Sa kabilang tulay kung saan naroon ang Zacarias at ang kaharian nito ay madilim ang kalangitan.
Nakatanaw si Shirada sa langit at tikom ang labi.
"kumikilos na sila.."
Nilingon ng reyna si Aurora na sugatan at medyo nanghihina pa. Muli ay tumingin sa langit ang reyna.
"alam mo ba ang dahilan kung bakit ako ang narito at hindi ang tinaguriang pinakamalakas na diyosa ng panahon ko?"umpisa nito.
Umiling si Aurora kahit hindi naman nakatingin dito ang reyna, tila ba nagbabalik tanaw ito sa nakaraan.
"sapagkat kahit sino ka pa o kahit gaano ka pa kalakas, lahat ng iyon ay mawawalan ng silbi kung ang kahinaan mo ang gagamitin laban sa iyo."sambit nito.
"nakita ko ang kahinaan niya sa mundong ito, ang dahilan kung bakit siya lumalaban ay siya ring dahilan kung bakit siya nasira at nawala."yumuko ang reyna at ngumiti nang bahagya bago muling bumaling kay Aurora.
"sinumpa niya si Rhys sapagkat batid niya na iyon lamang ang tanging magiging koneksyon niya sa amin."hindi umimik si Aurora at tahimik lamang na nakikinig sa reyna ng Zacarias.
"kaya ganoon na lamang ang kagustuhan kong maiwala at mailayo ang diyosa na iyon sa aking anak.."
Ang mga sinasabi nito ay dumadapo sa pandinig ni Liana dahil sa hangin. Ngunit dahil sa tingin nito ay walang silbi ang mga salita nito ay isinawalang bahala nito ang mga narinig.
"sigurado ka ba na nais mong magtungo tayo roon ngayon din?"nag aalangang tanong ni Ava kay Liana.
Nilingon ito ni Liana bago tumingin sa kawalan. Nakakalunod ang nararamdaman niyang kapangyarihan sapagkat unti unti na niyang nabubuksan ang bawat elemento sa kanyang katawan.
"kung hindi ngayon ay kailan? Kumilos na tayo."sagot ni Liana bago naunang lumabas ng kaharian ng Imana. Hindi niya nakita ang palitan ng tingin ng mga naroon.
"hahayaan ba natin?"nasa boses ni Ara ang takot at pag aalala.
"manahimik ka Aradia, kanya ang hangin."babala ni Hanish dito.
Walang nagawa si Aradia kung hindi ang manahimik at sumunod kay Liana.
Sa Zacarias kung saan ay naroon at nakatindig ang malaking puno na may malaking ugat, ay nakatayo ang nagdadalamhating prinsipe.
Tulalang nakatingin ito sa kanyang palad kung nasaan ang marka at patunay na wala na ang kanyang diyosa.
"sa susunod na ilang daang taon, sa muli mong pagsilang ay sana'y magkita tayong muli, pangako, na sa panahong iyon ay hindi kita bibitiwan, hahanapin kita aking diyosa.."ang bulong nito ay nakarating sa kinaroroonan ni Liana.
Tumigil ito sa paglalakad at lumingon sa gawing kaliwa kung nasaan ang Zacarias. Doon nagmumula ang mga salitang narinig niya. May init na dumampi sa kanyang puso, ngumisi si Liana sa naramdaman.
"ang prinsipe na tagapagbantay ng apoy."ani niya sa sarili.
Ang mga kasama ni Liana ay nakatingin lang sa kanya at halatang pinakikiramdaman ang kanyang kilos lalo at nasa b****a na sila ng Zacarias.
"magpahinga muna tayo Liana.."alok ni Hanish, ngunit sa loob nito ay upang mapagpaliban pa ang pagkikita ng dalawang itinakda.
"sige."
Nakahinga silang lahat sa narinig na sagot ni Liana.
Sa tulay malapit sa ilog ay nakaupo si Esme. Pinaglalaruan nito ang tubig, iniaangat at gumagawa ng iba ibang hugis mula dito nang bumagsak ang mga ito pabalik sa ilog.
Nilingon ni Esme ang dahilan. Si Liana ay papalapit. Umayos siya sa pag kakaupo sa mga batuhan at ngumiti dito.
"hindi ka ba napagod? Baka nabigla ang katawan mo sa paglalakbay."usal ni Liana.
"maayos lamang ako Liana, walang dapat ipag alala dahil isa rin akong diyosa."nakangiting sagot ni Esme dito.
Bumuntong hininga si Liana at naupo sa tabi nito. Pinagmamasdan nito ang mga kasamang nanghuhuli ng isda at ang iba ay gumagawa ng matutulugan.
"para saan ang malalim na buntong hininga mahal na diyosa?"baling ni Esme dito.
"natatakot ako Esme."
"saan? Lahat kami ay halos namamangha sa iyo sapagkat kaya mo nang kontrolin ang iyong kapangyarihan."pagpapagaan ng loob na sabi nito.
"iyon ang kinatatakot ko, ang mabigo kayong lahat.."usal ni Liana.
Hinarap ni Esme ang diyosang nangangamba at kinuha ang mga kamay nito.
"hindi mo kailangang matakot Liana sapagkat pinili namin ito, pinili ka namin.."naiiyak na tumango si Liana kay Esme.
"ang tubig ang simbolo ng buhay at emosyon Liana, kaya hanggang kaya ko ay pinapanatili ko itong dalisay at walang bahid ng kung anong dumi, kaya makakaasa kang wala sa amin dito ang naghahangad ng masama."niyakap ni Liana si Esme at umusal dito ng madamdaming pasasalamat.
Naputol ang kanilang pag uusap nang lumapit sa kanila si Accalia, nakaanyong lobo ito habang nakatingin kay Liana.
"bakit Accalia?"tanong nito sa babaeng lobo bago humiwalay ng yakap kay Esme.
Maging si Esme ay bumaling na din sa seryosong anyo ng lobo.
"nais kang makausap ng diwata.."wika nito bago tumalikod.
Tumawa si Esme kaya napabaling muli si Liana dito.
"ang mga hayop ay tapat sa diwatang naglilingkod at nangangalaga sa kanila, patunay na ang lobong iyan Liana, ngunit mas tapat siya sa kanyang pinaglilingkuran, naramdaman mo ba ang hindi pagsang ayon ng katawan nito nang lapitan ka dito? Mukhang may nais sabihin si Aoife na ayaw ng babaeng lobo."mahabang litanya ni Esme.
"ano pa man ay dapat ko itong kausapin, maiwan na muna kita dito."paalam ni Liana kay Esme bago tumayo at lumapit kay Aoife na nakaupo sa lilim ng malaking puno.
"nais mo raw akong makausap.."umpisa ni Liana.
Nang lingunin siya ni Aoife ay lumiliwanag ang kamay nito.
"batid mo ba ang liwanag na ito?"umiling si Liana dito.
"ito ang mga alaala ng mga nilalang na napaslang dito."nanlaki ang mga mata ni Liana sa narinig.
"humihingi sila ng tulong Liana.."dagdag pa nito.
"anong klaseng tulong ang nais nila? Wala akong kakayahan lalo at wala na sila."bulalas ni Liana.
"pakinggan mo ang hinaing nila kapag nakaya mo nang kontrolin ang apoy.."ani nito bago naglaho ang liwanag sa palad nito.
"mahina ang apoy ngayon Liana, sapagkat nawawala ang tagapangalagang diyosa nito, at nagdadalamhati ang tagapagbantay.."nilingon ni Aoife si Liana na hindi makikitaan ng ano mang emosyon o patunay na naapektuhan ito sa narinig.
"bakit humina ng ganito ang elemento ng apoy?"nagtatakang baling ni Liana dito.
"sapagkat ang apoy ay simbolo ng nag aalab na damdamin, pagmamahal at liwanag. Bagay na naiwala ng diyosa ng apoy at bagay na naiwala ng prinsipeng may hawak ng elemento."malungkot na tumingin sa gawi ni Liana ang diwata.
Napakurap si Liana sa mga sinabi ni Aoife. Kung ganoon ay tama ang kanyang mga narinig. Ang nagtatangis na prinsipe ng Zacarias ang tagapagbantay ng apoy ay nagdadalamhati.
"kung ganoon ay kailangan nating maghanda para bukas, sa paghaharap namin ng prinsipe."ani ni Liana.
"hindi magiging madali ang nais mo Liana.."bulong ni Aoife na umabot sa pandinig ni Liana.
"anong ibig mong sabihin?"tanong ni Liana dito.
"ang ina nang prinsipeng iyon ay isa ring diyosa--"
"kung gayon ay mas madali sapagkat kalahi ko ang kanyang ina--"
"hindi Liana.. Sapagkat namumuhi sa iyo ang kanyang ina."natawa si Liana sa narinig na turan ni Aoife.
"sa akin? Bakit ikaw ang nakakaalam ng bagay na hindi ko alam? Hindi ba at hindi ka naman dito nagmula? At anong ikagagalit ng reyna sa akin kung ni minsan ay hindi pa kami nagharap?"hindi naniniwalang saad ni Liana sa diwata.
"nagsasabi ang mga nilalang sa paligid Liana, ang mga puno at bulaklak maging ang lupa ay may kwento."hindi kaagad nakasagot si Liana dito.
"ang apoy, ang isa dahilan kung bakit namumuhi sa iyo ang reyna."dagdag pa nito.
"at ano ang iba pang dahilan?"baling ni Liana sa nakatitig na diwata.
"iyon ang kailangan mong alamin."
Sa kaharian ng Zacarias ay lugmok ang prinsipe at lasing sa alak. Hindi nito inaalis ang kanyang mga mata sa marka sa kanyang kamay. Paulit ulit niya itong tinitignan, nagbabakasakaling isa lamang iyong imahinasyon.
"Rhys.."nag angat ng tingin ang prinsipe at ngumisi sa hari.
"hindi mo dapat ipinakikitang mahina ka sa iyong nasasakupan."usal nito.
Pagak na natawa si Rhys sa narinig mula sa kanyang ama. Ang ama na tiningala at minahal niya. Ang ama na sumira sa kanyang minamahal na diyosa.
"patawad ama ngunit hindi ako hahanap ng iba upang makalimot lamang sa pagkawala ng aking minamahal katulad mo."
Nakita ni Rhys ang paglabas ng kidlat sa kamay ng hari.
"sige ama, saktan mo ako upang maibsan ang sakit sa aking dibdib, baka sakali na magawa mo akong manhid at hindi ko na madama pa ang kalungkutang ito!"daing ng prinsipe.
Nawala ang kidlat sa kamay ng hari. Naaawang pinagmasdan nito ang anak.
"kung nakaya ko ay magagawa mo ring kayanin.."wika nito bago iniwan ang anak at lumabas ng silid nito.
Sa pagliko niya sa pasilyo ay napahinto siya ng makitang may tubig sa parteng iyon.
"nasaan ang mga tagapaglingkod?"tanong ng hari sa kawal na nakatayo doon.
Sasagot palang ang kawal nang balutin ng tubig ang hari.
"mahal na hari!"sigaw ng kawal pero hindi na nito nagawang tumulong dahil nawalan na ito ng kamalayan sa pagdilim ng paningin nito.
"mahusay ka pala Aradia.."bati ni Esme na nginisihan ng huli.
"ngayon ay kailangan nating kunin ang prinsipe."wika ni Esme.
"baka magalit sa atin si Liana, natitulog pa siya ng iwan natin."kinakabahang turan ni Aradia.
"ito ang makabubuti Aradia, hindi siya maaring maramdaman ng reyna."sagot nito bago pumasok sa silid kung saan lugmok ang prinsipe.
"kawawang nilalang, pinaglihiman ng lahat at ngayon ay piniling kalimutan ng minamahal."bulong ni Aradia bago nila ito binuhat.
Gumawa ng sariling dimensyon si Aradia patungong muli sa ilog at bumaling kay Esme na akay ang prinsipeng lasing at walang malay.
"halika na.."