"Let's get ready!" saad ko kay Daena.
Maaga itong nagising upang maglaba subalit hindi nito nagawa dahil nakapaglaba na ako. Nadatnan ko s'ya na nagluluto ng simpleng breakfast.
"Saan?" nagtataka na tanong nito matapos mailapag ang bagong gawa na pancit canton at itlog.
"Batangas. It's been tough in the past few days. I want us to unwind," pagbibigay alam ko sa kanya.
Narinig ko ang buntong-hininga nito saka ako hinarap.
"Okay. Kumain na muna tayo," sabi nito.
Pagkatapos namin mag-almusal ay naghanda na kami ng aming mga dadalhin. Mamimili na lamang kami sa madadaanan namin na shops para sa iba pa namin na mga kailangan. Ilang oras din ang naging byahe namin bago marating ang hotel na aming tutuluyan. Malapit ito sa beachfront at napakaganda ng tanawin dala ng maaliwalas na panahon.
"Do you like the place?" tanong ko sa aking asawa.
Napangiti ito saka nauna na pumasok sa silid namin. Nilagay lang nito ang aming mga kagamitan sa kwarto saka muling lumabas. Marahil ay nais nito makalanghap ng sariwang hangin. Nagpalit ako ng damit saka sumunod sa kanya. Wala itong imik habang nakatanaw sa magandang kapaligiran. Halos mabilang ko ang bawat salita na lumalabas mula sa bibig nito. Nangyari lamang ito pagkatapos namin magpatingin sa doctor.
"Patawad sa naging asal ko nitong mga nakaraang araw. Alam ko naging sensitive ako pero hindi ko man lang naisip na mas higit pa ang maaring nararamdaman mo," panimula ni Daena.
Napalunok ako sa aking narinig. Hindi ko maiwasan ang maantig sa sinabi nito.
"Naiintindihan ko naman. Kaya nga hinahayaan lang kita. Isa pa, sa akin ang may problema at ako ang naging dahilan kaya ka malungkot. I promised to make you happy pero hindi ko nagawa," saad ko.
"Hindi naman totoo iyan. Lahat ay ginawa mo para sa atin. Siguro ay nakatakda na ganito ang mangyayari," pahayag ni Daena.
Hindi pa rin nawawala ang kalungkutan sa kanyang mga mata. Subalit hindi na ito kagaya noong nakaraang araw.
"May naisip ka ba na maari natin gawin para magkaroon tayo ng anak?" tanong ko.
Umiling ito saka pinilit na ngumiti.
"Huwag na natin ipilit pa upang hindi tayo masaktan. Mag-enjoy na lang tayo siguro habang kasama natin ang bawat isa. Ang mahalaga ay masaya at tahimik ang ating relasyon. Nagawa nga ng iba, di ba? Kaya rin natin," saad ni Daena.
"Sabagay, tama ka. Ayaw mo ba subukan natin ang mag-adopt? Pwede tayo mag-seek ng advice at tulong sa iba. Pangarap ko na maging kumpleto tayo at mangyayari lamang iyon kung may anak tayo," paliwanag ko kay Daena.
Napatingin s'ya sa akin ngunit hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng uri ng kanyang tingin.
"Huwag na muna natin isipin iyan. Ang mahalaga ay ang ngayon, let's savor the moment together na tayo lang," pahayag ni Daena.
Hindi ko na s'ya nagawang pilitin at sinunod na lamang ang nais nito mangyari. Malaya kami na nagtampisaw sa dalampasigan. Masaya at nagtatawanan. Kapwa kami nakalimot sa tunay na mundo. Mundo na masilumuot at walang kasiguraduhan.
Bumalik kami sa aming silid nang dumilim na para makapaghanda sa aming hapunan.
"Nasaan kayo?" bungad ni Mommy sa telepono.
"Sa Batangas po. Niyaya ko si Daena upang makapag-relax," sagot ko.
"Ganun ba. Alam mo ba na dumating na si Daryl?" tanong ni Mommy.
Kumabog ang aking dibdib sa narinig. Hindi agad ako nakasagot kaya naman ay may assumption si Mommy na alam ko ang balitang iyon.
"So, alam mo na nandito na s'ya?" pagkumpirma nito.
"Opo, pero hindi naman big deal iyon. Kaya po ba kayo napatawag upang itanong lang sa akin iyan?" tanong ko kay Mommy.
Malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ni Mommy. Halatang hindi ito natuwa sa balitang iyon.
"Paano kung guluhin n'ya kayo ni Daena?" saad ni Mommy.
"Hindi n'ya gagawin iyon at hindi ko naman hahayaan na mangyari iyon," sagot ko.
"Dapat lang. Huwag kang makipag-usap o makipaglapit sa taong iyon. Wala s'yang maidudulot na mabuti sa inyong mag-asawa," bilin ni Mommy.
"Alam ko po iyon. Wala kayong dapat ipag-alala dahil mahal ko ang asawa ko at wala akong gagawin na ikasisira ng aming pagsasama," mariin na pahayag ko.
Mukhang natuwa at naniwala naman si Mommy sa aking sinabi.
"Mabuti kung ganun. Mag-ingat at mag-enjoy kayo sa inyong bakasyon!" dagdag na bilin nito.
Naibaba na ni Mommy ang telepono subalit ako ay naiwan na nakatunganga habang hawak ito. Hindi ko namalayan ang paglapit ni Daena.
"Sino ang tumawag?" pukaw na tanong nito.
Saka lamang ako nakabalik sa kasalukuyan.
"Si Mommy. Kinukumusta ka," sabi ko kay Daena.
"Ganun ba. Eh bakit parang ang lalim ng iniisip mo? Ano ang bumabagabag sa iyo?" usisa ni Daena.
"Wala. Halika, maghapunan na lang tayo." Aya ko sa kanya bago pa masira ang gabi.
Sa buong araw namin pananatili sa resort ay nagtagumpay ako na mapasaya si Daena. Nag-swimming kami at nakisali sa iba pang resort activities. Sumunod naman ito sa akin upang magtungo na kami sa naghihintay at nakahandang pagkain. Pinili ko na gawing romantic ang gabing iyon. Sa isang balsa kung saan ay may mga ilaw na nagsisilbing liwanag gaganapin ang aming espesyal na hapunan. Dinala kami ng bangka upang marating ang balsa. Masaya na mag-celebrate kami kahit walang okasyon. Pangako namin na magsisimula kaming muli sa kabila ng hindi magandang balita tungkol sa pagkakaroon ng anak.
"Salamat, love! Sa malawak na pang-unawa at pagmamahal. Sa kabila ng aking kakulangan ay tanggap mo pa rin ako," madamdamin na pahayag ko sa aking asawa.
"Mahal kita eh. Kung tutuusin ay maswerte pa rin ako dahil may isang lalaki na mahal ako at handang gawin ang lahat para mapasaya lang ako," sagot ni Daena.
Na-enjoy namin ang bakasyon lalo na ang gabing iyon dahil nagkaroon ng mas malinaw at panibagong direksyon ang aming pagsasama ni Daena. Alam ko naman na marami pang pagsubok ang aming haharapin. Sa nangyari ngayong gabi, napatunayan ko na walang hamon na makakahigit pa sa wagas na pagmamahal. Ngayon lang ako muli nagkaroon ng kapanatagan kaya nakatulog ng mahimbing katabi ang aking mahal at mabait na asawa.