Nagising si Indira nang lumubog ang kama sa kabilang dako. Sa inaantok na mga mata ay nag-angat s’ya ng tingin at nakita si Nadine na dali-daling tinabunan ang sarili ng kumot. Kunot-noo n’yang sinipat ang orasan at nakitang alas tres na ng madaling araw. Hindi ba agad natulog ang kaibigan n’ya? Kung sabagay, sa kanilang tatlo ay si Nadine naman ang may pagka nocturnal talaga.
Imbes na bumalik sa pagtulog ay pinakiramdaman n’ya ang paligid. May naririnig kasi s’yang sunod-sunod na pagbuga ng mabibigat na hininga. Napailing na lang s’ya. Marahil ay ang kaibigan n’ya iyon. Mahimbing naman ang tulog ni Rhian sa kanyang tabi habang nakayakap sa unan at nakaharap sa kanya. Minsan ay lumalabas ang kanyang pagka Ate dito lalo na kapag tinatakot ni Nadine. Minsan naman ay natatawa na rin s’ya pero kapag nasobraan naman sa pananakot o pang-aasar ay mangingilid ang luha sa mga mata nito.
Napangiti s’ya. Bata pa lamang silang tatlo ay magkaibigan na sila. Sila-sila rin ang magkalaro noon. Naging magkaibigan ang kani-kanilang pamilya dahil sa kanilang tatlo. Parehas kasi sila ng paaralang pinapasukan noong sila ay kindergarten pa lang hanggang sa hindi na nila gustong humiwalay sa isa’t isa.
“’B-Ba’t ‘di ka pa tulog?” May kung anong nginig sa boses ni Nadine.
Binalingan n’ya ito at sinagot sa mahinang boses. “Nagising ako paghiga mo. Tsaka ang bilis ng hininga mo, ah. Para kang hinahabol.”
Humarap ito sa kanya at nanlaki ang mga mata. “M-May tao yata sa veranda kanina.”
“Huh?”
Binalingan n'ya ang veranda. Akmang babangon s’ya ng pinigilan s’ya ni Nadine.
“B-Baka kung ano pa ang makita mo.”
Mahina s’yang napahalakhak sa sinabi ng kaibigan at agad na tinabunan ang bibig ng bahagyang gumalaw si Rhian. Marahan s’yang bumangon at umupo sa kama. Unti-unti naman s’yang sinunod ni Nadine ngunit nakabalot pa rin ito sa kumot.
Nagkatinginan sila.
“Ano bang pinagsasabi mo? Wala namang tao, ah.”
Napalunok ito. “Ayaw kong i-explain ngayon. B-Baka hindi ka maniwala, eh.”
“Kung anu-ano kasi sinasabi mo kaya kung ano-ano na tuloy nakikita mo.”
Sumimangot ito. “Matulog na nga ulit tayo. Tsaka, Indie, pakiclose naman ng glass door, oh. Iba kasi talaga nafi-feel ko. I-on na lang natin ang aircon.”
Humalukipkip s’ya. “Okay, sige.”
Tumayo si Indira upang gawin ang pakiusap ni Nadine. Nang balingan n’ya ito ay may bahid ng takot ang mga mata nito. Hindi n’ya alam kung bakit ito takot na takot. Hindi naman totoo ang mga Engkanto. Mga kuwentong bayan lang iyon na ginagamit na panakot sa mga bata upang hindi lumabas kapag gabi na.
Sumalubong sa kanya ang napakalamig na hangin dahilan upang saglit s’yang mapayakap sa kanyang sarili. Pero ang pinagtataka n’ya ay kung bakit hindi naman gumalaw ang kurtina na nakatabon sa glass door. Naramdaman n’ya ang pagtaas ng kanyang balahibo. Marahil ay dahil iyon sa lamig ng panahon. Muli n’yang nilingon si Nadine at nakitang nakatayo na ito ‘di kalayuan sa kanya.
“N-Naramdaman mo ‘yun?”
“Ang alin?”
“Indie, ‘yung hangin. Kakaiba, ‘di ba?”
Umiling s’ya. Ayaw n’yang patulan ang sinasabi nito at baka magtakutan pa sila. Hindi naman sa natatakot talaga s’ya kaya lang bakas na sa mukha ng kanyang kaibigan ang matinding takot. Sa susunod, hindi na talaga s’ya papayag na magkuwento ito ng tungkol sa urban legends. Hindi lang kasi si Rhian ang tinatakot nito kundi ang sarili nito.
Akmang isasara na n’ya ang glass door ng bigla na lang sumigaw ng pagkalakas-lakas si Nadine na maaring maging dahilan pa upang mabulabog ang buong kabahayan.
“Din—“
Hindi na n’ya natapos ang sasabihin sana dahil bigla na lang itong humandusay sa sahig. Nanlaki ang mga mata ni Indira sa nangyari. Nilingon n’ya saglit ang veranda ngunit wala namang kung anong nakakatakot doon. Dali-dali n’yang sinara ang glass door at dinaluhan ang kaibigan.
“A-Anong nangyari?” Pupungas-pungas na tanong ni Rhian. Nagising ito at kahit medyo nakapikit pa ang mga mata sa antok ay bumangon ito.
Nakagat n’ya ang kanyang labi at marahang tinampal ang mukha ng kaibigan. “Si Dindin kasi, hinimatay.”
Nanlaki ang mga mata ni Rhian at agad na nilapitan ang kaibigang nakabulagta sa sahig. Lumuhod ito sa tabi n’ya.
“B-bakit? Hindi pa ba kayo natulog?”
“Nagising kami parehas. Mamaya ko na ikukuwento, Yan.”
Napabuntong hininga ito at tumango. “Bubuhatin ba natin?”
Tumango lang s’ya.
Pinagtulungan nga nila itong buhatin. Nang maiayos nila ang kaibigan sa kama ay pinunasan n’ya ang tumagaktak na pawis mula sa kanyang noo. Hindi biro ang ginawa nila lalo na’t mabigat ni Nadine. In-on na rin n’ya ang aircon ayon na rin sa sinabi ni Nadine kani-kanina lang. Sa gitna na ito nakapwesto habang si Rhian ay sa pwesto ni Nadine kanina. Sabay pa sila ni Rhian na humiga sa kama. Niyakap nito ang unan at bumaling sa kanya.
“Ano ba kasing nangyari?” Bulong nito.
“Hindi ko alam,” bulong n’ya pabalik. “Pinakiusapan n’ya akong isara ang glass door dahil may naaninag daw s’yang tao sa veranda kanina.”
“Creepy.”
Tumango s’ya. Napatigil silang dalawa ng maramdaman ang napakalamig na buga ng aircon. Napalakas n’ya yata. Hindi na n’ya namalayan dahil si Nadine ang iniisip n’ya. Sinapo n’ya ang noo ng kaibigan. Hindi naman ito mainit at medyo pinagpawisan pa.
Sumiksik si Rhian kay Nadine.
“Tulog na ulit tayo, Indie.”
Tumango na lamang s’ya bago ipinikit ang mga mata.
Lingid sa kaalaman ng dalawa, may isang pares ng mata ang kanina pa nakasubaybay sa kanila at isang pares ng tainga na kanina pa nakikinig sa kanilang pinag-uusapan.
KANINA n’ya pa pinagmamasdan at pinapakinggan ang tatlong magkaibigan habang nagkukuwento ang isa tungkol sa mga Engkanto. Napatitig pa s’ya sa mukha ni Indira ng bumalatay doon ang kaunting inis. Napangiti s’ya. Kahit ano pa ang ekspresyon ng mukha nito ay maganda pa rin ito. Gustuhin man n’yang makilala ito, alam n’yang hindi iyon maaari. Sa tingin n’ya ay hindi pa ito ang tamang panahon at hindi n’ya alam kung may tamang panahon ba para dito. Nalulungkot s’ya sa tuwing naiisip iyon. Alam n’yang hindi s’ya nabibilang sa mundo nito ngunit hindi n’ya mapigil ang sarili na balik-balikan ang mundong hindi para sa kanya dahil dito. Nakokontento na s’yang pagmasdan ito sa malayo at pakinggan ang malambot nitong boses at ang tawa nitong parang musika sakanyan pandinig.
Ayaw din naman n’yang pumasok sa silid nito o sa kahit na anong parte ng bahay dahil hindi iyon nararapat. Pero aaminin n’ya, may iilang beses na nagawa n’ya iyon. Ang isang beses niyon ay nang makitang muntikan na itong mahulog sa pinagpapatungan nitong silya. Nag-aayos kasi ito ng mga gamit at ang iba niyon ay nasa ibabaw na bahagi ng pinaglagyan kaya kailangan nito ng pagpapatungan.
May pilit itong inaabot at huli na nang mapansin ang silya na tumatagilid na. Mabuti na lang ay bago pa ito mahulog, nahagip n’ya ang silya ang naibalik sa dating pwesto nito. Nakita n’ya pa ang pagtataka sa mukha ni Indira ngunit mabuti na lamang at wala itong kung anong sinabi at nagpatuloy lang sa ginagawa.
Gustung-gusto n’ya itong pagmasdan sa malapit kaya lang nahihirapan s’yang pumasok sa bahay nito. Sa pagkakataong iyon kung saan ay nailigtas n’ya si Indira ay may tinamo pa s’yang sugat pagkatapos. Alam n’ya ang dahilan ng mga sugat na iyon kaya naman ay nagdodoble ingat na s’ya.
Nirerespeto rin naman n’ya ang pribadong buhay ni Indira lalong-lalo na ang mga ginagawa nito na ito lang ang dapat nakakaalam. Ayaw n’yang panghimasukan ang parteng iyon dahil hindi iyon tama. Alam n’yang hindi rin tama ang pagmamasid na ginagawa n’ya ngunit ito lang ang alam n’yang paraan upang makita ito kahit na hindi s’ya nito nakikita. Ito ang bumubuo ng bawat araw n’ya at nalulungkot s’ya sa tuwing hindi nito nasisilayan kahit saglit. Kagaya na lamang ngayon. Sabik s’yang masilayan ito dahil ilang araw din s’yang hindi nakatakas sa kanilang kaharian. Abala kasi ang lahat dahil sa sunud-sunod na piging at mga pagtitipon.
Ilang sandali n’ya pa itong pinagmasdan habang mahimbing na natutulog nang magpasya s’yang umalis na at tuluyang maglaho.
NAALIMPUNGATAN si Indira dahil sa sikat ng araw. Napatingin s’ya sa kanyang tabi at napagtanto n’yang wala na ang mga kaibigan n’ya. Sinipat n’ya ang orasan sa dingding at nakitang alas nueve na ng umaga. Medyo tinanghali s’ya ng gising.
Inayos n’ya ang kanyang kama pagkatapos ay pumasok sa banyo na nasa loob lamang ng kanyang silid. Matapos mag-ayos ay napagpasyahan n’ya ang bumaba. Baka sakaling hindi pa nakauwi ang mga kaibigan n’ya.
Nasa hagdan pa lang s’ya ay naririnig na n’ya ang boses ni Nadine mula sa kusina. Sa sobrang lakas ba naman, sinong hindi makakarinig?
“Promise talaga, Yaya Mira. Nakakakilabot talaga ‘yung nakita ko kaninag madaling-araw” Dinig n’yang sabi nito.
“Din naman, eh, tinatakot mo na naman ako.” Reklamo pa ni Rhian.
Napakunot-noo s’ya. Ano na naman kaya ang pinagsasabi nito? Nang makarating s’ya sa kusina ay napalingon ang mga ito sa kanya.
“Oh, anak, gising ka na pala.” Bati sa kanya ng kanyang Nana Mira.
“Magandang umaga po, Nana,” bati n’ya dito at naghila ng upuan. “Nasaan nga po pala si Daddy?”
Nagpalinga-linga s’ya upang hanapin ang ama.
“Naku, maagang umalis. Sa opisina na lang daw kakain. May importanteng meeting daw kasi.” Sabi nito bago nagpaalam na may gagawin.
Napabuntong hininga s’ya. Nalulungkot s’ya dahil minsan n’ya lang itong makasabay sa pagkain. Ang ama n’ya ang Mayor sa kanilang bayan. Nasa unang termino pa ito at halos araw-araw ay may mga importante itong lakad dahilan upang madalang n’ya lang itong makasama. Kahit ang paghatid lang papasok sa paaralan ay inihahabilin pa nito sa driver.
Ang kanilang bayan ay papalaki na ng papalaki. Sagana ito sa mga prutas at gulay na s’yang inaangkat ng mga negosyante mula sa iba’t ibang syudad. Mayroon din silang ipinagmamalaking planta na nag-ma-manufacture ng dried mangoes na s’yang nagbibigay ng pangkabuhayan sa mga tao. Para sa kanya, wala na s’yang hahanapin pa sa kanilang bayan kaya naman ng nag-offer ang kanyang ama na sa syudad mag-aral ng kolehiyo ay agad n’ya iyong tinanggihan. Ayaw n’yang mapalayo sa bayang ito lalong-lalo na sa kanyang ama.
Ayon sa kanyang ama, patay na ang kanyang ina. Hindi n’ya man lang nakita ito kahit sa litrato man lang. Namatay daw ito sa panganganak sa kanya. Wala s’yang kapatid o kahit madrasta dahil hindi nag-asawang muli ang kanyang ama. Sa tuwing may gusto s’yang malaman mula sa kanyang ina, nagpapakwento na lang s’ya sa kanyang Nana Mira dahil maging ang kanyang ama ay hindi n’ya makuhanan ng kahit na anong impormasyon mula sa kanyang ina. Ayaw nitong pag-usapan ang kahit na anong tungkol sa kanyang ina. Pilit na lamang n’ya itong iniintindi dahil alam n’yang hindi madali ang mawalan ng asawa lalo na’t may anak na naiwan.
Natigil s’ya sa kanyang mga iniisip ng kulbitin s’ya ni Nadine. Nakataas ang kilay na nilingon n’ya ito.
Ngumuso ito. “Ang taray mo, ah. Meron ka, ‘no?”
“Din, nasa hapag-kainan tayo!” Saway ni Rhian dito.
Madramang nagulat pa ito bago humalakhak.
Baliw talaga.
Binatukan n’ya ito. “Ano na naman ang trip mo, ha?”
Kumunot ang noo nito habang subo-subo pa ang kutsara.
“Yung ginawa mo kaninang madaling-araw, duh?” Ani Rhian.
Napansin n’yang natigilan ito. Binaba nito ang kutsara at tumuwid ng upo. Napataas ang isang kilay n’ya. Parang kabado ang kaibigan n’ya.
“H-Hindi ka maniniwala sa sasabihin ko, Indie.” Panimula nito.
“Alam ko, kaya ‘wag mo na lang sabihin.” Pambabara n’ya dito.
Nagsimula na s’yang sumubo ng pagkain.
“Nagsasabi kaya ako ng totoo. Never pa akong nagsinungaling sa inyo, ‘no!”
“Weh? Mamatay man?” Ani Rhian.
Lumikot ang mga mata ni Nadine. “Oh, sige, minsan lang. But not this or anything about the not-like-us. Promise!”
“Sige nga, ano ‘yung nangyari kanina?”
Tinuro ni Nadine si Rhian gamit ang kutsara. “Ikaw Yan, ah, ‘pag ako talaga napikon, lagot ka sa ‘kin.”
“Tama na nga ‘yan,” awat n’ya sa mga ito. “Sige na, Din, sabihin mo na nga. Baka umiyak ka pa, eh.”
“Tse!” Irap nito.
Habang ikinukuwento ni Nadine ang nangyari ay nagkakatinginan sila ni Rhian at sabay pang napapailing. Hanggang sa matapos sila sa pagkain at nililinis ang hapag ay panay pa rin ang pagpupumilit nito.
“Totoo ang sinasabi ko, Indie. May lalaking nakatayo sa veranda!”
Tumigil s’ya sa pagliligpit ng mga plato at hinarap ito. “Paano naman magkakaroon ng tao o kahit na sino ‘dun? Alam mo namang mataas ang bakod namin. ‘Tsaka kung mayroon nga talaga, edi sana sinaktan na tayo, ninakawan o kung anu-ano pa.”
“Kinikilabutan ako sa mga pinagsasabi n’yo.” Reklamo ni Rhian habang nagpupunas ng mesa.
Dinala n’ya ang mga plato sa sink upang mahugasan. Sinundan naman agad s’ya ni Nadine. Dapat ito ang maghuhugas ng plato ngunit hindi pa yata ito tapos sa pagsasalita kaya s’ya na lang ang gagawa.
“Sabi ng Lola ko, kapag nakaramdam ka daw ng napakalamig na hangin na tila nagdadala ng kilabot, posibleng may ibang nilalang sa paligid,” pagsisimula nito. “Kanina, tindig ng lalaki ang nasilayan ko, Indie. T-Tapos, bigla na lang nawala p-pero nakita ko ang paggalaw ng mahabang silya ‘dun.”
“Guni-guni mo lang ‘yun.” Aniya habang sinisimulang hugasan ang mga plato.
Pilit s’ya nitong pinapaharap dito kaya sinunod na n’ya lamang ito at napahalukipkip.
Umiling ito. “Sure ako ‘dun. Nawawala sila kapag pumilok ka tsaka nakaputi ‘yun, eh. Hindi ko nga lang maklaro ‘yung mukha. Ganoon talaga ang description ni Lola.”
“Baka hangin lang…o inaantok ka na talaga ‘nun kaya kung ano-ano nakikita mo.”
Nanggigigil na sinapo nito ang mukha bago muling nagsalita. “Hindi, Indie. Tsaka ‘di ba sobrang lamig noong nasa may veranda ka? Hindi naman ‘yun hangin kasi hindi gumalaw ang kurtina. ‘Wag mong sabihing ‘di mo naramdaman ‘yun. Kinilabutan ka, ‘di ba?”
“Dahil sa lamig lang ‘yun. Natural lang ‘yun.”
Muli na n’yang hinarap ang mga plato at ipinagpatuloy ang paghuhugas sa mga iyon.
“Creepy.” Ani Rhian.
Napatigil s’ya sa sinabi nito. May ilang gabi rin kasing pakiramdam n’ya ay may nagmamasid sa kanya kaya kung minsan ay nagigising s’ya sa kalagitnaan ng gabi ngunit binabalewala na lamang n’ya iyon. Ayaw n’yang takutin ang sarili. Isa pa, natural lang din naman siguro na biglaang magising sa kalagitnaan ng gabi o madaling-araw.
“D-Dapat kasi s-siguro maaga tayong natulog.”
Hindi n’ya napansin na nasa gilid na n’ya pala si Rhian habang hawak ang pamunas. Nang balingan n’ya ang mesa ay may iilan pang parte na hindi malinis. Natakot na naman yata ang kaibigan n’ya kaya agad na lumapit sa kanila.
“Kalimutan na natin yun. Epekto lang ‘yun ng pagod.” Aniya at ibinaling ang atensyon sa mga platong huhugasan.
Niyugyog ni Nadine ang kanyang braso. “Indie, totoo nga kasi ‘yun. Bakit ba ayaw mong maniwala?”
Huminga s’ya ng malalim. Gusto n’yang maniwala ngunit kahit anong piga ng utak n’ya, imposible pa rin talaga ang sinasabi nito. Mahirap maniwala sa mga bagay na walang basehan at maaaring bunga lamang ng malilikot na imahinasyon.
“Baka totoo nga, Indie.”
Umiling s’ya sa sinabi ni Rhian. Pati ito ay ginagatungan pa ang sinasabi ni Nadine.
“’Wag mo na lang isipin iyon para hindi ka matakot.”
“Kailangan n’yong ikonsulta sa albularyo ‘yung kwarto mo. Isama mo na ang buong bahay para makasigurado. May Engkanto yata dito, eh.”
Napahagalpak na lang sila ng tawa ni Rhian dahil sa sinabi ni Nadine.
“Laughtrip ka talaga, Din.”
Tumaas ang kilay ni Nadine, nagtataray na naman. “Oo nga, Yan, eh. Pero mas laughtrip kung ang bahay n’yo ang susunod na ma-E-Engkanto.”
Pinukol nito si Nadine ng masamang tingin. Napailing na lamang s’ya at ipinagpatuloy ang paghuhugas ng pinggan. Hindi na n’ya pinansin ang nararamdamang pagtindig ng balahibo n’ya. Natural lang din naman sigurong maapektuhan kahit paano ng mga sinasabi ng kaibigan n’ya.