Gail Harris

1699 Words
Sa tahimik na subdivision sa isang kilalang lungsod, isang babae ang tumatakbo sa maagang umaga. Ang kanyang maitim at bagsak na buhok ay magaan na sumasabay sa hangin habang mabilis ang kanyang hakbang. Ang kanyang mukha ay masungit ngunit hindi maitatangging maganda, na tila hindi madaling lapitan ngunit puno ng determinasyon. Bigla siyang napahinto nang masulyapan ang isang malaking live broadcast mula sa isang LED screen sa tuktok ng isang gusali. [Isang linggo nang nawawala ang CEO ng Aurora Ventures Inc.] Ito ang headline na lumitaw sa screen. Nabaling ang kanyang pansin sa mga imahe ng press conference, kung saan nakatayo si Victor Sandoval at ang assistant ng CEO na si Mira Santiago. Halatang nag hahanda pa lang at hindi pa nagsisimula ang palabas. "Victor Sandoval..." bulong ng babae habang mariing tinitigan ang screen. Agad niyang kinuha ang kanyang telepono mula sa kanyang bulsa at mabilis na nag-dial. Nang sagutin ang tawag, narinig niya ang magalang na boses ng isang lalaki. "Hello, Chairman Gail. May iuutos po ba kayo?" "Hernan," malumanay ngunit matigas ang tono ni Gail. "Imbestigahan agad ang pagkawala ni Gayle Rodriguez. Pakilusin ang lahat ng pwersa. Gusto ko ng impormasyon sa loob ng limang minuto." "Opo, Chairman," mabilis na sagot ni Hernan bago ibinaba ang tawag. Pinunasan ni Gail ang pawis mula sa kanyang noo bago mabilis na sumakay sa kanyang itim na sports car. Tumunog ang makina nang pihitin niya ang susi, at mabilis siyang umalis, diretso pabalik sa kanyang villa. Pagkarating, mabilis siyang nagbihis. Habang nagbubuklat ng kanyang wardrobe, tumunog muli ang kanyang telepono. Nakalagay ang pangalan ni Hernan sa screen. Sinagot ito ni Gail at ini-on ang loudspeaker. "Anong balita?" tanong niya habang patuloy sa paghanap ng damit na susuotin. Nag-aalangan si Hernan bago nagsalita. "Chairman, natagpuan na po ang katawan ni Ms. Gayle sa may bangin. Wala siyang malay at tila isang linggo nang patay." Napatigil si Gail sa ginagawa. "Ano pa ang nahanap ninyo?" "Karumaldumal po ang sinapit niya. Hinihinalang inabuso siya bago itinapon. Wala pang natutukoy na murder weapon," dagdag ni Hernan. Ikinuyom ni Gail ang kanyang kamao, nanggigigil. "Magbabayad ang gumawa nito sa kakambal ko!" ..... .... Apat na Taon na ang Nakararaan Sa isa sa pinakamataas na gusali ng lungsod, sa opisina ng chairman ng Titan Horizon Holdings, nakaupo si Gail Harris, ang enigmatic na tagapagtatag at chairman ng pinakamalaking conglomerate sa bansa. Ang Titan Horizon Holdings ay kilala sa paghawak ng iba't ibang industriya—mula sa real estate, telecommunications, renewable energy, hanggang sa fashion at technology. Sa ilalim ng pamumuno ni Gail, ang kumpanya ay naging simbolo ng impluwensya at yaman. Tahimik na nakaupo si Gail habang nagbabasa ng ilang papeles sa kanyang mesa nang kumatok si Hernan Gomez, ang kanyang presidente at tagapagsalita. "Chairman Gail," magalang na bati ni Hernan. "May ilang kumpanya na nangangailangan ng pamumuhunan. Narito po ang mga pangalan nila, ang kanilang mga proyekto, at ang kanilang layunin." Iniabot niya ang isang folder. Tumango si Gail at sinimulang isa-isahin ang mga dokumento. Habang nagbabasa, nag-murmur siya ng komento. "Interesting... Mukhang promising ang proyektong ito. Itong pangalawa, masyadong risk-oriented." Nang makarating siya sa ikaapat na kumpanya, natigilan siya. Aurora Ventures Inc. ang pangalan ng kumpanya, at nang mabasa ang pangalan ng chairman nito—Gayle Rodriguez—hindi niya maiwasang mapangiti. "Kakambal ko talaga," bulong niya habang tinitingnan ang larawan ni Gayle sa dokumento. "Mukhang maayos pa rin ang lagay mo." Binasa niya ang mga plano at layunin ni Gayle, at labis niyang ikinatuwa ang nakita. Tumayo siya mula sa kanyang upuan at tumingin kay Hernan. "I-approve ang pangalawa at ang pang-apat," utos niya. "Opo, Chairman," sagot ni Hernan at handa nang umalis nang bigla siyang tawagin ni Gail. "Suportahan si Gayle Rodriguez sa lahat ng kanyang kailangan," dagdag ni Gail. May pagtataka si Hernan. "Kilala niyo po siya, Chairman?" Ngumiti si Gail. "Siya ang matagal ko nang hindi nakikitang kakambal. Panatilihin itong lihim." Nagulat si Hernan ngunit hindi na nagtanong pa. "Naunawaan ko po, Chairman. Panatilihin ko pong sekreto ang lahat." Tumango si Gail at ngumiti habang nakasandal sa kanyang upuan. "Gayle, mahal kong kapatid, asahan mong magiging matagumpay ka." ..... .... Kasalukuyan Suot ang isang white blazer at pencil skirt, lumabas si Gail mula sa kanyang itim na sasakyan. Diretso siyang pumasok sa gusali kung saan dinaraos ang press conference ni Victor Sandoval. Pagpasok ni Gail sa conference room, agad na naputol ang pagsasalita ni Victor. Nanlaki ang mata niya sa gulat, habang si Mira ay napatayo at itinuro si Gail. "Multo! Diba… patay ka na?!" tanong ni Mira, halata ang takot sa kanyang boses. Ngumiti si Gail nang malamig, diretso ang tingin kay Victor at Mira. "I'm not a ghost, Mira," sagot niya. "I'm very much alive. And I'm here to take back what's mine." Huminto siya, ngumiti nang bahagya at nagbago ng tono. "I mean, wala kayong dapat ipag-alala. Nagbakasyon lang ako saglit, at walang signal sa bangin… este, sa bundok." Tumawa siya nang mahinhin, ngunit ang mga mata niya ay nanatiling matalim habang nakatitig kina Victor at Mira. May hinala siya na may kinalaman ang dalawang ito sa sinapit ng kanyang kakambal. Lumipat ang mga camera kay Gail, at sunod-sunod ang mga tanong mula sa mga reporter. "Ms. Gayle, bakit kayo nawala nang ganito katagal? Nag-aalala na ang lahat, lalo na't napakahalaga ng inyong posisyon sa Aurora Ventures." Huminga nang malalim si Gail bago sumagot, mahinahon at propesyonal. "Noong araw na iyon, tumawag ang isang kaibigan ko at niyaya akong mag-hike. Hindi ko inakala na aabutin kami ng isang linggo bago makababa, at wala ring signal sa bundok. Pasensya na kung nag-alala kayo. Nalowbat din ako kaya hindi ako nakapag-update," sagot niya, kalmado ang tinig ngunit may likas na awtoridad. Tumango-tango ang ilang reporter, habang ang iba ay patuloy sa pagtatanong. Gumawa ng kaunting biro si Gail upang mapagaan ang sitwasyon. "Talagang hindi ko inasahan ang ganito kalaking media attention. Pero ngayon, bumalik na ako at excited ako para sa mga paparating na proyekto natin." Habang abala ang media kay Gail, nanatiling namumutla si Mira. Lumapit siya kay Victor, at may bahagyang pag-aatubili sa kanyang boses. "Victor, anong gagawin natin? Bakit siya bumalik? Diba patay na si Gayle?" Matalim na tumingin si Victor kay Mira. "Inutil. Hindi ‘yan si Gayle. Malamang peke siya." "Peke?!" bulong ni Mira, nanginginig. "Bakit hindi natin siya ilantad?" Sumiklab ang galit sa mukha ni Victor. "Bobo! Paano mo siya ilalantad? Sasabihin mo bang peke siya? Ano ang ebidensiya mo? Sasabihin mo na patay na ang tunay na Gayle at tayo ang may kagagawan?" Nanigas si Mira sa takot. "Kung ganun… anong gagawin natin?" Malamig ang ekspresyon ni Victor. "Tingnan natin kung ano ang plano niya. Alamin natin kung sino talaga siya at kung bakit siya nagpapanggap." Pagkatapos