Nianna’s POV Pagkatapos kong ilabas lahat ng bigat na nararamdaman ko kanina kay Mara, medyo gumaan na ang pakiramdam ko. Heto kami ngayon, tahimik na nag-aayos ng mga gamit sa mesa para makauwi na. Bago tuluyang lumabas, humarap muna ako sa salamin para tingnan ang mukha ko. Napabuntong-hininga ako. Grabe, namaga talaga nang husto ang mga mata ko sa kaiiyak. Ang totoo, nahihiya akong lumabas ng opisina ng ganito. For sure, uulanin na naman ako ng tanong ng mga ka-officemate ko kapag nakita nila akong mukhang galing sa trahedya—lalo na si Stella na may pagkachismosa at kadaldalan din tulad ni Mara. Kaya naman, kinuha ko ang makeup kit ko at sinubukang tabunan ang bakas ng iyak. Laking pasalamat ko dahil nakisama naman ang mukha ko pagkatapos kong lagyan ng kaunting concealer at pulbos.

