Mabilis na umusad ang mga araw. Sa bilis ng mga ito ay hindi na namin napansin na halos nakalahati na ang taon ang lumipas.
"Shogal bakla! Dalian mo!" sigaw ni Gwen kay Simie na nahuhuli na sa paglalakad.
"Teka lang makyonget ang mga kilay ko! Hindi pantay!" ganting sigaw naman ng isa habang ginuguhitan ang kilay.
"Hayaan mo na, Gwen. Huli na rin naman tayo." singit ko at binagalan na rin ang paglalakad.
Napasabunot nalang ng buhok si Gwen. Hindi na naman kasi niya makikita si Sir Graziano na crush niya sa unang subject namin. May bago pa ba? Pangkaraniwan na lang sa amin ang nahuhuli sa pagpasok. Suki na kaming maparusahan ni Mang Kiko.
Nang matapos si Simie sa ginagawa ay patakbong lakad ang ginawa namin papasok sa malaking gate ng eskwelahan. Nakatalikod si Mang Kiko kaya sinubukan naming maingat na gumalaw para sana makapuslit pero nakita rin niya kami.
"Hoy! Hoy! Hoy!" sakto sa aming tatlo ang tawag niya na may kasama pang pagturo.
"Mang Kiko sobrang gwapo ho ninyo ngayong araw--."
"Hay huwag mo akong bolahin, Gwen! Kayo na naman?! Hindi na kayo nagsawa na maparusahan!" napabusangot si Gwen dahil sa putol na sermon ni Mang Kiko.
"Wa epek, inday." ngiwing bulong ni Simie.
"Hala sige dating gawi! Ikaw Simeon push up posisyon parin ang sayo!" utos niya sa amin.
"Mang Kiko naman eh! Hindi ako nagkilay ng maayos para magpush up posisyon! Kaloka lumalaki na ang braso ko doon!" drama niya na may pilantik pa sa daliri.
"At malamang ikaw ang dahilan kaya nahuli nanaman kayo!" singhal pabalik nito sa kanya.
Napatango na lang kami ni Gwen habang binababa ang bag namin sa gilid. Umaktong pupwesto na sana kami ni Gwen sa sahig pero nahinto dahil sa mga dumating din.
"Aba kayo rin, ah! Talagang naghahabulan kayo sa unang pwesto ng mga nahuhuli sa klase!" litanya ni Mang Kiko pero ako natulala na.
"Hay nako kaya naman pala.." si Lawrence na sinabayan pa ng iling.
"Kawawa sa’yo, Vecchio.." si Banok sabay tingin niya sa katabi kaya napadako din ang mga mata ko sa kanya.
Magulo ang basa niyang buhok. Bagay ba bagay ang puting uniporme sa kanya habang tamad na nakasabit ang itim na bag sa balikat. Sinalubong niya ang tingin ko na bahagya pang ngumiti.
"Magandang umaga sa inyo. Nagpahuli este nahuli rin kami." tawang imporma ni Lawrence.
"Pagkatapos ng batian ninyo ay isulat ninyo ang mga pangalan at pumwesto na kayo. Alam na ninyo ang gagawin. Ilang taon na ang nakakalipas pero hindi pa rin kayo nagbabago." sermon pa rin ni Mang Kiko.
"Nako Mang Kiko hindi talaga magbabago ang pagkagusto ng isa.." mahina man ay nadinig ko iyon mula kay Lawrence. Nawala lang ang atensyon ko doon dahil sa pagbaba na din nila ng bag malapit sa amin.
"Magandang umaga, Miarie.." usal niya nang makalapit sa akin. Sa sobrang kaba ko simpleng ngiti lang ang nagawa ko.
"Ako wala?" singit ni Gwen.
"Magandang umaga, Gwen." tawa ni Banok na kinanguso ng isa.
"Mang Kiko sige push up posisyon na rin pala ako. Tanggap ko na!" maharot na hirit ni Simie saka gumitna sa mga lalaking magpupush up.
Kami naman ni Gwen ay naiiling na lumuhod na lang at itinaas ang dalawang kamay. Sampung minuto lang naman mananatili ito pero nakakangawit pa rin. Isa ito sa paraan ng San Alfonso High School para mabawasan ang mga nahuhuling pumasok. Ayos lang naman ito sa amin dahil natuturuan kaming madisplina ang sarili pagdating sa oras.
Pagkatapos ng sampung minuto ay mananatili pa kami sa upuang bakal sa gilid hanggang sa matapos ang unang klase. Kaparusahan ito at para hindi rin maabala ang klase sa pagdating namin.
Dahil sa ganito sistema kaya umugong ang pagkakagusto niya sa akin. Sa totoo lang, hindi ko siya napapansin sa unang pasok ko dahil nasa pag-aaral at sa kaharutan nila Simie nakatuon ang atensyon ko. Kung hindi ko lang narinig ang pagsasalita ni Lawrence noon ay hindi ko mapapansin na madalas din pala silang nahuhuli sa klase.
Sa sampung minuto ay miminsan na nagtatama ang paningin namin. Kung hindi lang nanggugulo si Simie sa kanya baka hindi niya tatanggalin ang titig sa akin. Matapos ang sampung minuto, pare-pareho kaming nagsulat sa log book ni Mang Kiko bago naupo na sa gilid.
Hindi naman nakakainip ang paghihintay sa oras dahil may ginawang kaharutan si Simie. May nakita siyang baton sa lost and found area na malapit lang sa mesa ni Mang Kiko. Hiniram niya ang baton at sa mismong harapan namin ay nagbaton twirling siya. May mga sayaw at gymnastics pa siyang ginawa kaya tumatawa lang kami.
Sa kalagitnaan ng pagtawa namin ay nahuli ko ang titig niya sa akin. Agad akong nahinto at napatitig din sa kanya. Binasa niya ang labi at muling ngumiti sa akin.
"Tangina, V! Huwag naman lantaran ang masyadong pagkakahumaling mo! Nakakahiya na rin minsan!"
Uminit ang mukha ko dahil sa parinig ni Lawrence na iyon. Umiwas agad ako ng tingin at nagkunwaring nanunuod lang sa kaharutan ni Simie.
"Mahuhumaling talaga lalo na ako ang sumasayaw sa harapan!" walang pakielaman na singit ni Simie at talagang kumendeng pa sa harapan nila.
Mas lalong nagtawanan ang lahat. Nanatili naman akong iwas ang tingin dahil sa sobrang paghuhuramente ng puso ko dahil sa kanya. Bago tinapos ni Mang Kiko ang parusa namin ay naging usapan din nila ang isang basketball match bukas kalaban ang ibang eskwelahan.
"Kasama ka ba sa practice game na iyon, V?" dinig kong tanong ni Banok.
"Hindi ko pa alam. Hindi naman ako kasama sa team. Pero kung practice game iyon ay baka isali ako ni coach Ynard. Para makita din niya ang kakayahan ng mga dadayo." rining kong sagot niya.
"Miarie manuod ka bukas. Sigurado kahit hindi kasali itong si V agad papasok ng court kapag nanuod ka!" si Lawrence na tumawa kaya nagpatingin ulit ako sa pwesto nila.
"Ay maganda iyan! Manunuod kami!" si Gwen ang sumagot. Tumatawang tumingin si Lawrence sa kanya at sinabing hindi siya niyayaya kaya napabusangot ang kaibigan ko.
"Ano Miarie? Punta ka?" udyok ni Banok.
"Uh.. sige kung wala kaming klase," mahina kong sabi at muling napatingin sa kanya. Nakatingin din siya, awang ang labi at parang hinihintay din talaga ang sagot ko.
"Ayown! Nako galingan mo bukas, Vecchio!" tawang asar pa nila sa kanya.
Kaya naman kinabukasan, atat sila Simie at Gwen sa pagpunta sa gymnasium. Sakto sa vacant namin sa hapon ang magiging laban nila sa ibang eskwelahan.
"Dalian mong babaita ka ah?! Kukuha na kami ng pwesto!" sigaw ni Simie sa akin kahit abala siya sa pagliligpit ng gamit niya.
"Oo nga. Mauna na kayo," sagot ko naman. Wala ang guro namin kanina at nagsulat lang kami. Ngayon ihahatid ko sa faculty ang gamit niya.
Sa paglalakad ko ay nakita ko Devan. Mukhang sinusundo si Kathara at baka may plano ding manuod.
Pagkabigay ng gamit ni Mrs. Sarmiento ay agad kong tinungo ang daan papunta sa gymnasium. May mga nagmamadali ding mga istudyante papunta doon. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Saktong paglabas ko sa gusali ay may lalaking lumapit sa akin.
"Excuse me. Pasensya na sa abala pero pwede bang magtanong?" huminto agad ako at tumango sa kanya. Dahil sa suot niyang jacket ay alam kong hindi siya estudyante ng SANHS. May dala siyang bag na para sa mga atleta.
"Saan ba ang daan papunta sa gymnasium?" siya at may angas na ngumiti sa akin.
"Lumiko ka lang pakaliwa tapos diretsuhin mo ang daan makikita mo na ang gymnasium." simple kong sagot sa kanya.
"Okay. Thank you," ngiti pa rin niya. Akala ko aalis na siya pagkatapos pero nagkamali ako. Nanatili siya at pinagmasdan ako. "By the way I'm Marky Ochoa, from Montessori East." pakilala niya.
"Miarie Fibarez.." simple ko ding pakilala. Kaya pala may logo ng ME ang suot at bag niya.
"Hoy Ochoa halika na! Nambabae ka na naman!" tawag ng isang lalaki na may katulad ng suot niya. Isang ngisi ang ibinigay niya sa mga kasama bago muling humarap sa akin.
"Nice to meet you. Gonna go." kumindat pa siya sa akin kaya nagsalubong ang kilay ko.
Tanging tango ang sagot ko bago tinalikuran sila. Bumalik ako sa silid namin para sa bag ko. Nang makuha ito ay nuli akong lumabas para pumunta na rin sa gymnasium.
Sa labas palang ay medyo maingay na. Nang makapasok ako ay puno ang gymnasium. Bakit ang dami? Wala bang pasok ang lahat ng mga ito? Ilang segundo kong nilibot ang paningin. Dahil sa kaharutan ni Simie ay hindi naman ako nahirapan. Nasa kaliwa sila at bandang gintang bleacher. Umakyat ako at agad nakita ni Gwen.
"Rie dali! Ang ganda ng pwesto natin kitang kita ang mga players!" hinala niya ako sa pwestong nilagyan niya ng bag. Sa linya namin ay nakaupo ang mga kabatch at kaklase din namin. Kasama namin si Ivy, na pinsan ni Gwen, si Poleng, Benz, Kathara na katabi si Devan.
"Go yummylicious! Go SAHS!" sigaw ni Simie na may pagkendeng pa.
Nakakakuha ito ng atensyon sa halos lahat kaya hindi na ako nagtaka na agad nahanap nila Lawrence ang pwesto namin. Mabilis din dumako ang paningin ko sa kanila, at sa kanya na nakajersey na. Kasali nga siya sa praktis na ito.
Ilang segundo kaming nagkatinginan. Kung hindi lang may itinanong ang isang player sa kanya ay hindi mapuputol ito. Wala mang numero ang pulang jersey na suot niya pero katulad naman ito ng uniporme ng lahat. Tanging V lang ang nakalagay dito.
"Go V! Papaalipin ko si Rie sayo manalo lang kayo!!" nanlaki ang mata ko sa muling sigaw ni Simie. Ang baklitang ito!
Dahil dito muling nagtama ang mata naming dalawa. Binasa niya ang labi at parang may tagong ngiti sa mga ito. Huwag niyang sabihing naniniwala siya sa alok ni Simie?! Nakita kong bumulong si Banok sa kanya bago nagtawanan ang magbabarkada.
May iilang mga estudyante ang napatingin din sa akin at mukhang naguguluhan sa sinabi ni Simie. Natigil lang ito nang pumasok sa kaliwa ang mga nakasuot naman na asul na jersey.
"Ay mga yummy din!" tili ni Simie.
Napatingin ako sa makakalabang grupo. Hindi na ako nagtaka ng makita ang lalaki na nagtanong ng daan kanina. Mataas at magaganda din ang pangangatawan ng mga ito. Medyo nakuha nila ang atensyon dahil bumagay sa kanila ang mga suot na jersey. May kaputian kasi ang halos sa kanila.
Nagsimula ang sigawan nang magsimula ang laro. Hindi siya kasama sa first five pero nahihirapan na ang mga ME sa kanila. Mas umugong ang sigaw dahil sa pagtatapos ng unang quarter. Lamang ang SA kaya naging seryoso ang mga ME.
"Ang sarap na hanap sa SAHS malalasap! Go SAHS!" patuloy ni Simie sa kabaliwan niya.
Napatingin ang ilang ME players sa kanya kaya nagtama din ang paningin namin noong lalaki nagtanong kanina. Kunot ang noo niya pero nang makita ako ay biglang nawala ito at ngumisi.
Inalis ko ang tingin sa kanya at inabala na lang ulit ang sarili sa panunood. Sa sunod na quarter pinasok na iyong lalaki. Ilang beses siyang sumulyap sa akin at nagpakitang gilas. Muling dumagundong ang hiyawan.
Inaamin kong magaling iyong Ochoa pero hindi pa rin nila kaya ang SA. Bago magtapos ang oras sa pangalawang quarter ay nakagawa siya ng three points shot. Pumasok iyon at dahil nasa may gilid namin ang pwesto niya ay madali niya akong nakita.
"Para sa’yo, Miarie.." maangas niyang sabi at nakangising bumalik sa lugar nila. Natulala ako doon, kung hindi pa hinila ni Simie ang buhok ko ay hindi ko alam na nakatingin na sila sa akin.
"Gaga ka! Sino iyon?!" asik niya sa akin.
"Miarie kilala mo iyong Ochoa?!" segunda ni Gwen.
"Hindi. Nagtanong lang ng daan kanina!" totoong sagot ko pero naniningkit ang mata nila. Ilang hila pa sa buhok ang ginawa ni Simie sa akin bago tumigil sa muling pagbabalik ng laro.
Sa pangatlong quarter pumasok na rin si Ergos. Mabilis niyang nakita ang mata ko pero ngayon may kakaiba na sa mga iyon. Siya ang unang umiwas at sinalubong iyong Ochoa.
Numipis ang hangin sa ikatlong quarter. Ang hiyawan ay nandoon, ang saya sa mga estudyante ay nanatili lalo na mas natambakan ng SA ang ME.
Sa likod noon, natahimik ako. Pinanood ko ang walang hirap na agaw niya sa bola, ang mga pagsupalpal niya sa three points shot o sa simpleng pagtangka pagpasok ng bola noong Ochoa. Natapos ulit ang quarter na uminit ang pagitan ng mga players.
"The fvck? Hindi ka naman pala kasama sa team anong ginagawa mo dito?" rinig kong sabi ni Ochoa at mukhang nainis sa laging pagsupalpal sa kanya.
"Kung hindi mo ako kaya mas lalo kang walang palag sa mga manlalarong ito." madiin at seryoso rin niyang sagot. Napasinghap kami dahil halos magsuntukan pa pero buti na lang naawat naman ng bawat grupo.
"Nagpapansin sa maling tao ." tawa nila Lawrence pero nanatili ang seryoso niyang ekspresyon. Napaurong ako sa upuan ko nang tumama ang mata niya sa akin. Madilim man iyon pero may kalambutan doon.
"Kashokot naman pala na angry bird si V!" si Simie na medyo umayos na din sa pagsigaw.
Sa huling quarter ay mas mainit. Mas lalong natambakan ng SA ang mga dayo. Nagpatuloy ang pagsupalpal niya kay Ochoa. Madalas silang mainit na magkatingin dalawa at walang may gustong magpatalo.
Kung hindi lang hihilain palayo ang isa ay parang mag-aaway na talaga. Nandoon pa rin ang tensyon sa pagitan nila kahit pa natapos na ang laban. Nanalo ang SA sa malayong puntos. Umalis din naman kami agad sa gymnasium pagkatapos noon.
Natagpuan ko na lang ang sarili na nakaupo sa batong upuan na nasa ilalim ng puno. Nakabantay ako sa mga bag nila Simie at Gwen. Sa kakasigaw nila kanina ay naihi sila kaya nagpaalam sandali, naiwan akong mag-isa at hinihintay sila.
"Miarie!" mabilis akong napatayo sa pagtawag na iyon. Ang ngisi niya ang agad na sumalubong sa akin.
"Buti nakita pa kita!" patuloy niya nang huminto sa harapan ko.
Nanumbalik ang kunot noo ko dahil dito. "Uh.. bakit?" alanganin kong tanong. Ilang segundo siyang tumingin lang at parang iniisip ang sasabihin.
"Wala naman. Papasalamat lang ako sa pagtulong mo sa akin kanina. Manonood ka pala, sayang at natalo. Natiyambahan kami." pagmamayabang niya.
Hindi ako nakasagot dahil dito. Ngayon mas natanto kong ayaw ko ng apog niya. May kayabangan ang lalaking ito.
"Ah may ginagawa ka ba? Pwede bang mayaya ka kahit sa cafeteria niyo?" patuloy niya.
"Pasensya na pero hinihintay ko ang mga kaibiga--." nagulat ako sa paghawak niya sa pulsuhan ko.
"Sige na. Sandali lang naman at paalis na rin kami--." bigla rin siyang natigilan dahil sa isang kamay na humawak din sa kanya.
"Bitawan mo." mababaw pero madiin niyang sabi. Umawang ang labi ko nang makita ang madilim niyang mukha.
"Ikaw na naman?" ngayon napalitan ng inis ang tingin ni Ochoa.
"Ang sabi ko bitawan mo." ulit niya.
"Hoy ano iyan?" mula sa likod dumating sila Lawrence at kasama na sila Simie. Sa harapan ay dumating din ang ibang players ng ME.
"Ochoa ano ba iyan? Tayo ang dumayo kaya huwag kang gumawa ng gulo. Halika na!" sabi ng lalaking may salamin. Mukhang siya ang lider nila.
Ilang segundo silang naglaban ng tingin bago ako binatawan ni Ochoa. Agad akong hinila ni Ergos papunta sa gilid niya. Dumagundong ang t***k ng puso ko pero hindi ko alam kung para saan.
"Ano bang problema mo? Masyado kang mapapel. Girlfriend mo ba si Miarie?" nanatili siyang tahimik kaya naman mayabang na ngumisi ang lalaki. "Mukhang hindi naman pala. Kung makaasta ka ay ayaw ipahawak sa ibang lalaki?" Kumuyom ang kamay niya at akmang lalapitan itong Ochoa kaya bigla akong nataranta.
"Ergos.." usal ko at hinawakan ang bisig niya. Huminto naman siya pero mas dumilim ang tingin sa lalaking kaharap.
"Ochoa!" ngayon tumaas na ang boses noong lalaki. Isang iritadong tingin ang huli niyang binigay bago mayabang na umalis.
"Yabang. Wala naman binatbat." si Banok na ngayon ko lang nakitang seryoso. Ganoon din sila Lawrence at Cannix. Tanging sila Simie at Gwen lang ang naiba dahil may mga ngising aso.
"Nako ang init. Bigla akong inuhaw! Tara bili tayo ng tubig!" akay ni Lawrence sa lahat maliban sa aming dalawa.
Sa isang iglap nawala nanaman sila. Naiwan kaming dalawa sa ilalim ng puno na mas nagpabilis sa tahip ng puso ko. Nanlalambot ang tuhod kaya bahagya akong lumayo at umupo ulit. Ilang segundo lang ay sumunod na rin siya.