nito, ngumiti si Victor at lumapit kay Gail, tila walang nangyari. "Mahal kong asawa," malambing niyang sabi, ngunit halata ang peke sa kanyang tono. "Pinag-alala mo ako. Akala ko may masamang nangyari sa'yo." Bigla niyang niyakap si Gail at bumulong nang mahina, "Sabihin mo, sino ka? Ano ang pakay mo? Bakit ka nagpapanggap bilang si Gayle?" Nanatiling kalmado si Gail at hindi sumagot. Bahagya niyang itinulak si Victor palayo nang marahan, ngumiti, at sinabi, "Pasensya na kung nag-alala ka. Biglaan lang talaga ang nangyari." Pagkatapos ay tumingin siya kay Mira, na noon ay natutulala pa rin sa takot. "Mira," tawag niya, "bakit mo naman ako tinawag na multo? At bakit mo sinasabing patay na ako?" Nauutal si Mira, walang masabi. Ngumiti si Gail, tila nagbiro. "Relax lang, Mira. Talagang nakamamatay siguro ang ganda ko." Tumawa siya, na parang walang masamang nangyari. "At hindi naman ako multo. Hindi ko kayang i-ghost ang mga tao, lalo na't may mga paparating tayong bagong proyekto!" sagot niya, nakatingin sa camera. Samantala, nanatiling malamig ang ekspresyon ni Victor habang ikinuyom ang kanyang kamao. Pero nagawa niyang ngumiti sa harap ng media. Nagbigay siya ng pahayag. "Ngayon na nandito na si Gayle, maaari na tayong maghiwa-hiwalay. Alam kong lahat tayo ay nag-alala sa biglaang pagkawala niya, ngunit nagpapasalamat ako na ligtas siyang nakabalik." Tumingin si Victor kay Mira at bahagyang tumango. Tumango rin si Mira at agad na pinalabas ang mga reporter, kasabay ang mga tauhan sa media. Nang masiguradong wala nang ibang tao, naiwan si Victor at Gail sa conference room. Tinitigan ni Victor si Gail nang malamig, ang kanyang mga mata puno ng hinala. "Sino ka? At ano ang plano mo? Bakit ka nagpapanggap na si Gayle?" tanong niya, diretso at puno ng tensyon. Nagtaas ng kilay si Gail, nag-umang maangmangan, bago ngumiti. "Ano'ng ibig mong sabihin, Victor? Ako ito, ang asawa mo. Si Gayle." "Stop pretending in front of me," sabi ni Victor, ang boses niya mabigat. Tinitigan niya nang matalim si Gail. "Hindi ikaw ang asawa ko dahil—" "Dahil ano?" putol ni Gail, ang tono niya biglang naging malamig. Ang mga mata niya matalim na ngayon, punong-puno ng galit. "Dahil patay na siya? Sabihin mo, Victor. May kinalaman ka ba sa pagkamatay niya?!" Hindi nakaimik si Victor. Sa harap niya, ang babae ay ibang-iba sa kilala niyang Gayle. Ang dating mahinhin at tahimik na Gayle ay ngayon malakas ang dating, matalim ang mga salita, at nakakatakot ang presensya. Ngumiti si Gail, isang ngiti na tila naglalaro ngunit may halong panganib. Tumawa siya ng bahagya at sinabing, "Bakit parang namumutla ka, Victor? Binibiro lang kita. Ako ito, si Gayle. Ano bang pinagsasasabi mo?" Nakangiti pa rin siya habang lumakad palabas ng conference room. "Tara na, umuwi na tayo sa bahay. Wala pa akong matinong kain matapos akong bumaba ng bundok." Sa labas ng conference room, nakatayo si Mira. Nang makita si Gail, nagulat si Mira, at tila nagdahan-dahan ang pagkawala ng kulay sa kanyang mukha. "Boo!" sabi ni Gail, malikot ang ngiti sa kanyang labi. Halos maihi sa takot si Mira, at napaatras siya, nanginginig. Halata ang kaba sa kanyang mukha habang umiiwas ng tingin kay Gail. Ngumiti si Gail, naglakad palabas ng gusali. Lumabas din si Victor ng conference room at tumingin kay Mira na namumutla. "Anong tinatanga-tanga mo diyan, Mira?! Hindi siya si Gayle, malayong-malayo siya sa Gayle na kilala ko." Sambit ni Victor sa malamig na boses habang nakatingin sa likod ni Gail.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD