Chapter 1
Malakas na tilian ng mga tagahanga ko ang sumalubong sa akin nang bumaba ako ng sasakyan.
“Carlo!!!” kinikilig nilang hiyaw sa aking pangalan.
Matamis na ngumiti ako sa kanila at saka kumaway bilang ganti sa mainit nilang pagsalubong.
Parte ng kasikatan ko ang pagkakaroon ng mga tagahanga dahil isa ako sa sikat na modelo ng bansa.
“Ang gwapo talaga niya!” hiyaw pa ng isang tagahanga ko na halos ‘di na magkamayaw sa pagtanaw sa akin.
Sa umpisa’y ayaw akong pahintulutan ni Daddy na pasukin ang mundo ng pagmomodelo dahil hindi raw ito ang nararapat kong kaharapin, ngunit wala siyang magawa nang pasukin naman ito ni Simona.
At dahil nga kakambal ko si Simona, ‘di maaaring hindi kami magsama na dalawa sa iisang career. Tandem kami lagi!
Gustuhin man magalit noon sa amin ni Daddy, wala naman siyang magawa laban kay Mommy. Ayaw niyang mapalabas ng kanilang kwarto dahil tiyak niyang bibilang pa siya ng ilang buwan bago muling makabalik doon.
“Boss, we need to go!” untag sa‘kin ni Limuel, ang personal assistant ko.
“I love you, Carlo!!!” impit na tili ng mga tagahanga ko.
Normal na lang para sa akin ang mga ganitong kataga. Nagpalipad ako ng halik sa hangin para sa mga tagahanga ko dahilan para lalo silang magtilihan ng malakas.
Kumaway pa muna ako sa kanila bago ako tuluyang tumalikod palayo. Naiiling akong pumasok sa loob ng gusali kung saan gaganapin ang photoshoot para sa men's apparel na imomodelo ko.
“Carlo! Honey!” malambing na salubong sa akin ni Mama Joy. “Your here!”
Lumapit ako sa kaniya upang dampian siya ng halik sa pisngi.
“Are you ready?” tanong pa sa akin ni Mama Joy.
“Yes, Mama Joy!” tugon ko naman.
Itinango-tango ko pa ang ulo bilang pagtugon sabay senyas ko kay Limuel na tawagin na ang make-up artist upang mag-asikaso sa aking mukha.
Agad namang tumalima si Limuel at saka tumalikod upang tawagin ang make-up artist.
Matapos ang ilang minutong pagpapahid ng kolerete sa aking mukha, tinawag na ako ni Dan para pumwesto sa harapan ng camera.
“One... Two... Three... Pose!” malakas na sabi ni Dan na siyang photographer.
Ilang pose pa ang ginawa ko kasabay nang pagkuha niya ng mga larawan sa ‘kin. Maya-maya’y inutusan niya na akong hubarin ang pang-itaas kong damit upang ipakita ang maskulado kong pangangatawan.
Muli akong nag-pose sa harapan ng camera sabay click niyon.
“Nice pose, Carlo! You did a great job!” puri sa ‘kin ni Dan.
“Thanks, Dan!”
Inabot ko ang tuwalyang iniabot sa akin ni Limuel at saka ipinunas iyon sa namamasa kong katawan dulot ng munting pawis.
Bilang isang modelo, kinakailangan kong pangalagaan ang pigura ng aking pangangatawan dahil iyon ang puhunang ginagamit ko sa industriyang ito.
“Boss, you have forty five minutes left before your class start.”
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig na sinabi ni Limuel.
“What?! Hindi ba’t sinabihan na kita Limuel na huwag mo akong bibigyan ng schedule sa Losyl Academy oras na may naka-schedule akong ibang trabaho sa labas?” asik ko sa personal assistant ko.
“I know, Boss! But your mom called and said, you need to substitute her class,” pagdadahilan naman sa akin nito.
“Wala bang ibang guro na pwedeng ipalit si Mom bukod sa akin?” patanong kong maktol sa aking personal assistant.
“Boss, hindi ko naman pwedeng itanong iyan sa mommy mo,” kakamot-kamot sa ulong dahilan ni Limuel.
Napabuntonghininga na lamang ako sa narinig na dahilan nito.
“Masama ba ang pakiramdam ni Mommy?” muli kong tanong kay Limuel na sinagot niya lamang nang pagkikibit-balikat.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo upang kuhanin ang hinubad kong polo at saka muli iyong isinuot.
Matapos magpaalam kay Mama Joy, umalis na kami roon ni Limuel upang magtungo naman sa Losyl Academy. Ang eskwelahang pag-aari ng aming pamilya.
Bukod sa pagiging modelo, isa rin akong part time professor sa kolehiyo. Philosophy ang subject na itinuturo ko at sophomore students naman ang mga tinuturuan ko.
Kapalit ng pabor nina Mommy at Daddy na maging modelo kami ni Simona, kailangan naming makapagtapos sa kursong education.
