Panay ang siko at makahulugang ngiti ni Simie sa akin sa paglalakad namin. Wala na ang mga bitbit namin dahil kinuha na rin nila. Nagpresinta ang magbabarkada na sila na ang magbuhat ng mga ito hanggang sa talon.
"Ganders mo ‘teh! Iba ang powers ng antok mong mga mata. Isang Ergos Vecchio ang nahumaling." Asar ni Simie bago pa ako muling tinulak.
"Kaya nga nagpupuyat ako kada gabi. Baka sakaling pumungay din ang mga mata ko at makabingwit ng gwapong isda." Hagikgik ni Gwen na pasimpleng tumingin pa sa mga nasa likuran namin.
Habang abala sila sa pang-aasar sa akin, rinig ko rin ang iilang mga asar ng barkada niya sa kanya.
"Kay Miarie lang rurupok--Aw! Tangina V ang sakit ah!" Si Lawrence sabay tawa ng iba pa nilang barkada.
Ganoon ang nangyari sa buong paglalakad namin. Mabuti na lang at mas malapit nga ang alam na daan ni Devan. Agad nalipat sa talon ang atensyon ng lahat nang maaninig na namin ito.
Malaki ang kabuuan ng talon. Mataas ang pinanggagalingan ng tubig, sa baba ay malaki din ang pabilog na pinagbabagsakan ng malinaw na tubig. Pinalilibutan ito ng mga puno na may baging sa gilid. Hindi din mawawala ang mga iba't ibang laki ng mga bato na nakakalat sa paligid.
Sa likod ng malakas at malaking agos ng tubig ay may maliit na kuweba na pwedeng puntahan. May daan sa gilid kaya naman hindi na kailangan pang lumagoy at salubungin ang malakas na agos para mapuntahan ito.
May mga inilagay din na lubid mula sa puno na pwedeng gamitin sa pagligo. May balsa din na pwedeng sakyan kung sakaling gustong lumapit sa rumaragasang tubig. Isa ang talon ng Alfonso na madalas puntahan ng mga tao kaya maswerte kami na ngayong araw ay kami lang ang nandito.
Hindi ito ang unang beses na nakaligo ako sa talon. Simula ng lumipat kami sa San Alfonso ay may ilang beses na akong nakapasyal dito kasama sila Simie.
"Gora na mga mermaids! Sisid na us!" Si Simie na walang tigil sa kaharutan. Inilagay na muna namin ang gamit sa kawayang mesa na nakapwesto sa ilalim ng malaking puno.
"Kathara sa may mababaw ka lang maliligo." Napangiti ako sa seryosong utos ni Devan sa kapatid.
"Alam ko na iyon, Devan." Ngusong sagot naman ni Kathara sa kanya. Parehas kaming nakasuot na shirt at mahabang pang-ilalim. Ang sa akin ay maong na abot hanggang tuhod. Sa kanya naman ay mas mahaba pa.
Habang hinihintay ang ilang kasama ay napadako ang mata ko sa kanya. Agad na nagtama ang mata namin dahil mukhang kanina pa niya ako pinagmamasdan.
"Mag-ingat ka sa pagligo.." Mababaw niyang sabi na nagpakaba sa akin.
"Sus! Kunyare ka pa, V! Babantayan mo rin naman!" Pahapyaw ni Banok bago tumakbo na papunta sa talon.
Naiiling na tiningnan lang niya ang kaibigan bago muling bumalik sa akin. Binasa niya ang labi at bahagyang ngumiti.
"Tara na!" Masayang yaya ni Gwen saka na ako hinila papunta rin sa talon. Sa may bandang unahan lang kami nakapwesto. Sumama at nanatili sa malapit si Devan para bantayan si Kathara.
Labing isa kaming lahat. Si Lawrence at Banok ay nagsimula nang umakyat sa mataas na parte saka nagpapabagsak sa malalim na parte ng tubig.
Naiwan siya at si Cannix sa may mesa para bantay sa mga gamit at pagkain. Si Benz ay abala sa pagvideo at pagkuha ng litrato. Si Devan ay abala pa rin sa pagbantay sa amin lalo na kay Kathara. Ako, Simie, Gwen, Poleng at Kathara ay magkakasama nang naliligo.
"Kaloka ‘teh! Walang naghubad!" Madramang bulong ni Simie sa ilang minutong pagligo namin.
Nagkakasiyahan na lahat sa pagligo. Lahat ay nakabihis, maging ang mga lalaki. Kaya itong may binabalak na baklita ay parang nabigo sa kung ano. Mas naging masaya ang lahat sa pasiklaban nila sa pagtalon mula sa taas ng talon. Si Devan at siya lang ang hindi nakisama doon.
"Nako nahiya ka pa ah!" Asar ni Lawrence sa kanya pero nanatili lang siya sa batong kinalulugaran at nakatingin sa mga barkada.
Madalas ko rin mapansin ang mga tingin niya sa gawi ko pero minsan lang magsalubong ang mata namin. Iniiwasan kong mapatingin sa kanya dahil sa asar din ang aabutin ko kila Simie. Nahinto lang ang pagligo namin dahil sa pagkain ng tanghalian. Binalot ko ang sarili sa tuwalya at tumabi kay Kathara.
Nakatayo ang mga lalaki habang kami ang nakaupo. Abala si Devan sa paglalagay ng pagkain sa plato ni Kathara nang magulat ako sa paglalagay din niya ng ulam sa plato ko.
"Ang sasakit ninyo sa mata!" Irap na sabi ni Simie sa amin.
"Langgamin sana kayo!" Segunda pa ni Banok na kumakain kahit nakatayo.
Tumawa lang si Poleng at Gwen na nasa harapan namin. Nagpatuloy kami sa pagkain at muling nagbabad sa tubig hanggang sa sumapit na ang hapon. Lahat ay pagod na. Naiwan ang iilan sa mesa dahil nagliligpit na ng mga gamit. Nagpasya na kaming magbihis sa loob ng kuweba dahil walang tagong lugar maliban doon.
Umalalay si Devan sa paglakad namin sa gilid na daan papasok pero dahil sa harot nila Gwen ay nabitawan niya ang bag na kinalalagyan ng damit namin. Nalaglag sa tubig at tuluyang nabasa dahil sa agos mula sa talon. Natigil kami dahil dito. Sinubukan pang languyin at kunin ni Cannix ang bag pero basang basa na ito.
"Lukaret ka! Paano tayo magbibihis niyan?! Basa tayong uuwi!" hHsterikal ni Simie. Nandoon din ang damit ko.
"Miarie itong damit ko na lang ang suotin mo." Umawang ang labi ko sa paglapit na pala niya.
"Gwen itong sa akin nalang din ang suotin mo." Seryosong ring alok ni Cannix.
"Sa akin? Waley? Hello? Banok? Lawrence?" Si Simie pero tinawanan lang siya ng mga ito.
"Salamat." Nanatili lang ang titig at ang tagong pilyong ngiti sa labi niya nang kuhanin ko ang damit niya.
"Walang anuman. Masta ikaw, Miarie." usal niya. Iyon nalang ang tanda ko bago ko natagpuan ang sariling nasa loob na kami ng kuweba.
"Kayo lang ba ang karapatang lamigin?! Ang sasama ng ugali ninyo!" Walang tigil na litanya pa rin ni Simie.
Sa huli, tumigil naman din siya dahil pinaheram na lang ni Devan ang damit niya sa kanya. Malaki ang damit niya pero mas naging komportable ako dahil maliban sa makapal ay hindi makikita ang basang panloob ko.
Ang araw na iyon ay isa sa tumatak na pangyayari sa buhay ko. Hindi ko akalain na ganoon magiging kasaya iyon. Siguro dahil kasama sila at puros tawanan ang naging alaala sa araw na iyon. Isa iyon sa araw na siguradong babalik-balikan ko.
Sa sumunod na araw bumisita kami sa Hacienda Salvatore para bisitahin si Nanay. Pagkatapos kasi ng trabaho niya ay may dadaanan siyang tauhan din ng Hacienda at sasamahan ko siya. Pagkatapos namin dito ay tutuloy na rin kaming uuwi ng bahay.
"Mothership paano mo nahulma ang mata ni Miarie? Nagpuyat ka ba noong pinagbubuntis mo siya?" Tanong ni Simie na nakakapit pa sa braso ni Nanay.
Kabababa lang namin sa tricycle at ngayon ay naglalakad na papunta sa mga palayan. Ang lugar na ito ay hangganan na ng hacienda Salvatore. Hindi na ito sakop ng hacienda at pagmamay-ari ng mga simpleng tao.
"Hindi, anak. Namana ni Miarie iyan sa Tatay Manzo niya." Natatawang sagot ni Nanay at tumingin pa sa akin.
Sa aming dalawang magkakapatid, ako lang ang nakakuha ng mga mata ni Tatay. Si Michaela ay hawig na hawig ni Nanay samatalang ako ay pinaghalo nilang dalawa.
"Pero mas maganda pa rin ako sa kanya, hindi ba mother?" Tumingin pa si Simie sa akin at tinaasan ako ng kilay. Nagtawanan na lang kami sa kabaliwan niya. Natigil lang ito dahil sa pamilyar na lalaki, si Mang Romy.
Simikdo ang puso ko. Si Mang Romy ang Tatay niya. Mula sa pwesto namin ay agad ko siyang nakita sa arawan na nakamasid na rin pala sa amin. Bakit nga ba nakaligtaan ko na malapit lang ang palayan nila sa bahay ni Manang Rosing? Si Manang Rosing ang dahilan kung bakit nandito kami.
"Romy ayos na ba iyong mga putahing ipinapaluto mo?" Tanong ni Nanay pagkalapit niya. Ilang sandali siyang tumingin at magiliw na ngumiti sa amin bago sinagot si Nanay.
"Ayon na nga, Eulana. May idadagdag pa ako kaya mabuti at nadaan ka rito."
"Ganoon ba? Sige ano pa ba ang ipapadagdag mo?" Nag-usap sila habang papunta sa may lilim ng puno. May dala rin si Nanay na bag na may papel at panulat.
Pumunta kami dito para kunin ang listahan ng mga putahe kay Manang Rosing na iluluto para sa pagkain ng mga tauhan bukas. Hindi kasi ito nakapunta sa hacienda dahil sa may sakit ang anak.
"Kotang kota ka ngayong taon bruha ka!" Asik ni Simie na bahagya pang hinila ang buhok ko. Nagulo ang pagkakalagay ng headband ko kaya inayos ko ito.
Nang tumili sila ni Gwen ay doon ko nakitang papalapit na siya sa amin. Basa ang kamay at bandang paanan niya, siguro dahil sa naghugas siya sa patubig ng palayan. Mas lumakas ang tahip ng dibdib ko sa pagtingin niya sa ulo ko bago bumalik ang tingin sa mata ko. Binasa niya ang labi at parang pinipigilang sumilay ang ngiti mula doon.
"Hi yummy V!" harot ni Simie. "Dirty and hot!" walang tigil na bibig niya na tuluyang nagpangiti sa kanya.
Nakasuot siya ng damit na may mahabang manggas at kupas na pantalon. Putikan ang iilang parte ng mga ito pero hindi nakabawas sa itsura niya ito.
"Mainit. Similong kayo doon sa may puno kasama nila Tanda." Mababaw niyang usal pero sa akin nakatingin. Sandali, Tanda? Tanda ang tawag niya sa Tatay niya?
"Nako ayos lang! Sa araw na nga lang kami nakakaramdam ng pag-iinit ng katawan eh!" Si Gwen na nakisabay pa ng harot na tawa kay Simie.
Uminit ang pisngi ko sa kahihiyan sa dalawang kaibigan. Buti na lang mainit ang sikat ng araw kaya hindi siguro ito halata. May ilang segundo niyang pinagmasdan ang mukha ko, hindi niya alintana ang dalawang magugulo sa tabi ko.
"Mainit dito, Mairie. Sumilong ka.." Saad niya na matamang nakatitig.
"Ay siya lang? Favoritism.." Walang awat ni Simie pero hindi ko na din siya napansin.
Sa unang pagkakataon, nagawa kong titigan din ang mga malalim niyang mga mata. Inaamin ko, gwapo nga siya. Hindi na ako magtataka kung bakit marami ang nahuhumaling sa kanya. At hindi ko rin alam.. pero sa taong iyon ay natagpuan ko na lang na mas napalapit na ang landas namin.