NAGPIPIGIL AKO NG TAWA SA REAKSYON NG AKING MGA KAIBIGAN. Mukha silang sinakluban ng langit at lupa sa inis. Lalo na si Rea. Natahimik ang dalawa at malungkot na nakaupo sa aking kanan at kaliwa.
“Minsan na nga lang kiligin, tapos sa—.” Hindi na natapos ni Rea ang sasabihin ng bigla itong sumigaw at tila umiiyak sa inis.
“Ayos na ba tayo? Kasi bubuksan ko na ulit ang kamera.” tanong ko sa dalawang tahimik at pormal na nakaupo. “Sayang naman ang ganda natin kong hindi makikita ni Esra, di ba?”
Muntik na akong humagakpak sa tawa ng irapan ako ni Rea. Habang nagpipigil naman ng tawa si Jera. Sino ba naman hindi matatawa ng pag-agawan ba naman nila ang bading na pogi. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang sumunod na nangyari matapos itong magpakilala.
“Ang ganda naman ng pangalan mo.” Papuri ng aming guro kay Esraim. “Ano bang gusto mong itawag namin sa iyo?”
Napaisip ang lalaki sabay bitaw ng nakakalokong ngiti. Halos mamatay naman si Rea sa kilig dahil ngitian raw siya nito.
“Ah! Raim nalang sa umaga, Esra sa gabi.”
Halos malaglag ang mundo ni Rea ng tumili ng napakataas si Esraim. Maging ang ibang kaklase namin ay nagulat dahil hindi nila inaasahan ang pagtili ng lalaki. Habang ang iba ay nagtago sa likod ng kamera. Alam kong nagpipigil din sila ng tawa sa narinig.
“Ayan, sabi ko kasi mukhang bading siya. Ayaw pang makinig.”
Humirit pa si Rea at biglang nasalita. “Bakit ba kasi ang popogi ng mga bading ngayon. Ekis na siya sa akin. Baka agawan niya pa ako ng boylet.”
Matapos ang madramang pagmamaktol ni Rea ay pinakalma niya ang sarili at nag-ayos muli. Binuksan ko na ang kamera at mikropono para makihalubilo matapos umalis saglit ang aming guro. Agad na ginawang salamin ni Rea ang kamera at nag-ayos muli.
“Hi! Anong pangalan mo?” tanong ni Raim dahilan para magtaka ang lahat kung sino ang tinatanong niya.
“Ikaw!”
“Ako?” Nagtatakang tanong ni Rea.
Agad na tumango ang lalaki. Lalaki o bading? Anong ba dapat? Bading nalang. Tumango ang bading dahilan para lalong magtaka si Rea. Kung hindi lang ito bading ay siguro akong magtititili na naman ito sa kilig.
“Rea, Mirea Castillo.”
“Ang ganda ng iyong buhok. Anong kulay yan?” maarteng tanong ni Raim.
“Ah! Burgandy Red, pero hindi lahat ilang hibla lang ng buhok para magbigay kulay sa aking itim na buhok.”
Agad na nagningning ang kanyang mata sa narinig. “Gusto ko din ng ganyan.”
Mahina kaming napadaing ni Jera ng lamukutin niya ang aming hita.
“Hindi talaga siya nagbibiro kanina. Bading talaga siya.” Impit na pahayag nito na sakto lang para marinig naming dalawa. Halos hindi makita ang pagbuka ng kanyang bibig sabay bitaw ng saliwang ngiti. “Hindi bagay sa kanyang gupit-panlalaki ang ganito kulay.” dagdag niya.
“Gusto mong samahan kita kung saan ko ito pinagawa.”
Nagkatinginan kami ni Jera sa sinabi ng dalaga. Hindi ko matimpla kong sarkastiko o totoong sasamahan niya ang bading para magpakulay.
“Hindi na! Mukhang hindi bagay sa akin ang ganyang kulay.” sagot nito. “Papahabain ko muna ang aking buhok para maging katulad nang sayo.”
Saliwang-tawa ang pinakawalan ni Rea bago tumingin sa amin dahilan para matawa din kami ni Jera. “Mabuti naman at alam niyang hindi bagay sa kanya.” mahinang bigkas nito, sakto lang sa aming tatlo.
“Ayos lang ba kayo?” tanong ng aming guro ng makabalik ito. “Pasensya na sa antala at istorbo. Alam niyo naman kapag sa bahay magtatrabaho. Hindi maiiwasan ang makukulit at pasaway na mga anak. Pwede na ba tayong magsimula sa ating klase?”
Matapos kaming sabay na tumango ay nagsimula na siyang talakayin ang pag-aaralan namin. Magaling siyang magturo at nakakaaliw kaya hindi na namin namataan ang paglipas ng oras. Matapos ang isa at kalahating oras na talakayan ay nagpaalam na kami sa kanya.
“Ah! Hindi ko pa din mataggap na bading siya. Baka may paraan para maging tunay siyang lalaki.” pagtatampo ni Rea. “Akala ko natagpuan ko na chinitong para sa akin. Ngunit parang magiging kaagaw ko pa siya sa lahat.”
“Seryoso ba? Sasamahan mo siyang magpakulay ng buhok.” pang-iinis ko sa kanya.
“Hindi no!” sigaw nito sa akin. “Kahit sabihin niyang magpapasama siya. Hindi pa rin. Dapat ako lang ang may ganitong kulay.”
Sumingit naman si Jera. “Waw! Binayaran mo pati ang kulay?”
Pinandilitan niya ng mata ang kaibigan sabay irap at tumingin sa akin.
“Pero ang gaan niya kausap. Parang ang saya ngunit magulo. Lalo na kung pagsasamahin kayong tatlo.”
“Anong ibig mong sabihin? Kakaibiganin natin siya? HINDI!” pasigaw na pagtutol ni Rea.
“Bakit? Takot ka bang malamangan niya?” Pang-iinis ni Jera sa nakasimangot na Rea. Hindi pa rin niya matanggap na ang lalaking gusto niya ay kadugo niya.
“Hindi no! Kahit anong gawin niya. Hindi niya ako mapapantayan kasi may puk—”
“Naku! Wag munang ituloy ang sasabihin mo Rea kung ayaw mong mahampas kita nitong unan.”
Dahan-dahan itong napangiti sabay hudyat ng kapayapaan sa daliri. “Pasensya na po! Nanay Sera!”
Pagkatapos naming magtawanan ay naghanda na ang dalawa para umuwi. Dumidilim na din sa labas kaya sigurado akong hinahanap na sila sa kanila. Aalokin ko pa sana sila ng hapunan ngunit hindi na ako nagpumilit kasi nagpasundo na din sila. Nang matanggap ni Rea ang mensahe ng kanyang amang nasa labas ay nagpaalam na kami sa isa’t-isa.
Sa akin lang pala sila nagpaalam dahil si Rea lang ang nagpasundo. Makikisakay lang si Jera. Magkapareho kasi sila ng subdibisyong tinitirhan ngunit magkaibang kalye. Hindi naman ito kalayuan at balita ko ay magkadugo lang ang may-ari ng sa kanila at sa amin. Villareal Estates. Teka… Villareal? Hindi ba ito rin ang apelyido ni Esraim? Ano namang pakialam mo kung ganoon nga Sera? Inalog ko ng mahina ang ulo para iwaglit ang iniisip bago naghanda ng hapunan.
MAG-A-ALAS OTSO NG TIGNAN KO ORASANG NAKADIKIT SA DINGDING. Nakahiga ako sa kama habang hinihintay ang tawag ng aking mga magulang. Kahit wala sila sa aking tabi ay hindi ko magawang mangulila sa kanila kasi gabi-gabi silang tumatawag.
Nababagot ako sa kakahintay kaya nagbukas ako ng sosyal medya. Una kong napansin ng tingnan ko ang pababang talaan ng abiso ay idinagdag ni Mirea Castillo si Esraim Villareal sa group chat. May sakit ba utak itong kaibigan mo Sera? Kanina ayaw niya kaibiganin si Raim pero nasa group chat na ngayon.
Ngunit ang mas nakakuha ng aking atensyon ay ang pangalang Alaric Bennett Harrington. Namamanhik siya na maging kaibigan ko sa sosyal medya. Parang ang haba tuloy ng buhok ng isang Seraphine Astor, ang may-ari ba naman ng paaralan ang namamanhik na maging kaibigan. Ano? Di mo ba tatanggapin? Arte mo naman Sera.
Hindi ko mawari kong ano ang nararamdaman. Biglang bumilis ang t***k ng aking puso. Para akong malulunod sa magkahalong kaba at pananabik ng makitang nagpadala siya ng mensahe sa messenger. Hindi naman ito ang unang beses na nag mensahe siya ngunit bakit labis ang aking kaba ngayon.
Hindi ko muna binuksan ang kanyang mensahe. Nilibang ko muna ang aking sarili sa maingay na usapan ng aking mga kaibigan. Masyado akong nagpapadala sa bugso ng damdamin kaya kailangan ko ng pampalubag-loob.
“Ikinalulugod ko na kabilang ka na sa aming grupo, Raim.” sabi ni Rea. “Raim o Esra? Ano bang gusto mo?”
“Esra nalang para babaeng-babae pakinggan.”
Habang binabasa ko ang sagot niya ay naririnig ko ang maarte niyang boses binibigkas iyon. Kung makikita ko lang din ang mukha ni Rea ay alam kong nakasimangot ito sa nababasa.
“Tayo na ngayon ang power puff girls.” ani Rea.
“Teka, tatlong lang sila ngunit apat tayo sa group chat di ba?” singgit ni Jera sa dalawa habang ako nangiting nagbabasa.
Sumang-ayon naman si Esra sa sinabi ni Jera.
“Tayong tatlo. Ikaw, ako, at si Esra tapos si Sera ang nanay natin. Power puff girls with mommy.”
“Kahit kailan talaga ay puro kalokohan ang nasa isip mo Rea.”
Nakasimangot ako sa nabasa ngunit alam kong biro lang ito kaya tumawa nalang ako sa mensahe ni Rea. Tama naman siya, nagmumukha talaga akong inang taga-awat sa kakulitan nilang dalawa, na tatlo na ngayon.
Muntik ko ng makalimutan ang mensaheng pinadala ni Al. Dali-dali ko itong binuksan. Ngunit napasimangot ako sa nabasa. “Salamat sa pagtanggap.” Agad ko itong sinagot.
“Bakit naman hindi?”
“Sino ba naman ako?”
“Isa lang naman akong simpleng tae sa mundong ito.” Sunod-sunod kong sagot.
Ilang segundo lang ay nakatanggap agad ako ng sagot. Taray ang bilis naman. Sa simula lang iyan Sera. Hindi ka na natoto.
“Sa pagkakaalam ko ay ikaw si Seraphine Astor. Taga probinsya na nangangarap na maging interior designer. Anak ng magsasaka at nakatira ngayon sa Maharlika Heights na subdibisyon ng mga mayayaman.”
Anak ng tinapa. Mahina kong napalo ang aking ulo ng literal na sagutin niya ang aking tanong. “Salamat sa pagpapaalala, Ginoo. Muntik ko na kasing nakalimutan.” sarkastiko kong sagot.
“Pero wag mong sabihin na tae kalang sa mundo dahil importante ka. Mahalaga ka sa mga magulang mo. Pinaghirapan ka nilang gawin sa hirap at sarap sa kama.”
Napataas-kilay ako sa naging sagot niya. Paano niya naipasok ang tae lang ako sa mundong ito. Kaya napabalik ako ng basa sa mensahe ko kanina. Ngunit ramdam ko ang tawa niya sa simbolo ng mukhang naluluha sa kakatawa sa huli ng kanyang sagot. Ang tanga naman Sera. Sa dinami-rami ng pwedeng maging mali. Bakit naging tae ang tao, nakakahiya ka.
“Pasensya na, nagkamali lang ang keyboard.” Sagot ko na may simbolo ng natatawang mukha sa huli ng mensahe.
Iniba niya ang paksa. “Paano ang buhay probinsya? Hindi ko kasi naranasan ang manirahan doon.”
Hindi ko maiwasang hindi magtaray sa aking nabasa. “Matapos mo akong sabihan na tangang taga probinsya tapos interesado pala siya sa buhay namin.”
Naalala ko tuloy noong gabi nalaman ko ang pangalan ni Theo dahil sinukahan niya ako habang nasa bahay-aliwan kami kasama ang mga kaibigan ko.
“Pasensya nga pala sa nangyari. Dala lang iyon ng sobrang kalasingan. Pati na rin ang pagsuka ko iyo. Hindi ko sinasadya iyon.”
Napangiti ako sa nabasa. Mabait naman pala ang binatang ito. O baka may saltik lang ito at biglang nag-iiba ang ugali sa bawat pag-ihip ng hangin. Sobra ka naman Sera. Ginawa mo namang may sakit sa pag-iisip ang tao. Tama naman ang aking konsensya.
Naalala kong hindi ko pa pala nasagot ang tanong niya kanina. “Masaya sa probinsya. Nagkakaisa ang tao sa tuwing may pagtitipon at selebrasyon. Sariwang hangin, payapang kapaligiran, at masarap sa matang tanawin. Taliwas dito sa syudad, mausok, maingay, mas maraming gusali at kanya-kanya ang mga tao.”
“Oy! Grabe ka naman sa syudad. Hindi ka lang sanay pero ganito na talaga ang buhay namin dito.”
“Sa bagay pero unti-unti na rin naman akong nasasanay sa buhay-syudad kaya ayos lang. Mas masarap lang talaga sa probinsya. Ngunit mas maraming oppuritunidad dito sa syudad. Nakakalito lang talaga ang buhay.”
Medyo natagalan siya sa pagsagot kaya ako nalang muling sumagot sa isang paksa. “Yung nangyari pala sa bahay-aliwan, ayos lang yun. May tanong lang ako. Magkaibigan ba kayo nong lalaking sumundo sayo?”
“Si Theo?”
“Oo, siya nga.”
Natagal sila sa pagsagot sa tanong ko. Kita ko sa tabing ng aking selpon na typing pa rin ito dahil sa tatlong maliliit na bilog na patuloy na tumatalbog-talbog.
Ilang minuto din akong naghintay hanggang sa abutan ako ng antok. “Parang ganon na nga.” sagot niya.
Nadismaya ako sa sagot niya. Akala ko’y mataas dahil ilang minuto din niya itong tina-type.
“Lumalalim na ang gabi. Inaantok na din ako. Kaya mauna na ako sayong matulog.”
Matapos ko itong maipadala’y hinintay ko muna saglit kong ano ang isasagot niya. Ngunit lumipas ang ilang minuto ay wala pa rin. Baka tulog na ‘yun.
Hindi ako agad nakatulog matapos akong magpaalam sa kanya. Pilit kong nililibang ang sarili para muling antukin. Napadpad ang mata ko sa kuwardenong nakalapat sa mesa malapit sa aking higaan. Kinuha ko agad ito at nagsulat.
Ang daming nangyari ngayong araw. Binisita ako nang dalawang maingay na babae dahil wala lang. Gusto lang nilang gawin sa amin ang gawaing iniwan sa amin ng guro kaninang umaga. Napares din ako sa mokong na pasaway at puro kapilyohan ang nasa katawan, si Alaric Bennett Harrington. Nagkaroon din kami ng bago. Mas maingay. Mas maarte. Mas babae pa sa aking kaibigan na bading, si Esraim Villareal.
Ngunit may natutunan akong aral ngayon. ‘Huwag basta-bastang manghusga base sa pisikal na anyong nakikita.’ Dahil masyado akong kinain ng masamang pagtatagpo namin ni Al noon. Alam ko na medyo may pagkamasama ang kanyang ugali, hambog, mayabang, at takaw-gulo. Ngunit hindi sa lahat ng panahon. Hindi din lahat ng takaw-gulo’y mang-mang at walang silbi dahil iba si Al, matalino siya at madiskarte. Sadyang may hindi kaaya-ayang ugali minsan ngunit palabiro ito at magaan kausap. Kaya siguro madami din siyang kaibigan at ka-ibigan, siguro… malay ko ba.
Ngunit sa unang husga ko kay Raim, este… Esra… basta kayo na ang bahala— ay tama akong bading siya dahil sa sobrang pagkaalaga niya sa kanyang katawan. Hindi ko man nilalahat ngunit kadalasan sa kanila. Minsan tama, minsan mali ang ating husga kaya sana ay hindi tayo magpadalos-dalos.
Matapos kong magsulat ay sakto naman ang pagdapo ng antok sa aking sistema. Ilang beses na akong humikab at napalanghap ng hangin sa antok. Bumibigat na din ang talukap ng aking mata. Habang ginigipo na ako ng antok.
Nilagay ko ulit ng maayos sa mesa ang kuwaderno at pansulat. Humingi ako ng pasalamat sa poong-maykapal. Pagkatapos ay inayos ang aking higaan bago ako humiga ulit. Ipinikit ko ang aking mga mata at tuluyang nagpadala ng antok.