Sa magkahiwalay na batong upuan kami umupo. Tanging gilid lang ng mukha niya ang kita ko dahil hindi siya humaharap, hindi niya ako tinitingnan. Ilang segundong namayani ang katahimikan. Tanging tunog ng mga dahong isinasayaw ng hangin ang namagitan.
"Kakilala mo ang lalaking iyon?" Tumikhim ako sa lungkot na nahihimigan doon. Kanina lang natatakot ako sa dilim ng ekspresyon niya pero ngayon parang nakakatuwa na.
"Hindi. Nagtanong lang siya ng daan sa akin kanina." sagot ko at sumilip sa pwesto niya. Nanatili siyang hindi tumingin sa akin at bahagya pang inangat ang mukha sa kawalan.
Nakita ko na medyo nakanguso ang pula niyang labi. Nakakunot din ang kilay niya kaya alam kung hindi naman siya natutuwa.
"Ganoon ba ang mga tipo mo? Iyong basketball player?" umawang ang labi ko sa tanong niya. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang ideyang gusto ko iyong Ochoa. Hindi ko iyon tipo! Ni hindi ko nga kilala!
Ilang segundo at hindi ako nakasagot sa gulat. Dahil doon napatingin siya sa akin. Sumikdo ang puso ko dahil sa titig niya. Madilim iyon pero may pagsusumamo.
"H-Hindi.. Hindi ko siya tipo, Ergos.." mababaw kong usal na nakatitig din sa kanya. Ngayon nagagawa ko ng tagalan ang pakikipagtitigan sa kanya. Nanatili lang din siyang nakatingin sa akin. Maya maya pa ay binasa niya ang labi bago tuluyang humarap sa akin.
"Sa kolehiyo susubukan kong maging varsity player, Miarie." napahaplos ako sa mga daliri ko dahil sa mas tumitinding tahip ng dibdib ko.
"Ergos.. uh wala akong gusto sa kanya. Basketball player man siya o hindi, talagang hindi ko siya gusto." bakit ayaw niyang maniwala?
"Hindi mo rin ba gusto ang mga maputi gaya niya?" bakit napadpad kami sa ganitong usapan?
"H-Hindi ko nga siya gusto," Napanguso na rin ako. "At ayaw ko din sa mapuputi.. gusto ko iyong kayumanggi lang."
Ang kaninang dilim sa mga mata niya ay napalitan ngayon ng kakaibang kislap. Kulay lang pala ang dahilan. Mas tumitig siya sa akin at muling binasa ang labi.
"Ako din.. gusto ko kayumanggi lang, iyong parang kakulay mo." Hindi ko magawang alisin ang mata sa kanya kahit pa parang nahihirapan na akong huminga. Kung hindi pa dahil sa isang boses hindi ako matatauhan.
"Aray! Tangina sino tumalak sa akin?!" sigaw ni Banok nang sumubsob ang mukha sa lupa. Napatayo agad ako sa gulat. Nasa likod sila ng kalapit na puno, nagtatago.
"Hay mga panira naman talaga! Nagkakamabutihan na e!" asik ni Lawrence sa kanila na isa isa nang lumabas.
Sila Gwen at Simie ay mas lumala ang ngising aso sa akin. Doon ko lang naramdaman ang pag-init ng mukha ko. Kinuha ko ang bag ko. Iniwan ko ang sa kanila, tumalikod na ako at humakbang paalis pero muling nagsalita si Ergos.
"Miarie.." taranta na ako humarap sa kanya. "Pwede ka ba sa sabado? Sa may sentrong bayan. Pasyal lang.."
Mas naghirap akong huminga dahil doon. Humalakhak ang mga barkada niya kaya napatingin ako bago bumalik ulit sa kanya, mas aligaga na.
"A-Ano.. H-Hindi ako sigurado.." kabado kong sagot.
"Ayos lang. Hintayin kita mga hapon kung pwede ka." patuloy ni Ergos.
"Nice! May date kayo?" malisyosong singit ni Simie. Hindi ko tuloy alam kung saan ako titingin at ano na isasagot.
"U-Uh sige.. aalis na ako." iyon na lang ang huli kong nasabi bago tuluyang tumalikod sa kanya paalis.