Elise
Isang linggo na ang nakalipas simula nang ikasal kami ni Tyler at dalawang araw naman simula nang mailibing si Trevor. Ang huling pagkikita namin ng lalakeng pinaglihi sa sama ng loob ay no'ng libing pa ng pinsan nito. Hindi naman kasi puwedeng hindi ako sumama dahil kailangan kong magpakaasawa sa kanya base na rin sa kasunduan namin. Kaya kahit sobrang nakokonsensya ako tuwing nakikita ko ang kabaong ni Trevor ay wala akong ibang choice kundi umaktong normal. Mahirap nang mapaghinalaan, mukhang matalas pa naman ang mata ni Tyler.
Naglakad na ako pababa sa grand staircase nitong mansion na malapalasyo sa laki. Kumikinang na parang nang-aakit na naman itong gintong hawakan ng hagdan na sa tingin ko ay mas mahal pa sa mga alahas ni Mr. Lemuel. Parang gusto ko tuloy magkudkod nito at ipagawang alahas HAHAHA. Pero syempre biro lang, hindi ko naman kailangan ng alahas dahil buhay ni Tyler ang kailangan ko para makalaya na kaming magkapatid mula kay Mr. Lemuel.
"Magandang umaga po ma'am Elise," nakangiting bati sa'kin ng mayordoma na si Nay Esme. Kasalukuyan itong nagpupunas ng mga mamahaling vase na sa tingin ko ay milyon-milyon ang halaga at hindi ko gugustohing hawakan. Sa loob ng isang linggo kong pagtira sa bahay na ito ay naging pamilyar na sa'kin lahat ng mga kasambahay dito, syempre sila ang kasama ko araw-araw.
"Magandang umaga din po nay," nakangiting bati ko sa kanya pabalik.
"Maaga na namang umalis si sir. Hindi na naman ba iyon nagpaalam sa'yo?" tanong nito na tila naaawa sa'kin. Nauunawaan ko naman siya, dahil kung totoong asawa lang ako ni Tyler ay talagang kawawang-kawawa ako kasi hindi manlang marunong magpaalam ang asawa ko. Pero dahil fake wife lang naman ako ay wala akong karapatang magreklamo dahil hindi naman obligasyon ni Tyler na magpaalam sa'kin. And besides, malinaw sa kontrata na dapat akong lumayo sa kanya pag nasa bahay kami.
"Ayos lang po iyon nay, hindi niya naman po kailangang magpaalam sa'kin tuwing aalis siya," sagot ko nalang. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam ng lungkot.
"Hay naku hija kung ang yumaong asawa ko ay ginanyan ako, talagang lalayasan ko!" Napabuntong hininga naman ako dahil sa sinabi nito. Hayst mabuti pa itong si nanay Esme mukhang naging masaya ang buhay may asawa. Ako mukhang hindi ko yata iyon mararanasan, sino ba naman kasi ang magmamahal sa isang babaeng gaya ko na may madilim na pagkatao.
"Nakapag-asawa po kayo nay Esme?" Natawa naman ito dahil sa tanong ko.
"Syempre naman hija, may asawa at dalawang anak na ako nang mamasukan ako sa mga magulang ni sir Tyler. Si sir Tyler naman ay nagbibinata palang no'n." Nakangiti ito at tila inaalala nito ang nakaraan.
"Talaga po? Naku halika nay Esme at marami akong itatanong sa'yo." Agad na hinila ko si nay Esme para maupo sa sofa. Mukhang marami akong malalaman sa kanya tungkol sa kabataan ni Tyler.
"Ano namang itatanong mo hija?" takang tanong nito pagkaupo namin.
"Kuwentuhan mo po ako tungkol kay Tyler." Hindi ko alam kung bakit bigla akong naging interesado sa nakaraan ng masungit na iyon.
"Ha? Hindi ba siya nagkukuwento sa'yo?" Napakamot ako sa aking ulo dahil sa tanong na ito ni Nay Esme. Jusme hindi niya pala alam na ang araw ng pekeng kasal namin ay ang siya rin naming unang pagkikita ng amo niyang pinaglihi sa sama ng loob.
"Hindi po eh, baka nahihiya 'yon magkuwento. Palagi niya po kasing iniiba ang usapan tuwing nagtatanong ako," pagsisinungaling ko. Mahirap na at baka makahalata pa itong si Nay Esme na peke ang kasal namin ni Tyler.
"Si sir Tyler ang nag-iisang anak nina sir Thomas at ma'am Aurella," pagsisimula ni nay Esme. "Si sir Thomas ay maagang nawala habang si ma'am Aurella naman ay palaging nasa London para asikasuhin ang negosyo niya doon. Bihira lang ito umuwi dito sa Pilipinas kaya palaging naiiwang mag-isa dito sa kanilang bahay si sir Tyler. Mabuti na nga lamang at palagi siyang binibisita ng kanyang pinsan na si sir Trevor." Biglang nalungkot si Nay Esme matapos nitong banggitin ang pangalan ni Trevor.
"Gaano po ba kaclose sina Tyler at Trevor?"
"Sobrang close ang dalawang iyon. Sa katunayan nga ay hindi lang basta magpinsan ang turingan nila sa isa't-isa kundi parang magkapatid na rin," sagot ni nay Esme. Bigla na naman akong nakaramdam ng konsensya, kapag nalaman ni Tyler na ako ang pumatay sa pinsan niya ay siguradong hindi ito magdadalawang-isip na patayin ako.
"Dati na po bang ganun si Tyler, 'yong hindi palasalita tapos palaging nagsusungit?" pag-iiba ko sa usapan. Nagiging uneasy kasi ako kapag napapag-usapan si Trevor.
"Ganun talaga ang batang iyon. Maging kami ay nasusungitan non pero ayos lang naman dahil nasanay na kami sa kanya. Pero kahit ganun si sir ay mabait naman 'yon. Sa katunayan ay tinulungan niya ang anak ko nang mag-agaw buhay ito at kailangang maoperahan. Binigyan niya ako ng pera at hindi niya iyon pinabayaran sa'kin dahil ang sabi niya ay hindi daw dapat binabayaran ang kusang-loob na ibinigay." Natigilan ako sa sagot na ito ni Nay Esme. Hindi ko inakalang may good side din pala ang masungit na iyon.
"Alam mo hija hindi mo na kailangang magpanggap." Bigla akong namutla sa sinabing ito ng matandang mayordoma. Ano kaya ang alam niya tungkol sa'kin?
"Ano pong ibig niyong sabihin?" kabadong tanong ko. Pinagpapawisan na ako ng malamig.
"Alam ko na hindi kayo totoong mag-asawa ni sir Tyler." Nakahinga naman ako nang maluwag dahil sa sagot nito. Jusme akala ko talaga alam na nito ang tunay na pagkatao ko. Pag nagkataon ay maaaring mapurnada ang lahat ng plano ko at kakailanganin ko siyang patayin para hindi mangyari iyon. Ayaw ko pa namang gawin 'yon dahil mabait itong si nay Esme at masyado nang maraming inosenteng tao ang nadadamay sa misyon kong ito.
"Ni minsan ay hindi ko pa nakitang nagsama ng babae dito si sir Tyler maliban kay ma'am Ria. At..."
"Teka po timeout! Sino po 'yong ma'am Ria?" pagputol ko sa sasabihin ni nay Esme.
"Si ma'am Ria ang nobya ni sir Tyler. Pero nasa ibang bansa ito ngayon at ipinagpapatuloy ang kanyang pagmomodelo." Kaya siguro napilitang maghanap ng fake bride itong si Tyler dahil hindi pa handang magpakasal ang babaeng gusto niyang pakasalan.
"Siguro ay maganda po iyong si Ria ano?" Hindi ko alam pero bigla akong nakaramdam ng lungkot at parang sinaksak ang puso ko nang malaman kong may nobya na pala si Tyler. Hindi ko dapat ito nararamdaman dahil ang misyon ko ay patayin siya hindi ang umibig sa kanya.
"Maganda po si ma'am Ria, sikat po iyon sa ibang bansa maging dito sa Pilipinas. Nakakapagtakang hindi mo siya kilala," wika ni nay Esme.
Napangiti nalang ako. Jusme wala naman kasi akong panahon magbasa ng mga magazines o manood ng mga balita tungkol sa mga modelo. At mas lalong wala akong panahon na tingnan ang mga malalaking billboard na nadadaanan ko. Ako 'yong tipo ng taong walang pakialam sa nangyayari sa paligid dahil ang tanging mahalaga lang para sa'kin ay ang kaligtasan ng kapatid ko.
"Alam mo hija, kahit hindi mo sabihin ay alam ko na peke ang naging kasal niyo ng amo ko. Nababasa ko sa mga kilos mo at sa kilos ni sir Tyler."
Bumuntong hininga nalang ako dahil sa sinabi nito. Masyado ba talaga kaming obvious? Sabagay, sino ba naman ang hindi maghihinala kung walang pakialam sa'kin ang asawa ko at palagi itong umaalis? Besides alam din niyang may nobya si Tyler at higit sa lahat maganda pa ito at sikat kaya malabong mapalitan ko siya sa puso nito. Maganda naman ako at nakakaakit ,sa katunayan ay iyon ang ginagamit kong pinakamabisang paraan para madistract ang mga target ko. Pero iba parin talaga siguro ang ganda no'n dahil pang international, samantalang ako ulila na nga at walang maipagmamalaki, mamatay tao pa.
"What are you talking about?" Wala sa sariling napatayo kami ni nay Esme dahil sa biglang pagsasalita ni Tyler. Nakatayo na pala ito sa harap namin.
"Nagkukuwentuhan lang kami ni ma'am Elise," kabadong sagot ni nay Esme.
Saglit na sumulyap sa'kin si Tyler bago ito tuluyang maglakad patungo sa mamahaling hagdan.
Para naman kaming nabunutan ng tinik ni nay Esme. Ang akala ko talaga ay magtatanong pa ito.
"Babalik na ako sa trabaho ko ma'am," pagpapaalam ni nay Esme. Napipilitang tumango nalang ako. Madami pa sana akong itatanong pero dahil andito na si Mr. Masungit, hindi ko nalang itutuloy. Baka masigawan na naman ako ng lalakeng 'yon.
Napagdesisyonan ko nalang na bumalik sa kuwarto ko. Ayaw ko nang magpagala-gala at baka ikapahamak ko pa.
Mabibilis ang mga hakbang ko sa takot na baka bumalik si Tyler at masungitan na naman niya ako. Sa kuwarto ko nalang pag-iisipan kung paano ko mahahanap ang mga confidential papers na pinapahanap ni Mr. Lumuel para matapos ko na rin ang aking misyon. Parang iba na kasi ang nararamdaman ko at hindi ko ito nagugustuhan. Kailangan ko nang wakasan ang buhay ni Tyler bago pa ako magkaroon ng pag-aalinlangang gawin 'yon. Hindi ako puwedeng mabigo sa aking misyon dahil buhay at kalayaan naming magkapatid ang nakasalalay dito.
Pipihitin ko na sana ang doorknob ng aking silid nang makaramdam ako ng presenya sa likod ko. Dahan-dahan akong humarap rito at bumilis ang t***k ng aking puso nang magsalubong ang mga mata namin ni Tyler. Pakiramdam ko literal na tumigil ang aking mundo.