"PA kamusta? Anong balita kay mama?" agad kong tanong nang sagutin ni Papa ang tawag ko.
Paikot-ikot ako rito sa sala at hindi mapakali. Pangatlong araw na kasi nila ngayon sa ospital simula nang himatayin si mama noong may celebration sa bahay para sa graduation ko.
"Ganoon pa din anak. Ang sabi ng mga doctor dito ay nagbabawi ng pahinga ang mama niyo. Kailangan daw iyon ng katawan niya. Kayo dyan sa bahay? Kamusta naman kayo?" napatango ako ng ulo kahit na alam kong hindi naman makikita iyon ni papa.
Naupo muna ako sa pang-isahan upuan dito malapit sa may pintuan at isinandal ang aking ulo bago sumagot.
"Okay naman po kami dito 'pa. Si Tita Analou, nag-iisip nang bumalik sa Maynila sa makalawa. Tinatawagan na raw siya ng boss niya dahil marami na siyang tambak na trabaho doon," pagbabalita ko kasabay ng isang malalim na paghinga.
Simula kasi ng maospital si mama, ganoon ko na din katagal iniisip kung sasama ba ako pabalik kay Tita Analou sa Maynila. Hindi ako pwedeng maging kampante ngayon lalo na't alam kong may naghihintay na bayarin kaming inaasahan dahil nga nasa ospital ngayon ang aking mga magulang.
"Jillian, anak?" agad napabaling ang atensyon ko sa aking ama sa hawak kong cellphone nang tawagin niya ang pangalan ko.
Umayos pa ako ng upo at mas lalong idinikit ang cellphone sa aking kanang tainga. "Bakit po Papa?" tanong ko.
"Nag-iisip akong magbenta ng ilang kalabaw at baboy dyan sa atin-"
Bigla ako napatayo sa narinig ko kay papa. "Eh 'pa wala pa nga sa wastong gulang at bigat 'yong mga baboy na alaga natin at saka kung magbabawas kayo ng kalabaw, mahihirapan tayo sa pagtatanim ng mga palay para sa pag-aararo ng lupa. Ilang buwan na lang eh magsisimula na ulit tayo magtanim ng mga palay," mahaba kong pagpapaliwanag. Kahit ako ay hiningal sa pagsasalita.
Narinig kong saglit na natahimik si papa sa kabilang linya. Isang malalim at matagal na buntong-hininga ang narinig ko matapos ang ilang segundo.
"Alam ko naman lahat ng 'yon anak. Pero kung hindi ko 'yon gagawin baka lalong hindi kami makalabas ng mama mo dito at kulangin ang perang naitabi namin," nasaktan ako sa tono ng pagpapaliwanag ni papa. Na para bang wala na talaga itong ibang maisip na paraan at napanghihinaan na ng loob.
Isa nalang ang naiisip kong paraan ngayon. Hindi man ganoon kasigurado pero malaki ang posibilidad na pwede itong mangyari sa gan'ong kaikling panahon.
"Kailangan ko na sigurong magtrabaho Papa..." wika ko sa mahinang boses.
"Ayoko man na pagmadaliin ka sa paghahanap ng trabaho anak pero magiging malaking tulong iyon para sa amin ng mama,"
"Okay lang po 'yon Pa. Iyon naman po talaga ang dahilan ko bakit ako nagpursigeng makatapos,"
"May naiisip kana bang pag-aapplyan, anak?"
Noong una ay nagtatalo ang isip ko kung tama ba ang gagawin kong desisyon. Dahil sa oras na sinabi ko na ito sa aking ama, kailangang gawin ko na talaga ito. Ayoko namang magsalita ng tapos bago ilang oras lang ang lilipas ay magbabago muli ang desisyon ko.
"Jillian anak, 'andyan ka pa ba?"
"Opo 'pa. Nag-isip lang po ako saglit," sagot ko. Napapikit muna at nang buksan ko ang aking mga mata. Isang desisyon na rin ang napagpasyahan ko. Kailangan kong subukan. Alang-alang sa pamilya ko.
"Pa? Magtatrabaho na po ako..."
"Oo nga anak, nasabi mo na iyan kanina. Ang gusto ko sana malaman ay kung saan mo balak. May kakilala ako sa bayan, pwede kitang irekomenda-"
"Sa Maynila ko po balak magtrabaho," singit ko sa sinasabi ni Papa. Isang nakabibinging katahimikan na naman ang naganap pagtapos kong magsalita.
"Sigurado ka ba d'on Jillian? Malaki ang Maynila. Hindi mo kabisado iyon at ang mga tao roon-"
"Wala naman pong imposible basta may dedikasyon sa isang bagay 'di ba Papa? Huwag po kayong mag-alala. Kaya at kakayanin ko po doon," pangugumbinse ko sa aking ama ngunit para sa akin yata talaga iyon.
Nasanay ako na nakalugay ang mahaba kong buhok at madalas na pagsuot ng mahahabang damit at palda, may tatanggap kayang kompanya sa akin kahit na ganoon ako mag-ayos. Maynila iyon, lungsod. Malayong-malayo sa nakagisnan at nakagawian kong probinsiya.
"Sigurado ka na ba talaga dyan anak? Hindi ko na ba mababago ang isip mo?"
"Hindi na siguro 'pa. Gusto ko talagang subukan. Huwag po kayong mag-alala, kapag umabot ng isang linggo na wala pa rin akong nahahanap na trabaho doon ay uuwi ako dito sa atin," sagot ko at muli nang naupo sa upuan. Nakita ko namang lumabas sa kwarto si Anne at mabilis na ngumiti nang makitang nakatingin ako sa kanya.
"Sige na 'pa, ibababa ko na po itong tawag. Babalitaan ko nalang po kayo bago ako umalis para sumama kay Tita Analou," pagpapaalam ko na mabilis naman sinang-ayunan ng akin ama at ilang segundo lang ang lumipas ay binaba ko na ang tawag.
Naglalakad na ngayon si Anne papunta sa kinauupuan ko. Sa harap ko siya naupo.
"Kamusta Anne? Kanina narinig kitang nagsusuka ah, okay ka lang ba?" tanong ko na may halong pag-aalala ang boses.
"Ah iyon ba, oo okay lang ako. Normal lang iyon kasi ilang linggo palang naman ang pinagbubuntis ko. Pasensya na ha,"
Agad naman akong napailing sa sinabi ng aking pinsan. Anong hinihingi niya ng pasensya? Tanggap ko naman na magkaka pamangkin na ako sa kanya.
"Ano ka ba, okay lang 'yon. Oo nga pala, si Tita Analou? Nasaan?" tanong ko habang nakangiti ng tipid.
"Nasa kwarto, nagpapahinga. Binungangaan nga ako n'on kanina eh, ayon tungkol na naman sa pagbubuntis ko. Pinipilit na naman niyang sabihin ko na daw kung sino ba raw talaga ang ama ng anak ko," sagot nito at ngiti na tila nahihiya.
Ako tuloy ang nahihirapan para sa kanya.
"Hindi sa nanghihimasok ako Anne pero bakit kasi ayaw mo din ipaalam kay Tita kung sino ba talaga ang ama ng pamangkin ko? Sorry ha, sinabi kong hindi ako nanghihimasok pero ang tono ko parang nangingielam pa din,"
"Alam ko ang ugali ni mama, kapag sinabi ko kung sinong ama nitong anak ko, pupuntahan niya iyon at pipilitin na ipakasal sa akin, ayoko ng gan'on Jillian. Ayokong maikasal sa isang taong napilitan lang dahil sa magkakaanak kami," pagpapaliwanag nito.
Naawa naman ako sa nakikitang itsura ng pinsan ko. Naluluha siya, pagkakaalam ko pa naman nagiging sensitive ang isang babae kapag nagbubuntis.
"Hindi ko na dadagdagan ang isipin mo Anne, pero deserve din ng ama ng baby mo malaman na magkakaanak na siya sa iyo. Hindi ko sinasabi na ngayon pero ihanda mo ang sarili mo dahil mangyayari at mangyayari din iyon sa future," wika ko at hindi na napigilan na lumipat ng upuan at tumabi sa aking pinsan. Niyakap ko ito na yumakap din naman pabalik.
"Salamat Jillian ha, malaking bagay na sa akin ang ganito. Iyong may nakakausap ako at hindi puro sermon nalang ni mama ang naririnig ko," parehas kaming natawa sa sinabi niya. Napawi naman ang mga ngiti ko nang makitang pinupunasan niya ang kanyang mga mata. Marahil napaiyak ito at hindi ko lang napansin.
"Anne?" pukaw ko sa atensyon niya.
Ngumiti ito ng tipid bago tumingin sa akin. "Hmmm?"
"Sasama ako kay Tita Analou,"
"Saan? Sa pamamalengke mamaya?" inosenteng tanong ng pinsan ko. Napailing naman ako ng mabagal.
"Hindi, sasama ako sa kanya pabalik ng Maynila-"
"Sigurado kana ba? Malaki ang Maynila, Jillian. At iba ang ugali ng mga tao doon kumpara dito sa atin," agad naman akong napangiti ng tipid at napatango-tango nang mahimigan ang pag-aalala sa boses ni Anne.
"Alam ko 'yon pero kailangan eh. Malaki-laki rin ang babayaran nila papa sa ospital, kung hindi ako doon magtatrabaho ay maibebenta ang ilang baboy at kalabaw namin. Mas lalo lang mahihirapan sila papa," pagpapaliwanag ko at napabuntong-hininga nalang ng malalim.
"Oh sige sasabihin ko kay mama, pero mag-iingat ka doon ha Jillian, huwag kang gagaya sa akin," pagbibiro pa nito.
Tinaasan ko lamang siya ng kilay dahil sa sinabing biro.
"Baliw ka," usal ko sabay tawa. Natawa nalang din siya.
Umusog ito nang kaunti at maya-maya lamang ay yumakap sa akin. "Mamimiss kita Jillian,"
Niyakap ko din ito pabalik at simpleng napangiti. "Mamimiss din kita, Anne. Alagaan mo 'yang pamangkin ko ha,"
Umalis na ito sa pagyayakapan namin at mabilis na tumango. Ngumiti muna ito ng pagkatamis-tamis bago muling nagsalita.
"Pero Jillian may ipapayo ako sayo, huwag kang magagalit ha,"
Tumango muna ako bago itanong kung ano ito. "Oo naman, ano ba 'yon?" tanong ko na tila ba interesadong-interesado sa sasabihin niya.
"Kasi Jillain, kung okay lang. Huwag kang magsusuot ng puting bestida at saka itali mo kaya 'yong buhok mo. Baka naman matakot 'yong mga makakasabayan mo pag uuwi ka ng gabi galing trabaho,"
Tila nablanko at matagal prinoseso ng utak ko ang sinabi ng pinsan ko. Napakamot pa ako sa aking ulo.
"Ha? Bakit naman?"
"Hay naku Jillian, alam kong matalino kang tao. Maiintindihan mo din 'yon. Sige na, babalik na ako sa kwarto at nakakaramdam na ako ng antok. Magpahinga ka din, ilang araw na kitang napapansin na walang maayos na tulog, " wika ni Anne at tumayo na mula sa pagkakaupo sa tabi ko.
Tumango lang ako sa kanya at nginitian itong muli bago pumasok sa kwartong tinutulugan nila ni Tita Analou.
Hindi ko makuha ang sinabi niya kanina, bakit naman matatakot iyong mga makakasabayan ko pag nakita nila akong nakaputing bestida habang nakalugay ang mahaba kong buhok.
Bawal ba iyon sa Maynila?