Dahil sa nangyari sa Foundation day, mas lalong umugong ang tungkol sa pagkagusto niya sa akin.
Ang mga dating hindi nakakakilala sa akin ay nakilala ako. Ang mga dating matataas ang batch na hindi ako pinapansin ngayon ay tinataasan na ako ng kilay.
Suddenly, I became a campus eye catcher.
"Hay nako Miarie hayaan mo ang mga inggiterang palaka! Hindi lang sila pinapansin ni V! Hindi lang nila matanggap na sa'yo nahumaling iyon!" Halakhak pa ni Simie.
Napanguso ako. Paano ko hahayaan kung kinakabahan ako tuwing may lumalapit sa akin at parang binabantaan ako. Ayaw kong mapaaway at mapapunta si Nanay dahil lang sa gulo.
Naalala ko pa iyong huling may humarang sa akin na tatlong babae sa may corridor.
"Hoy bata huwag kang masyadong umaasa. Pinagtitripan ka lang ni V. Hindi ka maganda baka magfeeling ka talaga." Insulto pa sa akin na gaya niyang grade ten din. Wala akong ideya kung kabatch lang niya ito o kaklase.
Hindi ko alam bakit ang laki ng problema nila sa akin. Wala naman talaga sa akin iyon. Sila lang naman nagbibigay ng sobrang malisya sa atensyon na binibingay niya sa akin.
"Sumagot ka pipi ka ba? Wala kang respeto sa matanda sa'yo." Singit din ng isang babaeng kasama nila.
Kapag sumagot naman ako siguradong sasabihan nila na wala akong respeto. Saan ko ilalagay ang sarili ko sa mga taong ito?
"Hoy panget! Ang bata mo pa pero kumekerngkeng kana!" Tudyo pa ng isa.
Bumuka ang bibig ko para sana magsalita pero hindi natuloy sa ingay ng mga paparating. Nahinto ang tawanan ng mga kasama niya sa saktong pagtama ng mga mata namin. Iniwas ko agad ang tingin sa kanya dahil sa inis na nararamdaman.
"Anong nangyayari dito?" Borito niyang tanong sa babaeng mukhang pinuno nila. "Shelly?"
"I-Ikaw pala, V.." halata ang kaba nitong babae sa biglang pagdating niya. Ramdam kong tumingin siya sa akin pero hindi ko na ulit sinalubong ito.
"Aalis na po ako mga Ate." Iyon na lang ang sinabi ko at walang tingin pa rin sa kanya na umalis na roon.
Iyon na rin ang huling beses na hinarangan ako. Natapos naman ang unang taon ko na naging matiwasan. Nang tumapak kami sa grade eight ay nawala ang usapan sa amin. Maliban kasi sa minsan na lang na magtapat ang landas namin ay may napabalita na siyang kasintahan, si Daicerie na isang transfer student.
Naging pabor sa akin ang naging balitang iyon. Tuluyang nawala ang tungkol sa pagkagusto niya sa akin at muling bumalik sa dati ang buhay ko bilang estudyante.
"Gaga hindi naman yata naging sila. Itong maharot na Daicerat lang ang panay dikit nang dikit kay V." Saad ni Simie na maarteng nagpapaypay sa pulang abaniko niya.
"Paano mo naman nalaman, aber? Alam mo pa ba ang pambababae niya kung nasa kabilang building na siya?" Tanong ni Gwen na sumulyap pa sa akin.
Napabuntong hininga na lang ako dahil masyado silang apektado. Katanghaliang tapat at nasa paboritong pwesto kami sa ilalim ng puno habang hinihintay ang oras sa susunod naming klase.
"May papable ako sa senior high ano ka! Sa kanya ko nalalaman ang lahat!" Pumalantik ang mga matang sagot ni Simie.
"Bakit close ba si V at iyang papable mo para malaman niya lahat ng ginagawa nun?"
Pagod akong sumubsob sa mga brasong nakapatong sa batong mesa. Mas gusto kong damhin ang hangin ng paligid kesa makinig sa kanila. Nagpatuloy lang sila habang ako ay inaabala ang sarili sa posibleng pag-idlip kahit sandali.
Nasa grade eleven na ang tinutukoy nila kaya hindi na parehas ang gusaling tinatapakan namin. Nasa harapang gusali ang mga junior high samantalang nasa likuran naman ang para sa mga senior.
Iyon na lang din ang huling beses na narinig ko silang nag-usap tungkol sa kanya. Mabilis lumipas ang mga araw at muling natapos ang kasalukuyang taon.
