Kabanata 23

1694 Words
Halos nakapikit pa ang mga mata ni Eeya nang makarating siya sa paaralan. Malapit na ang kanilang huling pagsusulit at halos pagsasanay na lamang at balik aralin ang kanilang ginagawa sa klase para paghandaan ito. Nakadagdag pa sa kanyang pagod ang inis nang magpumilit si Isagani na sumama sa kabila ng kanyang kondisyon. Upang hindi na ito mangulit pa ay inilagay niya ang binata sa dalang bag at hiniling nang mabuti na huwag itong gumawa ng ingay o kung anumang gulo. “Eeya.” Lumingon ang dalaga kay Rea na siyang tumawag sa kanya habang hinihintay ang kanilang guro sa susunod na klase. “Mukhang hindi maganda ang gising mo ah. Anong meron?” Bahagyang nagtaka si Eeya sapagkat mabait ang turing sa kanya ni Rea. Kumalawit pa ito sa kanyang braso at malawak ang ngiti. “Medyo pagod lang. Ang daming nangyari kasi simula nang umalis si Joaquin,” ani Eeya. Iniurong ni Rea ang kanyang ulo upang tignan nang mata sa mata ang kaibiga. “Joaquin? Sino siya? Kasintahan mo?” Sandaling hindi nakapagsalita si Eeya na pinagmasdan si Rea. “Huwag mo na akong biruin, Rea. Wala ako sa kundisyon para makipaglaro sa `yo.” “Makipaglaro? Ano bang pinagsasasabi mo? Sino nga ba kasi `yang Joaquin?” Nang tignan niya ang kaibigan ay bakas sa kanyang mukha ang pagkalito sa kanilang pinag uusapan. “Hindi mo kilala si Joauin? Nakalimutan mo na siya?” Tumayo si Rea na nagpumewang pa. “Hay naku, Eeya. Bahala ka na nga. Kung ayaw mong sabihin edi huwag,”aniya saka umalis sa tabi ng dalaga. Naririnig ni Isagani ang pinag usapan ng dalawa at bahagya itong sumilip mula sa loob ng bag. “Mukhang inalis ni Joaquin ang mga alaala niya. Sa palagay ko ay maging ang buong paaralaan mo ay inalisan niya ng kanyang memorya.” Bahagyang nataranta si Eeya na luminga linga pa sa paligid upang siguraduhing walang nakakita kay Isagani sa kanyang mga kamag aral. “ `Di ba sabi ko sa `yo huwag kang magsalita. Huwag ka ring lalabas sa bag ko,” bulalas ni Eeya na lumapit sa kanyang bag upang bumulong. Dumampi naman ng halik si Isagani na nakitang magandang pagkakataon iyon upang makakuha siya ng lakas mula sa dalaga. Napaurong nang mamula ang mukha ni Eeya sa halik na kanyang naramdaman. Hindi man niya gustuhin ay muli na naman niyang naalala ang pakiramdam sa kanyang panaginip. “L-Lalabas muna ako sandali,” bulong nito saka agad na tumalikod para lumabas ng silid aralan. Napatakbo si Eeya sa kakaibang pakiramdam na dumadaloy sa kanyang damdamin sa halik na ginawa ni Isagani sa kanya. Hindi niya magawang kalimutan ang naging tamis ng pangyayari sa kanyang panaginip. Labag iyon sa kanyang kalooban. Batid niyang hindi siya dapat magpa apekto roon dahil isa lamang iyong panaginip ngunit tila ba sumisigaw ang kanyang damdamin upang muli iyong maramdaman. “Hindi ko dapat ito nararamdaman. Nakakainis si Isagani! Hindi niya dapat iyon ginawa! Hindi siya dapat pumasok sa panaginip ko. Hindi niya dapat iyon ginawa! Hindi niya dapat ako hinalikan!” bulalas nito sa kanyang isip. Hindi pa man nakakarating si Eeya sa palikuran nang natigil ito sa kanyang pagtakbo nang makaramdam ng tila ba pagpatak ng malagkit na likido sa kanyang mukha. Nang punasan niya ito sa kanyang palad at tignan ay laking gulat niya nang makita ang maitim na mga patak ng kung