Lumipas ang tatlong buwan at tuluyan na akong walang naging balita kay Hanz. Hindi na siya bumalik tulad ng sinabi niya sa akin. Sobrang sakit dahil siya iyong huling taong inaasahan kong iiwanan ako, ngunit ngayon ay mali ako.
Lumandas ang luha ko. Lagi na lang akong ganito, umiiyak sa isang sulok. Ang hina-hina ko.
“What the hell! Dad, ayoko rito!” Napalingon ako sa babaeng maingay na ipinapasok sa kulungan ngunit nagpupumiglas ito.
“This is your punishment, Emily!” sagot naman iyon ng lalaking kausap niya.
“What? I want to go home and sleep, Dad.” Hinawakan pa niya ang sentido niya. “God, headache!”
“You'll stay here for one night.”
“Ano ang kasalanan ko, Dad? I just–”
“Kasalanan, Emily Fajardo? Hindi mo ba talaga alam? Puwes, ipapaalala ko sa ’yo. Sobrang lasing mo kagabi! Your Mom didn’t like it. Kung hindi gulo sa school mo ay pag-inom naman!” Halos sumabog na ang kanyang Daddy sa galit dahil lang sa panenermon. Ngunit pinaikot lang niya ang bilog ng kanyang mata at tinalikuran ang kausap.
“Whatever, Dad!”
“You’ll stay here.”
Pabalik-balik lang ang tingin ko sa kanilang dalawa. Hindi na sumagot iyong Emily habang iyong kausap naman niya ay kinakausap iyong mga pulis. Umiikot ang tingin niya sa loob ng kulungan at nang makita niya ako ay nakangiti siyang lumapit. Naka-pants siya at naka-white t-shirt habang may bitbit na mga damit.
“Ibigay mo sa akin ang hawak mo,” sambit ng Daddy niya. Tumayo siya at iniabot iyon pagkatapos ay umalis na ito.
Muli siyang lumapit sa akin. Base sa kaniyang pananamit ay galing siya sa mayamang pamilya. Umiwas agad ako ng tingin kahit pa nginitian niya ako pero umupo siya sa tabi ko.
“Hi!” Tinapik niya ang braso ko kaya nilingon ko siya.
“I’m Emily Fajardo, you?” saad niya. Inilahad niya rin ang palad sa harap ko. Tiningnan ko muna ang palad ko at napansin kong marumi iyon. Itatago ko sana pero mabilis niya iyon nahawakan.
“Okay lang ’yan! Hindi ako maarte. Ano ang pangalan mo?” tanong niya ng nakangiti habang hawak pa rin ang palad ko.
“R-Raia.”
“Wow! Nice name. Bakit ka nakakulong?” tanong niya ulit pero hindi agad ako nakasagot. Binitiwan na rin niya ang kamay ko kaya nagawa kong yakapin ang mga tuhod ko.
“Ako kasi kaya narito ay nagsawa na yata si Daddy na i-grounded ako kapag may nagawa akong kasalanan kaya rito na niya ako dinala. Ngayon lang kasi ako nag-inom ng ganito,” wika niya at humalakhak pa. Pinagmasdan ko lang siya dahil bakas pa rin na masaya siya kahit pa nakakulong na siya. Ganiyan ba kapag galing sa mayamang pamilya? Hindi ako nagsasalita at hinayaan lang siyang magsalita.
“Nakipag-inuman kasi ako dahil birthday ng isa sa schoolmate ko, isinama nila ako at hindi ko na iyon tinanggihan. Napasarap naman ako kaya hindi ko namalayan lasing na ako.” Napangiti na lang ako dahil sa kadaldalan niya.
“Oh, napangiti kita. Huwag ka na kasi mailang sa akin. Simula ngayon ay friends na tayo!” sambit niya. Tumango lang ako pero hindi ko iyon agad pinaniniwalaan.
Dahil sino naman makikipagkaibigan sa tulad ko? Tapos narito pa ako sa loob ng kulungang ito.
“Bakit ka naman nagpakalasing?" Iyon ang naging bungad na tanong ko para magtuloy-tuloy ang kuwentuhan namin.
“Masarap uminom saka wala sila Mommy at Daddy kagabi, busy sila sa trabaho. Akala ko hindi sila makakauwi pero nalaman na nag-party ako kaya pinuntahan ako at dito ang naging bagsak ko,” saad niya. Ngumiti siya sa akin.
Ang cute niya, madaldal at hindi rin halatang maarte. Parang ang natural lahat ng kilos niya. Marami siguro siyang kaibigan sa school nila.
Bigla akong natigilan. School? Gusto ko na rin bumalik doon. Pumapasok na rin sana ako ngayon.
“Ganoon ba.” Naramdaman ko ang lungkot sa boses ko. Nakaramdam kasi ako ng inggit dahil mabuti pa siya nakakapag-aral, samantalang ako nakakulong pa rin.
“Oo, pero bakit ang lungkot mo naman?”
“Gusto ko rin sana makapag-aral katulad mo,” sambit ko at umiwas ng tingin.
“Bakit ka ba narito? Ano ang naging kasalanan mo?” Natigilan ako sa tanong niya. Hindi ko alam na itatanong niya iyon.
“Oh, sorry, okay lang kung hindi mo sasagutin. I’m just curious pero kung hindi ka komportable, huwag mo na lang pansinin,” aniya. Huminga ako ng malalim at nagpasyang sagutin na lang.
“N-nakapatay ako…" Tumigil ako at pinakiramdaman ang magiging reaksiyon niya. Tiningnan ko ulit siya para makita iyon.
“What? Really? But, why?” Nagulat siya pero walang bakas ng panghuhusga sa boses niya.
“Hindi ko naman iyon sinasadya. Pinagtangkaan niya kasi akong gahasain kaya ko siya nasaksak. N-natakot lang naman ako na masira ang pangarap ko pero hindi ko alam na mapapatay ko siya.” Hindi ko napigilang umiyak. Sa tuwing naaalala ko ang pangyayaring iyon ay bumabalik din ang sakit at takot sa dibdib ko. At kung paano natuldukan ang lahat ng pangarap ko.
“Wait, ibig sabihin self-defense lang ang ginawa mo?” tanong niya at tumango ako. Pinahiran ko ang luha ko.
“Then, you shouldn’t be here!” saad niya kaya napatingin ako sa kaniya.
“H-huh?”
“Well, self-defense killings are not charged as crimes.” Nakuha niya ng buo ang atensyon ko dahil sa sinabi niya. Tila mayroon din nabuhay na pag-asa sa akin.
“P-paano?” tanong ko.
“Hmm. If you are forced to kill someone in self-defense you can avoid criminal charged.”
“Talaga? Puwede ako makalaya rito at makapagpatuloy ng pag-aaral ko?” masayang tanong ko. Ibig sabihin may chance pa ako.
“Yes, but…” Tumigil siya at tumingin sa akin.
“Pero, ano?”
“You need an Attorney that will defend you and its defend in you if your action were justified.”
Tila unti-unting nalusaw ang pag-asang nabubuo sa akin. Hindi rin pala ganoon kadali na mapatunayan kong self-defense lang iyon. Kailangan ko ng magaling na Attorney pero saan ako kukuha ng pera para magbayad?
“A-ah, ganoon pa pala iyon. Akala ko madali lang.”
“Madali lang kung may pera ka. Maraming magaling na Attorney lalo na kung nagsasabi ka talaga ng totoo,” paliwanag niya.
Isang buntonghininga na lang ang pinakawalan ko. Bigo pa rin pala ako. Wala akong pera kaya mahirap para sa akin.
“Ang lalim no’n, ah. Bigla ka yatang nadismaya?”
“Hindi rin pala ako makalalabas dito,” aniko.
“Bakit naman?”
“Wala akong pera para kumuha ng Attorney at wala rin akong kamag-anak para tumulong sa akin,” sagot ko. Hindi ko na binanggit na mismong kadugo ko ang nagpakulong sa akin. Tiningnan ko siya at nginitian. “Pero okay lang iyon, baka ito rin talaga ang kapalaran ko.”
“No.”
“Huh? Bakit?”
“Friends na tayo, ’di ba?” tanong niya. Kahit alam kong ngayon lang ’to ay tumango na lang ako.
“Then, I'll help you!” masayang sambit niya at ngumiti sa akin. Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.
“A-ano?”
“Sabi ko tutulungan kita. I want you to be my friend. You’re not plastic.”
“Pero hindi mo naman ako kilala. Paano kung masamang tao pala ako?” tanong ko. Oo, masarap pakinggan ang sinabi niya pero paano kung umasa ako?
“And? Sabi naman ng parents ko hindi kailangan na kilala namin ang isang tao para tulungan. Isa pa, friend na kita kaya tutulungan kita.” Parang wala lang sa kaniya ang pera kung magsabi ng tulong. Oo, hindi masama tumulong sa iba pero alam kong hindi biro ang perang gagastusin niya.
“Pero–” Inilagay niya ang hintuturo sa labi ko para pigilan ako magsalita.
“Wala nang pero, Rai! Ano ba ang pipiliin mo? Pangarap o pride? Isa pa, I insist. So wala nang maraming satsat dahil makakaalis ka na rito!” wika niya. Hindi na napigilang pumatak ng mga luha ko ngunit hindi dahil sa sakit kung hindi dahil sa saya. Ngayon ko lang naramdaman na puwede pa lang maging masaya habang umiiyak.
Sa sobrang saya ko ay napayakap ako sa kaniya. Muntikan pa kaming mapahiga dahil sa lakas ng puwersa pero humalakhak lang siya.
“Thank you! Thank you! Thank you, so much!” Paulit-ulit kong sinasabi iyon habang yakap siya.
“Tahan na. Hindi pa kita nailalabas dito kaya huwag ka muna magpasalamat, saka na lang.” Bumitaw ako sa yakap at pinunasan ang luha ko.
“Hindi. Ang marinig ko sa iyong tutulungan mo ako ay sobrang saya ko na kaya salamat!” sambit ko.
Hindi agad siya nakasagot dahil may isang lalaking nakaitim na kasuotan ang lumapit sa kaniya at inabutan siya ng isang supot.
“Pinapadala ng Daddy mo, Miss Emily,” saad ng lalaking lumapit.
“Okay, thanks Mang Peter!” Tumango lang ang lalaki at umalis na.
Inilabas naman ni Emily ang laman ng supot. Hindi ko pa iyon natitikman pero pamilyar na sa akin.
“Here, this one is for you.” Iniabot niya sa akin ang isang burger at isang boteng tubig.
“Marami niluto si Mommy kaya share ko sa iyo. Puwede pa ito hanggang mamaya kaya kainin mo na ’yan,” sambit niya at kinagatan ang sa kaniya.
Pumatak ang luha ko pero agad ko rin iyon pinahiran bago kumagat sa sariling burger.