Kabanata 2

1812 Words
Puti at gawa sa manipis na bakal ang headband. Mga mililiit na bulaklak at perlas ang pangunahing desenyo. Kabado ako pagdating ng lunes dahil suot ko ito. Nakalimutan kong may flag raising ceremony pala at siguradong nasa linya siya mamaya. "Hoy, inday! Ano pang tinatayo mo pa riyan? Tara na sa linya! Sayang iyang papearly headband mo kung hindi ka pipila!" Napalunok ako sa paghila ni Simie sa akin palabas. Pilit kong pinapanatag ang sarili kaya nagawa kong makapila sa linya. Teka, bakit nga ba ako kinakabahan? Wala lang naman ito. Wala pa si Gwen pero buti na lang bago pa magsimula ay dumating si Kathara kaya may nakasama ako sa bandang harapan ko. Mabilis lang naman ang naging pormal na seremonya bago ang iilang anunsyo. Maingay na ang mga istudyante noong may nagsasalita na sa harapan para sa darating na aktibidades ng eskwelahan. Napansin kong nakaharap na si Kathara sa akin pero ang mata niya ay nasa direksyon ng linya ng mga grade twelve. Noon ko lang natantong grade twelve na rin pala si Devan. Pasimple akong tumalikod sa linyang tinitingnan ni Kathara pero narinig ko ang boses niya "Huh? Sino?" Mahina niyang tanong sa kausap sa malayo bago unti unting napatingin sa akin. Napakurap ako nang inosente siyang tumitig sa akin bago ngumiti. May namumuo ng ideya sa isip ko na ayaw ko sanang isaboses pero dahil hindi naalis ang tingin ni Kathara sa akin ay hindi ko na napigilan. "B-Bakit?" Tanong ko habang bumibilis ang tahip ng puso. "Uh.. eh pinapaharap ka nila doon." Mas sumikdo ang puso ko sa sinabi niya. Muli siyang tumingin nang mabilis sa linya nila Devan bago alanganin muling ngumiti sa akin. Ilang segundo akong hindi nakagalaw dahil mukhang hinihintay niya ang gagawin ko. Sa huli, natagpuan ko na lang ang sariling humarap na rin sa linya ng mga grade twelve. Sa segundong napaharap ako sa kanila ay biglang umugong ang ingay. "Ikaw ang nagbigay?" Ingay noong Banok na may asar sa tono saka nagkatulakan ang magbabarkada. Dahil sa ingay nila, naagaw ang atensyong ng mga ilang nasa ibang pila..pero ang atensyon ko ay nanatili sa kanya na walang kurap na nakatitig din sa akin. Para bang minememorya ang kung ano habang may tagong ngiti sa labi. "Anetch iyan mga inday?!" Singit ni Simie sabay lipat sa linya namin. Napaiwas agad ako ng tingin sa kanya habang napahagikgik na lang si Kathara. Mabuiti na lang bago pa makasagap si Simie sa nangyari ay natapos na ang anunsyo kaya nagmadali akong umalis doon. Nagpatuloy ang pangkaraniwang araw sa amin. Tinanghali sa paggising si Gwen kaya sa kanya nalipat ang atensyon Simie. "Puyat na puyat 'teh? Saan ang awra mo kagabe?" Taas kilay niya dito. May dala pa siyang nail file at abala sa pagpapaganda ng kuko niya. "Hindi ako umawra, gaga! Napuyat ako sa dami ng nirereview!" Balik na sagot ni Gwen at sumubsob pa sa armrest ng upuan saka pumikit. "Echos! Mamatay na lahat ng kuko ko hindi ka magrereview, ineng!" Sa araw ngang iyon ay naging sunud sunod ang mga pagsusulit namin. Halos walang pahinga kahit pa nagsisimula pa lang ang klase. "Dalawang linggo pa lang pakiramdam ko natutuyot na ang utak ko." Si Gwen nang lumabas na kami para sa tanghalian. "Ayos na matuyuan ng utak huwag lang ang puday mo." Hirit nanaman ni Simie sabay tawa pa ng malakas. Maingay ang dalawa habang naglalakad kami papunta sa dating pwesto sa ilalim ng puno. May dala rin kaming sariling baon kaya hindi na kailangang makipagsiksikan para makabili. Si Nanay mismo ang gustong nagbabaon ako. Siya rin mismo ang nagluluto para raw masisigurong niyang masustansya ang kinakain ko. Isa si Nanay sa tagaluto ng pagkain ng mga tauhan sa Hacienda Salvatore. Iyon ang isa sa malalaking hacienda dito sa San Alfonso na pagmamay-ari ng isang gobernador, si Gov. Amando Salvatore. Ang Inay ni Gwen na si Tita Gina ay tauhan din sa naturang hacienda kaya nagagawa naming mamasyal doon. Ang magulang naman ni Simie ay may pwesto sa sentrong bayan na damit ang mga pangunahing tinda. Habang kumakain ay umusad ang usapan hanggang sa mapunta ito sa pagyayaya ni Gwen na maligo sa talon. "Kapag wala nang masyadong ginagawa ay pumasyal tayo roon. Matagal na rin noong huli tayong nakaligo sa talon." Agad naman akong umayon sa kanya. Papayagan naman ako ni Nanay dahil noong huling bakasyon ay hindi ko sila nakasama. Mainit din ang panahon kaya siguradong masarap magbabad sa malamig na tubig ng talon. Pagkatapos ng tanghalian, may tatlo pa kaming pagsusulit bago ang pag-uwi namin. Ang unang dalawang oras sa hapon ay magkasunod naming pinasukan. Ang mga libreng minuto sa pagitan ng mga oras na iyon ay nagawang yayain ni Gwen sila Kathara sa balak na pagpunta sa talon. Agad naman pumayag si Kathara at isasama niya ang mga kaibigan na sila Poleng at Benz, na kaklase din namin. Iyon ang pinagkaabalahan namin bago ang isang oras na vacant. Muli kaming lumabas at bumalik sa pwesto namin sa ilalim ng puno. Dito namin palilipasin ang isang oras bago ang huling pasok. Nagkalat ang iilang libro at papel sa batong mesa. Abala ang dalawa kong kasama habang nakatingin lang ako sa kanila.  "Miarie patingin nga ng sagot mo," kunot noo na sabi ni Gwen. May sinasagutan kaming libro at nauna akong matapos sa kanila. "Nako! Pasimpleng kopya 'teh!" Inis ni Simie na tumingin na rin sa kanya. "Compare and contrast kase, gaga!" napahalakhak si Simie sa sinabi ni Gwen. Natatawang inabot ko na lang sa kanya ang kuwaderno ko. Habang abala sila ay naabala rin ako sa paligid. Wala akong ideya kung ilang minuto akong nakamasid sa lugar. Kung hindi pa tumili si Simie ay hindi ko alam kung anong nangyayari. "Ay! May mga gwapo akong nakikita! Papunta yata sila dito!" Parang nabudburan na naman ng asin sa pagharot sa upuan. Agad kaming napatingin sa direksyon na tinutukoy niya. Mabilis akong kinabahan nang makita siya at ang barkada niya. Sa klase ng lakad at tingin nila ay mukhang papunta nga sila sa amin. "Ay! Maayos pa ba buhok ko, baks?!" Si Gwen na nataranta na din. Sa sobrang gulat namin hindi na ako nakagalaw at napatingin na lang sa kanila. Bumilis ang tahip ng dibdib ko sa direktang titig niya sa akin. Sa tabi niya si Lawrence na nakangiti habang kumakain ng kung ano. Si Cannix ay tahimik lang na nakasunod sa likod, si Banok ay may hawak na mga papel. "Hi sa inyo. Hi Miarie." Si Lawrence na may ngisi sa labi kahit na kumakain. Napapitlag ako nang huminto siya sa tabi ko. Katabi niya si Lawrence na tabi naman ni Gwen. Sa tabi ni Gwen sila Banok, Cannix at si Simie na kumikinang ang mata sa mga dumating. "Pasensya na kung maabala namin kayo. May papasagutan lang kami para lang sa maayos na pag-aaral namin." Nangingiting sabi ni Banok saka nagbigay ng papel para sa amin. "Ano ba itech?" Tanong ni Simie. Dahil malapit siya kay Banok ay siya ang unang nakakuha ng papel at sinuri. Kumuha si Gwen at nagbigay na rin siya sa akin. Kabado ako dahil ramdam ko ang mata niya na nakatuon sa gawi ko. "Thesis?! Aba naman ang aga naman yata nito? Wala pang isang buwan ang klase ah?!" Palatak ni Simie. Tiningnan ko ang papel at isa