Losyl Academy
Pangalan ng eskwelahang pinagdalhan sa’kin nina Nena at Seb.
Dito silang mag-asawa nag-aaral dahil pareho nilang tinatapos ang kursong education.
Kagaya ng pangako ni Seb kay Nena ay in-enroll niya ako rito sa eskwelahang pinapasukan nila.
Hindi ko alam kung pa’no ang kaniyang ginawa para matanggap ako kahit pa nga nasa kalahati na ng taon ang klase. Duda ko nga ay ipinadaan sa lagayan para lamang matanggap ako.
Mabuti na lang din at kahit pa'no ay nakapasa ako sa pagsusulit kaya naman may maipagmamalaki pa rin ako sa pagpasok sa akin dito ng mag-asawa.
Masaya ako para sa pinsang si Nena dahil sa wakas ay nakatagpo rin siya ng lalaking tunay na magmamahal sa kaniya.
Alam kong huminto siya noon sa pag-aaral dahil sa hirap ng buhay. Idagdag pa ang ilang taong pagtitiis sa walanghiyang Gener na iyon na walang ibang ginawa kundi pahirapan kami.
Katulad ni Nena ay malaki rin ang galit ko sa h*yop na iyon dahil ang akala kong ama na poprotekta sa’kin ay isa palang demonyo!
Ngayon ay nakatitiyak na si Nena sa kaniyang buhay dahil natupad na rin ang ilan sa mga pangarap niya.
Bukod sa gwapo at mapagmahal na asawa ay biniyayaan din siya ng mga anak na kasingganda rin niya.
“Tara Linda, pasok na tayo sa loob,” aya sa’kin ni Nena na siyang umuntag sa pagmumuni-muni ko.
"N-nahihiya akong pumasok," kiming bulong ko sa pinsan.
"Ano ka ba? Ba’t mo kailangang mahiya gayong tao ka rin naman tulad ko," pagpapalakas loob niya sa akin.
"Baka ‘di nila ako tanggapin diyan bilang tao," pabirong tugon ko sa kaniya.
"Lukaret!" Mahinang tinampal niya ako sa braso at sabay kaming nagtawanan nito.
Pumasok na kami sa loob ng silid-aralan at itinuro sa’kin ni Nena ang bakanteng upuan sa kaniyang tabi.
Umupo ako roon at saka tahimik na nagmasid sa paligid. Nakakapanibago sa pakiramdam ang pagbabalik sa loob ng silid-aralan. Pakiwari ko’y naiiba ako sa lahat gayong hindi naman nalalayo ang edad ko sa kanila.
Mula sa pagmamasid, naagaw ng pansin ko ng taong pumasok sa may pintuan.
Sino naman ang ‘di maaagaw ang pansin gayong napakagwapo ng lalaki. Napakaganda ng tindig nito at matikas ang pangangatawan niya na mababakas sa suot na polo shirt.
Iba ang dating nang paglalakad ng lalaki at parang aral na aral niya ang bawat paghakbang na animo’y isa lang siyang modelo.
“Ang yummy!” malandi kong anas sa mahinang tinig.
Nagsipagtayuan ang mga kaklase ko pati na si Nena at yumukod bilang pagbibigay galang.
“Linda, siya ang guro natin,”pabulong na saad sa’kin ni Nena.
"Siya ang guro natin?!" nandidilat ang mga matang tanong ko sabay tayo mula sa pagkakaupo.
"Oo! Siya ang ating guro," tugon pa sa’kin ni Nena.
"Ba’t parang ang bata pa yata ng guro natin?"
"Bakit, matanda ka na ba?" balik tanong naman nito.
Sabay kaming naghagikhikan ni Nena dahil sa kalokohang pinag-uusapan naming dalawa habang papaupo na kami.
"I don't remember that I have a new student in my class."
Napaigtad kami pareho ni Nena nang magsalita ang baritonong tinig sa aming harapan.
Hindi ko alam kung ba’t parang namagneto ako sa matiim na titig sa’kin ng lalaking kaharap namin ngayon.
Kulang ang salitang gwapo para ilarawan ang kakisigang taglay ng lalaki na animo’y anak ni Adonis.
"Who are you?" matigas niyang tanong na ‘di ko masagot dahil tila nalulon ko ‘ata ang sariling dila.
Tulalang nakatitig ako sa makinis nitong mukha na walang anumang butas o butlig na nasingit man lang.
"I said, WHO ARE YOU?" Muling inulit nito ang tanong at sa pagkakataong ito ay may kariinan na iyon.
Nanatili akong pipi dahil sa abala ako sa pagsipat sa kabuuan ng kaniyang mukha. Para kasing namumukhaan ko siya ngunit ‘di ko lamang maalala kung saan ko siya nakita.
"Alright, Miss. You may now leave the room," maawtoridad na utos nito na ‘di ko pa rin sinunod.
"Linda..." Mahinang tinapik ako ni Nena sa kamay.
"Huh?" Doon pa lamang ako tila natauhan at saka nilingon ang pinsan ko.
"Tinatanong ka ni Sir," ani nito.
"A-ano ba ang itinatanong niya?" wala sa sariling tanong ko sa pinsan.
"Wala akong itinatanong dahil iba ang sinasabi ko," masungit na sagot ng lalaking bigla na lamang sumabad sa pag-uusap naming dalawa ni Nena.
“Ah... Wala naman pala...” nakanguso kong wika habang ipinatango-tango ang aking ulo.
“Pwede ka nang umalis sa loob ng klase ko, Miss.” Idinuro pa ng lalaki ang pintuan ng silid-aralan tanda na pinalalabas niya na ako.
“Hah? B-bakit ako kailangang umalis?” naguguluhang tanong ko sa kaniya.
Kinalabit ako ni Nena saka makahulugang tumingin sa mga mata ko. Nakipag-usap siya sa’kin sa pamamagitan ng aming mga mata upang ipabatid ang ibig niyang ipaunawa.
Ngunit hindi ko naunawaan ang gusto niyang ipabatid sa’kin sapagkat naging abala ang mga mata ko sa muling pagtitig sa mukha ng lalaking nasa harapan naming dalawa.
Malakas akong napaaray, nang mahigpit na hawakan ng lalaki ang braso ko at sa tindi nang pagkakakapit niyon ay napapangiwi na ako.
Akmang kakaladkarin niya na sana ako palabas ng silid-aralan nang pigilan kami ni Nena.
“Sandali!”
“What is it, Ms. Nelia?” matigas na tanong ng lalaki.
“Pinsan ko si Linda, Sir. Bago rin po namin siyang kaklase," wika ni Nena.
"Bagong kaklase?" taas kilay na tanong ng lalaki saka tiningnan ako mula ulo hanggang paa.
Gusto kong mainsulto sa paraan nang pagkakatitig niya sa’kin dahil pakiwari ko’y ang pangit kong babae.
Kung ganda at itsura lang din naman ang pag-uusapan ay ‘di naman ako pahuhuli sa taglay na kagandahan ni Nena.
Sadyang mahilig lang akong magsuot ng crop top kaya madalas nakikita ang pusod ko. Pero hindi ibig sabihin niyon ay pakawala akong babae.
“Bakit hindi ako informed tungkol sa kaniya? Nasa kalahati na ng taon ang klase para tumanggap pa ng bagong estudyante.”
Galit na tinig ng lalaki ang nagpabalik sa aking diwa kung kaya sinimangutan ko siya.
“Nag-apply po si Linda ng exam last week at naipasa niya iyon kung kaya tinanggap siyang papasukin sa ating eskwelahan,” paliwanag ni Nena sa lalaki.
"Nag-apply? Ba’t wala man lang nagsabi sa’kin tungkol sa ganitong aktibidad?” Nanliliit ang mga matang tumingin sa’kin ang lalaki.
Nakakaramdam na ako ng inis sa kaharap at pakiwari ko’y gusto ko na rin siyang sapakin sa mukha.
Sa totoo lang ay napakarami niyang tanong na akala mo naman ay siya na ang may-ari ng eskwelahang ito gayong guro lang din naman siya rito.
Pinanliitan ko ng mga mata ko ang lalaki saka pinameywangan. “Ang dami-dami mong tanong Sir, akala mo naman ikaw ang may-ari ng eskwelahang ito.”
Matamang tinitigan ako ni Carlo na wari'y inaaral ang aking mga sinabi.
“Gwapo ka nga, nuknukan ka naman ng sungit! Hindi mo naman ikinagwapo!” nakaismid kong sabi sabay paikot ng mga mata ko.
Narinig ko ang malakas na pagsinghap ng mga kaklase kong tila naumid ang dila dahil mas pinili pang makiusyoso kaysa makisali sa nangyayari.
“Linda!” bulalas ni Nena sa aking pangalan.
“Bakit?” napapabuntonghiningang tanong ko.
Muli akong napangiwi ng lalong humigpit ang pagkapit ng kamay ng lalaki sa aking braso.
Nakita ko ang pagngiwi ng mukha ni Nena na sumulyap pa muna sa braso kong mahigpit na hawak ng lalaki.
“Sir Carlo...” Lumapit siya sa lalaki at tila magsusumamo. “Pakiusap, maawa ka sa pinsan ko.”
‘Di ko alam kung ba’t ako nakadama ng kirot sa dibdib nang makita ang paghawak ni Nena sa braso ng supladong lalaki.
Pero naiinis din talaga ako sa ugali ng guro na ‘to na akala mo’y ikinagwapo na ang pagiging masungit.
Tila nahimasmasan ang lalaki dahil agad niyang binitiwan ang braso ko.
Para tuloy akong mauupos na kandilang matutumba sa lakas nang pagbitiw sa’kin ng lalaking kaharap ko.
“Magpasalamat ka at pumagitna sa’tin si Ms. Nelia. Sa susunod na maulit ito ay titiyakin kong pupulupot iyang dila mo,” banta sa’kin ng lalaki.
Matalim na tiningnan ko siya habang sapo-sapo ang nananakit kong braso. Inis na inis akong sinundan siya ng tingin habang papalayo sa’kin.
"All of you, do your seatwork for next week and pass it on today!" Dumagundong ang boses nito sa apat na sulok ng silid.
Umugong ang malakas na bulungan sa buong silid matapos lumabas ang suplado at mapanakit na lalaking ‘yon.
"Ayos ka lang ba, Linda?" may pag-aalalang tanong sa’kin ni Nena.
Sinipat ko ang namumulang braso ko dulot ng mahigpit na pagkakasakmal doon.
"P-parang ayoko ng mag-aral," naluluhang tugon ko kay Nena.
Hindi ko alam kung bakit bigla akong nawalan ng tiwala sa sarili ng dahil lamang sa pangyayaring iyon.
"Ano ka ba? Unang pagsubok lang ‘yan para sa unang araw mo sa eskwelahan, susukuan mo na agad?" nakangiting turan ni Nena.
“Pa’no ako gaganahang mag-aral kung sa unang araw pa lang nga ay may bully na agad akong naengkwentro. Ang masaklap, guro ko pa!”
“Mabait si Sir Carlo. Nagulat lang siguro siya dahil wala siyang alam sa nangyari,” pag-aalo sa’kin ni Nena.
"Paano naman naging mabait ang g*gong iyon? Gwapo lang siya Nena pero tingnan mo naman ang ugali niya, ubod ng sama!" mariing wika ko.
"Sshh... Tama na ‘yan at baka may makarinig pa sa’yo. Mam’ya umabot pa ‘yan kay Sir Carlo," suway sa’kin ng pinsan ko.
"Wala akong pakialam kung umabot man sa kaniya ang mga sinabi ko. F*ck you siya!" galit kong bulalas.
"Linda!"
Inilinga-linga ni Nena sa paligid ang kaniyang ulo saka naiiling na hinarap ako.
"Maghunos-dili ka Linda, lalo na sa iyong pananalita. Hindi mainam na paiiralin natin ang ating emosyon. Pakaisipin mong mabuti ang bawat salitang bibitiwan mo dahil mahirap nang mabawi ang anumang sakit na malikha niyon. Alam kong masama ang loob mo, pero isipin mo rin sana ang iyong pagkakamali," mahabang litanya ni Nena.
"Pasensiya na!" hinging paumanhin ko sa kaniya.
“Palagay ko hindi ka dapat sa’kin humingi ng dispensa,” makahulugang wika nito.
"Anong ibig mong sabihin?" kunot-noong tanong ko sa kaniya.
"Alam mo ang ibig kong sabihin, Linda," nakangiting sagot naman niya sa’kin.
Nanlaki ang mga mata ko nang maisip ang nais ipagawa sa’kin ni Nena.
“Ayoko!” mabilis kong tanggi.
“Mamili ka, Linda...” Bumuga pa muna ng buntonghininga si Nena saka sinalubong ang mga titig ko sa kaniya. “Si Sir Carlo lang ang bully na haharapin mo o lahat ng mga kaklase natin?”
Inginuso pa niya sa’kin ang mukha ng mga kaklase naming pawang mga nakasimangot na, dulot marahil ng utos nang ipinasasagawang seatwork.