Kabanata 3

1856 Words
Matapos madismiss ang klase ay agad na lumabas ang mga estudyante sa silid. Kasama sa mga estudyanteng iyon ang magkakaibigan na sina Nadine, Indira, at Rhian. “Buti naman at awasan na, ‘no? Nakakaloka ang hirap ng subject na iyon.” Reklamo ni Nadine habang naglalakad sila palabas ng University. Magkaklase silang tatlo at pareho din sila ng kinuhang kurso—Psychology. Gustung-gusto ni Indira ang kursong kinuha dahil gusto n’yang makatulong sa mga taong nakakaranas ng depression at iba pang mental illness. Ganoon din ang kanyang mga kaibigan. Sabay pa silang nagpa enrol para makakuha ng parehong schedule kaya naman ay magkaklase sila sa lahat ng subjects. Ayaw na ayaw nilang mahiwalay sa isa’t isa kahit pa ay madalas silang nagtatalo. Nasa unang taon sila sa kolehiyo. Nag-aaral sila sa natatanging university na nasa kanilang bayan. Ayaw din ng mga kaibigan n’ya na malayo sa pamilya kaya napagpasyahan din ng mga itong tanggihan ang offer ng mga magulang na sa syudad mag-aral. Ayaw din naman nilang malayo sa kanya-kanya nilang magulang. Isang araw pa nga lang na hindi nila makita ang kani-kanilang magulang ay nalulungkot na sila at alam naman n’yang ganoon din ang mga ito sa kanila kaya pumayag sa kanilang desisyong huwag na lamang lumayo upang mag-aral. Tutal naman ay maganda ang kanilang University: kompleto sa pasilidad, maganda ang reputasyon, at mataas ang kalidad ng pagtuturo. “Makinig ka kasi sa susunod para hindi ka mahirapan.” Pangaral ni Rhian kay Nadine. Nilingon ito ni Nadine na medyo nauuna sa kanila sa paglalakad. “Wow, Yan, thank you sa advice, ah. Try mo rin kayang hindi mangopya kay Indie, ‘no?” Nakita n’yang namula ang kaibigan n’ya. “Minsan lang naman.” Bulong nito na narinig n’ya. Sinaway n’ya si Nadine. Inirapan lang naman s’ya nito. Kahit kailan talaga itong si Nadine, napakabully. S’ya ang nagsisilbing referee sa dalawa at kadalasan ay tagapagtanggol ni Rhian. Sa talas ng bibig ni Nadine ay paniguradong matutusok ang kaibigan n’ya sa mga salita nito. Lumalaban rin naman si Rhian ngunit hindi pa rin nakakatabla kay Nadine kaya binabara na lang nila ito para matigil. Gayunpaman, wala namang malalaking isyu na nagaganap sa pagitan nilang tatlo. Pantay ang tingin nila sa isa’t isa at kapag may hindi pagkakaintindihan ay agad nila iyong nareresolba sa pamamagitan ng pag-uusap. Agad naman kasi nilang ipinagtatapat sa isa’t isa kung ano ang kanilang hindi nagugustuhan sa sinuman sa kanila. Hindi na rin maalala ni Indira kung kailan sila huling nagkaroon ng matinding away. “Bye, Indie.” Sabay na paalam ng kanyang mga kaibigan ng nasa gate na sila palabas ng University. Nginitian n’ya ang mga ito at nakipagbeso. “Bye sa inyo. See you tomorrow.” Hindi kasi sila parehas ng daan patungo sa kani-kanilang bahay. Sina Rhian at Nadine ay maghihiwalay din ng landas pagdating sa kabilang kanto. Nakapark ang mga susundo dito sa ‘di kalayuan. Ang kanilang bahay naman ay medyo malapit lang. Mula sa highway ay may lilikuan s'yang kanto at ilang minutong kailangang lakarin patungo sa kanilang bahay. Gusto ng kanyang ama na ipasundo s’ya sa kanilang driver pero s’ya na mismo ang tumanggi dahil hindi naman na kailangan. Hindi din naman mapanganib ang daan patungo sa kanila. Isa pa, gusto n’yang maglakad. Marami kasing puno ang tatahakin n’yang daan pauwi at gustong-gusto n’yang malanghap ang simoy ng panghapong hangin. Napangiti s’ya ng makita sa kalangitan ang isang grupo ng mga ibon. Bigla n’yang naalala ang kanyang ina. Kung sana ay nagkaroon s’yang ng tsansang makita ito. Ang sabi kasi ng kanyang Nana Mira, gustong-gusto ng kanyang ina ang pagmasdan ang kalangitan, ang samyuhin ang preskong simoy ng hangin at ang simpleng paglalakad sa paligid ng maraming puno. Marahil ay dito n’ya namana ang mga kalidad na iyon. Hindi nga lang n’ya maiwasang malungkot hindi lang para sa kanyang sarili kundi para na rin sa kanyang ama. Ramdam n’yang hanggang ngayon ay nangungulila pa rin ito sa pagkawala ng kanyang ina ngunit ang hindi n’ya maintindihan ay kung bakit sobrang ilap ito na pag-usapan ang tungkol sa kanyang ina. Napatigil s’ya sa pagmumuni-muni habang naglalakad nang maramdaman ang isang napakalamig na hangin. Hindi n’ya alam kung bakit pero bigla na lamang s’yang kinilabutan. Bahagya pa s’yang napakapit sa handle ng kanyang shoulder bag. Kapag bigla na lang daw na tumindig ang balahibo mo, may ibang nilalang daw sa paligid. Naalala ang sinabing iyon ni Nadine. Napalunok s’ya. Nadadala na yata s’ya sa mga pinagku-kuwento nito sa kanila ni Rhian. Nagpalinga-linga s’ya sa paligid ngunit wala namang tao. Natigil ang tingin n’ya sa isang malaking acacia. Nakaramdam s’ya ng kakaibang takot ng makitang gumagalaw ang mga dahon nito kahit hindi naman malakas ang ihip ng hangin. May sabi-sabi pa naman na may mga ibang nilalang daw na nakatira sa mga malalaking puno. Ipinilig na lamang n’ya ang kanyang ulo at nagpatuloy sa paglalakad. Walang mangyayari sa kanya dito kung tatakutin n’ya lang ang sarili n’ya. Mas mabuti nang magmadali s’ya sa paglalakad upang makarating kaagad s’ya sa bahay nila. Marami s’yang mga kailangang gawin na school works at kailangan pa n’yang mag-aral para sa isang quiz bukas. Ngunit habang naglalakad ay may kung anong hangin ang dumapo sa kanyang batok. Muli s’yang kinilabutan at hinigptian ang hawak sa kanyang bag. Pakiramdam n’ya tuloy ay may sumusunod sa kanya. Kaya lang ay mas nangilabot s’ya ng maramdamang may sumusunod nga sa kanya! Mas lalo n’yang binilisan ang paglalakad upang mas mapabilis ang pagdating n’ya sa kanilang bahay. Patindi ng patindi ang kanyang kaba hanggang sa napagpasyahan n’yang tumakbo na lang. Akala n’ya ay titigil na ang kung sino mang nasa kanyang likod ngunit hindi pa rin pala. Gusto n’yang lingunin ito ngunit may kung anong pumipigil sa kanya upang gawin iyon. Gayunpaman, hindi s’ya napangunahan ng takot at ng kanyang ibang pakiramdam dahil pinili n’ya pa ring harapin ang pangahas na sumusunod sa kanya. Tumigil s’ya sa pagtakbo at alam n’yang ganoon din ang ginawa ng sumusunod sa kanya. Huminga s’ya ng malalim bago unti-unting hinarap ang kung sino mang nasa kanyang likod. Pikit-mata n’ya itong nilingon. Napansin n’yang napakatahimik ng paligid. Tanging ang mga huni ng ibon at ang paggalaw ng mga dahon dahil sa ihip ang hangin ang maririnig sa paligid. Ngunit hindi maipagkakaila ang kakaibang presensyang kanyang nararamdaman. Unti-unti n’yang binuksan ang kanyang mga mata at sobra s’yang nawindang sa tumambad sa kanyang harapan. Walang tao. Walang kahit na ano. Napalunok s’ya, tila nanunuyo ang kanyang lalamunan. Paano nangyari iyon? Sigurado s’yang may sumusunod sa kanya dahil naririnig n’ya ang mga yapak nito lalo na’t nakakatapak ito ng mga tuyong dahon. Pinagpawisan s’ya ng malamig. Maging ang kanyang mga kamay ay nanlalamig din. Magpapatuloy na sana s’ya sa paglalakad nang… “Pssst.” “Pssst.” May sumisitsit sa kanya! Napako s’ya sa kanyang kinatatayuan. Mas lalo s’yang kinikilabutan. Naalala na naman n’ya ang sinabi ni Nadine sa kanila noon. Kapag may sumitsit sa’yo pero wala namang tao, maaaring may nan-tri-trip sa’yong kakaibang nilalang. Hindi n’ya alam kung bakit naaalala n’ya ngayon ang mga pinagsasabi ni Nadine gayong alam n’ya at sigurado s’yang walang basehan ang mga iyon. Ngunit ngayong nasa ganitong sitwasyon s’ya ay hindi n’ya maiwasang isipin ang posibilidad na may katotohanan ang pinagsasabi ng kaibigan n’ya. “S-Sino ‘yan?” Kahit nanginginig ang kanyang kaibuturan sa takot ay pinilit n’ya pa ring magsalita. Baka naman kasi may tao talaga sa paligid. Baka nantr-trip lang na mga bata. Pero imbes na makarinig ng sagot ay panibagong sitsit lang ang narinig ni Indira. Naiiyak na s’ya sa takot at kaba. Wala pa namang gaanong dumadaan sa bahaging ito dahil private property. “’W-Wag ka namang manakot, oh. W-Wala naman akong ginagawang masama, eh.” KANINA n’ya pa pinagmamasdan si Indira. Kasalukuyan s’yang nasa isang puno na nasa gilid lang nito. Tanaw mula sa kanyang kinaroroonan si Indira na kung saan-saang direksyon lumilingon habang naiiyak na. Hindi n’ya mapigilang makadama ng pag-aalala. Dapat ay hindi na n’ya ito sinundan. Ang mga nararamdaman ni Indira na mga kakaiba ay dulot ng kanyang presensya. Pwede n’yang burahin ang mga ganoong nakakapanindig balahibong dulot ngunit hindi n’ya mapigilan lalo na’t malakas ang kanyang kapangyarihan kapag nasa kakahuyan. Pawisan man ang mukha ng dalaga ay hindi n’ya maitatangging napakaganda pa rin nito. Hindi n’ya mapigilang mapangiti habang pinagmamasdan ang babaeng matagal na n’yang hinahangaan. Mas lalo lang lumpad ang ngiting nakapaskil sa kanyang labi ng maalala ang unang pagkakataon na nakita n’ya ang dalaga ilang taon na rin ang nakalipas. KASALUKUYAN s’yang nasa kagubatan upang hanapin ang kanyang nawawalang kwintas. Pauwi na sana s’ya sa kanilang kaharian ng mapansin n’yang hindi na n’ya suot ito. Marahil ay sumabit iyon sa sanga. Kailangan n’ya iyong makita dahil mapapagalitan s’ya ng kanyang ina sa oras na malaman nito na bumalik na naman s’ya sa mundo ng mga tao at naiwala n’ya pa ang kanyang kwintas. Napatigil s’ya sa ginagawang paghahanap ng may marinig na papalapit na mga boses. Kumubli s’ya sa isang malaking puno upang sipatin kung sinu-sino ang mga ito. Nakita n’ya ang tatlong batang babae na masayang naghahabulan. Dinig na dinig n’ya ang maligayang halakhak ng mga ito. Naiinggit s’ya. Kung sana ay tao din s’ya at may maraming mga kaibigan. Aalis na sana s’ya upang ipagpatuloy ang paghahanap sa nawawalang kwintas ngunit napatigil s’ya ng mahagip ng kanyang tingin ang isa sa tatlong batang babae. Nakasuot ito ng puting bestida at may mga bulaklak na nakapalibot sa ulo nito na nagmimistulang korona. Nagmumukha itong diwata sa ayos nito. Hindi n’ya napigilan ang pagpaskil ng isang magiliw na ngiti sa kanyang labi. Imbes na ipagpatuloy ang paghahanap ay mas napako ang kanyang pansin sa naturang batang babae. Lihim n’yang pinagmasdan ang paglalaro ng mga ito. Ang dalawa nitong kasama ay nakasuot pa ng artipisyal na pakpak at may baton na hawak. “Kunwari diwata ka, Indie, tapos mag-ma-magic ka sa harap namin para mas lumakas ‘yung kapangyarihan namin,” suhestiyon ng batang babaeng nakasalamin habang nakaluhod ang dalawa sa babaeng nakaagaw ng kanyang pansin. Ngumiti ito at ginawa ang suhestiyon ng kasama nito. Nahawa s’ya sa ngiti nitong kay tamis ngunit agad ding napawi iyon ng maalala ang kanyang nawawalang kwintas. Napakamot na lamang s’ya sa kanyang ulo at ipinagpatuloy ang naudlot na gawain. SIMULA noon ay sinusundan at sinusubaybayan na n’ya si Indira. Alam n’yang bawal ang kanyang ginagawa ngunit hindi n’ya mapigilan ang magnakaw ng kahit ilang sandali upang masulyapan ang babaeng kanyang itinatangi. Maging ang kanyang pinakamatalik na kaibigan ay tutol sa kanyang ginagawa ngunit wala naman itong magagawa dahil nagmamatigas s’ya sa kung anumang payo nito. Ayaw n’yang lumayo kay Indira. Gusto n’yang palagi itong nakikita kahit na nakaw-tingin lamang. Iniatas n’ya sa kanyang sarili na ito’y kanyang po-protektahan sa kahit na ano at sino na maaaring manakit at makasakit dito. Bumuntong hininga s’ya bago napagpasyahang tumalikod na. Sa oras na makalayo s’ya ay alam n’yang mapapanatag na ang kalooban ni Indira dahil mawawala ang mga dulot ng kanyang presensya. Hindi n’ya maiwasang mapangiti ng mapait. Balang-araw ay magkakalakas ng loob din s’yang magpakilala dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD