Isang Linggo na naman ang lumipas. At sa isang Linggong iyon ay palagi akong binibisita ni Emily. Nagbigay na rin ako ng testimoniya kay Attorney Perez at naisampa na raw sa korte. Ngayong July 21, alas-otso ng umaga ay magsisimula na ang hearing. Masasabi kong handa na ako para harapin ulit si Tita Luisa. Para na rin ito sa kalayaan ko.
Ngunit kahapon ay pinuntahan niya ako rito. Galit na galit siya sa akin dahil ang lakas daw ng loob kong umapela sa kaso. Hindi na lang ako sumagot dahil umalis din naman siya agad.
Eksakto lang ang dating ni Emily. Bago pa lang magsisimula. Ngumiti ako nang makita siya.
“Ready?” tanong niya.
“Handa na,” sagot ko. Huminga ako nang malalim at sabay na kaming pumasok sa loob.
Pagpasok namin ay naroon na si Tita Luisa kasama ang Attorney niya. Nakapagtataka lang dahil hindi niya kasama ang ina ni Tito Rudy. Bakit kaya hindi iyon kasama? Kahit noong nalaman nila na umapela ako ay hindi ko rin iyon nakita. Napansin ko ang masamang tingin na ipinukol ni Tita Luisa sa akin kaya umiwas na ako ng tingin.
Nang makaupo na ako ay mas nangingibabaw ang kaba sa dibdib ko kaya halos wala na akong mainintindihan. Idagdag pa ang ilang bulungan. Pakiramdam ko ay mabibingi ako.
“Kauuwi ko lang noong araw na iyon galing palengke tapos tinatawag ko pa ang asawa ko, hindi siya sumasagot. Nagtaka ako pero pagpasok ko sa loob ay nadatnan ko ang asawa kong duguan sa lapag na wala nang buhay. Sa tabi niya ay nakatayo roon si Raia na duguan ang kamay habang umiiyak. Pinatay niya ang asawa ko kaya hindi na dapat siya makalaya!“ Tila nagising ang diwa ko sa sinabi ni Tita.
Namumula ang mga mata niya at nagtutubig din habang nagsasalita. Paano niya nasasabi iyon na tila hindi ako ang pamangkin niya.
“Ikaw na ang nagsabi na galing kang palengke. Paano mo nasabing pinatay niya kung hindi mo naman nakita ang buong pangyayari?” tanong ni Attorney Perez.
“Silang dalawa lang tao roon. Kahit sino kayang pumatay ng tao para sa pera at ganoon ang ginawa ni Raia!” sigaw ni Tiyang. Nakatingin lang ako sa kaniya.
Pinagmamasdan ko lang siyang nagbibitaw ng mga salita roon. Bakas ang gigil at galit sa bawat salitang binibitawan niya.
“Kung pinatay niya ang asawa mo bakit hindi pa siya tumakas para hindi mo siya abutan? Isa pa sa tulad niya, parang ang babaw ng dahilan na iyon para pumatay.”
“M-marami siyang dahilan para patayin si Rudy! Aaminin ko na pinagmamalupitan siya ng asawa ko, madalas iyon. S-sapat na iyon para pagbasehan ni Raia!” Napansin kong nanginig siya at umiwas ng tingin kay Attorney habang sinasabi iyon.
“Boom. Laglag ka na.” Narinig kong bulong ni Emily sa likuran pero hindi ko na siya nilingon. Umiiling lang ako sa sinabi ni Tiyang. Hindi ko iyon magagawa.
“Kung ganoon, maaaring maganap talaga ang self-defense dahil sa ’yo na nanggaling na pinagmamalupitan si Raia ng asawa mo. Pinagtangkaan ng asawa mo si Raia at sa takot niya ay napatay niya ang asawa mo. Self-defense lang ginawa ang ni Raia.”
Paulit-ulit lang na umiling si Tiyang habang umiiyak. Naaawa ako sa kaniya pero wala akong magawa dahil sa sitwasiyong ito ay ako ang kalaban niya.
Natapos na si Tita kaya umupo sa tabi ko si Attorney.
“Nakikita kong malakas ang laban mo,” bulong niya.
Tumayo na ako at nagpunta sa inupuan ni Tita. Sabi sa akin ni Emily ay huwag akong papasindak sa pagtatanong ng Abogado ni Tiyang dahil iyon ang maaaring maglaglag sa akin. Kailangan kong maging matapang dahil para ito sa aking kalayaan.
Nanumpa muna ako na lahat ng sasabihin ko ay pawang katotohanan lamang. At nang maupo na ako ay lumapit na sa akin ang Abogado ni Tiyang.
“Base sa pinirmahan mong salaysay. Noong April 10, 2015, sa ganap na hapon ay umuwi ka at nakita mong kinukuha ng Tito Rudy mo ang pera mo, tama?”
“Opo.”
“Dahil doon ay nagalit ka sa kaniya."
“Opo.”
“At iyon ang dahilan kaya pinatay mo siya, ’di ba?” tanong niya sa akin.
“Hindi po.”
“Kinuha mo ang pera niya kaya pinatay mo siya! Tama ako. Ipon mo iyon na kinuha niya basta at dala ng galit mo ay pinatay mo siya!” Napapapikit ako sa pagtatanong niya pero hindi ako papasindak. Kinakabahan at natatakot ako pero nilalakasan ko ang loob ko.
“Nagalit po ako kaya pinilit kong agawin ang pera ko. Ipon ko iyon, eh! Pinaghirapan ko iyon para makapag-aral ako sa kolehiyo p-pero noong kinukuha ko na ang pera ay bigla po akong tinitigan ni Tito Rudy sa katawan…” Tumigil ako dahil bumabalik sa isip ko ang alaalang iyon. Ang takot ko ng mga oras na iyon. Ang titig niya sa akin noon.
“Bakit ka tumigil? Nauubusan ka na ba ng dahilan para magsinungaling?” tanong niya. Mabilis kong pinahid ang nagbabadyang luha at matapang na sinalubong ang tingin ng Abogado ni Tita.
“Hindi ako nagdadahilan lang! Bata pa ako. Kaka-eighteen ko lang pero nasa loob ako ng kulungan. Ang tanging pangarap ko lang naman ay makapagtapos ng pag-aaral at matupad ang pagiging singer. Kaya bakit ko gugustuhin na makulong dito? N-natakot akong masira ang buhay ko kung nangyaring nagahasa ako! Natakot ako! Hindi ko naman po sinadya na patayin siya dahil ginusto ko lang po isalba ang sarili ko!” Bumuhos na ang luha ko. Ang sakit na bumalik sa pangyayaring iyon pero para sa kalayaan ko binalikan ko.
“Wala p-po akong kasalanan. Marami pa po akong pangarap sa buhay. May mga bagay pa po akong gustong gawin. Maniwala po kayo sa akin.” Tumingin ako kay Tiyang. “Tita, maniwala ka naman sa akin. Alam mo po kung paano ako nagtiis sa inyo para lamang sa mga pangarap ko. Pero hindi ko po ito ginusto. Hindi ito kasama sa plano ko.” Napahagulgol na ako. Gusto ko nang lumaya, tuparin ang lahat ng pangarap ko, at makasama si Hanz. Iyon lang ang tanging nais ko sa buhay ko.
Pero bakit sobrang hirap maging akin? Bakit parang ang daming hadlang? Pagod na rin akong umiyak nang umiyak. Gusto ko na lang ngayon ay sana makasama ko na si Hanz.
Natapos ang pagdinig nang medyo naging magaan ang pakiramdam ko. Malalaman pa raw kung inosente talaga ako. Ngunit ipagdarasal ko iyon na sana ay makalaya na ako.
“Konting tiis na lang, Rai. Makalalaya ka rin,” sambit ni Emily.
“Oo at dahil iyon sa inyo. Utang ko sa inyo ang kalayaan ko,” sagot ko.
“Grabe. Excited na akong makasama ka sa labas.”
Tinitigan ko siya pagkatapos kong sabihin iyon. Hindi ba siya nag-aaral ngayon? Dahil napapansin ko na madalas niya ako puntahan.
“Why are you staring me like that?” tanong niya.
“Nagtataka lang ako kung wala ka bang pasok ngayon?”
“Ah, wala pa. August pa start ng class ko and hindi rin ako rito sa Manila mag-aaral. Sa province namin.” Tumango-tango ako. Iyon pala ang dahilan. Pero bakit hindi pa sila umuuwi ng pronvince nila kung doon pala siya mag-aaral.
“At kung iniisip mo kung bakit kami narito pa rin, dahil nakiusap ako kina Mom at Dad na hintayin kita. I want you to come with me.” Napatitig ako sa kaniya. Hindi ako makapaniwalang gusto niya akong isama sa kanila.
Paano ako nagkaroon ng ganito klase ng kaibigan. Napakabait na tao. Alam kong hindi kami pareho ng edad at mas matanda siya sa akin, pero nagkasundo kami.
Ngumiti ako sa kaniya ngunit hindi ako sumagot. Paano si Hanz kung sumama ako sa kaniya? Babalikan ko si Hanz dahil baka naghihintay siya sa akin. Maaaring naging abala lang siya o nagkaroon ng problema kaya hindi niya ako napuntahan. Kaya ako na lang ang pupunta sa kaniya.
“Kung may iba kang plano paglabas mo rito, naiintindihan ko. Dadalawin na lang kita rito basta friends pa rin tayo, ah.”
“Oo naman. Salamat.”
“Payakap nga ako.” Lumapit siya sa akin at niyakap ako ng mahigpit.
“Basta sisiguraduhin ko muna na nakalaya ka na bago kami umalis pauwing province, okay?”
Tumango lang ako habang yakap-yakap din siya. Habang nasa ganoong posisyon kami ay muli ko na namang naisip si Hanz. Konti na lang, makikita at makakasama na ulit kita.