anong likido. Nang kanyang tingalain ang bubong ng paaralan ay balot iyon ng itim na alam niyang kapangyarihan ng elemento. “Wala akong makitang elemento. Wala akong maramdaman,” pag aalala niya. “Si Isagani. Kailangan kong hawakan si Isagani para makita ko ang elemento!” Muling tumalikod si Eeya upang takbuhin ang pabalik sa kanyang silid aralan. At nang malapit na siya rito ay nakita niya si Isagani na nakikipaglaban na sa elemento sa kabila ng kondisyon ng kanyang katawan. Nakaluhod na ito at puno na ng itim ang kanyang damit at mukha nang lumingon ito kay Eeya. “Huwag kang lumayo sa akin! Gusto mo bang mamatay?” sigaw nito habang pinapahid ang itim sa kanyang mukha. “P-Pasensya na. Kailangan ko lang-” “Bilisan mo na at hawakan mo ako. Kailangan ko ng lakas mo para malaban ko ang mga elementong narito,” seryoso nitong wika. Tumango ang dalaga at lumuhod upang mahawakan niya ito  ngunit nang akmang dadampi na ang kanyang palad sa maliit na katawan ng binata ay gumuhit sa kanyang isip ang panaginip na ikinababaliw niya. Natigil ang kanyang paghawak kay Isagani nang makita ang mukha ng binata sa kanyang isip na humahalik sa hubad niyang katawan. May pagtatakang tumitig si Isagani sa kanya na siya namang ikinagulat niya. “Eeya?” Hindi alam ang gagawin ay bigla na lamang tumayo at tumakbo palayo ang dalaga. “Saan ka pupunta? Bumalik ka rito!” sigaw ng binata. Hindi alam ni Eeya na sa direksyong pupuntahan niya ay may mga elementong hindi na niya mabilang sa dami na handa ng sugurin ang dalaga. “Eeya! Bumalik ka rito! Bilisan mo!” Hindi mawari ni Eeya kung bakit siya natigil sa paglayo at bigla na lamang umikot ang kanyang katawan pabalik kay Isagani. Ngunit sa layo na ng kanyang narating ay hindi na siya aabot pa kay Isagani. Unti unti nang nararamdaman ni Eeya ang malalakas na kapangyarihan ng mga elementong nakapalibot sa kanya. Hindi man niya nakikita ang mga ito ay batid niyang siya ang kanilang pakay. “Eeya!” napasigaw na lamang si Isagani nang kanyang makitang ang mga elemento ay sabay sabay nang palundag sa dalaga. Bukas ang kanilang mga bibig na may matatalim na ngipin at mga kamay na may mahahabang mga kuko. “Huwag n`yo siyang hawakan.  Sa akin lamang siya.” Hindi alam ni Eeya kung paano ngunit narinig niya ang nagsalitang iyon at nang kanyang lingunin ay nakikita niya rin ang elementong tumapos sa mga kauri niyang nais siyang ipahamak. “Ngayon lang tayo nagkita ulit, Isagani,” wika ng elemento. Hindi man nais ni Eeya ang tumitig dito ay hindi niya napigilan ang sarili sapagkat katulad siya ni Isagani. May wagis rin ito sa isang normal na tao, malayong malayo sa mga nakakatakot na elementong sumugod sa kanya. “Diego. Anong ginagawa ng isang pinunong elementong katulad mo rito?” Napalingon si Eeya kay Isagani dahil sa kanyang sinasabi. “Isa siyang elemento?!” Hindi siya makapaniwala sapagkat nagagawa niya itong makita, hindi katulad ng iba pa nilang kauri. Batid niya isa lamang ang ibig niyong sabihin. Ang elemento ay mas malakas kay Isagani. “H-Hindi ba ikaw ang pinaka malakas na pinunong elemento sa mundo ninyo?! Eh sino siya? Nararamdaman kong malakas siya!” Hindi napigilan ni Eeya na hawakan si Isagani upang kausapin ito nang malapitan. “Binibini, seryoso ka ba na siya ang napili mo? Marahil hindi mo lang alam na may iba ka pang pagpipilian,” wika ni Diego na hinawi pa ang napaka habang buhok. “Tumahimik ka, Diego! Ano bang dahilan mo bakit ka narito?” sigaw ni Isagani. “Ano ang ginagawa ko rito?” pag ulit ng elemento. “Narito ako para makita nang personal ang kumakalat na balita tungkol sa inyo. Nabalitaan kong ang isang malakas na elementong katulad mo ay nagawang maselyohan ng isang tagapagalaga ng templo. At sa ngayon ay sasamantalahin ko ang pangyayaring iyon sa `yo.” Mula sa pagkakahalukipkip ng mga kamay ni Diego ay gumawa ito ng malabong kapangyarihan sa kanyang mga palad na siyang ikinabalisa ni Isagani. “Eeya! Bumubuo siya ng kanyang kapangyarihan! Makinig ka, kailangan mong tumakas!” Tumango si Eeya na maging siya ay batid ang malakas na kapangyarihang binubuo ng elementong na sa kanilang harapan. Inurong ni Eeya ang kanyang paa upang makalayo at hindi nagtagal ay tumakbo ito palayo sa elemento. “Hindi pa man nagsisimula ang laban ay tumatakas ka na, Isagani. Nakakapanghinayang na makitang tumakas ang isang malakas na elementong tulad mo. Mukhang ang isang tulad mo ngayon ay wala ng pagkakaiba sa isang anino,” ani ni Diego habang pinagmamasdan ang paglayo ng dalaga na hawak ang kanyang katunggali. Hindi pa man gaanong nakakalayo ang dalaga at nang marinig niya ang sinabing iyon ng elemento ay hindi niya napigilan ang sarili at tumigil ito. “Anong sabi mo? Anong karapatan mong maliitin si Isagani?!” “Eeya! Hayaan mo na siya! Huwag mo siyang pansinin! Umalis ka na!” Napangisi si Diego sa katapangang ipinamalas ng dalaga na kanyang nakitang magandang pagkakataon upang ipalanghap ang kanyang kapangyarihan. Ang galit na nararamdamaman ni Eeya ay biglang naglaho at napalitan ng pagka halina sa mabangong sampo ng hangin na dumampi sa kanyang ilong. “Ano itong amoy na `to? Napaka bango. Para akong tinatawag. Hindi ako pwedeng magkamali. Ang amoy na ito ay ang samyo ng tunay na pag ibig.” Nang muling tignan ni Eeya ang elementong pinangagalingan ng amoy ay iba na ang kanyang tingin dito. Nagmistulang isang prinsipe si Diego sa kanyang mga mata na hinahalina niya patungo sa kanya. “Halika, aking Prinsesa. Narito na ako. Ang tunay mong tadhana.” Alam ni Isagani na ang kapangyarihan ni Diego ay ang paghalina sa kanyang puntirya upang mapalapit ito sa kanya at gawan sa kung anuman ang kanyang tunay na intensyon. “Eeya! Gumising ka! Huwag kang makinig sa kanya! Huwag mo siyang tignan!” Pilit hinila ni Isagani ang mukha ni Eeya gamit ang maliliit niyang mga kamay ngunit tuon ang tingin ng dalaga sa kanyang katunggali. “Diego! Tigilan mo si Eeya! Ako ang kalaban mo!” Ngumiti ang elemento. “Alam mong ganito ang pamamaraan ko ng pakikipaglaban lalo pa’t kung may magandang binibini na kabilang,” aniya bago tumingin  muli kay Eeya. Inilahad niya ang kanyang kamay para sa dalaga. “Halika, Eeya. Lumapit ka sa akin.” Nagmistulang isang manika si Eeya na kahit anong sabihin ni Diego ay sinusunod niya lamang nang hindi na nag iisip pa. Sinimulang humakbang ni Eeya palapit kay Diego sa kabila ng pagsigaw sa kanya ni Isagani na huwag lumapit sa kanyang kalaban. “Hindi mo ba nakikita na ginagamit ka lang niya para makuha ako! Gumising ka, Eeya!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD