NAPUTOL ANG AKING PAGNILAY-NILAY sa sigaw ng aking ina. “Anak, Sera?”
“Pasok ka inay, hindi po nakakandado ang pinto.” sagot ko sa kanya.
Bumungad sa akin ang matamis at malawak na ngiti ng aking ina. “Handa ka na ba?”
Napailing nalang ako sa tanong ng ina. “Maghahanda pa po.”
“Aba! Itong batang ito. Malalim na ang gabi at nakahilata ka pa d’yan sa higaan mo.” tugon nito suot ang mapagbirong-ngiti. “Maaga ka pa bukas kaya mas mabuting ihanda muna ang mga gamit na dadalhin mo sa pagluwas sa syudad.”
“Ayokong mapuyat ka dahil maaga ka naming ihahatid sa sakayan ng bus bukas dahil mahaba-habang byahe pa ang haharapin mo.” dagdag nito.
Umuga ang higaan ng gumulong ako papunta sa gilid ng kama. “Inay, kaya ko ba?”
Tumabi siya sa aking pagkakaupo. “Oo naman, pangarap natin ito di ba?” malambing na bigkas niya.
“Paano kung hindi ako makasabay sa buhay ng mga taga-syudad. Paano kung—”
“Paano kung kaya mo ngunit pinapairal mo lang ang iyong malawak na pag-iisip?” Pinutol niya ang sasabihin ko sabay lapat ng kanyang hintuturo sa aking bibig.
"Walang mawawala kung susubukan, baka sa huli ay kalaban mo ang pagsisisi kung magpapadaig ka sa takot. Tandaan mo yan." paalala nito sa akin.
“Paano kayo ni Tatay?”
“Hay naku! Wag muna kaming aalahanin. Marami naman kami dito sa bukid. Nandiyan ang mga manggagawa natin, si Mang Badong, Manang Iska, at marami pa sila.”
Napabuntong-hininga nalang ako sabay yakap ng mahipit sa aking ina.
“Ang isipin mo ay ang mga pangarap natin. Para sayo. Para sa kinabukasan mo.” sabi nito. “Kung tutuusin mas nag-aalala pa kami sa iyo dahil mamumuhay ka ng mag-isa at malayo sa amin.” Napaangat ako ng mukha sa mga salitang binigkas ng aking ina. “Malayo sa buhay na kinagisnan mo.”
Hindi na ako makasagot pa dahil sa higpit ng pagkakagat ko sa aking labi. Iniiwasan kong magsalita ubang hindi tumulo ang mga luhang nagbabadya. Sa likod ng makinang at puno ng galak sa mta niya ay nakakubli ang lungkot at pag-aalala.
“Wag kang mag-aalala, may sasakyan naman para mabisita ka namin kung sakaling mamimiss mo kami.” dagdag nito ngunit isang mahigpit na yakap lamang ang maiisagot ko sa kanya.
“Nay, hindi ba pwedeng sabay nalang tayong pumunta sa syudad?” hirit ko sa kanya.
Hinawakan niya ako sa balikat. “Pwede na naman. Ilang araw lang naman ang pagitan. Ngunit mas mainam na sanayin mo na ang sariling gumamit ng mga pampublikong-sasakyan. Wala na ang itay sa syudad para maghatid-sundo sa iyo.”
Napatango nalang ako sa narinig. “At saka, kailangan mo ring tignan ng malapitan at personal ang tutuluyan mo doon. Kahit sabi naman ng Ante Martha mo ay maayos at hindi kalayuan sa paaralan, iba pa din kapag ikaw mismo ang tumingin at makiramdam sa paligid.”
“Hindi ba pwedeng sa kanila akong manuluyan?”
“Hindi pwede.” Diretsong sagot nito. “Ilang sakay pa mula sa kanila papunta sa paaralan, mapapagod ka lang sa byahe sabi ng Ante Martha mo. At maliban sa nakakahiyang dadagdag ka pa sa kanila. Paano ka matututong mamuhay sa syudad kung dedepende ka pa din sa kapatid ko.”
Napatango nalang ako sa narinig. Alam kong para din ito sa ikakabuti ng nakin.
“O siya sige na, iiwan na kita upang makapagsimula kanang mag-ayos ng gamit. Nang sa gayon ay makatulog ka ng maaga.”
Muli akong yumakap sa kanya upang pahirin ang butil-butil na luha at pawis sa aking mata at noo. Hinawakan niya ako sa pisngi matapos siyang kumalas at nagtama ang aming mga tingin.
“Tandaan mo, pinagmamalaki ka namin ng iyong ama. Alam naming makakaya mo at makakapagtapos ka.” diretsong bigkas nito na parang tumagos sa aking damit, papunta sa aking balat diretso sa aking puso.
“Maraming salamat inay, sa tiwala at walang sawang pagmamahal na pinapadama niyo ni Tatay.”
Hindi ko na napigilan ang pagbuhos ng mga luhang kanina pa nakaamba sa gilid ng aking mga mata.
“Syempre naman, unica-eha ka namin kaya kahit kami ay hindi na nabubuhay sa mundong ibabaw. Hindi mawawala ang pagmamahal namin sa iyo.”
“Inay naman e, lalo niyo akong pinapaiyak.” pagmamaktol ko sa kanya.
Gamit ang kanyang mga hinlalaki ay pinahid niya ang mga luha sa aking mata. “Hay nako! Lumalalim na ang gabi. Tahan ka na at baka mamaga at mamula ang iyong mga mata bukas. Gusto mo ba yun?” pabirong pahayag niya.
Napangiti nalang ako at inayos ang sarili. Ayoko ko ring magmukhang intsik bukas pagdating sa syudad. Tumayo na ako at inihatid si Inay sa pintoan ng aking silid.
“Pasensya ka na pala. Hindi ka namin mahahatid bukas. Alam mo naman na biglaan ang pagpalit ng petsa ng paghahatid ng mga gulay sa palengke ng iyong itay.” huling pahayag nito bago humalik sa aking noo at tuluyang lumabas sa pintuan.
Bago ito humakbang ay muli itong nagsalita. “Kapag natapos kami bukas ay agad naman kaming susunod sayo para ihatid ang iyong mga gamit at suplay ng pagkain. Alam mo namang iba pa rin ang lutong-bahay.”
Nginitian ko lang siya ng malawak bago maingat na sinarado ang pinto at muling tinungo ang kama para ihanda ang mga gamit na dadalhin bukas at gamit na ihahatid nila sa bahay na aking tutuluyan sa syudad.
SA IKALAWANG PAGKAKATAON ay nagising ako sa sigaw ng konductor ng bus. “Pampublikong terminal ng Sierra del Sur, may hihinto ba dito?”
“Hanggang dito lang po.”
Sa pagkakataong ito ay puno ng pangarap at determinasyong makatapos ang aking puso. Kasama ang pag-asang may dala itong magandang bukas at hinaharap kasabay ng bagong mundo at mas malawak na pananaw at oppurtunidad sa buhay.
“Ate, yosi ka d’yan. Limang piso lang isa.”
Natawa nalang ako sa narinig. “Naku, totoy! Mukha ba akong sumuyupyop niyan?”
Nagulat ako sa pasabog na pambungad ng syudad. Sa dami ba naman ng pwedeng sumalubong sa akin ay alok ng batang may dalang nakakuwadradong kahoy na may iba’t-ibang klase ng yosi.
“Eman po hindi ‘Totoy’, ang pangalan ko.”
Natameme ako sa hindi inaasahang tugon kaya muli nalang akong napangiti.
“Kendi nalang po.” Muling alok nito sabay angat ng isang parte dahilan para lumantad ang mga paninda nitong kendi sa ilalim ng mga yosi.
“Uptown!” sigaw ng konduktor. “Maharlika Heights!”
Dali-dali akong pumulot ng limang pirasong kendi at nag-abot ng bente pesos sa bata sabay takbo papunta sa dyip.
“Ate, sukli niyo po.”
Napalingon ako sa narinig. “Pangmeryenda mo nalang iyon, Totoy.” sigaw ko at muling nagpatuloy sa pagtakbo.
“Eman po hindi, Totoy.” muling pagwaswasto nito. “Salamat po, Ate Ganda.”
Napangiti nalang ako sa narinig. Eman nga kasi Ate Ganda. Tigas kasi ng ulo mo. Muntikan akong mapahalakhak sa sinabi ng aking konsensya.
Ilang minuto lang ay nakarating na ako sa unang paaralan na sinubukan kong pasukan ngunit nabigo ako.
“Manong, para po. Dito nalang ako.” sigaw ko sa nagmamaneho sabay abot ng bayad sa konduktor pagkababa.
“Ikaw pala ‘yan, Binibini.” sabi ng konduktor.
Tumaas ang kilay ko sa narinig. “Mawalang galang na po, Ginoo. Magkakilala ba tayo?”
“Pasensya ka na. Akala ko ikaw ‘yong babaeng sumakay sa amin noong nakaraang buwan papuntang ISAM.” bigkas nito.
Biglang uminit ang aking pisngi sa narinig. Kung may salamin akong dala ay sigurado akong makikita ko ang pamumula ng aking pisngi. “Ah! O–oo… ako iyon. Ang talas naman ng memorya mo at naalala mo pa ako.”
“Papunta ka bang Maharlika Heights?”
“Oo, may dyip bang dadaan dito papuntang subdibisyon?”
Napangiti ang lalaki sa narinig. Ngunit kinataas naman ng ito ng aking kilay.
“Aba… Maldita!” panunukso nito. “Ang taray mo namang magtanong.”
Nahiya ako sa narinig.
“Biro lang. Dadaan kami ng Maharlika ngunit sa hanggang b****a lang. Pwede kang bumaba doon tapos mag-antay ka nalang ng taxi.” tugon nito.
Isang pitik ng daliri ang pumukaw sa akin pabalik sa realidad. “Ayos ka lang ba, Binibini?”
“Ha!?”
“Ah! Ano– ang ibig kong sabihin… Ayos lang ba yun?”
“Ang alin?”
Napakunot ang noo ng binata sa aking sagot.
“Naku! Sumakay nalang ulit. Sasabihan nalang kita kapag nasa b****a na tayo ng Maharlika Height. Baka mapagalitan na tayo bago pa tayo magkaintindihan.”
Dali-dali akong umakyat pabalik sa loob ng dyip. Naku! Naku! Ano yun, Sera? Unang araw landian agad? Marahan kong pinilig ang ulo sa binanggit ng aking konsensya.
“Ayos ka lang ba?” Muling tanong konduktor.
“Ah! Oo… naninibago lang ako.”
“Naku, Binibini. Dapat masanay ka na sa mundong gagalawan mo para maiwasan mo ang peligro. Madami pa namang masamang tao’t mga opportunista sa panahon ngayon. Mabuti nalang…”
Natakot ako sa binaggit nito at nabitin. “Mabuting ano?”
“Mabuti nalang at mabait ako.” sambit nito sabay ngiting nakakaluto at mapanukso.
“Naku! Sa umpisa lang yan. Mag-ingat ka sa mga tao dito.” sambat ng isang pasahero. “Ito pamasahe ko.”
Napangiti nalang ako sa sinabi ng Ale bago bumaba ng dyip. Totoo namang mabait siya. Maamo ang kanyang mukha at inosente. Hindi din mapagkakaila ang kanyang kakisigan, kung hindi lang kulay kayumanggi ang kanyang balat ay mapagkakamalan mo siyang may lahi. Aba! May pagkamapanghusga din ang tao na to.
Ngunit hindi pa rin dapat matiwala agad lalo na sa mundong bago pa lang sa atin. Ika nga nila, “Hindi lahat ng kumikinang ay ginto.” Kaya dapat maging alisto sa lahat ng pagkakataon.
“Binibini, hanggang dito ka lang namin mahahatid. Itatawag nalang kita ng masasakyan kapag may makita tayo sa labas.”
Napukaw ang atensyon ko sa muling pagsalita ng konduktor habang seryosong nakatitig sa akin. Dali-dali kong inayos ang sarili at sabay sabit ng bandolera bago binitbit ang dalawang hindi gaano-kalaking bag sa dalawang kamay.
“Ako na ang magbibitbit ng mga yan. Mauna kanang bumaba para hindi ka mahirapan.” alok nito sabay kuha ng dalawang bag.
Nagulat ako sa aking nakita. Napakalaki at napakaganda ng tarangkahan ng subdibisyon. Sa gitna ay naroon ang posteng-bantayan tanda ng maigting na seguridad sa buong lugar. tarangkahan ay marangya at gawa sa bakal na may masalimuot na disenyo at palamuti.
Sa bawat gilid ay may matatayog na poste na inukitan ng detalyadong floral na disenyo at tinitingala ng mga estatwang anyo ng anghel. Sa harap ng bawat poste, may mga paso na may artistikong bilugang paggupit ng halaman, nagbibigay ng maayos at elegante na hitsura sa buong estruktura.
Ikalawang pasok ko na dito ngunit ngayon ko lang ito nakita ng masinsinan dahil aligaga ako noon sa loob dyip dahil sa resulta ng unang eksamenasyon na aking sinubukan. Hindi ko mapigilang hindi mamangha.
“Magandang umaga po. Ano po ang iyong pangalan at sadya?” bungad sa akin ng guwardiya.
“Seraphine Elise Astor, titira pa lang po sa loob.” bungad ko sa guwardiya ng subdibisyon.
“Villa Maharlika, 23, Kalye Don Leonor.”
Namangha ako sa narinig. Maliban sa maigting na seguridad sa lugar ay nakabase na din sila sa teknolohiya. Madali nang makikita ng mga guwardiya ang tinutuluyan ng mga nakatira sa loob. Hindi pa ako tuluyang nakalipat sa subdibisyon ay nakarehistro na ako sa kanila. Hindi naman ako maselan sa mga bagay kaya hindi magiging problema ang tutuluyan ko.
“Pasok na po kayo, Ma’am. Tandaan niyo lang ang lokasyon at sundan ang mapa.” paalala nito sabay abot ng mapa at susi ng bahay. “Kabisado na din ng mga traysikel ang pasikot-sikot kaya wag na kayong mag-alala.”
Nagpasalamat ako sa kanya bago sumampa sa traysikel na tinawag nang konduktor kanina. Pagpasok palang namin ay makikita mo karangyaan ng mga nakatira sa loob. Malalaki at malawak na bahay. Kaya pala ito tinawag na Maharlika Heights, dahil sa estado ng buhay ng mga taong nakatira dito.
Sobrang lawak ng subdibisyon. Bawat kalye ay may pangalan, bilang at iba-iba ang kulay para mas madaling matandaan. Pare-pareho ang hulma, hugis, at laki ng bahay. Maliban sa numerong nakapaskel sa pintuan ay iba-iba din ang kulay ng mga pintura. Nagsisilbi itong palatandaan para hindi magkamali ang may-ari.
"Nandito na po tayo sa bahay numero beinte-tres."
Binasag ng nagmamaneho ng traysikel ang aking pagmuni-muni at pagmamatyag sa paligid ng buong subdibisyon. Pagkababa ko ay nagbigay ako ng pera bago binuksan ang bahay.
Bumungad sa akin ang dalawang sofa at isang katamtamang taas at laking mesa sa gitna. Sa gilid ay nandoon ang lababo at mga bakanteng cabinet. Iisang parte lang ang sala, kusina, at habang-kainan ngunit malawak ang silid.
May dalawang pang pinto maliban sa pangunahing pinto sa harapan at sa likod. Pagpasok ko sa isa ay sinalubong ako ng malinis at puting palikuran na may maliit na paliguan sa gilid na hinahati ng isang malabong salaming dingding.
Isinara ko ito at sunod na pinuntahana ang katabing pintuan. Isang hindi kalakihang silid na may kamang pang-isahan at kabinet na sakto lamang sa isang tao. “Ayos na ako dito. Makapagpahinga na nga.” sambit ko sa sarili.
Pagpasok ko ay isasara ko na sana ang pinto ng makita ang isa pang pinto sa harap ng silid. Taray ha! Dalawang silid at mukhang ito ang pangunahing silid. Sa sukat at laki ng pinto ay mukhang ito nga ang pangunahing silid.
Muli akong lumabas at pinuntahan ang kabilang pinto. Bumungad sa akin ang malaki at malawak na silid. Una kong napansin ang malaking higaan na kayang humiga ang dalawang tao. Malapad na kabinet at isang parteng may maliit na mesa’t upuan. Nakahanda ito at tila ba ay naghihintay sa aking pagdating.
“Napakalaki naman ng bahay nato para sa taong mag-isa namang titira dito.” sambit ko at hinagis ang bandolera sa kamang malambot. “Makapagpahinga na ngalang muna.” Pinikit ko ang aking mga mata at hinayang hilahin ang aking katawan sa malambot ang mabangong kama sa silid.