Chapter 4

1236 Words
Kinabukasan ay inilabas ako sa kulungan. Dadalhin muna ako sa pangangalaga ng DSWD dahil menor de edad pa raw ako. Kapag nag-disiotso na raw ako ay saka lang ako ibabalik sa kulungan. Ang mga mata ko ay panay ang tingin sa labas. Naghihintay na baka sakaling makita ko si Hanz. Siya lang ang pinakailangan ko ngayon. “Manong Pulis, wala po ba nabisita sa akin dito na lalaki?” tanong ko. “Wala naman,” sagot niya sa akin. “Wala po ba talaga? Iyong matangkad pong lalaki na pumunta rito?” “Wala talaga. Kung mayroon man sana sinabi namin sa ’yo,” sambit niya. Tumango na lang ako. Baka nga wala talaga, dahil kung nagpunta siya rito ay pinuntahan niya sana ako. Napabuga lang ako ng hangin. Ayokong mag-isip ng kung ano pero hindi ko mapigilan. Baka inabanduna na rin ako ni Hanz, maging siya ay kinalimutan na rin ako. Hanggang sa makasakay kami ng sasakyan at makaalis ay wala akong ibang hinihintay kung hindi si Hanz, pero nakalayo na kami ay wala akong nakitang pigura o ni anino ng lalaking mahal ko. Unti-unting sumikip ang dibdib ko, nanlabo ang paningin, at dahan-dahang pumatak ang mga luha ko. Pakiramdam ko nawalan ako ng lakas dahil ang isang taong inaasahan ko ay hindi na tumupad sa pangako niyang babalik siya. Nang dumating kami sa DSWD ay may iilang kasing-edad ko ang tumitingin sa akin. Mayroon din na mas bata sa akin. Pero maaaring hindi pareho nila ang kasong meron ako. Iniwas ko lang ang tingin ko sa kanila. Nakasunod lang ako sa mga pulis hanggang sa makarating kami sa isang bakanteng kuwarto. “Hija, dito ka muna pansamantala habang wala ka pa sa hustong gulang,” sambit ng pulis sa akin at ngumiti. Marahan akong tumango. Pinagbuksan ako ng pulis na kasama ko para makapasok sa bakanteng kuwarto. Naglakad ako sa isang kama na nasa loob at naupo. Inilibot ko ang tingin sa loob ng kuwarto at tanging kama, isang upuan, at maliit na mesa lang ang naroon. Ang tanging naramdaman ko ay lungkot habang naiisip ko na mag-isa lang ako. Hindi ko na rin alam ang mangyayari sa akin dahil sa oras na ito ay sirang-sira na ang pangarap ko. Wala akong pera at kamag-anak na maaaring tumulong sa akin para makalaya. Bukas ay birthday ko na at eighteen na rin ako. Ito agad ang bungad ng debut ko imbes na simpleng tawanan kasama si Hanz. Natapos ang araw na iyon na nakakulong lang ako sa loob. Pakiramdam ko ay mababaliw ako dahil iyak lang nang iyak. Hanggang sa sumapit ang araw ng birthday ko at ang masayang selebrasyon sana namin ni Hanz ay naging isang bangungungot. “Happy birthday, Raia. Sana maging matatag ka sa kung ano man itong pinagdadaanan mo ngayon. Malalampasan mo rin ang lahat ng ito,” bulong ko habang nakapikit at kasabay rin noon ang muling pagpatak ng mga luha ko. “Sana narito ka sa tabi ko, Hanz.” Napahagulgol ako habang yakap ang mga tuhod ko. Ang simple lang ng gusto ko para sa kaarawan ko. Kahit walang masasarap na pagkain, birthday cake, magandang damit at mga eighteen. Basta kasama ko si Hanz ay masaya na ako. Wala na akong hahanapin pa. Pero ganito ang kinahinatnan ko, mag-isang sinalubong ang debut ko. Sobrang sakit lang din dahil talagang tinalikuran na ako ni Tiyang Luisa. Mas mahal niya ang lalaking iyon kaysa sa akin. Napalingon ako sa pinto nang bumukas iyon. Pumasok ang pulis na nagbabantay sa akin habang may bitbit na tray. Inilapag niya iyon sa mesa. Ang tray na iyon ay may lamang isang tasang pansit, spaghetti, tatlong lumpia, isang slice ng cake sa platito, at mayroon pang isang basong juice. “Happy birthday! Narinig kong sinabi mong ngayon ang birthday mo kaya ito ang munting regalo ko sa ’yo,” sambit niya. May humaplos sa puso ko dahil doon. Sinong mag-aakalang matatandaan niyang kaarawan ko ngayon. “Maraming salamat po,” sagot ko. “Ngumiti ka kahit ngayong kaarawan mo lang. Alam kong makakalaya ka rin, wala kaya sa mukha mo na kaya mong pumatay ng tao,” dagdag pa niya. “Salamat po.” Ngumiti lang siya sa akin at iniwanan na akong mag-isa sa loob. Muli kong binalingan ang tray na nasa mesa. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko. Tama. Kahit ngayon lang maging masaya ako kahit para sa sarili ko na lang. Dinampot ko ang tinidor at iniikot iyon sa pansit. Habang kumakain ako ay panay rin ang tulo ng luha ko. Para akong baliw na nakangiti pero umiiyak. Pagkatapos kong kumain ay ininom ko ang juice. Tumayo ako nang bitbit ang tray at kinatok ang pinto. Sumilip iyong pulis kaya iniabot ko ang tray. Huminga ako ng malalim at bumalik sa kama para maupo. Muling lumipad ang isip ko tungkol kay Hanz. Kung nasaan siya ngayon at kung ano ang ginagawa niya. Naiisip niya rin kaya ako? Bakit hindi niya na ako binalikan? Bakit kaya hindi siya tumupad sa mga pangako niya? O nakalimutan na niya kaya ako? Iyon lang ang paulit-ulit na tumatakbo sa utak ko. Hanggang sa nakatulugan ko na lang ang pag-iisip. Hindi ko alam kung sa lungkot ba o pagod sa pag-iisip pero umaga na nang magising ako. Halos ayoko nang bumangon dahil iyon at iyon lang din naman ang makikita ko. Ang apat na sulok ng maliit na kuwartong ito. May bintana man pero masyado iyon mataas, hindi ko maabot. Napalingon ako sa pinto nang makarinig ako ng ingay mula sa labas. “Nasaan ang babaeng iyon? Ano? Nagpapasarap siya rito?” Narinig ko ang boses ni Tiyang Luisa. Ano ang ginagawa niya rito? Sasaktan na naman ba niya ako? “Huwag po kayong sumigaw. Nakakulong pa rin po siya rito,” sagot ng pulis. Sumunod ay narinig ko na lang na binuksan na ang pinto. Nang makita ako ni Tiyang ay naglakad siya palapit sa akin kaya bumangon ako. “Mukhang enjoy ka sa kulungang ito, ah! Bakit? Kasi malinis at malaki para sa ’yo?” tanong niya tapos ay umiling. “Ngayon lang ito, Raia. Sa mga susunod na araw ay ibabalik ka na rin sa kulungan na dapat mong kalagyan!” wika niya. Hindi ako nagsalita at tiningnan lang siya. Lumapit siya sa akin at yumuko malapit sa tainga ko. “Hindi ka na makakalabas pa sa rehas na iyon. Doon ka na rin mamatay,” bulong niya at saka ako tinalikuran. Hinayaan ko na lang siya. Bumalik ako sa pagkakahiga at tumitig sa kisame. Dalawang araw na ako rito at April thirteen na rin. Hindi ko napansin na lumipas na pala ang kaarawan ko sa dami ng iniisip ko. Sobrang bilis na natapos ang kaarawan ko. Pero habang nakatingin sa kisame ay naisip ko na paano kaya ako makakalaya? Gusto kong ipaglaban na self-defense lang ang ginawa ko. Paano ko iyon mapatutunayan? Lalo na wala akong pera para kumuha ng magaling na abogado para ipaglaban ako. Ngunit isa lang ang alam ko, wala na akong magagawa pa. Dahil nakatali na ang pangarap at buhay ko sa rehas na bakal na kinalalagyan ko. Isang buntonghininga na lang ang pinakawalan ko at muling pumikit. Habang may luhang lumalandas sa pisngi ko. Kapag ganitong nakapikit ako, ang tanging pumapasok sa utak ko ay masasayang alaala na kasama ko si Hanz. Sa ganitong paraan, kahit papaano ay gumagaan ang aking pakiramdam kahit pa panandalian lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD