Chapter 2: The New School

2029 Words
Meira High: New school "NANDIYAN ka lang pala patay ka sa akin!" gigil na gigil na hawak ko sa mouse. Habang pinatatamaan ko ng espada ko, ang isang pang player sa nilalaro kong online game. "Woo hoo! Yes! Yes!" sumuntok suntok ako sa ere sa sobrang excitement. At sabay apir sa katabi kong si Jay-Jay, na kalaro ko rin noong mga oras na 'yon.     "Akala niya mapapatay niya ako. Naka silent magic robe kaya ako. Mga noob na mage!" mayabang kong sabi habang nakatutok pa rin ako sa monitor. At bigla akong nanginig nang may narinig akong tawag mula sa labas. Kahit naka-headset ako, rinig ko pa rin ito. Nako hindi! Sa loob-loob ko, alam ko na kung sino iyon.     "Annica!" Malakas na sigaw ni mama sa labas. Rinig na rinig ko ang boses niya, dito sa loob ng computer shop. Mabilis kong tinanggal ang headset ko. At aligagang-aligaga, kung saan ako magtatago. Sa sobrang taranta ko; bigla na lang akong pumailalim sa computer table, para magtago. Napatakip ako ng tainga. Dahil sa malakas na pagkalabog ng pinto na tumama pa sa pader.     "Annica! Lumabas ka riyan!" Umuusok sa galit at sigaw ni mama. Ako naman kinakabahan na. Dahil natakot na rin ang mga nasa loob, itinuro ako ng attendant sa shop. Kung saan ako nagtatago.     "Huli ka! Pasaway ka talagang bata ka!"     Hawak-hawak na ni mama ang tainga ko at hinila na ako palabas. "A… A… Aray ko mama!" daing ko sa kanya. Dahil sa eksena, nagtawanan ang mga tao sa shop ng umalis na kami. Mangiyak-ngiyak ako sa kahihiyan. Ang saklap, nakakahiya! Nasabi ko na lang sa aking isip.     Dinala ako ni mama sa karinderya namin. Sinermonan niya ako habang nagbibigay ng order sa mga customers. "Hindi ba sinabi ko naman sa’yo, dumito ka at tulungan ako? Hindi ‘yong puro na lang pagko-computer ang inaatupag mo! At isa pa kababae mong tao, ang kalaro mo mga lalaki. Tomboy ka ba?”     Nakikinig lang ako kay mama. Tumatango-tango lang ako na nakabusangot ang mukha. At hawak-hawak ko ang tainga ko, na masakit sa pagkapingot niya. Nagdadabog pa rin siya at binubukas sara niya, ang mga takip ng kaldero sa mga ulam.   "Ayan ka na naman sa tango-tango mo, Annica. May usapan tayo na tutulungan mo ako, 'di ba?" Nagngingitngit pa rin sa galit si mama sa akin. Multi-tasking ang ginagawa niya at nag-aabot ng kanyang mga order sa customers.     "Mama, summer naman po. Ba't ayaw mo po ako payagang maglaro?" Katwiran ko at isang konyat ang natanggap ko galing kay mama. Ayan kasi Annica, sumasagot ka pa.     "Hindi ka naman nakikinig sa akin! Ang kulit mo talaga!" Sa sobrang inis niya ay inambaan niya ako ng sandok na ipapalo sa akin. Ako naman nakangiti lang at iilag na sana. Hindi na lang itinuloy ni Mama, dahil may customer uli na gustong kumain. At may nag-oorder naman ng isang balot ng kanin. Mabilis na bumalik si mama sa kanyang ginagawa. Ako naman, nagsandok na ng kanin at inilagay ko sa plastik labo. Inabot ko ‘yon sa customer. Parehas kaming naging busy ni Mama.     Ganyan lang si Mama. Lagi naman ako tumutulong sa kanya. Ngayon lang naman hindi. Dala ng ka-adikan ko sa nilalaro kong MMORPG game. Kaya hindi ko mapigilang tumakas at maglaro.     Ako nga pala si Annica Valencia. 14 years old. Mag-high school pa lang ako ngayong pasukan. Nag-kinder 3 kasi ako, kaya na late ako mag grade 1. Nag-iisang anak lang ako at kami na lang dalawa ni Mama sa buhay. Wala na raw kasi si Papa. Ayon lang ang nabanggit niya sa akin. Lagi niyang sinasabi sa ‘kin dati, kapag nagtatanong ako tungkol sa tatay ko… "Annica, palagi lang nariyan ang Papa mo at binabantayan ka. He's now your guardian angel." Iyon lang palagi ang sagot niya. Hindi ko na siya inusisa roon. Pero hanggang ngayon ang pinagtataka ko, wala man lang akong litrato niya.     Bumalik ako sa realidad ng marinig ko ang boses ni Paul "Annica, isa ngang adobo. Dito kakainin." Ang guwapo at ang cute niyang tingnan, kapag ngumingiti siya. Mayroon kasi siyang dimples sa magkabilang pisngi. Ang sarap pisilin no’n. Itinigil ko muna ang pagpapantasya ko sa kanya. At mabilis ko namang sinandok ang order niya.     "Huwag mo pa lang kakalimutan mamaya, may guild war tayo." sabi ni Paul sa akin. Habang may pagkain pang laman ang kanyang bibig.     “Ah, sige. Pupuslit ako mamaya.”     "Aasahan ko 'yan ah?" Pagkatapos niyang sabihin ‘yon, kinindatan niya ako. Dahil sobrang kinilig ako sa ginawa niya, nabitawan ko ‘yong sandok. At nasasaw do'n sa sabaw ng sinigang. Nako patay!     "Ano na naman ba 'yan, Annica!" bulyaw ulit sa akin ni mama. Lagot na naman ako!     NATAPOS na ang pagtulong ko kay mama at oras na para maglaro! Ayos! Pagdating ko sa shop, nako po! Ang daming tao sa loob at walang bakante. Nakita ko si Paul at kinalabit ko siya, habang naglalaro siya. Sinenyasan ko siya na puno ang shop at hindi ako makakapaglaro. Nilingon niya ako, pero bumalik siya agad sa nilalaro niya. At nag-focus na sa kanyang monitor.     "Yeah, yeah. Kick na lang kita sa guild." Pagkatapos ay ngumisi siya. Mabilis akong nairita sa sinabi niya. Mokong pala 'to e!     Lumabas na lang ako sa computer shop at umuwi sa bahay. Salbahi 'yon! Ang lakas lakas ko kaya! Pagkatapos, basta basta na lang niya ako aalisin? Porket ako ang pinakamalakas sa guild niya? Who needs their guild? Mga weak!     Mabibigat ang bawat hakbang ko, pauwi ng bahay namin. Hindi ko talaga matanggap na ganoon ang sinabi sa akin ni Paul. "Mga weak!" Sigaw ko.   NANG makauwi ako ng bahay, nadatnan ko si mama na nanunuod ng paborito niyang soap opera sa t.v. Nagmano ako sa kanya at nagtuloy-tuloy sa kusina. Para kumuha ng tubig na maiinom. Bumalik ako sa may salas. Kinuha ko ang tablet ko at naupo sa tabi ni mama. Naglaro ako ng Clash of Clans sa aking tablet. Habang busy ako sa paglalaro: tumunog ang tablet ko at may email akong natanggap.  At agad ko itong binasa…     Dear Miss Annica Valencia,   Congratulations!   We are happy to inform you that you have been accepted to Meira High with full scholarship in high school.   We will inform you right away, after reading this message.   Best regards,   Headmistress Imogene Rein Meira High     Huh? Ano 'to? Meira- ANO RAW? Ignore!  Sabi ko sa sarili ko. Baka scam lang ‘yon. Minsan kasi may mga spam messages na pumapasok sa email ko.     Bumalik ako sa game sa tablet ko. Mayamaya pa, may kumatok sa may pinto. "Anak tingnan mo nga, kung sino nasa labas," utos sa akin ni mama. Madali naman akong sumunod at pinagbuksan ko ‘yong kumakatok. Bumungad sa akin ang isang malaking lalaki at nanlaki ang aking mga mata. Bigla na lang akong napaatras at napalunok ako ng laway. 'Yong mamang kaharap ko kasi naka-black suit, sunglasses at kalbo. At ang laki niya, mukha siyang bouncer. Nakita kong may hawak siyang box.     "Ikaw ba si Annica Valencia?"     Napaawang na naman ang bibig ko, nang mag-umpisang magsalita 'yong lalaki. Natakot ako sa malaki niyang boses. Bakit niya ako kilala? Sino ba siya? Ang dami kong tanong. Kaya para makasagot, inalis ko ang nakabara sa lalamunan ko.     "Ehem! B-bakit... po?" sabi ko sabay lunok ulit ng laway. Hindi yata nagustuhan ng lalaki ang sagot ko. Nakita ko pa na nagsalubong ang mga kilay niya. Biglang pumunta si Mama sa may gawi ko. Napansin niya siguro na ang tagal kong nakatayo sa may pintuan. "Anak sino ba—" nagulat siya roon sa lalaki at napakapit siya sa akin.     "Kayo po ba si Mrs. Valencia?"     "O-oho ako nga, bakit po?"     "Nandito ako, para sa anak niyo."     "Ha? Bakit may ginawa na naman bang kalokohan 'tong bata na 'to?" Nakakunot-noong tanong ni Mama. Hay nako, ito talagang si Mama! Basta kapag ako ang hinahanap sa bahay, laging assuming na may ginawa akong kalokohan. Wait! 'Di kaya ito ‘yong nasa e-mail ko? Bigla tuloy nanlamig ang mga kamay ko.     "Ay, hindi ho." sabay tinanggal ng lalaki ang kanyang sunglasses. Hindi naman ako makapaniwala sa nakita ko, na kulay ng mata no’ng lalaki. Pinoy siya, pero ang kulay ng mga mata niya ay asul! Teka, baka contact lenses? Hindi ko maalis ang tingin ko sa mga mata niya. Pinagmamasdan ko, kung contact lenses ba 'yong nakikita ko. Pero parang iyon talaga ang tunay na kulay ng mga mata niya e.     "Nandito ako para ibigay 'to kay Annica. Heto kasi ang gagamitin niya sa bago niyang school." Sabi ng lalaki at inaabot sa akin ‘yong box. Wala man lang ekspresyon ang mukha nito ng sinabi niya 'yon.     "Teka! Baka nagkakamali lang kayo ng bahay. Wala kaming pambayad diyan, kapag tinanggap namin 'yan." sabi ni Mama roon sa lalaking kalbo.     "Ay nako hindi ho, libre po ito. Nakapasa kasi si Annica sa Meira High. With full scholarship for 4 years in high school." Napanganga si Mama sa ibinalita nito. Halos hindi naman ako makapaniwala sa aking narinig. Higit sa lahat, wala akong natatandaan na nag-entrance exam ako, sa tinatawag niyang Meira High. Hindi ko nga alam 'yang school na 'yan. Napakamot na lang ako ng ulo.     "Ito tanggapin mo na, para makaalis na ako."     Tiningnan ko muna 'yong box, bago ko ito kuhain sa kanya. Tama nga siya. Pangalan ko ang nakalagay doon at tama rin 'yong address. Kinuha ko na ‘yong box. Pagbuhat ko rito, medyo mabigat. Ano kaya ang mga laman nito sa loob?     AGAD na umalis ‘yong lalaki. Mukhang nagmamadali siya. Nilagay ko sa center table ng salas ‘yong box. Pagkatapos, sabay kaming umupo ni Mama sa couch. Naiintriga rin siya, kung ano ang laman no’ng kahon.     Pagbukas ko, bumungad sa akin ang isang tablet. Kakaiba ang logo nito. Mayroon itong tatak ng isang dragon at nakalagay na Meira High.     "Wow! New tab!" Natutuwang wika ko at agad ko itong binuksan. Bumungad sa amin ang isang video, tungkol sa school at mga facilities nito. Manghang-mangha kami ni Mama sa ganda ng school. Parang international school siya!     Pagkatapos mapanood ang video, biglang may super cool na nangyari. Sa ibaba ng tablet, may lumabas na isang papel. Ang cool! Nag self-print siya! Nakalagay sa papel kung saan, oras at kailan kami susunduin ng bus. No’ng makita ko 'yong date, sobra akong nagulat.     "Bukas na?" Malakas na sambit ko. Hala! Hindi pa nga tapos ang summer vacation. Pagkatapos, bukas na ang pasukan sa school na 'to? Ayaw ko pang pumasok! Hindi na ako makakapaglaro at hindi na rin ako makakapaggala. Nakasaad rin doon sa papel, na isa itong boarding school. Dito na matatapos ang maliligayang araw ko.      Good luck sa 'yo Annica. Naka-indicate sa papel na wala nang babayaran sa school na 'yon. At mayroon na ring mga gamit. Uniform, mga damit, sapatos at school supplies. Mukhang mayaman ang school, dahil libre lahat. Pero paano talaga ako nakapasok? Totoo bang may eskwelahan na ganito? Sabagay, sa mga nakita ko hindi ‘yon imposible.     "Mainam na 'yan, anak. Para hindi ka mahuli, 'di ba?"     "Sandali lang po Mama. Alam mo po ba 'tong Meira High?" Umiling lang siya, bilang sagot. Kaya naisipan kong mag-research sa internet. Hindi ko siya mahanap sa internet. Bakit gano'n? Walang school na ganito? School ba talaga 'to? Ang weird! Ang ganda ng school pang- mayaman, pero hindi ito kilala. Mayamaya pa'y, inabutan ako ni Mama ng pera. Binilang ko 'yon at nagulat ako sa laki… limang libo.     "Ma, 5k? Ang laki naman po nito."     "Okay lang 'yan. Isang taon mong baon ‘yan. Tipirin mo.” Tumawa siya na parang si Santa Claus. Pagkatapos binigyan niya ako ng isang nakakalokong tingin. At mabilis na pumunta sa may kusina. Ito talagang si Mama! Ubod ng kuripot. Unbelievable!     Tiningnan ko kung ano pa ang laman no’ng box, kung bakit ito mabigat. Inangat ko 'yong karton, kung saan nakalagay ang tablet. Pagkatapos sa ilalim, may mga kung anu-ano pang nakalagay rito. May leather gloves at iba pang gadgets. Hindi ko alam, kung paano gamitin ang mga ‘yon. Pero nakasaad sa papel, dalhin daw lahat ang laman no’ng box.      Lumapit sa akin si Mama. Hinalikan at niyakap niya ako. "Anak, I'm so proud of you. Mag-iingat ka ro'n, ha?" Bilin niya sa akin at nakita kong may namuong luha sa mga mata niya. Hala si mama! Naiiyak na tuloy ako. Sinabi niya pang proud siya sa akin. Kaya niyakap ko na rin siya pabalik. Mami-miss ko siya.     Kinakabahan ako. Ang daming tanong sa utak ko. Napakamisteryoso naman kasi ng school na 'yon. Meira High. Ano kayang naghihintay sa akin this school year?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD