"Claire…" Napalingon ako sa kaliwang bahagi nang marinig ko 'yon. Nagulat ako nang makita ko si Paul na nasandal sa may gate namin. Sa tingin ko, mukhang kanina pa siya naghihintay sa akin na makalabas ng bahay upang pumasok sa school. "Paul?" tanong ko matapos kong maisara at mai-lock ang gate namin. Walang pasok kahapon dahil sa malakas na bagyo nang wala man lang talaga akong kamalay-malay. Magmula din na makatulog ako na katabi si JD at magising na wala siya ay hindi ko pa siya nakita. Mabuti nga ay hindi siya bumalik kahapon pati kagabi dahil tiyak, aalpas na naman ang dugo ko sa kanya. Natahimik ako saglit kahit papano. Pero si Paul ay dinidedma ko pa rin siya kahapon kaya siguro inaabangan niya ako ngayon. "Anong ginagawa mo dito? K-kanina ka pa ba?" malamig kong tanong ulit.