Kaya naman grumadweyt kami sa kursong iyon at nakapasa pa sa LET.
Kahit namamayagpag ang career namin ni Simona sa industriya ng modeling, binigyan pa rin kami nina Mommy at Daddy ng slot sa Losyl Academy upang makapagturo.
Kahit na sobrang hectic ng schedule namin ni Simona, required pa rin kaming sumunod sa rules ng aming mga magulang.
Nang una’y ayaw ko pa nga sanang magturo dahil napilitan lang naman talaga akong tapusin ang kursong iyon.
Pero kalauna’y nagustuhan ko na rin ang pagtuturo dahil sa adbokasiyang gusto kong iparating sa mga kabataan.
Nakikita ko kasi ang kakulangan sa kaalaman ng mga kabataan tungkol sa pilosopiya ng buhay at kung ba’t sila madalas na naliligaw ng landas.
Bukod sa pagiging modelo bigla akong nagkaroon nang pagnanais na maging mabuting ehemplo sa lahat ng mga tao lalong-lalo na sa mga kabataan.
Masasabi kong mapalad kaming magkakapatid kina Mommy at Daddy, dahil kahit sobrang strikto nila sa amin, nagawa pa rin nila kaming magabayan ng tama.
Pinagmasdan ko ang paligid ng Losyl Academy nang tuluyang makapasok na ang sasakyan sa loob.
Maraming estudyante ang nagkalat mula sa elementary level hanggang sa kolehiyo.
“Boss ang sabi ng mommy mo, junior students daw ang tuturuan mo ngayon. Pumunta ka na lang daw sa silid-aralan kung saan siya nagtuturo.”
Naitampal ko ang isang palad sa aking noo dulot ng kunsimisyong hinaharap.
Alam ni Mommy na ayokong magturo sa mga junior student dahil puro mga pasaway lang ang mga ‘to at madalas na natutulala pa sa akin lalo’t alam nilang isa akong modelo.
Isang marahas na pagbuga ng hangin ang aking ginawa at walang kibo kong kinuha ang polo na nakahanger sa tabi ni Limuel upang ipalit sa suot kong damit.
Matapos ayusin ang sarili ko, bumaba na ako ng sasakyan saka humakbang patungo sa silid-aralan ng aking ina.
Natanawan ko ang mga kabataan na nagkakagulo na animo'y nakakita ng artista na kanilang dinudumog.
Hinubad ko ang suot na sunglasses at mabilis na humakbang palapit sa mga kabataang iyon upang sawayin sana sila.
Isang hakbang na lamang ang layo ko mula sa mga kabataang nagkakagulo nang mamataan ko ang namumukod tanging babae na tahimik na nakatitig sa kanila.
“Ang ganda niya!” puno ng paghangang sambit ko sa sarili.
Tunay na kaakit-akit ang babae at higit ang kagandahan niyang taglay kumpara sa mga modelong nakilala ko na.
Dulot ng kung anumang kinukuyog ng mga kabataan, naitulak nila ang tahimik na babae dahilan para babagsak siya sa may sahig.
Mabilis akong tumakbo patungo sa kinaroroonan ng babae upang maagap na saluhin ang katawan nito.
Tinitigan ko ang maamong mukha ng babae na animo’y isang anghel mula sa kalangitan na ipinababa rito sa lupa.
“Baby!”
Dahan-dahang nabaling ang tingin ko sa taong nagsalita at gano’n na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang makilala ito.
“S-Seb? Sebastian Dela Cruz?” hindi makapaniwalang tanong ko bilang pagkumpirma.
“Salamat sa pagsalo sa asawa ko. Maaari mo na siyang bitiwan,” seryosong wika nito bilang tugon sa aking katanungan.
“A-asawa?” kunot-noong tanong ko sabay baling ulit ng tingin sa babaeng umagaw ng aking pansin.
“Salamat...” malamyos ang tinig nitong sambit ng pasasalamat.
Tumayo ang babae mula sa mga bisig ko na maagap namang sinalo ni Seb.
“Hindi ba’t tapos ka ng mag-aral? Ano’t narito kang muli sa Losyl Academy?” naguguluhang tanong ko kay Seb.
Batchmate kami nito at pareho kami ng kursong kinukuha noon. Madalas na kakumpitensya ko siya sa lahat dahil sa taglay naming talino at itsura.
Naghiwalay lamang ang landas namin mula ng seryosohin ko ang pagiging modelo.
“Pareho kaming mag-aaral dito ng asawa ko,” tugon sa akin ni Seb na ‘di ko halos mapaniwalaan.
“N-nag-asawa ka na pala.” Hindi ko alam kung ba’t ako nakadarama ng kalungkutan sa kaisipang asawa niya ang magandang dilag na bumihag ng aking pansin.
May kung anong panghihinayang at lumbay akong nadama sa aking kalooban.