"Dito na ako sa bahay love." paulit-ulit na basa ni Neri sa text na ipinadala niya kay Jose ng makauwi siya ng bahay. Pero hanggang sa mga oras na iyon ay wala man lang itong reply. Nakakailang silip na siya noon sa cellphone niya pero wala talaga.
"Napakadaya mo talaga love. Wala man lang reply. Baka naman kasi busy lang talaga. Pero sabi mo magpadala ako ng mensahe pagkauwi ko? Nabasa mo ba? Baka naman di ba, tapos busy ka lang." pangungumbinsi pa ni Neri sa sarili.
Hapon na ng mga oras na iyon, pero kahit ang pamatay nitong tuwid na tuwid na letter K ay wala man lang dumating sa kanya.
"Wala ka bang load kahit piso?" nakanguso pa niyang tanong habang kinakausap ang mensaheng ipinadala niya kay Jose.
Bumaba siya ng garden at doon na lang naupo. Napabuntong hininga pa siya ng maisip na wala na talaga siyang pag-asa na replyan ni Jose.
"Anong akala mo sa inyong dalawa close na. As in dikit?" wika pa ng epal niyang isipan. "Bakit, hindi pa ba? Hinalikan na nga ako sa noo tapos isang tuwid na K lang walang reply?" naiinis na siya sa sarili sa mga oras na iyon.
"Kasi nga hindi kayo close?" sagot pa ng isipan niya. "Pero di ba, sinabi niyang sabihin ko sa kanya pagnakauwi na ako." bulong ng puso niya.
Napahawak na lang si Neri sa sentido kahit kasi ang puso at utak niya ay nagkakasagutan na.
"Busy kaya?" epal na naman ng isipan niya. "Hindi mo ba nakita iyong truck na ibababa nila ang laman?" dagdag pa nito.
"Bakit ko nga ba siya pinag-iisipan ng masama kung pwede ko naman siyang itext pagnakauwi na siya ng bahay niya." napatango pa siya sa sinabi. "Tama ganoon na lang ang gagawin ko." nakangiti pa niyang sabi ng makita niya ang Yaya Flor niya. Kinawayan niya ito at walang pag-aatubiling lumapit sa kanya.
"Yaya, magkape po tayo. Parang gusto kong magkape." pakiusap niya sa yaya niya ng tumango ito.
"Sige, magtitimpla ako, at sabay tayong magkape dito." sagot nito at hinayon ang kusina.
Ilang sandali lang naman at bumalik na rin ang yaya niya. Bukod sa black coffee ay may dala pa itong homemade cookies na sure siyang ang mommy niya ang gumawa.
Gabi na ng makauwi si Nicardo galing munisipyo. Napakadami nilang ginagawa ngayon. Lalo na ang pagtulong sa sangay ng departamento na namamahala sa pagpapasemento ng daan sa mga liblib na lugar para mas madali ang trasportasyon para makapasok at makalabas ang mga sasakyan. Higit pa doon na mas kinakailangan talaga iyon ng mga mamamayan.
"Bakit malungkot ka anak?" puna ni Nicardo sa anak. Masaya itong tingnan, ngunit mababakas sa mata ang kalungkutan.
Nasa hapag na sila noon habang hinihintay matapos sa paghahayin si Yaya Flor.
"Wala naman daddy. Sabi po kasi sa akin ni Kuya Jose ay magpadala daw ako ng mensahe sa kanya pag nandito na ako sa bahay. Pero gabi na, wala pa ring reply."
"Anak ang sinabi lang sayo magpadala ka ng mensahe pag nandito ka na sa bahay. Walang sinabing magrereply pa sayo." natatawanag wika ni Nicardo ng makatanggap ito ng kurot mula sa asawa.
"Roz naman! Masakit." reklamo nito.
"Masakit?" tanong ni Rozalyn na mabilis na ilinatango ni Nicardo.
"Ayon masakit naman pala, pero kung maasar mo ang unica hija natin, para kang bata."