Nang magbakasyon ay umuwi kami sa Lagrono, ang lugar kung saan kami nakatira nila Nanay bago kami lumipat sa San Alfonso. Kailangan asikasuhim ni Nanay ang iilang lupa na nasa pangalan ni Tatay.
Mula ng mamatay si Tatay Manzo dahil sa pagguho ng minimina nila ay ayaw nang manirahan ni Nanay dito. Gaya ko ay alam kong masakit pa rin sa kanya ang biglaang pagkawala ni Tatay.
Sa San Alfonso lumaki si Nanay kaya tuluyan na kaming lumipat doon pagtapos ko sa elementarya. Marahil ito na rin ang magiging huli naming punta dito dahil ipagbibili na ni Nanay ang lupain at bahay namin dito.
"Maiba ako. Nakita ko sa may sentrong bayan si V. Aba! May kasamang magandang gerlalu!" Medyo natigilan ako sa balita ni Simie.
Kasalukuyan ko silang kausap sa mumurahing phone na binili ni Nanay para sa akin. Hindi ko alam kung saan ako natigilan, sa muling pagbanggit nila tungkol sa lalaking iyon o dahil sa kaalamang babaero nga ito.
"Ay hindi na iyong Daicerat? Bagong kalandian? Maganda ba, baks?" Rinig kong tanong ni Gwen na kasama niya sa araw na iyon.
"Oo, ganders ng ate mo at mukhang shala rin!" Mangha pang sagot ni Simie. Ang sabi niya ay maganda at mukhang sosyal iyong babae. Tamad na napatingin na lang ako sa kapatid ko, si Michaela, na abala sa pagkukulay sa libro niya. Mas matanda ako ng pitong taon sa kanya, kasalukuyang nasa elementarya na siya sa ngayon.
"Ay ganoin?! Baka sugah mameh, baks?!" Pagpapatuloy ni Gwen at parang nakalimutan na nilang kausap pa nila ako.
"Wititit, inday! Bata pa at mukhang magkakilala sila!"
Hindi ko alam paano na natapos ulit ang usapang iyon. Basta ang tanda ko ay usapan pa rin nila ang lalaking iyon bago ako nagpaalam na may gagawin. Hanggang sa huling linggo ng bakasyon ay nanatili kami sa Lagrono. Dito na rin kami bumili ng mga gamit namin sa panibagong pagpasok sa eskwelahan.
Maaga ang dating ng mga estudyante sa unang araw ng pasukan. Maingay ang paligid dahil sa pagtingin ng mga sections na nakadikit sa malaking bulletin board.
Nakita ko na ito kanina, ganoon pa rin naman at magkakasama ko pa rin sila Simie at Gwen.
"Ay taray! Level up, Rie! May pabangs at paheadband ka na!" Asar ni Simie na bahagya pang hinila ang buhok ko kaya napatingin ako sa kanya.
Nakapila na kami para sa opening ceremony ng taon. Parehas ang linya namin ni Gwen habang siya sa linya ng mga lalaki na katabi lang din. Dahil matatangkad kaming tatlo ay nasa bandang dulo kami ng linya.
Buong bakasyon nila akong hindi nakasama kaya mukhang manggugulo sila sa bagong ayos ko. Tuwid ang itim kong buhok. Papagupitan ko sana pero si Nanay ay mas gustong manatiling hanggang bewang ito. Sa halip, ang dati kong bangs noong elementarya ang muli niyang pinabalik.
"Mas bagay sa'yo ang ganyan, anak. Mas nadedepina ang mga mata mo." Magiliw pa niyang sabi ng araw na iyon.
Binilhan din niya ako ng headband para may palamuti naman daw ang buhok ko at hindi magmukhang walang buhay.
"Nako Rie inggit lang iyan sa headband mong pink--Aray!" Si Gwen pero agad sinabunutan ni Simie.
Hinayaan ko silang magsabunutang dalawa pero ilang segundo lang ay nagulat ako sa bahagyang tili ni Simie.
"Ay sila V nakatingin dito!" Kilig niyang sabi saka mabilis na lumipat sa linya namin.
"Nasaan baks?!" Tanong ni Gwen nang makabawi sa harutan nila. Hindi agad sumagot si Simie dahil kinuha ng baklita ang headband ko sa buhok.
"Simie!" Agaw ko pabalik pero naiwas niya sa akin. Nagulo ang buhok ko dahil doon.
"Ayun oh!" Walang pakundangan na turo niya kay Gwen pero hindi ako tumingin at pinagpatuloy ang pagkuha sa headband ko.
"Nakatingin nga! Mas gumwapo sila, baks!" kilig ni Gwen sabay kuha ng headband rin kay Simie at agad sinuot. Nakakainis ang dalawang ito! Dahil sa nakagitna sa amin si Simie ay mas lalo kong hindi makuha iyon.
Sinikop ko sa kamay ang buhok ko at wala sa sariling napatingin na lang din sa mga tinutukoy nila. Nasa bandang dulo nag linya ng mga grade twelve. At dahil matatangkad sila ay nasa dulo rin ang magbabarkada.
Mabilis na umawang ang labi niya nang magtama ang mata naming dalawa. Ilang segundo siyang nakatitig bago siya inasar at inakbayan ng isa sa barkada niya. Nakangiting nailing siya bago binasa ang labi at muling tumingin sa direksyon ko.
"Muling ibalik!" Nginig na alog ni Simie ang balikat ko.
Kabado at nakanguso na lang na binalik ko ang atensyon sa harapan. Alam kong hindi ako titigilan ng baklitang ito kapag pinatulan ko. Natapos ang tagpong iyon at mabilis na lumipas ang unang linggo ng klase. Hindi naman din mahirap ang pagbabago dahil halos kaklase ko rin naman iyong dati.
"Miarie sigurado ka ba?" Alalang tanong ni Kathara sa akin.
Kasalukuyan kaming nasa gilid ng gymnasium kung nasaan ang lababo at mga gripo. Hinuhugasan namin ang mga watering can na ginamit namin sa pagdidilig ng mga halaman sa gilid ng corridor kanina.
Cleaners kami at halos palubong na ang araw kaya tinakasan na kami ng mga magagaling naming kaklase. Kami na lang dalawa ang naiwan kasama sila Gwen at Simie na nanatili naman sa loob ng silid.
"Ayos lang talaga, Kathara. Sige na ako ng bahalang magbalik ng mga ito sa equipment room." Ngiti kong baling sa kanya matapos kong hugasan ang hawak.
Apat na malalaking watering can ang hinuhugasan namin. Konting alis lang naman sa mga putik ay ayos na ang mga ito.
"Pero babalikan mo sigurado ang iba pa. Malayo pa naman ang lalakarin mo."
"Ayos lang. Kasama ko naman sila Gwen kung medyo madilim na makauwi. Kayo ni Devan ang hindi pwedeng gabihin sa dadaanan ninyo."
Sa likod ng eskwelahan sila dumadaang magkapatid. May shortcut na daan doon malapit sa kanila pero mapuno at delikado kapag madilim na. Hindi gaya sa amin nila Gwen na pwedeng magtricycle at sementadong daan ang dinadaanan pauwi.
"Salamat talaga, Mairie. Hayaan mo babawi ako sa'yo sa susunod na linggo." Nakangiting tinitigan ko siya.
Kathara is our number one achiever. Maliban sa matalino at mabait ay napakaganda rin. Hindi mo aakalaing simpleng buhay lang din ang pinagmulan dahil sa itsura niya. Mas lumutang ang ganda niya sa PE uniform na suot. Biyernes ngayon kaya parehas kaming nakasuot ng kulay asul na jogging pants at asul na may halong puting shirt. Parehas din nakapusod ang mahahabang naming buhok, pinagkaiba lang siguro ay ang bangs ko.
"Ingat kayo." Saad ko bago ang huling kaway niya sa akin.
Napangiti ako nang makita si Devan na halos patakbong lumapit sa kanya. Ilang segundo silang may usapan bago kuhanin ng lalaki ang bag niya saka tuluyang umalis. Nang mawala na sila sa paningin ko ay binilisan ko na ang paghuhugas sa mga gamit para makauwi na rin.
Umihip ang hangin kaya nagulo nito ang bangs ko. Napanguso ako. Kung binalik lang ni Gwen ang headband ko sana hindi natutusok ang mga mata ko tuwing nagugulo ito.
Simula ng kunin niya ito sa akin ay hindi na niya binalik. Pinagmalaki pa niya kay Nanay noong bumisita sila sa bahay na suot niya ito.
"Sige. Bibilhan ko na lang ulit si Miarie niyan." Natutuwang sabi pa ni Nanay sa kanya.
Muling umihip ang hangin pero ngayon may kasabay na itong mga boses galing sa mga taong lumabas sa gymnasium. Napatingin ako sa kanila na mukhang katatapos lang maglaro ng basketball.
"Ang galing mo pero bakit hindi ka sumali sa basketball team noon? Nakakahinayang!" Nakilala ko ang boses na iyon, si Lawrence, isa sa mga barkada niya.
"Pampalipas oras ko lang talaga, Rence. Saka mas hilig kong isanay ang mga players." Sagot niya sa kaibigan. Bigla akong kinabahan sa hindi malamang dahilan kaya ibinalik ko ang mata sa ginagawa.
"Pampalipas oras na naman? Nako! Noong lunes hindi ka pumasok ng ilang oras! Sabi ni Tiya Suzan nakita ka niya sa sentrong bayan ah! Anong ginawa mo doon? May kinatagpo kang babae no? Pampalipas oras mo din, V?" Ingay noong Banok, bagong sali sa barkada nila.
"Really? Sinong kinatagpo mo doon, V?" Iyong Cannix. Pinakatahimik at seryoso sa kanila.
"Wala. May binili lang ako." Simpleng sagot niya bago ang tunog na pinatalbog na bola. Umihip muli ang malakas na hangin.
"Ano naman binili mo--." parang dinala nang umalis na hangin ang tanong ulit sana ni Lawrence.
Mas lalo akong kinabahan nang matantong nakita na nila ako. Nahagilap ng mata ko ang tingin nila, at sa huli ang titig niya. Sa sobrang kaba ko ay mabilis akong umiwas muli. Nataranta akong nilinis ang natitirang watering can.
Iilang mahihinang asaran at tawanan pa ang narinig ko mula sa kanilang grupo bago tuluyang nawala ang mga ito. Inabala ko lang ang sarili sa paghugas. Kaya lang, papatapos pa lang ako nang marinig kong bumukas din ang katabing gripo at may naghugas ng kamay.
"Uh, kailangan mo ba ng tulong?" Ang boses niya ang humalo sa tahip ng puso ko.
Ito ang unang pagkakataon na makakausap ko siya, na kaming dalawa lang. Naging malikot ang mata ko, hindi alam kung titingin sa kanya o hindi.
"H-Hindi na. Kaya ko naman." Mahina kong sagot.
"Tutulungan na kita para hindi mo na kailangan na balikan pa ang iba. Hindi mo kayang bitbitan iyang apat." Natahimik ako roon.
Sa totoo lang pwede akong magpatulong kila Simie at Gwen pero kailangan ko pa silang puntahan at mas tatagal lang. Ang tulong na ibinibigay niya ay ang mas perpekto para mapabilis ako sa ginagawang ito. Nang hindi ako sumagot ay kinuha na niya ang tatlong watering can, naiwan ang isa sa akin.
Sobrang katahimikan ang bumalot sa amin sa paglakad. Tanging tunog ng yapak at mga dahon sa puno ang naririnig. Medyo malayo rin kami sa isa't isa kahit pa pantay ang paglakad namin.
Bawat segundo mas dumodoble ang kaba ko. Ramdam ko ang mga iilang tingin niya sa gawi ko pero nanatiling sa harapan ang mata ko. Akala ko walang katapusan buti na lang narating din namin ang lugar.
Iniilagay namin sa equipment room ang mga watering cans na nagamit bago rin siya nagprisinta na isarado ang silid. Ang huling liwanag ng araw ay tumama sa mukha niya nang humarap siya sa akin pagkatapos.
"Salamat sa pagtulong." Mahina kong pasasalamat.
"Wala iyon, Miarie.."
Pinigilan ko ang mapapitlag sa unang beses na pagkabanggit niya sa pangalan ko. Bahagya niyang binasa ang labi at bahagyang ngumiti sa akin. Tumikhim ako at inalis ang titig sa kanya.
"Sige alis na ako. Salamat ulit." Huli kong sabi at tatalikod na sana pero muli niya akong tinawag.
"Miarie.."
"Uhm?"
Inalis niya sandali ang tingin sa akin at mabilis na binuksan ang bag para may kunin dito. Lumitaw sa paningin ko ang pulang plastik. Muli siyang tumitig sa akin bago inilahad ito. Naguguluhan man ay kinuha ko iyon at sinilip ang laman. Umawang ang labi ko.
"Tanggapin mo sana. Kung hindi mo gusto pwedeng itago mo na lang." Usal niya bago napakamot sa batok.
"S-Salamat.." Iyon nalang ang huling nasabi ko bago tuluyang umalis. Bakit ganito kabilis ang tahip ng puso ko? Nakakapanghina.
"Hoy babaita bakit ang tagal mo?! Gora na tayo!" Salubong ni Simie pagdating ko sa silid namin pero wala na doon ang atensyon ko.
Nasa lalaking iyon at sa.. bigay niya. May headband na ulit ako..