hanggang sa...
Bahagya siyang nagitla nang may mag-abot ng isang panyo sa kanya. Nag-angat siya ng tingin at nakita niya ang isang hindi pamilyar na lalaking nag-aabot sa kanya ng panyo.
"I'm sorry to interrupt, but I think you need this," saad ng lalaki sa kanya habang iniaabot ang isang panyo.
Marahan niyang kinuha iyon saka niya pinahid ang mga luha niyang nagkalat sa kanyang magkabilang pisngi. "T-Thank you," mahinang usal niya sa estranghero.
Maliit na ngumiti ang lalaki sa kanya. "Sa iyo na 'yan, you don't need to give it back."
"Huh?"
"Sa tuwing iiyak ka at mami-miss mo ang mommy mo, gamitin mo ang panyong iyan para pahirin ang mga luha mo."
Magsasalita pa sana si Ashleigh sa lalaki pero hindi na niya iyon nagawa dahil mabilis nang tumalikod ito sa kanya at naglakad palayo. Tuloy ay hindi man lang niya nakuha ang kahit na pangalan man lamang nito.
Nang gabing iyon, nang dahil sa panyong pagmamay-ari ng estrangherong lalaki, ay nakaramdam ng comfort si Ashleigh kahit na papaano. Na para bang may kasama siya at hindi siya nag-iisa sa pagluha sa harapan ng puntod ng kanyang ina. Na para bang may nakakaunawa sa labis na pangungulila niya sa kanyang yumao na ina.
Nagdaan ang ilang araw at nang dahil sa pangyayaring iyon, sa pagtatalo sa pagitan nila ng kanyang ama, ay mas lalong lumala ang pagiging rebelde ni Ashleigh.
Palagi pa rin siyang nag-i-iskip sa mga klase at gabi umuuwi dahil sa puro kasiyahan na pinupuntahan. Na kahit ang mga kaibigan niya ay sumasakit na rin ang ulo sa mga ginagawa niya.
"Leigh, ano bang nangyayari sa'yo? Parang nasosobrahan ka naman na yata sa mga ginagawa mo," puna sa kanya ni Sandra mula sa video call. As usual ay hindi na naman siya um-attend sa klase niya.
"Oo nga, Leigh. Nasaan ka ba ngayon? Hindi ba at sinabi na namin sa iyo na ngayon ang pasahan ng research and report natin kay sir," sabi naman ni Jamie sa kanya.
"Wala rin naman kasi akong maipapasa sa kanya kaya hindi na lang ako pumasok," pangangatwiran niya sa dalawa niyang kaibigan.
"Wow. Iba ka rin talaga. So, nasaan ka nga ngayon? Sinong kasama mo? Bakit parang ang dami-daming tao dyan?" tanong ni Sandra.
"Someone invited me here," tugon niya.
"And who's that someone naman?"
Nagkibit-balikat siya. "Someone na nakilala ko sa bar kagabi."
"What?" Napairap si Sandra sa kanya. "You're so cheap na talaga, Leigh. I can't believe this."
"What? Eh ayaw niyo naman kasi akong samahan kagabi," sagot niya kasabay ng pagganti niya ng irap dito.
"Kasi nga may tinapos kaming research and report na kailangang ipasa today," si Jamie ang sumagot.
"Whatever!"
"Leigh, magsabi ka nga. Ano bang problema at nagkakaganyan ka?"
"What do you mean nagkakaganito ako?" mataray na tanong niya sa kaibigan.
"Eh kasi hindi ka naman ganyan. I'm pretty sure there is something wrong. Nag-away na naman ba kayo ng daddy mo?"
"Never naman kaming nagkasundong dalawa," walang buhay na tugon niya kay Sandra.
"Sa bagay, totoo naman—" Natigilan si Sandra sa sinasabi nito nang makita niyang bahagyang magkagulo ang mga kaklase niya sa background ng kaibigan. "Nandito na si sir. We will talk to you later and please lang, Leigh. Huwag kang magpakalasing dyan."
"And don't trust someone there. Okay? Bye!" pahabol naman ni Jamie saka tuluyan na ngang nawala sa screen ng cellphone niya ang kanyang mga kaibigan.
Napasinghap siya saka siya napasandal sa couch na kinaroroonan niya.
"Hey, Leigh. Are you alright?" lapit ni Voji sa kanya. Si Voji ang nakilala niya kagabi sa bar na pinuntahan niya at ito rin ang nag-invite sa kanya sa birthday party na kinaroroonan niya ngayon.
"Yea, I'm good!" nakangiti niyang sagot dito.
Tumabi ito sa kanya. "Sabihin mo lang kung naba-bore ka na rito, I can take you to another place na mag-e-enjoy ka," sabi nito sa kanya na bahagyang ikinataas ng balahibo niya sa katawan.
Ashleigh is just 17 years old pero namulat na siya sa pag-inom ng iba't ibang klaseng alak, at pagpunta sa iba't ibang klaseng bar para makipagkasiyahan. Hindi rin naman kasi halata sa itsura niya na menor de edad pa lamang siya dahil sa tangkad at ganda ng hubog ng katawan niya, na para bang dalagang-dalaga na siya.
Kaya naman hindi na rin iba sa kanya ang ganitong mga galawan ng lalaki sa kanya. Alam niya ang ibig sabihin ni Voji sa mga salitang binitiwan nito sa kanya.
Sinulyapan ni Ashleigh ang oras sa suot niyang relo. "Uhm, you know what, I have to go na pala," sabi niya kay Voji sabay tayo niya.
"What? Why?" tila dismayadong tanong naman ni Voji sa kanya sabay tayo rin nito.
"I have class pa kasi and... lagot ako sa mga friends ko dahil pinabayaan ko silang gumawa ng research and reports namin."
"Kaya na 'yon ng mga kaibigan mo—"
"No, they're not," mabilis na putol niya sa lalaki. "I mean... they can't do anything without me. So, bye!" aniya saka siya mabilis na tumalikod sa lalaki at dere-deretsyo nang umalis.
Narinig niya pa ang ilang beses na pagtawag nito sa kanya pero binalewala na lamang niya iyon at sa halip ay dumeretsyo nga siya sa school nila. Sandali siyang nakiusap sa guro niya dahil sa ilang mga absent niya at mabilis naman siyang napagbigyan ng mga ito dahil sa kung ano-anong pagdadahilan niya. Maimpluwensya rin kasi ang ama niya kaya madali para sa kanya ang mapagbigyan ng school sa kahit na anong pakiusap niya.
"Ibang klase ka talaga, Leigh. Mabuti naman at naisipan mong pumasok at magpakita pa sa amin," sermon ni Sandra habang naglalakad sila palabas na ng campus nila.
"Well... ako pa ba?" pagyayabang niya na sabay-sabay nilang ikinatawa.
Pero kaagad na napawi ang mga ngiti sa mga labi niya nang matanaw niya sa gate ng school nila ang pamilyar na babae. Nakangiti at nakatingin ito sa kanya habang kumakaway-kaway pa.
"Oh... mukhang may sundo ka ngayon ah," ani Jamie sa kanya.
Napahigit siya ng malalim na paghinga saka siya tamad na humakbang palapit sa babaeng kumakaway sa kanya.
"How are you, Ashleigh?" bungad na tanong nito pagkalapit niya.
"Good afternoon, Tita Cristy!" bati ng mga kaibigan niya rito.
"Good afternoon din sa inyo. Gusto niyo bang sumama sa amin ni Ashleigh na magkape or magmeryenda?"
Sasagot sana ang mga kaibigan niya rito pero mabilis niya itong inunahan. "They're busy. Kaya uuwi na sila. At ako busog naman ako. So, I don't want anything."
"Kung ganoon... ihahatid na lang kita pauwi sa bahay niyo," nakangiting sabi ng babae sa kanya.
"Whatever," walang ganang tugon niya rito saka siya naglakad palampas dito.
Ayaw na ayaw niyang nakikitang ngumingiti ito dahil pakiramdam niya ay napakabait nito. Bagay na ayaw niyang paniwalaan kung kaya't lagi siyang naglalagay ng distansya sa pagitan nila.
Noong unang araw pa lang na ipinakilala ito sa kanya ng kanyang ama ay tutol na siya relasyon ng mga ito. Dahil para sa kanya, nag-iisa lang dapat ang babaeng mahal ng daddy niya, which is ang yumao niyang ina.
Kung kaya't hindi niya matanggap at kahit na kailan ay hindi niya matatanggap si Cristy sa buhay niya.