"Sorry na Roz. Ang cute kaya ng prinsisita natin. Kahit problemado, sa bagay na hindi naman dapat pinuproblema." ani Nicardo at muli na naman siyang kinurot ng asawa.
"Roz naman."
Napuno ng tawanan ang hapag ng magsimula silang kumain, dahil sa kakulitan ng mag-ama. Naikwento na rin ni Neri kung saan niya nakuha ang gasgas sa tuhod, siko at palad na labis na ipinag-alala ng ina. Napansin kasi nito iyon bago pa sila maupo.
"Mommy ayos lang po ako. Isa pa nagamot na po ito ni Kuya Jose kanina."
Kuya Jose pa rin naman ang tawag niya kay Jose sa harap ng iba at ng mga magulang niya. Pero pag sila na lang dalawa ang magkausap. Love pa rin syempre ang itatawag niya dito.
Hindi naman kasi pinagsisisihan ni Neri na nadapa siya kanina. Dahil sa pangyayari ng iyon, kahit hindi nagrereply si Jose. Pakiramdam niya ay mas naging close sila ngayon sa isa't-isa. Dahil iyon ang nararamdaman ng puso niya.
Matapos kumain ay nagpasya na lang si Neri na magtungo ng kwarto. Inayos muna niya ang sarili bago hinayon ang kama. Nakaupo lang siya habang nakatitig sa cellphone niya. Nagdadalawang isip tuloy siya kung magpapadala ng mensahe kay Jose o hindi na.
"Hay, dahil loved kita love. Ako na ang magpapadala ng mensahe sayo. Sana sipagan mo naman ang pagsasalita. Sana ay pati na rin ang pagsagot kahit sa text ko." aniya at nagsimula ng tumipa sa cellphone.
To: Love
Nakauwi ka na ba? Bakit hindi ka man lang nagreply kanina. Anong ginagawa mo ngayon? Kumain ka na ba?
Halos masira ang unan sa ginagawang paghampas ni Neri dito. "Ewan ko ba. Bakit ba hindi ko mapigilan ang kilig? Para talaga kaming may relasyon sa mga tanong ko." aniya, dahil sa hindi niya mapigilan kilig sa taong hindi naman palaging nagsasalita. Pero ang lakas ng dating sa kanya.
Love
Love? Anong ginagawa mo? Nasaan ka na ngayon? Nakauwi ka na ba?
Nasa kalahating oras na rin ang nakakalipas mula ng ipadala niya ang unang mensahe kay Jose pero wala talaga itong sagot. Kaya naman nagpadala pa ulit siya ng isa pa.
Napatingin pa si Neri sa wall clock na nasa kwarto niya. Alas otso y media na ng gabi. Hindi niya maintindihan ang sumusungaw na pagtatampo sa puso niya. Pero dahil sa wala itong reply, kahit nagtatampo siya ay itutulog na lang niya iyon.
"Bahala na bukas," saad pa niya.
Hanggang sa paglapat ng kanyang likuran sa kama ay bigla na lang tumunog ang beep tone ng text messages niya.
Mabilis naman siyang napabangon at excited na mabasa ang dumating na mensahe. Pero agad ding pinanlamigan ng buong katawan ng mabasa iyon.
"Ospital?" basa niyang muli sa mensaheng ipinadala ni Jose. Kung anu-anong pangyayari ang nagsalimbayan sa kanyang isipan at napuno ng kaba ang kanyang puso.
Hindi na rin napigilan ni Neri ang maiyak. Isang salita pero sa puso at isipan niya ay parang biglang gumuho ang pader ng pagtatampo niya at napalitan ng pag-aalala sa kung ano ang nangyari kay Jose at bakit nasa ospital ito.
Ilang beses niya itong tinawagan pero hindi sumasagot. Ilang beses din siyang nagpadala pa ng mensahe at kinukumusta ang lagay nito. Pero hindi naman nagrereply. Kaya mas natakot siya sa kalagayan nito.
Mabilis niyang hinayon ang kwarto ng mga magulang niya at kinatok.
"D-daddy! M-mommy!" umiiyak niyang sambit kaya naman mabilis na binuksan ng mag-asawa ang pintuan.
Niyakap naman kaagad ni Rozalyn ang anak ng makitang, punung-puno ng luha ang mga mata nito.
"Anong nangyari anak? Bakit ka umiiyak?" malambing na tanong ni Rozalyn, habang nasa tinig ang pag-aalala.
"Kinumusta ko po si Kuya Jose, tapos walang ibang inereply kundi ospital. Nag-aalala po ako mommy, daddy. Gusto ko po siyang puntahan sa ospital." hindi pa rin mapigilan ni Neri ang pagpatak ng kanyang mga luha sa sobrang pag-aalala.
"Tahan na anak. Sasamahan na lang kita sa ospital at ng hindi ka naman mag-alala. Ayaw kong nagkakaganyan ka." ani Nicardo at pinabalik sa kwarto si Neri para makapagpalit ito ng damit. Nakapantulog na kasi ito kanina at handa na ngang matulog.
Nasa byahe na sila patungong ospital. Hindi pa rin mapakali si Neri. Napakibit balikat na lang ang mag-asawa sa ikinikilos ng anak.
"Hindi ko malaman kung matutuwa ako o maiinggit ako dyan kay Jose na nakilala ng unica hija natin. Aba ay ibang klaseng pag-aalala ang ibinibigay sa ating prinsisita." naiiling na komento ni Nicardo.
Natawa naman si Rozalyn sa asawa. "Ang seloso mo Nic. Pati iyong binatang iyon na napakatahimik ay pagseselosan mo pa. Natutuwa nga ako kay Jose. Kaya parang curious talaga akong makilala itong si Jose kung bakit gustong-gusto ito ng ating anak."
"Kaya lang paano naman natin makakausap gayong nasa ospital nga." sabat pa ni Nicardo.
"Paano kung kasama lang naman pala siya ng nasa ospital?" ani Rozalyn ng pareho silang natigilan.
Napatingin sila sa back seat kong saan nandoon ang anak. Mababakas sa mukha nito ang pag-aalala. Mabilis lang naman ang sulyap na ginawa ni Nicardo, lalo na at siya naman ang nagmamaneho.
"What if?" naiiling na tanong ni Nicardo tapos ay tipid na napangiti. Ganoon din si Rozalyn at itinutok na lang sa labas ng bintana ang atensyon.
Hindi na lang nila kinausap muli ang anak at ipinagpatuloy na lang ang pagmamaneho.
"Anak!" sabay na tawag ni Nicardo at Rozalyn kay Neri pero hindi na sila napansin.
Nang makarating sila ng ospital ay halos takbuhin na nito ang papasok doon. Nawala na rin sa isip ni Neri ang magtanong sa information kaya naman halos halughugin niya ang buong ospital.
Humihinga pa siya ng makarating sa parteng dulo. Bigla siyang nagkaroon ng pag-asa ng matanaw niya si Igo na nakatayo at nakatingin sa isang pintuan. Mapapansin din niya ang pag-aalala dito, dahil hindi ito mapakali.
"K-kuya Igo!" tawag niya dito kaya naman napalingon ang huli sa kanya.
Mabilis namang hinayon ni Neri ang kinalalagyan ni Igo at hindi na niya napigilan na mapayakayap sa kaharap. "Kuya Igo." muli niyang sambit sa pangalan nito. Napaiyak muli ang dalaga ng maalala ang maaaring kalagayan ni Jose.
Sa gulat ni Igo ay napayakap na rin lang siya sa dalagang nangahas na yakapin siya.
Doon ay mapansin din ni Neri si Cy at ang asawa nito na nakatayo din malapit kay Igo.
"Kuya Igo ano. . . anong nangyari kay Kuya Jose?" tanong ni Neri at nandoon ang pag-aalala.
"Kay Jose!?" sabay na wika ni Cy at Igo na parehong napakunot ang noo.