TBFW - "ANG SIMULA NG WAKAS"

739 Words
Chapter 1: Ang Simula ng Wakas Tatlong buwan bago ang kasal… Nakaharap ako sa laptop, pilit na iniintindi ang financial reports ng kompanya ni Papa. Hindi maganda ang takbo ng negosyo. Pabagsak ang kumpanya. Lumalaki ang utang. At kung hindi kami makakahanap ng solusyon, mawawala sa amin ang lahat ng itinayo ng pamilya ko. Napapikit ako at pinilit pigilan ang lumalalim na kaba sa dibdib. Hindi ganito ang pangarap ko sa buhay. Akala ko, magiging maayos ang lahat. Lumaki akong pinapanood si Papa na unti-unting pinapatatag ang negosyo namin. Palagi niyang sinasabi na isang araw, ipapamana niya ito sa akin—isang pangarap na ngayon ay nagiging isang bangungot. Kumunot ang noo ko nang marinig ang mahihinang yabag sa likuran. Paglingon ko, nakita ko ang nakababatang kapatid kong si Daniel, nakatayo sa may pintuan, namumugto ang mata. "Ate, anong gagawin natin?" Mahina ang boses niya, pero dama ko ang takot. Hindi ako agad nakasagot. Sa totoo lang, kahit ako ay hindi sigurado kung ano ang gagawin. Pinilit kong ngumiti kahit parang may nakadagan sa dibdib ko. "Ayusin natin ‘to, Daniel. Hindi natin hahayaang bumagsak ang negosyo ni Papa." Tumango siya, pero bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala. Pagkaalis niya, muli akong bumaling sa screen. Pero bago ko pa maituloy ang pagbabasa, biglang nag-ring ang cellphone ko. Si Papa. Agad akong sinagot ang tawag. "Pa?" "Isabella," mabigat ang boses niya, halatang pagod at puno ng pangamba. "May paraan tayo para mailigtas ang negosyo." Napahigpit ang hawak ko sa telepono. "Ano po ‘yon, Pa?" Saglit siyang natahimik. At sa sunod niyang sinabi, parang biglang lumamig ang paligid. "Pakasal ka kay Sebastian Villafuerte." Napatayo ako mula sa pagkakaupo. "Ano?" "It’s the only way, anak," mahina pero matigas na sagot niya. "Si Don Victor Villafuerte ang may kakayahang iligtas tayo. At ang kapalit… kasal mo sa anak niya." Para akong sinampal ng reyalidad. Sebastian Villafuerte. Ang pangalan pa lang niya, alam ko nang isang malaking gulo ang kapalit ng desisyong ito. Kilalang-kilala ko siya. Kilala siya ng lahat. Babaero. Mayabang. Walang direksyon sa buhay. Mula sa mga dyaryo hanggang sa social media, hindi nawawala ang pangalan niya—palaging may kasamang iba’t ibang babae, palaging laman ng high-class clubs, at palaging nasa gitna ng kontrobersya. Isa siya sa mga lalaking iniiwasan ko sa high society. At ngayon, siya ang ipapakasal sa akin? Naramdaman kong nanginginig ang kamay ko habang dahan-dahang nauupo muli. "P-Pa… wala bang ibang paraan?" halos pabulong kong tanong. Tahimik siya sa kabilang linya. Tila ba sa unang pagkakataon, nag-aalangan din siya sa sinasabi niya. "Anak… ito lang ang paraan para mailigtas tayo," mahina niyang tugon. Pumikit ako. Kung tatanggihan ko ito, babagsak ang pamilya ko. Mawawala ang lahat ng pinaghirapan ni Papa. Pati ang kinabukasan ni Daniel. Pero kung tatanggapin ko naman… mawawala ang sarili kong buhay. Ano ang mas matimbang? Ang negosyo ng pamilya ko o ang sarili kong kalayaan? Napakagat ako sa labi. Pumayag ba ako? O hayaan kong bumagsak ang pamilya ko? Pumikit ako at hinayaang lamunin ng takot ang buo kong sistema. Hindi ko kailanman inisip na darating ako sa puntong ito—ang ipagkasundo sa isang lalaking ni hindi ko gusto. Muling sumagot si Papa, mas mahina na ang boses niya. "Isabella… alam kong mahirap ito. Pero ito lang ang paraan. Hindi lang ito tungkol sa negosyo. Tungkol ito sa kinabukasan natin. Sa pangalan natin. Alam kong hindi mo gusto si Sebastian, pero…" Nagpantig ang tenga ko. "Hindi lang hindi ko siya gusto, Pa. Galit ako sa kanya." Sa lahat ng lalaki sa mundo, bakit si Sebastian pa? Naalala ko ang unang pagkakataon na nagtagpo kami sa isang charity gala. Wala siyang ginawa kundi uminom at makipaglandian sa iba’t ibang babae. Nang ipakilala siya sa akin, hindi man lang siya nag-abalang makipag-usap ng maayos. Ang tingin niya sa akin—parang isa lang akong babaeng idinagdag sa listahan niya ng mga babaeng nililigawan para sa panandaliang saya. At ngayon, ang lalaking iyon ang ipapakasal sa akin? Paano ako mabubuhay kasama siya? Pero… paano kung wala na talaga akong pagpipilian? Ano ang mas mahalaga? Ang sarili kong kalayaan, o ang pamilya ko? Pinikit ko ang mga mata ko, pilit na nilalabanan ang emosyon. At sa isang saglit, alam kong wala na akong ibang magagawa. Huminga ako nang malalim, bago dahan-dahang binitiwan ang sagot na magpapabago sa buhay ko magpakailanman. "Sige, Pa. Papakasal ako." At sa isang iglap, parang may bahagi ng sarili kong namatay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD