"JILLIAN anak, sigurado kana ba? Hindi na ba talaga kita mapipigilan?" tipid lamang akong napangiti nang muli akong tanungin ni papa.
Ngayon na kasi kami luluwas ni Tita Analou pa-Maynila kaya saglit siyang umuwi dito sa bahay. Naiwan mag-isa si mama sa ospital. Mabuti-buti na raw ang kalagayan nito kumpara noong unang araw nilang dinala sa ospital si mama pero mas makabubuti daw kung mananatili muna ito doon.
Mahirap man sa akin na lumuwas nang hindi man lang nakikita o nakakausap sa huling pagkakataon si mama ay inintindi ko nalang din. Mas gugustuhin ko namang maging ligtas si mama kaysa ipilit pa ang gusto kong mangyari.
"Pa, ayos lang ako. At saka ilang taon na ba ang panganay mo? Magiging okay lang po ako d'on," wika ko at pilit na pinasigla ang boses. Naayos ko naman na ang mga gamit ko kagabi pa, sadyang chinecheck ko lang ito baka kasi may nakalimutan ako o 'di kaya'y naiwan.
"Mag-iingat ka doon anak. Tawagan mo kami madalas at balitaan sa kung anong nangyayari sayo doon ha," isang beses pang paalala ni papa at puro tango lamang ang ginagawa ko.
Bawat galaw ko ay nakasunod si papa sa akin, ako na mismo ang naaasiwa sa ginagawa niya. Nagpunta ako sa salamin namin para ayusin ang buhok kong nakatirintas at suklayin ang bangs kong umabot hanggang sa kilay ko.
"Ayos na ba ang mga gamit mo Jillian? Halika na't para hindi tayo masyadong gabihin sa biyahe," napalingon ako nang marinig ang boses ni tita Analou at maging si papa ay napadako ang tingin dito. Nakaayos na rin ito bitbit-bitbit na ang nag-iisa niyang bag na dala niya noong dumating sila ni Anne dito sa amin.
"Babantayan mo si Jillian doon ha Analou,"
Napatingin ako kay papa at saglit na napailing. Masyadong nag-aalala si papa. Hindi naman na ako bata para bantayan pa bente-kwatro oras. Alam ko rin naman ang tama sa mali.
"Oo kuya, ako na ang bahala kay Jillian. Huwag kanang masyadong mag-alala," ani tita Analou at tinulungan na ako sa pagbitbit ng ilang gamit ko palabas ng aming bahay.
Nauna akong nagpaalam sa mga kapatid ko na nagsisiiyakan na ngayon. Akala mo naman mga hindi na muling magkikita kung mag-iyakan ngayon pero noon naman kapag inuutusan ko sila, laging simangot ang agad nilang pinapakita sa akin.
Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maaawa sa kanila. Mga masyadong mapanlinlang! Ay joke.
Bago ako magpaalam kay papa ay si Anne muna ang nilapitan ko. Nakaupo lang ito sa gilid at tahimik lamang na nagmamasid. Mabilis siyang ngumiti ng tipid nang makitang nakatingin ako sa kanya.
"Anne..." pukaw ko sa kanyang atensyon at naupo muna sa tabi niya.
"Jillian..." anito at hindi na napigilan na yakapin ako. Niyakap ko din siya pabalik. "mag-iingat ka doon ha, huwag kang gagaya sa akin-"
Mabilis akong humiwalay sa pagkakayakap namin dahil sa narinig kong tinuran niya. Salubong ang mga kilay kong humarap sa kanya. "Ano ka ba, huwag mo ngang sinasabi 'yan. Unang apo at pamangkin sa pamilya natin 'yan. Maraming magmamahal sa kanya kaya huwag mo nang sinasabi o kahit man lang binabanggit iyan," suway ko sa kanya at tanging tipid na ngiti lamang ang natanggap ko.
Hindi ko din ba kasi alam dito sa pinsan kong 'to. Gustong-gusto niyang tanggapin na ni tita Analou na magkakaapo na siya sa anak niya samantalang si Anne mismo ay parang umaayaw na din. Hindi naman pupwede iyon.
"Sige na Jillian, mag-iingat kayo sa biyahe ha. Balitaan mo nalang ako," mabilis akong tumango at isang beses pang yumakap sa pinsan ko.
Ngayon naman ay kay papa na ako magpapaalam. Hindi ko alam kung niloloko lang ba ako ni papa at tila nagpupunas ito ng kanyang mga mata na akala mo ay pilit tinatago ang pag-iyak. Tinaasan ko lang ito ng kilay at matinding kontrol ang ginagawa kong pagpipigil sa sarili para hindi matawa.
"Pa ano ba 'yan. Tigilan mo nga 'yan. Magtatrabaho lang ako sa Manila, hindi pa ako mag-aasawa," saad ko at hindi na napigilan ang sariling magpakawala ng tawa. Sinamaan lang ako ng tingin ni papa.
"Siguraduhin mo lang Jillian. Baka naman bigla ka nalang uuwi dito na may kasama kanang lalaki at ipapakilala mong asawa o boyfriend mo, mapipingot talaga kita kahit na hindi ko ginagawa 'yon sayo,"
"Oo na pa, kayo naman," usal ko at ako na ang naunang yumakap kay papa. Mamimiss ko silang lahat. Ito ang unang beses na malalayo ako sa kanila simula pa noong bata ako.
Hindi ko akalain na darating ang panahon na iiwanan ko ang lugar kung saan ako pinanganak at lumaki.
"Oh siya sige na anak, lumakad na kayo at baka lalong hindi kita makayanang paalisin pag nagtagal pa ang pagyayakapan natin," wika ni papa at tuluyan na ngang bumagsak ang mga luhang inipit-ipit ko kanina pa.
"Mamimiss ko kayo papa, alagaan mo muna si mama ha. Magpapadala ako pag nakakuha agad ako ng trabaho,"
"Huwag mo munang isipin iyon anak, ang mahalaga ay maging ligtas ka doon," tango lang ako nang tango sa lahat ng sinasabi ni papa.
Ilang minuto pa ang lumipas bago kami tuluyang makapagpaalam ng aking ama sa isa't isa. Hindi ko din napansin na nakatawag na pala si tita Analou ng tricycle na sasakyan namin para ihatid kami sa terminal.
"Alis na kami kuya. Anne, alagaan mo ang sarili mo. Lalo na iyang magiging anak mo," huling habilin ni tita Analou sa anak niya. Tumango lamang ng ilang ulit si Anne at ngumiti ng tipid.
Habang papasakay kami sa tricycle ay kitang-kita ko ang pagkaway ng pamilya ko sa akin. Hindi ko tuloy alam kung lilingunin ko pa ba sila o titigilan nalang ang pagpansin dahil lalo lang bumibigat ang dibdib ko sa nakikitang mukha ng mga kapatid ko.
"Jillian ayos ka lang ba? Masakit ba ang ulo mo?" tanong ni tita Analou nang mapansin niya sigurong napapapikit-pikit ako.
Tumango muna ako saglit bago sumagot. "Opo tita, okay lang po ako,"
"Oh siya sige, maidlip ka muna kung gusto mo. Medyo malayo-layo din naman ang byahe papunta sa terminal. Gigisingin nalang kita pag malapit na tayo,"
"Sige po tita Analou, maraming salamat po," iyon na ang huling sinabi ko bago ako pumikit at dinamdam ang alog ng tricycle na sinasakyan namin.
Alam ko na sa bawat andar ng tricycle ay siya ring paglayo ko sa lugar namin. Ayokong makitang lumiliit ang bahay namin sa paningin ko. Baka hindi ko makayanan at bigla nalang akong tumalon dito sa tricycle. Eh di magiging doble pa ang gastos nila papa sa ospital.