Dinala ni Joaquin si Isagani sa isang silid upang doon gamutin ang kanyang natamong sugat. Matapos nalikom at mapainit ni Nume ang mga halamang gamot ay inumpisahan na ng babaylan ang kanyang panggagamot. Sa tulong ng kanyang kapangyarihan ay hindi lamang niyang nabawasan ang bisa ang lason na kumalat sa katawan ng elemento ay naghilom din ang sugat nito. Taliwas man sa prisipyo ng isang babaylan ang kanyang ginawa ay hindi niya alintanang tumulong, elemento man o mortal.
Aligaga man ay pinilit ni Eeya na pakalmahin ang sarili mula sa labis na pag aalala. Tahimik siyang nagdarasal sa kabilang silid upang gumaling si Isagani. Mayroong paninisi sa kanyang sarili dahil sa nangyari. Na kung nakuha man lamang sana niya ang kanyang banal na pana ay hindi na siya kinailangang protektahan ng elemento at hindi na sana ito nasaktan pa.
Agad na lumingon si Eeya nang magbukas ang pintuan ng silid na kinaroroonan niya. “Naghilom na ang sugat niya. Kakailanganin pa ng ilang araw para tuluyang mawala ang lason sa katawan niya. Huwag ka ng mag aalala.”
Nakahinga nang maluwag si Eeya sa kanyang nairnig. “Huwag mo na ring alalaahin ang templo. Ako na ang bahalang magkumpuni roon gamit ang kapangyarihan ko. Sa ngayon ay dumito ka na muna.”
“Salamat, Joaquin. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Mabuti na lang at nandito ka.”
Umupo ang binata sa tapat ni Eeya upang kausapin nang masinsinan. “Anong alam mo sa mga elementong iyon? Bakit sila sumugod sa templo? Hindi ko naramdaman ang prisensya nila na labis kong ipinagtataka. Alam mo ba ang dahilan kung bakit?” sunod sunod na diretsong tanong ni Joaquin.
Sandaling tumikhim si Eeya. Alam man niya ang dahilan kung bakit nagagawa ng mga ito na makapagtago ng kanilang mga prisensya dahil sa makapangyarihang dahon ay alam niyang mas makakabuti kung hindi na ito malalaman pa ni Joaquin. “Ang alam ko lang ay narito sila para kalabanin si Isagani.”
“Gano`n ba? Bigla na lang kasi silang umalis at hindi ako mapalagay dahil doon. Siguro ay may mas malalim silang dahilan. Hindi bale, kakausapin ko na lang ang elemento paggising niya.” Tumayo si Joaquin at naglakad palabas. “Siya nga pala, kakailanganin ko ang tulong mo sa pagbabas ng salamangkang nakapabilot sa bayan bago pa ito tuluyang kumalat.”
“Ha? Pero Joaquin, hindi ko alam kung paano,” nahihiyang sambit ng dalaga.
“Hindi mo alam kung paano gamitin ang kapangyarihan mo?” pag ulit ni Joaquin.
Bahagyang yumuko si Eeya at umiling. “H-Hindi.”
Dahil sa hindi alam ni Eeya kung paano gamitin ang kanyang kakayahan bilang tagapangalaga ng templo ay si Joaqui na lamang ang nag basbas ng salamangkang nakapalibot sa bayan. Tatlo araw ang kanyang ginugol upang linisin iyon. Buong araw man ang kanyang igugol ay hindi pa rin niya nagawang maubos dahil sa lakas ng salamangkang gawa ng mga elemento.
Pumasok si Eeya sa paaralan habang si Joaquin ay nagpaliban muna para makapagpahinga. Naririnig niya ang mga kamag aral na nagkakaroon ng mga bangungot at alam niyang dahil iyon sa salamangka.
Sa kanyang paglalakad pabalik sa kayang silid aralan ay pinigilan siya ng dalawang babaeng nagmula sa mas mababang antas. “Ikaw si Eeya hindi ba?” taas kilay ng tanong nito.
“O-oo. Bakit?”
“Totoo bang nanliligaw siya sa `yo?” bulalas nito.
“Ha?”
May pagtataka man ay kumabog ang kanyang dibdib sa narinig. Naging malapit sila hindi lang dahil sa elemento kundi dahil na rin sa paghingi niya ng tulong sa binata ngunit walang ganoong pabatid si Joaquin sa kanya.
“Saan n`yo naman narinig iyan?” tanong ng dalaga.
“Kalat na sa buong paaralan ang balita. Si Ate Mona mismo ang nagsabi sa amin na ikaw raw ang gusto ni Kuya Joaquin at hindi siya!” galit na bulalas nito.
Tinignan si Eeya ng isa pang babae mula ulo hanggang paa. “Ano bang nakita ni Kuya Joaquin sa `yo? Higit na mas maganda si Ate Mona at siguradong hindi ka lalapit sa talino niya.”
Bahagyang lumapit ang kasama niya sa kanyang tainga. “Hindi ba may kakayahan siya? Siguradong ginayuma lang niya si Kuya Joaquin.”
Napailing na lamang si Eeya sa kanyang narinig. At upang mapalayo ang mga ito at tigilan siya ay nagpanggap ito na magsasambit ng dasal ng pagbabas upang takutin sila. Hindi pa man nagsisimula si Eeya ay kumaripas nang takbo ang mga babae palayo sa kanya. Natuwa man siya sa inasta ng mga babae ay hindi nawaglit sa kanyang isip ang sinabi ng mga ito.
Sa ilang araw na pagpapagaling ni Isagani ay tuluyang nawala ang lason sa kanyang katawan sa tulong na rin ng mga halamang gamot na araw araw na dinadala sa kanya ni Nume. Aligaga na ang elemento na walang magawa dahil mahigpit siyang binabatayan ng batang elemento sa utos na rin ng kanyang ginoo.
“Bakit ba kailangan kong tumira rito? Nasaan na ba si Eeya?” aligagang nagpapabalik balik si Isagani sa paglalakad sa palibot ng silid.
“Wala ka naman ding ibang mapupuntahan,” ani Nume na nakaupo sa bintana na natutuwang pinagmamasdan siya.
“Kaya ko namang gawin uli ang templo ni Eeya.” Nakahalukipkip na tumigil si Isagani upang tignan ang batang elemento.
“Mas makakabuti raw sabi ng ginoo na huwag ka munang lumabas rito para ligtas kayo mula sa mga kumalaban sa inyo.”
Tumaas ang kilay ni Isagani sapagkat alam niyang iyon nga ang makakabuti. Gayunpaman ay hindi ito mapakali dahil wala ang dalaga. “Bakit ba kailangan ko pang hingin ang tulong n`yo?”
Lumundag ang batang elemento upang lapitan ang kanilang bisita. “May iba ka pa bang pagpipilian?”
Nagpangngalukipkip si Isagani at tinalikuran ang bata. “Gusto kong makita si Eeya.”
Sa tatlong araw niyang pagpapagaling ay hindi niya nakita ang dalaga sapagkat sa oras na bibisita ito ay tulog naman ang elemento gawa ng halamang gamot na iniinom niya. Labis na ang pangungulila niya para rito.
“Abala si Eeya sa pag aaral. May pagsusulit siyang pinaghahandaan. Mas makakabuting huwag mo muna siyang abalahin.” Dumating si Joaquin na dala ang halamang gamot na kanyang ipapainom para sa tuluyang paggaling ni Isagani.
“Puro na lang pag aaral ang nasa isip niya,” bulong ni Isagani.
Napangiti si Joaquin sa inasta ng elemento. “Hindi mo pa naiintindihan ang mga mortal. Mahalaga para kay Eeya ang pag aaral niya. Pinili man niyang ipagpatuloy ang pagngangalaga sa templo ay hindi niya nakaligtaan ang pag aaral niya. Sadyang nakakabilid ang katangian niyang iyon lalo pa sa panahon ngayon na abala sa maraming bagay ang mga ka edad niya.”
Seryosong hinarap ni Isagani ang babaylan. Matagal na niyang nais na kumprontahin ito sa kanyang intensyon sa dalaga. “May pagtingin ka ba kay Eeya?”
Alam ni Joaquin na darating ang araw na itatanong sa kanya iyon ng elemento. Batid niyang ang pagbibigay niya ng kanyang pangalan sa isang tagapangala ng templo ay hindi lamang dahil sa mababaw na dahilan. Batid niyang may patingin din ito sa dalaga. “Gusto kong maging kasintahan si Eeya. At hindi malabong mangyari iyon sapagkat marami kaming pagkakapareho.”
Nais mang umakma ng laban ni Isagani ay hindi pa nanunumbalik ang kanyang lakas. Batid rin niyang ikakagalit ni Eeya kung gagawa siya ng gulo laban sa mortal na tumulong sa kanila. “Nakakalimutan mo na bang sa akin na si Eeya.”
Ngumisi ang binata. “Pangalan mo lang ang ibinigay mo at tinanggap niya, hindi ang buong pagkatao at puso niya.”
Sa panunuod ni Nume sa sagutan ng dalawa ay batid niyang hindi makakabuti kung magtatagal pa iyon. Kinuha niya ang dalang baso ng kanyang ginoo at agad itong pumagitan sa dalawa.
“Mabuti pa ay inumin mo na ito,” aniya na pinilit ilagay sa kamay ni Isagani ang baso. “Ginoo, magpahinga ka na. Tatawagin ko na si Lyxa para maghanda ng hapunan natin.”
Hinawakan ni Joaquin ang ulo ni Nume. “Hayaan mo na muna siyang makapag pahinga pa. Ako na lang ang magluluto ng hapunan natin.”
Lumabas mula sa silid si Joaquin na tahimik na sinundan ni Nume. Sa tanan ng buhay niya sa pananaliti sa kanyang ginoo ay ngayon pa lamang niya ito makikitang magluto. Upang mapadali ang pagluluto ay ginamit ni Joaquin ang kanyang kakayahang magpagalaw ng mga gamit. Sabay sabay na naluluto ang tatlong putaheng kanyang ihahain na kusang nagliliparan ang mga kasangkapan habang siya ay abala lamang sa pagbasa ng libro para sa mga putahe.
“Narito na `ko!” ani Eeya na akma namang dumating mula sa paaralan. Nasa labas pa lamang ay naaamoy na niya ang masarap na lutuin na nagmumula sa kusina na kanyang tinungo.
“Eeya, maligayang pagbabalik. Luto na ang hapunan.” Nakangiting hinarap ni Joaquin ang dalaga habang hawak niya ang isang luto ng putahe habang ang iba pa ay lumilipad nang kusa sa kanyang gilid.
Namangha si Eeya sa ganda ng itsura ng mga putaheng niluto ni Joaquin. Hawak na niya ang kutsara na hindi na makapaghintay na matikman ang mga iyon. Matapos magdasal at magpasalamat ay agad na sumandok ng pagkain si Eeya na kanyang agad na tinikman. Tuwang tuwa si Eeya nang matikman ang masarap na ulam na madalang na lamang niyang makain. Noon ay ang lola niya lamang ang nakakapagluto nang ganoon kasarap na pagkain at simula ng mawala ito ay simpleng mga putahe na lamang ang nakakain siya sapagkat iyon lamang ang kaya niyang iluto.
Hindi man gaanong nasarapan si Nume at Chacha ay magiliw pa ring kumain ang dalawa dahil madalang lamang magluto ang kanilang ginoo. Wala mang mga salita ay nababasa ni Lyxa ang mga mukha ng dalawa niyang kasamahang elemento na pabor pa rin sa kanyang mga luto.
“Hinanda ko na nga pala ang mga leksyon na pag aaralan natin mamaya,” ani Joaquin kay Eeya.
Puno pa ang bibig ay nagsalita na ang dalaga. “Salamat, Joaquin.” Muntik pa itong nabulunan na agad namang inabutan ng tubig ng binata.
“Dahan dahan lang. Natutuwa ako at nagustuhan mo ang niluto ko,” aniya na. “Mabuti ka pa ay nasarapan sa luto ko, hindi katulad sa dalawang `to.” Tuluyan namang nabulunan sina Nume at Chacha na kapwa alam na sila ang pinupunto ng kanilang ginoo.
May kalaliman na ang gabi ngunit bukas pa ang ilaw sa silid aklatan na kung saan naroroon sina Eeya at Joaquin. Kinuha ng binata ang mga leksyon at librong ituturo niya kay Eeya at nilapag ito sa mesa kung saan nakaupo na ang dalaga. “Basahin at intindihin mo muna. Kung may tanong kay ay sabihan mo lang ako at ipapaliwanag ko.”
“Hindi ako magsasawang magpasalamat sa `yo, Joaquin. Hindi mo lang ako tinutulungan sa pag aaral ko, pinatira mo pa ako sa bahay mo. Tinulugan mo pa si Isagani. Salamat talaga.”
Ngumiti ang binata habang papaupo sa tabi ni Eeya. “Walang anuman.”
Malakas ang t***k ng puso ni Eeya sa pag iisip sa nais niyang itanong sa binata. Buong araw na niyang iniisip kung paano ba niya maitatanong ang narinig niya sa kanilang paaralan. Bahagyang yumuko ang dalaga at napansin naman iyon ni Joaquin.
“May problema ba?” anito na bahagya niyang ikinagulat.
“Ah… Ano kasi… May bali balita akong narinig sa paaralan. May nakapagsabi kasi na…” Hindi magawa ni Eeya na maitanong nang diretso ang nais niyang malaman.
“Na ano?”
“Na nanliligaw ka raw sa akin,” mahinang wika ni Eeya. Ngunit agad na tumawa ang dalaga upang alisin ang kaba at bigat ng paligid na bigla na lamang niyang naramdaman. “Sigurado naman ako na, nagkakamali lang sila ng akala. Iniisip ko lang kasi na baka maapektuhan ka sa sabi sabing iyon kaya ipinaalam ko sa `yo. Ayoko namang mamublema ka pa sa ikinakalat nilang balita.”
Malambing na ngumiti ang binata na nagpatigil kay Eeya sa pagngiti. “Hindi iyon maling akala. Totoong gusto kitang ligawan.”