nga itong questionnaire para sa thesis. Ayon sa problema ay iyong epekto ng mobile gaming sa akademikong kakayahan ng mga mag-aaral. "Ganyan kami kasipag! Maaga kami kaya huwag ka nang magtanong pa at sumagot ka na lang." Patuloy ni Banok. "Sa inyo ba ito? Bakit last year pa ang petsa--." hindi na natuloy ni Gwen ang sinasabi dahil nilagyan ng tinapay ni Lawrence ang bibig niya. "Hay huwag ka ng maraming tanong. Sumagot ka na lang." Sinamaan lang siya ng tingin ni Gwen pero hindi na nagsalita. Nagkibit balikat ako saka isang beses pang napasulyap sa kanya . Abala na siya ngayon sa phone niya kaya umiwas na rin ako ng tingin para pagtuunan ng pansin ang papel galing sa kanila. Nagsimula kaming sumagot tulad ng gusto nila. Tahimik ang lahat pero noong nasa kalagitnaan na kami ng pagsagot ay nagulat ako sa biglang pagkislap ng kung ano. "s**t!" Mahina pero madiin niyang mura. "Hay tangina V bakit hindi mo tinanggalan ng flash?!" Biglang asik ni Banok. "Bakit ba ako nasasali sa kahihiyang ito?" Si Cannix na agad tumalikod at nakakamot batok na umalis. "Gago panira ka ng plano!" Sikmat ni Lawrence sabay kuha ng mabilis sa mga papel na sinasagutan namin. Sa isang iglap nawala silang magbabarkada at nagmamadaling hinila pa si Ergos paalis sa amin. "Hoy ano iyon?! Kinukuhanan ninyo ng litrato si Miarie?!" Eskandalong tanong ni Simie sa kanila papalayo habang tumatawa ng malakas. "Nakakahiya kayo!" Sigaw din ni Gwen saka nakisabay sa malakas na tawa ni Simie. Uminit ng sobra ang pisngi ko sa sobrang kahihiyan na hindi ko alam kung para saan. Kukuhanan sana niya ako ng litrato! Dahil sa pangyayaring iyon, muling nabalik ang asar ng mga kaibigan ko sa akin. Hanggang sa makauwi ay walang ginawa sila Simie at Gwen kung hindi asarin at mas hiyain ako. Buong linggo na naging ganoon ang sitwasyon. Hindi ko na lang pinansin ang dalawa hanggang sa sumapit ang araw ng sabado, ang araw na napagkasunduan naming pagligo sa talon. Humupa ng kaunti ang nangyari dahil pinaghandaan namin ang pagpunta sa talon. Nagpaluto kami ng ilang putahe kay Nanay na dadalhin namin. "Diyan na lang sa iyo Gwen para hindi na kami magbibitbit ng bag." Saad ko nang ilagay ang damit na pagpapalitan namin ni Simie. Malaki ang bag niya kaya doon namin nilagay ang gamit namin. "Shogal mga inday! Keribels na iyan! Taraletz na!" Atat ni Simie at lumabas na ng bahay. "Sa may gubat na lang daw natin hintayin sila Kathara. May alam na daan si Devan para mas mapalapit tayo sa talon." Imporma ni Gwen habang naglalakad kami. Mabilis naman kaming pumasok sa likod at tinahak ang medyo malagubat na lugar. Hindi naman nakakatakot dahil maliwanag pa.  Nang sa wakas ay makita namin ang may malaking puno ng molave ay huminto kami para dito hintayin sila Kathara. May malinaw na bakas ng daan sa lupa kaya alam kong dinadaanan talaga ito. Abala ako sa pagtingin sa naturang puno nang marinig na namin ang pagdating nila. "Nandito na kami!" Magiliw na salubong ni Kathara sa amin. Napangiti ako pagkakakita sa kanila pero agad din napalitan ng gulat dahil sa mga nasa likod nila. Ang mga tawa at tili na lang nila Simie ang nagpatunay na hindi ako namamalikmata "Kaya pala inimbitahan mo ang sarili ah." parinig ni Lawrence. "Kaya pala nagpaluto.." segundo ni Banok. "Kaya pala nanggulo sa atin." tudyo din ni Cannix Unti unti kong naramdaman ang pag-init ng mukha ko. Niyaya namin si Kathara, nakalimutan ko na siguradong sasama din si Devan.. kaibigan naman ni Devan ang mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD