Mira’s POV
“ANG GANDA!!!” malakas na sabi ni Kolette habang tinitingnan ako mula ulo hanggang paa. Mayabang ko pang inikot ang sarili sa harapan n’ya para ibida ang bago kong damit at sapatos. “Totoo ba, ‘te? Gusto ka n’yang pakasalan?”
Nakangisi akong umupo sa harapan ng vanity table sa loob ng dressing room. Itinaas ko ang kamay kong may suot na magkapatong na diamond ring.
“Mahal n’ya raw ako eh,” parang wala lang na sagot ko.
Nangisay naman sa kilig ang kaibigan ko. Hindi ko mapigilang matawa sa naging reaksyon n’ya.
Mahigit isang Linggo akong hindi pumasok sa trabaho para magpakasasa sa kayamanan ni Rich. Hindi s’ya nagkulang sa pag-spoil sa akin ng mga mamahaling alahas at gamit. Umabot sa puntong inabot na ako ng umay sa wagyu steak dahil iyon at iyon ang kinain naming dalawa. Natuto na rin akong masanay sa lasa ng mamahaling wine. At isa pa? Daan-daang libong piso na ang laman ng bank account ko ngayon.
Mas bata sa’kin ng ilang taon si Rich pero nagmistula s’yang sugar daddy dahil sa kaginhawaang natatamasa ko sa kanya.
“Oh? Eh ano namang sagot mo? Papakasalan mo?”
Makahulugan akong tumawa.
“Kung isa kang hampaslupa at may gwapong Englishero na ubod ng yaman ang nag-alok ng kasal sa’yo—tatanggi ka pa ba?” balik kong tanong sa kanya.
Isang malawak na ngisi ang umusbong sa mga labi ng kaibigan ko. “Malamang ay hindi, ‘no! Baka nga ikadena ko pa ang sarili ko sa kanya para lang hindi na s’ya makatakas. Hahaha!” kuda n’ya.
Parehas kaming natawa sa kalokohan namin.
Tama s’ya.
Hindi ko na s’ya dapat pakawalan pa.
“MIRA?!”
Napalingon ako nang marinig ko ang malakas na boses ni Mamsh na tinatawag ako. Sasagot na sana ako nang makita kong sumunod sa likuran n’ya si Rich.
“Sweety?” gulat na wika ko.
Agad akong yumakap at humalik sa kanya. Ano’ng ginagawa n’ya rito? Hindi s’ya nagsabi sa’kin na pupunta s’ya. Bakit pawis na pawis s’ya?
“Why are you still here? They're waiting for us already,” sabi n’ya habang nakatingin sa’kin. Malambing kong inilingkis ang mga kamay sa braso n’ya.
“I just came here to say goodbye to my friend,” paliwanag ko. Nakangiti kong ipinakilala ang best friend ko sa kanya. “Sweety, she’s my friend, Kolette. Kolette, this is my fiancee, Rich.”
Umawang naman ang bibig ng kaibigan ko nang makita ang fiancee ko.
“Ahh… Haha! Nice to meet you, Rich.” Palihim na pinandilatan ako ng mata ng kaibigan ko. “Ate ko! ‘Di naman ako na-inform na Adonis pala itong nadekwat mo. Ang laki siguro ng ano n’yan, ‘no?”
Napagikgik ako sa sinabi n’ya.
Inosenteng tumingin sa’kin ang lalaking katabi ko. “What did she say?”
“She said, you must be gifted.”
“Gifted?”
Hindi ko na nasagot ang tanong n’ya nang dumapo ang tingin ko kay Mamsh na halatang naiiyak na sa sulok. Nakangiti akong lumapit para yakapin s’ya. Alam kong mahirap para kay Mamsh ang pamamaalam ko dahil tinuring na rin n’ya akong anak sa loob ng limang taon.
“Ang saya ko para sa’yo, Mira. Deserve mo ang isang daks at mayamang Amerikano.”
Isang matamis na ngiti ang isinukli ko sa kanya. Nakuha pa talaga magbiro.
“Alam na ba ng Nanay mo iyan?”
Napatigil ako sa tanong ni Mamsh. Ilang beses na akong kinulit ni Rich na gusto n’yang makilala ang pamilya ko pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako pumapayag.
Ayaw ko kasing maudlot pa ang meron kami ni Rich ngayon.
“Malalaman n’ya rin po.”
Iyon ang tangi kong nasagot sa kanya.
“Maraming salamat sa lahat, Mamsh. Hindi ko makakaya ang nakaraang ilang taon kung hindi mo ako tinulungan. Dahil sa’yo ay nagiging matatag ako.”
Hindi ko intensyong paiyakin ang mga tao sa huling paalam ko pero hindi n’yo naman maaalis sa’min maging emosyonal. Ang tagal ko na rin namalagi dito. Halos dito na nga ako naging mature. Pangalawang pamilya na ang turing ko sa kanila. At sigurado akong maging ang mortal kong kaaway na si Darlene ay mamimiss ako.
In fairness, wala ang bruhang iyon ngayon. Busy pa siguro sa pang-aagaw ng customer sa iba naming kasamahan. Habang ako? Malapit nang maging isang mayaman!
“Oh, paano? Mauuna na kami ni Rich. Naghihintay na kasi iyong magkakasal sa amin.”
Nagkatinginan si Mamsh at Kolette.
“NGAYON NA KAYO IKAKASAL?!” magkasabay at hindi makapaniwalang tanong nila.
Tatawa-tawa naman akong tumango habang nakayakap kay Rich.
“Byeee!”
Hindi pa man sila nakakabawi sa pagkagulat ay umalis na kami ni Rich sa dressing room palabas ng club. Diretso kaming sumakay sa mamahalin n’yang sasakyan.
“Did you see their faces? They looked shocked!” natatawang saad ni Rich habang nagmamaneho. Nakangiti akong sumandal sa passenger seat.
Nangako ako kay Rich na ipapakilala ko s’ya sa pamilya ko oras na makasal na kaming dalawa. No’ng una ay ayaw n’ya pang pumayag pero nakumbinse ko rin s’ya kalaunan dahil sa pangakong ibibigay ko ang katawan ko sa kanya pagkatapos. Hindi na tuloy s’ya makapaghintay makasal kami kaya naman isang private wedding na lang ang naisipan naming gawin.
Simple. Mabilis. Legal.
Ayos lang sa’kin kahit hindi ito ang dream wedding ko na magarbo at maraming bisita—iyong tipong halos buong baryo namin ang imbitado. Ang importante sa’kin ay magkaroon ako ng access sa lahat ng kayamanan n’ya dahil iyon naman ang habol ko.
“Where’s your butler?” nagtatakang tanong ko. Himala at s’ya ang nagmamaneho ngayon. Kadalasan kasi ay si Butler Jin ang driver n’ya.
Tumaas ang dalawang kilay ko nang mag-iwas s’ya ng tingin sa akin. Halata rin sa ekspresyon ng mukha n’ya na gusto n’yang iwasan ang tanong ko. May mali ba sa sinabi ko?
“He’s sick, that's why I had him rest. Do you not trust my driving?”
May bakas ng inis sa boses n’ya na ipinagtaka ko. Naiilang akong tumingin sa kanya mula sa passenger seat.
“Of course, I trust you. I was just wondering, sweety.”
Kahit nagdududa ay pinili ko na lang hawakan ang libreng kamay n’ya. Hindi maganda kung mag-aaway pa kami bago ang kasal naming dalawa.
‘Di nagtagal ay nakarating na rin kami sa Munisipyo. Mabilis ang naging preperasyon at kapansin-pansin ang pagiging maasikaso ng mga tao sa loob. Napansin siguro nilang mayaman ang kasama ko.
“Sa huli ay nakita ko rin ang sarili kong nakatayo sa harapan ni Rich habang magkahawak ang kamay naming dalawa. Isang puting bestida lang ang suot ko habang s’ya naman ay isang semi-formal na suit.
Hindi ko maiwasang makaramdam nang pinaghalong kaba at saya. Totoo ba ‘to? Ikakasal na talaga ako?
“Richard, do you take Mirasol to be your lawfully wedded wife, to have and to hold, in sickness and in health, for richer or poorer, for better or for worse, until death do you part?”
Ngumiti ako sa kanya.
Hindi pa man nakabubuka ang bibig n’ya ay biglang tumunog ang cellphone n’ya.
Beep! Beep! Beep!
Pilit s’yang ngumiti at mabilis na sinilip ang phone n’ya na agad n’ya rin namang pinatay at ibinulsa.
“I do.”
Nakahinga ako nang maluwag. Muntik pa akong kabahan na baka biglang magbago ang isip n’ya sa kalagitnaan ng seremonya.
“Mirasol, do you take Richard to be your lawfully wedded husband, to have and to hold, in sickness and in health, for richer or poorer, for better or for worse, until death do you part?”
Isang tagumpay na ngiti ang sumibol sa mga labi ko.
“I do.”
Hindi na namin hinintay ang anunsyo ng judge at kusa nang hinalikan ang isa’t isa.
Isa na akong ganap na Mrs. Martelli.