Chapter 2

1354 Words
Ipinasya na n'yang ipagpatuloy na pag-aralan at pirmahan ang mga papeles na hawak n'ya kani-kanina lamang bago tumawag si Bea sa kanya. Mabuti na lamang at mabilis n'yang natapos ang mga gawain n'ya kaya naman makakauwi na s'ya agad ng maaga para balitaan ang kanyang ina tungkol sa nalalapit na kasal ni Bea. Ipinasya na n'yang lumabas ng opisina n'ya. Paglabas n'ya ay agad na umalalay sa kanya ang tatlo n'yang security, na sa twina ay nasa labas lamang ng pintuan ng kanyang opisina. Tinanguan n'ya ang mga ito at pagkuwan ay nilapitan n'ya ang kanyang secretary na nasa harap lamang mismo ng pinto ng opisina n'ya. "Ate Tess," tawag n'ya sa kanyang secretary. Matanda kasi ito sa kanya ng limang taon kaya mas pinili n'ya itong tawagin at kausapin na may paggalang. "Mauuna na ako sa'yo, Ate, ikaw na bahala rito ha," nakangiti n'yang wika rito. Nagtaas ito ng tingin at sinabing, "Sige, Mayor, inaayos ko pa kasi ang mga naka-line up na ikakasal sa darating na April. Baka mamayang 6 pm ako mag-out," nakangiting sagot din sa kanya nito habang may isinusulat ito sa logbook. "Okay, sige, Ate, mag-iingat ka sa pag-uwi amamaya," saad n'ya rito. "Salamat, ingat din kayo, Mayor," sagot naman nito. Tumalikod na s'ya at bumaba na sa hagdanan. Nauuna ang isang security n'ya sa kanya na si Aries, habang ang dalawa pa'ng security n'ya na si Julius at Greg ay nasa likod n'ya at nakasunod sa kanya. Ipinagbukas s'ya ni Aries ng pinto ng sasakyan at pumasok na s'ya sa loob nito habang si Julius at Greg naman ay nagmasid muna sa paligid bago sumakay para tabihan s'ya sa loob ng sasakyan. Si Aries naman ay sa front seat sumasakay at katabi ni Mang Pedring, ang kanilang driver. Ganoon palagi ang eksena nila araw-araw. Pagdating sa harapan ng kanilang tahanan ay bubusina si Mang Pedring at agad na pagbubuksan naman sila ng gate ni Aling Veron, siya naman ang asawa ni Mang Pedring. Matagal na rin na nagsisilbi sa kanila ang mag-asawang sina Mang Pedring at Aling Veron. Mayroon din isang anak na lalaki ang mga ito na ang pangalan ay Arnold. Kasalukuyan itong nag-aaral sa kolehiyo. Stay-in na sa kanilang tahanan ang pamilya ni Mang Pedring pero nakahiwalay ang mga ito ng tinutuluyan na nasa bandang gilid ng kanilang malaking tahanan. Ipinagawa iyon ng kanyang Tatay para raw mas maging komportable ang mga ito. Itinuring na rin kasi nilang tunay na kaanak ang mga ito. Pagpasok ng sasakyan ay tanaw na n'ya agad ang kanyang Nanay na nasa harapan ng pintuan. Ganoon ito palagi. Hinihintay ang pag-uwi n'ya buhat sa munisipyo. Pagbaba n'ya sa sasakyan ay agad na s'yang lalapit sa kanyang Nanay para magmano.  "Kaawaan ka ng Diyos, Baste," wika ng kanyang ina. "Kumusta naman ang maghapon mo'ng trabaho? Maaga ka yatang nakauwi ngayon?" tanong nito sa kanya habang nagpatiuna na ito sa pagpasok sa loob ng kanilang tahanan. "Opo, Nanay, madali ko po natapos ang mga gawain ko ngayon sa munisipyo. Ayos naman po ang trabaho ko ngayong araw. Bukas niyan ay baka gabihin ako dahil may mga bibisitahin ako'ng proyekto sa ilang Barangay," mahabang sagot naman niya. "Ganoon ba? Oh siya, sige, magpahinga ka na muna at magbihis. Malapit ng maluto ang hapunan," saad ng kanyang ina. "Si Tatay, dumating na po ba?" tanong niya. "Hayun, nasa taas natutulog at mukhang napagod," sagot ng kanyang Nanay habang nakatingala sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan at nakatingin sa kwarto kung saan ay nandoon ang kanyang Tatay. "Mamaya ko na gigisingin kapag kakain na tayo ng hapunan," sabi nito at pagkuwan ay ibinalik nito sa kanya ang paningin. "Sige po, Nanay, aakyat muna po ako sa kwarto. Bababa na lang po ako mamayang hapunan," nakangiti n'yang saad sa ina.  "Sige, Baste, titingnan ko pa ang niluluto namin ni Veron sa kusina," sagot ng kanyang ina at lumakad na papuntang kusina. Umakyat na s'ya sa kanyang kwarto para magpalit ng damit. Pagbukas niya sa pintuan ay minabuti muna n'yang maupo sa isang silya na hindi kalayuan sa kanyang higaan. Sumandal s'ya at ipinikit ang mga mata upang sandaling magpahinga. Maya-maya ay nagpasya na s'yang maligo. Hinubad n'ya isa-isa ang kanyang kasootan. Pagkatapos ay itinupi n'ya ng maayos ang mga hinubad bago inilagay sa lagayan n'ya ng maruruming damit. Hubad s'yang pumasok sa banyo ng kanyang kwarto. Pinihit n'ya ang seradura ng shower at itinapat ang katawan sa daluyan ng tubig nito. Sandali muna n'yang pinagsawa ang katawan sa tubig bago nagsimulang sabunin ang katawan at mag-shampoo. Pagkatapos ay mabilis na nagbanlaw ng sarili at pagkuwan ay lumabas s'ya ng banyo at agad na nagbihis. Sando at short lamang ang isinusuot n'ya kapag nasa bahay s'ya dahil presko at komportable s'ya. Lumabas na s'ya ng kwarto at nagtungo sa sala upang doon magpahinga habang hinihintay ang oras ng hapunan. Binuksan n'ya ang television at nanood s'ya ng balita. Ilang saglit pa ay tinawag na s'ya ng kanyang Nanay para maghapunan. Nagtungo na s'ya sa hapag kainan na malapit sa kanilang kusina. Naroon na pala ang kanyang Tatay at nakaupo na. "Mano po, Tatay," wika n'ya rito at kinuha ang isang palad nito para magmano. "Kaawaan ka ng Diyos," wika naman ng kanyang ama. "Maupo ka na... Maaga ka palang nakauwi ngayon," dagdag nito. Ang kanyang ina naman ay naupo na rin. "Opo, Tatay, maaga po kasi ako'ng natapos sa mga gawain ko," wika n'ya habang sumasandok ng kanin at pagkatapos ay iniabot na niya sa kanyang ina ang bowl na may laman na kanin. "Mabuti naman kung ganoon. Kain na muna tayo," saad ng ama niya. Nagsimula na silang kumain. Mabilis silang natapos kumain at sabay-sabay na silang dumeretso sa sala para mag-bonding ng kaunti habang nanonood ng television. Maya-maya ay sinimulan na n'yang ibalita sa mga magulang ang nalalapit na kasal ni Bea. "Hmmm, Tatay, Nanay," simula n'ya habang nakatingin sa magulang niya na magkatabi na nakaupo at kaharap n'ya. Tumingin naman sa kanya ang mga magulang. "Tumawag po si Bea kanina sa akin sa cellphone ko habang nasa munisipyo ako. Ipinasasabi n'ya sa inyo na ikakasal na s'ya," nakangiti n'yang balita sa mga ito. "Talaga?!" masayang wika ng kanyang Nanay. "Kailan ang kasal niya?" tanong ng kanyang Nanay. "Sa darating na June 8, Nanay, ngayong taon na ito at kinuha n'ya kayong Ninong at Ninang niya sa kasal habang ako naman ang napili n'yang Best man. Ipapadala na lamang daw n'ya ang invitation sa atin," paliwanag n'ya sa mga magulang. "Totoo na talaga iyan?" wika naman ng Tatay n'ya. "Hindi talaga totoo ang tsismis sa inyo?" tanong pa nito sa kanya. Hindi kasi lingid sa kaalaman ng mga ito ang lumabas na balita tungkol sa kanya at kay Bea. "Tay, naman. Alam n'yo naman na magkapatid lamang talaga ang turingan namin ni Kuting sa isa't isa. Alam n'yo naman ang balita, kung hindi may dagdag ay bawas ang mga inilalathala," muli ay paliwanag n'ya at isinandal n'ya ang likod sa sofa. Tinapik sa balikat ng kanyang Nanay ang kanyang Tatay at sinabing, "Hayan na nga at ikakasal na, Tatay," natatawang wika ng Nanay niya sa kanyang ama. "Sabi ko naman sa iyo, magkapatid lang ang turingan nila," dagdag pa nito. Umaasa rin kasi ang mga magulang niya na totoo ang balita dahil boto raw ang mga ito kay Bea. Bukod kasi sa kilala na nila ito ay talagang mabuting bata raw si Bea. Dagdag pa na maganda ito kaya siguradong mabibigyan daw nilang dalawa ni Bea ang mga ito ng magagandang apo. Gusto na rin kasi ng Nanay at Tatay n'ya na magkaroon ng apo. Apo talaga ang unang iniisip ng mga ito at hindi ang kasal kaya natatawa s'ya. "Sige, maayos ba naman na lalaki ang napangasawa n'ya?" kulit pa ng kanyang Tatay sa kanya. "Opo, Tatay, mabuting tao po si Blue De Mesa," sagot n'ya habang tumatawa. "Dahil mabuting babae ang kapatid n'ya," piping wika n'ya. "Oh siya, wala na talaga kaming magagawa," pagsuko nito. "Pakisabi mo na lamang na masaya kami ng Nanay mo para sa kanya at darating tayo sa kanyang kasal," wika ng kanyang Tatay. "Opo, Tatay, sasabihin ko," sagot n'ya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD